Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, wala na nga pala 'kong pera.
Mabilis akong naglakad patungo sa bughaw na sasakyan ko. 'Di ko ininda ang pabugso-bugsong ulan at bulong ng mahapding hangin. Bumubulwak ang tubig mula sa kanal at magiting na dinadaan ang palusong na kalsada papunta sa gusali.
Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, at natuklasang wala ang susi ng kotse.
Matagal-tagal na rin akong nag-aaral sa lumang gusali ng Biology sa UP. Pangatlong taon ko na. Sa wakas, magtatapos din ako.
At saka mag-aaral ng medisina.
Unang girlfriend ko si Kaye, at napakahaba ng aming kwento. Nagkakilala kami noong bakasyon sa pagitan ng aking ikalawa at ikatlong taon sa mataas na paaralan. Hindi siya ang una kong babaeng nagustuhan.
Pero siya ang una kong minahal.
Nagsimula ang lahat sa aming pagiging magkaibigan, at nang lumaon, nahulog ako para sa kanya.
Alam kong mali yun, kasi may gusto siyang iba at may napupusuan din ako noon.
Pero binago niya ang lahat. Naging matalik kaming magkaibigan, hanggang sa ayun, nagkaaminan.
Walang nag-akalang magiging kami.
Nilaliman kong muli ang hawak sa bulsa. At saka pumanhik sa gusali, papunta sa aking silid.
Natagpuan ang susi ng kotse, sira, putol, puro gasgas at tila nabagsakan ng mabigat na bagay.
Badtrip, sabi ko.
Magko-commute ba na naman ako?
'Di nagtagal, nakaisip ako ng paraan.
Pinapunta ko si Kaye, total, may kotse naman siya.
Dumating si Kaye sa silid nang may malaking ngiti, isang ngiting tagumpay sa volleyball.
Bakas pa sa kanyang mga braso ang bakat ng tama ng bola ng volleyball. Namumula, pagod na pagod.
'Yun ang huling alaala ko.
Sabi ng doktor, nag-shutdown daw ang utak ko buhat ng matinding pagod, at nagkaroon ako ng amnesia.
Ayon sa kalendaryong iniabot sa'kin, humigit-kumulang 30 taong gulang na ako.
Wala akong ibang maalala kundi ang alala sa gusali ng Biochemistry.
Nilaliman ko ang hawak sa bulsa. Hinimas ko nang todo ang lalagyan, hinipo ang bawat sulok ng aking bulsa. Nakapa ko ang isang pirasong papel.
Dear Lorry,
Mahal kita.
Pero may mahal na 'kong iba.
Yun lang? Yun lang ba? Tapos na?
May nagawa ba 'kong masama?
Tiningnan ko ang aking mga braso.
Bakas pa rito ang mga bakat ng kutsilyo, namumula, puro peklat.
Sabi ng doktor, may suicidal tendencies daw ako. Aba pakialam niya!
Pumasok si Kaye sa aking kuwarto sa ospital. Hawak niya ang braso ng isang lalaki.
Doon ko lang napansin ang kuwarto ng aking tinutuluyan.
Puno ng sulat ang mga pader. Puno rin ng mga nagsasanay na nars at doktor, at pilit na iniintindi ang reklamo ng mga pasyenteng nakadungaw sa nakaidlip nilang kalawakan.
Hindi ko na kaya.
Ganoon na lang ba ang halaga ko kay Kaye, na ganun niya ako papalitan?
Kinuha ko ang bolpeng nakatengga sa mesang malapit sakin. 'Di ko na pinansin ang kirot ng IV at mga kung anu-ano pang nakasuksok na gamot saking sumusubok na pagalingin ang mas lalong sumasakit, kumikirot na kalagayan.
Isang 'di magamot na sakit ng damdamin, isang kirot na bumubulwak mula sa kanal na pinagdadaluyan ng aking pagmamahal.
Pagmamahal para sa babaeng nakita kong hawak ang braso ng isang lalaking 'di man lang ipinakilala sakin para man lang mapawi ang uhaw ko para mapasaya si Kaye.
Tinutok ko ang bolpen sa aking sarili.
Pinagsasaksak ko ang sar-