Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
ESP May 2015
Hindi ako marunong tumula

Hindi ako marunong tumula
Kahit tinuruan ako ng **** ko sa wika
Ng tamang pagsulat
Ng may tamang sukat
Ng may tamang sukat ng salita
Ng may tamang salita

Hindi ako marunong tumula
Dahil iniwasan kong gumawa ng isa
Dahil ayoko ng konbensyunal
Dahil ayoko ng sukat-sukat
Dahil ayoko ng bilang-bilang
Dahil ayokong nahihirapan
Kung paano ko ipapahayag ang sarili ko

Hindi ako marunong tumula
Dahil alam kong ang mga makata lamang
Ang may kakayanang makapagsulat
Silang mga nakapag-aral ng wika
Silang mga matagal nang nagsusulat
Silang walang sawang nagsusulat ng mga salitang
Kasing bango ng mga bulaklak
Kasing tingkad ng langit
Kasing linaw ng mga tubig sa dagat
Kasing sarap ng paglanghap ng sariwang hangin

Hindi ako marunong tumula
Kahit naririnig ko sa radyo
Ang mga kantang binibigkas
Ng mabibilis na mga bibig
Ng mga magagaling na mang-aawit ng tula

Hindi ko inibig ang tumula
Dahil alam ko sa aking sarili
Na marunong lang akong magsulat ng kung anu-anong kwento sa buhay
Mga kwentong binibigyan ko ng buhay
Na akala ko sa isip ko lang maninirahan

Ngunit dumating ang araw
Natulala sa isang bagong kwaderno
Blangkong kwaderno
Ni hindi ko alam
Kung ano ang isusulat
Walang maisip ni isa
Maliban sa isa
Ikaw
Ikaw lang ang laman ng isip ko

Nakapaglakbay patungo sa unang pahina
Ang salitang aking hinahanap
Hanggang sa nagtawag siya ng mga kasama
Ng ka-tropa
Ng ka-barangay
Sunod-sunod silang nagsisidatingan

Ikaw lang ang laman ng isip ko
Ikaw na lagi kong kasa-kasama
Ikaw na lagi kong gustong kasama
Ikaw lang
Pero sunod-sunod ang salitang naisulat ko
At nagulat ang nanlalabong mata ko
Tula na pala ang naisulat ko

At nagsulat ako
Nang nagsulat tungkol sa mga ngiti mo
Tungkol sa kung paano kita nagustuhan
Tungkol sa kung kelan lahat nagsimula lahat ng nararamdaman ko
Tungkol sa kung paano ko nilalabanan 'to
Tungkol sa pagkagusto na akala ko hindi dapat
Dahil magkaiba tayo ng gusto
Nagsulat ako nang nagsulat
Hanggang naisulat ko na pala
Na mahal kita

Hindi ako marunong tumula
Ayaw kong gumawa noon ng tula
Pero dahil sa'yo
Marunong na akong gumawa ng tula

Gumawa ako ng maraming tula
May maikli
May mahaba
May hindi tapos
May walang kwenta lang
Halos lahat ay patungkol sa iyo
Minsan sa buhay ko
Pero sa'yo lang umiikot ang buhay ko
Totoo

Ang sarap palang gumawa ng tula
Akala ko mahirap
Akala ko laging may batayan
Akala ko laging may sukat
Tulad ng itinuro sa akin ng **** ko sa wika
Pero hindi pala
May iba palang paraan
Basta't may emosyon kang nararamdaman
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Malungkot kasi hindi kita nakasama
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Masaya kahit na tinititigan lang kita nakikita ko na mangiyak-ngiyak ka na sa tawa
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Pagkasawi kasi alam kong walang patutunguhan 'tong lahat

Katulad mo ako
Isinusulat mo kung anong nararamdaman mo
Ang nararamdaman **** hindi katulad ng nararamdaman ko
Ikaw na siyang nagmamahal ng taong
Hindi ka gusto
Katulad mo ako na
Nagsusulat ng laman ng puso mo

Kung pwedeng ako na lang na ang tinutukoy mo

Marunong akong gumawa ng tula
Ikaw ang may dahilan ng lahat
Nasabi ko na sa'yo lahat
Hindi pa pala lahat

Marunong akong gumawa ng tula
Pero hirap na hirap ako ngayon
Dahil wala na akong maramdaman
Wala na ang pinanghuhugutan
Wala na yatang dapat paglaanan
Wala na

Habang isinisulat ko ito
Wala akong emosyon
Walang emosyong nararamdaman
Sa'yo
Tapos na ata ako sa'yo
Wala na rin akong masulat para sa'yo
Pero marunong akong magsulat ng tula
Kaya
Maghahanap na lang ulit ako
Ng taong paglalaan ng mga salitang
Hindi makatotohanan sa pangdinig kapag isinambit
Hindi makatototohan habang binabasa ng mga mata
At hindi makatotohanang isinulat ng isang hamak na katulad ko
Maghahanap ako
Ng isang tulad mo

Mahaba-haba na ang aking naisulat
Napatunayan ko na atang marunong akong magsulat


Pero hindi ako marunong tumula.
Jo Organiza Apr 2020
Nakadungog ka na ba?
Sa hinagubtob na nagpitik sa akong dughan?
Nga kanunay nagahatag ug blangkong tinutokan
nga nag laruy-laroy dapit sa imong dunggan?
Balak nga muhitungod sa gugma.
Balak - A Bisaya Poem.
013017

Hindi ako humihingi ng bago sayo
Pero inabutan mo ako ng blangkong papel
Siguro nga, siguro nga wala kang sinabing magsulat ako
Pero heto ako't isinasatitik pa rin ang bawat tulang naging misteryo sa puso ko.

Hindi ako humingi ng espayo sayo
Pero binigyan mo ako ng patlang --
Mga patlang na hanggang ngayo'y walang sagot
Mga patlang na hindi ko alam kung laan ba sakin
O sinadyang ipadaan lamang sa mga kamay ko
Para lang may maisulat ako ngayon.

Hindi nawalan ng tinta ang panulat ko
Pero tila naubusan ito ng dahilan para magsulat sa mas marami pag mga pahina --
Mga pahinang hindi ko alam kung pinunit mo na rin ba
Hindi ko alam kung ginusot mo na ba
O baka naman ipinadaan mo na sa apoy
At oo, natupok na ang lahat
Pero sariwa pa rin sa akin ang bawat linya ng talata
Siguro nga, siguro nga hindi ko kabisado
Sa kung papaano ako nagsimula
O paano ako nagtapos sa piyesang iyon
Pero ang alam ko -- ayoko na.

Ayoko na -- ayoko nang bumalik sa umpisa
At halukayin na naman ang nakaraan
Yung katulad ng dating magmumukmok ako sa sulok
Sasabay ang luha sa pagpatak ng ulan
Sasabay ang takot sa kulog
Sasabay ang galit sa kidlat
At wala -- wala na naman ako.

Ngayon, naisip kong sa dulo magsimula --
Sa dulo kung saan ay bago na ang lahat
Oo, hindi naman nabubura ang sakit
Pero kaya itong lagpasan
Malalagpasan kasi pinalipas na ang panahon
At hinilom na ang lahat --
Oo, napatawad na kita.

Sabi nila, nasaktan na raw ako ng sobra
Wag ko na raw balikan kasi nga baka di ko na kayanin
Tama na raw, kasi nakakaawa na raw ako
Ano raw bang meron sayo na minahal kita
May mas magmamahal pa raw sa akin
Mapapagod lang daw ako
Sasaktan mo lang daw ako.

Pero alam mo, iba ang sabi Niya --
Na patawarin kita
Na binura Niya na ang lahat ng sakit sa puso ko
Na wag akong magtanim ng sama ng loob
Na pinalaya Niya na ako
Na higit na magtiwala ako sa Kanya
Na muli akong magtiwala sayo
Na wag akong matakot magmahal muli
Na wag akong matakot masaktan
Na lagi kitang ipanalangin.

Sa totoo lang, hindi ko alam
Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng dahilan
Kasi pag tinanong mo ako kung ba't kitang mahal,
Wala akong masasagot sayo --
Basta, basta mahal kita
At mas mahal ko Siya --
Doon Niya tayo ipinagbuklod ng pag-ibig Niya.
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
030217

Nakulob na ata ako
Anong silbi ng mga patlang at espasyo?
Nagagalit tayo sa tono ng pangungusap
Ngunit kung may kuwit nama'y
Magtataka tayo bakit may paghinto --
Baka kasunod na'y pagkitil ng talata.

Hindi natin alam ang takbo --
Kung saan hihinto ang nasimulan na.
Pero nakikipagsabayan pa rin tayo.
Hindi natin alam ang takbo
Eh baka naman kinaligtaan lang talaga
Tapos, nakaalis na pala
Tapos, tapos na pala.

Bibigyan kita ng blangkong papel
Di para dungisan mo ng tinta
Di para guhitan mo ng sari't saring parirala
Hayaan **** magkusa ito
Na parang pagpipinta sa napakalawak na pader
Na parang wala kang nais gawin
Kundi maging isang malayang sining at katha.

Hindi sya makasarili
Pero mabubuhay siya nang kanya.
Tungkol saan kaya ang isusulat ko?
Dito sa papel at lapis na hawak ko?
Tungkol kaya ‘to sa kapaligiran ko?
O sa nararamdama’t karanasan ko?
Ngayon, nananatiling blangko si papel
Nakasulat palang itong si letrang “L”
Hayy ‘di pa naman tumutunog ‘tong si “bell”
Kaya gagamitin nalang muna si “cel”
At lumipas ang mahigit isang oras
Napansin ko, ako’y nagsayang ng oras!
Hayy nakoo! Bakit  dito  bilis mo oras?!
‘lam mo nang ayokong tumayo sa labas.
Nakoo ‘yan na si teacher [insert pangalan]!
Ay! Itago! Itago si “cel” bilisan!
Ibalik si papel! ‘tong lapis tasahan!
Para ‘di guilty mukha, boses lakasan!
Ay teka’ ba’t si teacher’  dito ang *****?
Parang umaapoy kanyang mga mata
Biglang kinabahan na parang ‘sang bata,
Hayy nakoo! Ako ata’y lagot nanaman!
Nahugot agad si “cel” sa pagalapit niya
At inilagay niya sa drawer ng mesa niya
Itong aking nararamdaman, ‘di kaya
Pawang nan’liliit’ sa labis na hiya.
Kaya kasama ulit si blangkong papel
Kasama narin ‘tong si tanging letra “L”
Ngunit ngayo’y ang lungkot’ wala na si “cel”
At saktong tumunog itong si lokong “bell”.
dedicated to all my fellow Filipinos here in Hellopoetry!

My first and only poem written in my native language.

From 3 years ago.

(07 – 25 – 2013)
Random Guy Jan 2020
ang hirap mamatayan
ng sigla mula sa dating kinahiligan
pagkanta, pagsusulat
at iba pa
at mas mahirap
bumuhay ng namamatay na sigla
dahil ang oras ay limitado
kahati ang responsibilidad sa mundo
at ang dating nagniningas ay humihina na
lalong hindi naging mas madali
gumawa ng orihinal
na bumabase sa gusto ng lipunan
o tumatalima sa kasalukuyan
o bumabagay sa kapaligiran
nawa sa mga taong nakukulangan ng apoy
ay bumuhos ang mala-gasolinang inspirasyon
at matapos na ang mga kanta
mga kwento, liriko
pagpinta
at mga blangkong espasyo
na nag-aasam ng yakap
mula sa mga letra, kulay, linya
at kung ano pa mang ekspresyon na galing sayo
dahil ang matapos ang mga ito
ay hindi mo inutang sa mga taong mapangmata
nandiskrimina at nanghusga
ito'y para mabuo ka
muli
www.soundcloud.com/wildepick
www.wattpad.com/user/wildepick
demn Sep 2020
KU
MU
HA,
Ang aking kamay ng blangkong papel,
Ngunit ano nga ba ang nararapat isulat?
Tungkol sa'yo nalang nga ba ang lahat?
Kailan kaya ang panahon na ako ay makakamulat?

GU
MA
LAW,
Ang aking mga kamay,
Ngunit ikaw pa din ang nasa isip,
Tila na naman ako gising na nananaginip,
Naway magising na ako sa aking pagkakaidlip.

DU
MI
KIT,
Na ang tinta sa papel,
Ngunit ang tula'y tungkol na naman sa iyo,
Kailan ko kaya maihihinto,
Ang oras na kung saan ikaw sa isip ko'y tumatakbo.

HU
MIN
TO,
Ang aking kamay sa pagsusulat,
Naliwanagan na nga ba ako?
Oh isa na namang imahinasyong nabuo?
Naway hindi sana ito magkatotoo.

MU
LI,
Na namang gumalaw ang aking kamay,
Ngunit ako na naman ay mali!
Kulang pa ba ang lahat at hindi mo maisukli?
Bakit napakahirap hanapin ng iyong kiliti?

TUL
DOK,
Na ang aking naisulat,
Nagtatapos na nga ba ang lahat?
Nawa'y mapapawi na ang sugat,
At ito na nga ang huling hudyat.
Elly Apr 2020
'Yung mga blangkong pahina na unti-unting nauubos dahil sa derederetsong pagsusulat na para bang inuubos lahat ng mga nararamdaman na umaapaw at tanging pagsusulat lang ang tanging takbuhan, ang nag-iisang tahanan sa tuwing ang hirap na kayanin nang lahat. Sa tuwing nauubos ka na ng mundo at kung minsan ay pinupuno ka naman. Sana patuloy ka lang magsulat, patuloy lang ang apoy na mainit na nagtutulak sa'yo na magsulat lang nang magsulat. Na isulat lang lahat ng maaari **** maisip at maramdaman. Isa itong biyaya, isa kang biyaya. Boses ka ng puso **** hindi makapag salita. Boses ka ng mga tao na hindi maipaliwanag ang bawat nadarama sa bawat sitwasyon na hinarahap. Naniniwala ako sa'yo at sa kakahayan mo. Magpatuloy ka lang.
Taltoy May 2020
damdaming 'di maipinta,
'di mailarawan sa isang blangkong lona,
samu't-saring emosyon,
walang katumbas na reaksyon.

pabalat ay natumbok na,
heto, magtatapos na,
ang tayong dalawa,
ang binuo nating istorya.

sa kabila ng lahat ako'y masaya,
lalo na sa mga mapapait na alaala,
dahil sa mga aral na napulot mula sa kanila,
isang yamang sa aki'y walang makakakuha.

sana'y mahanap mo ang iyong kasiyahan,
ang sayo'y magmamahal hanggang katapusan,
dahil kahit wala na tayong dalawa,
minamahal pa rin kita.
kung tayo talaga sa huli, tayo talaga

— The End —