'Wag kang mag-alala,
'Pag nilangaw na ang
bahagharing tuyot na
at wala nang sigla,
Lilipad ang mga paru-parong
matagal nang nagtago
sa aking sikmura,
Noong mga panahong
pinaghalong saya at kaba pa
ang nararamdaman ko
'pag kasama kita...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala,
'Pag napagod na ang
dagat sa pag-alon
at pagsayaw ng mahinahon,
Patutulugin siya pansamantala
ng mga minahal at
pinagkatagu-tago kong mga ibon
Na nagkubli sa tinig mo
habang inakala kong
hindi lilipasin ng panahon...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala,
'Pag tinamad nang umawit
ang hangin para sa
iningatang puso,
Bababa ang mga tala
na inipon nang
matagal at itinago,
Upang alisin ang lamig ng gabi
na noo'y nasa mga bisig mo
at inakalang 'di magbabago...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala,
'Pag nakalimutan nang
ngumiti ng araw
dahil sa inis,
Yayakapin siya ng buwan
kahit pa ang kapalit
ay masunog siya nang labis,
Pipigain ang huling patak
na luha mula sa mga matang
tinirahan na ng hinagpis...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita
kahit sa huling dugong
dadaloy sa ugat ng puso
kong sirang-sirang na...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita
kahit sa huling hanging
aagpas sa aking bibig
na pagod nang sumigaw...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita, Mahal...