Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
May 2015
'Wag kang mag-alala,
'Pag nilangaw na ang
     bahagharing tuyot na
     at wala nang sigla,
Lilipad ang mga paru-parong
     matagal nang nagtago
     sa aking sikmura,
Noong mga panahong
     pinaghalong saya at kaba pa
     ang nararamdaman ko
     'pag kasama kita...
'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag napagod na ang
     dagat sa pag-alon
     at pagsayaw ng mahinahon,
Patutulugin siya pansamantala
     ng mga minahal at
     pinagkatagu-tago kong mga ibon
Na nagkubli sa tinig mo
     habang inakala kong
     hindi lilipasin ng panahon...
'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag tinamad nang umawit
     ang hangin para sa
     iningatang puso,
Bababa ang mga tala
     na inipon nang
     matagal at itinago,
Upang alisin ang lamig ng gabi
     na noo'y nasa mga bisig mo
     at inakalang 'di magbabago...
'Wag kang mag-alala,
    mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag nakalimutan nang
     ngumiti ng araw
     dahil sa inis,
Yayakapin siya ng buwan
     kahit pa ang kapalit
     ay masunog siya nang labis,
Pipigain ang huling patak
     na luha mula sa mga matang
     tinirahan na ng hinagpis...

'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita
     kahit sa huling dugong
     dadaloy sa ugat ng puso
     kong sirang-sirang na...

'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita
     kahit sa huling hanging
     aagpas sa aking bibig
     na pagod nang sumigaw...

'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita, Mahal...
Peter Simon
Written by
Peter Simon
3.9k
   mercy stephens and Pax
Please log in to view and add comments on poems