Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Mauubos na naman ang mga pahina ng kalendaryo,
Sabay-sabay nating pupunitin
Kalakip ang bawat pangakong
Akala nating matutupad sa kasalukuyan.


Gayunpaman, ang lahat ng ating tinatamasa’y
Tunay ngang may iisang Tagapagbigay ng Biyaya..
Mag-iba man ang anyo ng Kanyang pag-ibig,
Mag-iba man ang ihip ng hangin,
Maging mitsa man ang mga delubyo
Ng saklolo sa pawang dalampasigan at kabundukan,
Ay Hindi pa rin titigil ang ating pagsamba.

Naubos na ang mga taong nagsasabit ng parol
Sa kani-kanilang tahana’y
Patuloy pa rin ang ating pananampalatayang
Matatamasa natin ang mga pangako Niyang
Gaya ng mga bituing
Pahiwatig Nya Kay Abraham.

Ang bahaghari na naging simbolo ng iba’y
May iisa pa ring pangakong ibinabandera
Sa mga totoong may pananampalataya.
Tayo'y nagpapalit-anyo
Sa bawat pagsipat ng mga pagsubok,
Sa bawat pagsirit ng mga tanikalang
Akala ng dilim ay tutupok sa ating mga lampara
Habang tayo’y naghihintay —
Naghihintay sa pagbabalik ng ating Hari
Na Siya ring kabiyak ng ating kabuuan.

Sa bawat araw na lumipas at lilipas pa’y
Wag nating kalimutang
Ito ang taong tayo’y nagpatuloy
Sa ating pakikibaka sa kadiliman.
At tayo’y patuloy na bumangon
Sa kabila ng mga nakatatalisod
Na paghuhukom ng mundo.
100921

Ilang beses pa ba tayong magpapaliguy-ligoy?
Pagkat sa pagitan ng paghahasik ng dilim
At sa pagsilang ng araw ay doon tayo magsisipag-sulpotan?

Hindi ba tayo mapapagod?
At hanggang kailan ba natin ito kayang ipagpatuloy?
Ganitong estado ng pamumuhay rin ba
Ang nais nating ipagmalaki't ipasa sa ating mga anak?

Pandemya nga lang ba?
O kahit hindi naman gipit
Ay ito na ang pamamaraan natin?
Kaninang madaling araw, may pumasok sa aming bakuran. Malakas ang buhos ng ulan kaya hindi ata namin namalayan. Wala man kayong nakuha ngayon, sana dumating kayo sa puntong hindi na maging madilim ang inyong mga paningin. Sana hindi mangyari sa inyo ang mga bagay na inyong kinasanayang gawin. Sana matuto rin kayong maging patas sa kabila ng hindi pagiging patas ng panahon. At tandan n'yo, hindi lang kayo ang hirap sa buhay.
100521

Humihikab na naman ang kalawakan,
Natutulog ang mga bituing
Patay-sindi kung magparamdam.
At ang bagong-gising na buwan ay sumisigaw
Na parang mga pinag-samasamang alikabok
At syang isinaboy sa garapon ng buhay.

Kusang nagtutuklapan ang mga nakahilerang pader
Na pinino na parang mga buhangin sa dalampasigan.
Habang paisa-isang nagbabato ng galit
Ang mitikolosong likido na tumataboy
Sa mga ekstranghero ng sanlibutan.

Nagsisimula na ring gumapang ang pananim
Na ang binhi'y hiningahan ng kariktan.
At sa malalambot na mga ulap
Ay magtatapat ito ng kanyang paghanga.

Hinahawi na parang mga bagong pitas na rosas sa hardin
Ang bawat bungang muling ihahasik sa pagsapit ng dilim.
At sa ikalawang pagbangon ng binhing pinagmulan ng lahat
Ay masasaksihan ng bawat nilalang
Ang sinasabi nitong liwanag na bubulag sa lahat.
100121

You are more than a billion lights
You shine the brightest among the rest,
Your light overcomes the darkness
And no darkness can ever halt Your existence.

You are the Light from the beginning
And 'til the end of death,
‘Til the end of times
And the latter unfolding of Your glory,
It is Your light that will remain.
John 1:1-5 (NIV)
In the beginning was the Word, and the Word was with God, and the Word was God.  He was with God in the beginning.  Through him all things were made; without him nothing was made that has been made.  In him was life, and that life was the light of all mankind.  The light shines in the darkness, and the darkness has not overcome it.
100121

Parang ang lahat ng ilaw ay may kakumpitensya.
Habang ang lahat ng nagliliwanag
At kumikinang sa gabing mahiwaga’y
Nagtatagisan kung sino ba ang pinaka-nakasisilaw –
Kung sino ang pinakamaganda.

Ni isa sa kanila'y ayaw matabunan,
Ni ayaw nilang sila'y mahigitan
Kaya naman maging sa kanilang pagtulog,
Ay dinadalaw pa rin sila ng kani-kanilang kagustuhan.

Ni hindi makahimbing ang mga alitaptap
Na nagpapalamon sa nanunuksong alab.
At tila ba walang katapusan ang paglikha
Pagkat sa pagsapit ng panibagong umaga'y
Iba na naman ang isasabit
At magpapakitang gilas ng kanyang ningning.

Ngunit ang lahat sa kanila’y
May mga aninong umaakap patungo sa dilim.
Nagtatago sa lilim ng kani-kanilang lihim,
Walang mukhang maiguhit
Kundi tanging pangalang minsang naiukit
Upang panandaliang magbigay-kulay at magbigay-buhay.

At sabay-sabay silang manghihina;
Maghihikahos na daig pa ang nanlilimos ng lakas –
Ng liwanag, ng kasiguraduhang maari pa silang bumangon.
At mahahandugan pa ng pangalawang pagkakataon.

Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos,
Ay kusang mamamatay ang kanilang mga apoy
Na minsang sinindihan ngunit niyurakan
Ng sarili nilang mga apoy.
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
083021

Lumilipas ang mga araw
Na tayo’y waring mga plumang
Nauubusan ng tinta.
At habang tumatagas
Ang huling patak sa ating mga timba’y
Ayaw pa rin nating magmadaling gumayak
At magpatangay sa mga sinag ng araw.

Sa unang mga paglisan ay nauubos pa ang ating mga luha
Ngunit sa mga sumusunod na kabanata’y
Tayo’y minamanhid ng tadhana.
Kasabay ng pag-usbong ng mga buhok na luma'y
Kumukupas ang mga larawang
Dati'y araw-araw na pinupunasan.

Ang bawat batiang noo'y nakatagas ang ngiti'y
Magiging pasalubong na may ibang palamuti.
Kaya naman ang hamon sa nalalabing panahon,
Ay ating sabayan ang agos
Habang ang lahat ay nakadilat pa.
Pag-ibig na laan at bihis sa ati'y
Maging kumikinang na diyamanteng
Sasalamin at aakap sa iba.
Next page