Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
Glen Castillo Aug 2018
Diyos

Bayan

Pamilya

Kalikasan

Kapwa

Sining

Sinta

Sarili


­

© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Wretched Jun 2015
Ito na naman tayo.
Parehong sitwasyon,
ngunit ibang pangyayari.
Walang nakakaakala satin
na aabot ulit tayo dito.
Nagmahal ako ng babaeng
hindi na ko pwede mahalin muli
dahil sa mali ang panahon.
Saka na lang din naman
ako natauhan na
maling ito ang aking naging desisyon.
Siguro nga mali
na muli kitang minahal
ng mas higit pa sa aking inaakala.
Hindi naman kita masisi
kung siya talaga
ang iyong pipiliin.
Sino nga ba naman ako?
Pinili ko na lang na sabihing
mamahalin pa rin kita
kahit hindi ako mapasaiyo.
Kakayanin kong
maging masaya ka
sa piling niya.
Hahayaan kita maging masaya
habang onti onting namamatay
ang mga rosas na nais
kong ialay sa iyo.
Hahayaan kitang maging masaya
Habang sinasakal ako
Ng inyong mahihigpit na yakap.
Hahayaan kitang maging masaya
Habang nasusunog ako
Sa init ng inyong pagtitingan.
Gusto kita maging masaya
'wag mo lang sana sa'kin ipakikita.
Gusto kita maging masaya
'wag mo lang sana sa'kin ipamumukha.
Gusto kita maging masaya
pero 'wag mo sana ipaparamdam
na mas minahal mo siya.

Akala ko'y tanggap ko na ang katotohanan.
Hindi ako ang iyong tunay na mahal.
Hindi ako ang nais **** makasama.
Hindi ako. Hindi ako.
Hindi ako nanininiwala
na hanggang dito na lang ito.
Dahil umasa muli ako
Noong hinalikan kita
At sinabi ****,
"tumigil ang puso ko"
Umasa muli ako
noong tinitigan mo ko
Sabay sabing "alam ko ang gusto ko"
Na ako ang pinili **** isama
sa iyong paguwi
noong araw din na nakasama mo siya.
Sa walong beses
Na sinabi ko sayong "mahal kita"
Pakiramdam ko'y
Walong beses muli akong binuhay.
Walong beses kong narinig
ang mga anghel kasabay
ng iyong pagsasalita.
Sa bawat halik mo
na dumampi sa aking mga labi,
naramdaman ko ang iyong nasabi.
"Alam ko ang gusto ko"
Alam ko ang gusto ko,
At 'yon ay ikaw.
Habang magkadikit
ang ating katawan,
tumigil ka pansamantala.
Tinitigan ko lang
ang iyong mga mata
na tila tinatawag ako ng mga ito.
Ng bigla **** sabihin,
"Kakayanin na kaya natin ngayon?"
Wala ng ibang pumasok sa isip ko
kundi, ayoko ng palagpasin
ang pagkakataon na ito.
Kusang lumabas sa aking mga bibig
ang mga salitang,
"Kakayanin na natin ngayon.
Pipilitin natin.
Hindi kita iiwan.
Hindi na muli kita iiwan."
Alam kong ito ang gusto ko.

*June 23, 2015
11:56 am
Alam kong gagawin ko ang lahat para mabawi ko ang bawat luhang iniyak mo para sa akin. Pangako ko sa iyo na iyon na ang huling beses na ako'y iiyakan mo.
Wolff Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
It'smeAlona Jun 2018
Sa aking lupang tinubuan
Na sinakop ng mga dayuhan noon pa man
Ang una'y mga espanyol na mananakop
Dala daw nila'y kristiyanismo
Upang ipakilala sa ating mga katutubo
Ngunit ang tanging hangarin pala'y manakop at gawing kolonyanismo
Kaya ilang daan taon tayong hawak ng mga ito
Ating mga katutubo walang nagawa kundi ang sumunod at magsawalang-kibo
May ilan ding nagsisipag aklas upang makalaya
Ngunit sa kalauna'y sila'y bigo sapagkat pawang malalakas at makapangyarihan silang mga nilalang
Nariyang si Gat. Jose Rizal na kinulong at binaril sa bagong-bayan
Na tinatawag na natin ngayong (LUNETA/RIZAL PARK)
At si Gat. Andres Bonifacio na hanggang ngayo'y hindi alam kung sino ang pumatay
Ang tanging alam natin sa kanya'y siya ang "Ang Ama ng himagsikan"
Sa kabilang banda'y hindi nagpatinag ang ating mga katutubo
Nagbuo ng mga samahan upang mapag-aralan kung kailan ang tamang panahon para lumaban
Kaya nung dumating na ang tamang panahon upang sila'y magsipag-aklas
Marami ang sa kanila'y naghimaksik upang ang kalayaa'y makamtan
Kaya noong taong Hunyo labing dalawa, isang libo't walong daan, siyam na pu't walo
Nakamtan ng ating mga katutubo ang kalayaan na kanilang pinaglalaban
Sa bahay ni Hen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Kabite
Kanyang iwinagayway ang ating watawat
Sagisag ito ng ating kalayaan sa kamay ng mga mananakop na espanyol
Sa mga nakalipas na taon, tayo'y naging malaya na
Ngunit, ano ba ang kahulugan ng isang malaya?
''Ito ay ang pag-gawa sa isang partikular na bagay ng walang humahadlang o kumokontra sayo at may kakayahan kang kumilos batay sa kung ano ang iyong gusto o nais''
Oo nga't malaya kang gawin ang iyong gusto
Subalit, labag naman ito sa karapatang pantao
At nakapapanakit ka na ng kapwa mo
Marami ang sa ati'y nakakalimot na sa mga paglapastangang ginawa sa ating mga katutubo
Marapat nating pagkatandaan na ang ating kalayaa'y utang natin sa ating mga bayaning nakipaglaban
At ang kalayaa'y dapat igawad sa lahat
Magkaroon ng pantay-pantay na karapatan ang bawat nilalang
Mapa mayaman o mahirap man
Mapa babae o lalaki man
Mapa bata o matanda man
Maging tunay sanang malaya tayong mga pilipino
Hindi lamang sa salita, kundi sa isip at sa ating mga gawa.
Eugene Oct 2018
"Anak, ilang oras na lang, aakyat ka na sa entablado. Proud na proud ako sa iyo, anak" wika ng kaniyang ina habang inaayos ang suot niyang toga. Isang matamis na ngiti naman pinakawalan ng binata at niyakap nang mahigpit ang ina.

Ito na ang araw na pinakahihintay niya.

Ang araw na magtatapos na siya sa kolehiyo.

Ang araw na pinaka-pinanabikan niyang dumating sa buong buhay niya.

"Anak, mauna ka na muna roon sa unibersidad at ako ay susunod na lamang. May tatapusin lang ako rito sa ating tahanan. Hindi puwedeng hindi maganda ang iyong ina kapag akay-akay kitang nagma-martsa,"  Isang halik sa pisngi ang iginawad ng ina sa anak.

Lumipas pa ang dalawang oras, isa, at hanggang sa naging tatlumpung minuto na lamang ay hindi pa rin nakikita ng binata ang kaniyang ina. Kabadong-kabado na siya nang mga sandaling iyon.

"ROGEN! ROGEN!" sigaw ng isang tinig. Hinanap ni Rogen ang pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita niya ang kaniyang matalik na kaibigang hingal na hingal na tumatakbo patungo sa kaniya.

"Bakit tila hapong-hapo ka, Arwan?" aniya.

"Ang--ina. Ang-- iyong ina! isinugod sa ospital ang iyong ina,"  agad namang kumaripas ng takbo si Rogen, suot-suot ang togang mayroon siya upang puntahan ang pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan nang marinig ang tungkol sa ina.

Habang tinatakbo ang daan patungo ay hindi napigilan ni Rogen ang pagpatak ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nang marating ang ospital ay agad niyang pinuntahan ang information desk. Sinabi ng nars na nasa emergency room ang kaniyang pakay at hindi pa nakakalabas ang doktor.

Pinuntahan niya ang emergency room at doon ay natagpuan niya ang sariling kausap ang kaniyang amang matagal niyang hindi nakita.

"Rogen, anak," agad siyang niyakap nito. Hindi naman nakapagsalita si Rogen dahil ang puso at isipan niya ay nasa kaniyang ina.

"Anak, patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakauwi at hindi ko inasahang sa muling pagkikita namin ng iyong ina ay aatakihin siya ng kaniyang sakit sa puso," mulagat ang mga mata ni Rogen nang marinig ang salitang iyon. May sakit ang kaniyang ina at hindi niya alam? Inalalayan siya ng kaniyang ama na umupo at doon sinabi sa kaniya ang lahat.

"Anak, graduation mo ngayon. Kabilin-bilinan ng iyong ina kanina bago siya atakihin ng kaniyang sakit na kailangan **** daluhan ang pagtatapos mo. Wala man siya o nasa tabi mo man daw siya ay dapat personal **** abutin ang diploma mo at ang medalya **** apat na taong mo ring pinaghirapang makamit," patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mga mata ng kaniyang ama habang siya ay humahagulgol na. Ang medalyang iyon sana ang sorpresa niya sa kaniyang ina pero mukhang nalaman na rin niya pala ito.

"Mayroon ka na lamang sampung minuto upang bumalik sa unibersidad at kunin ang iyong medalya at diploma, anak. Ako na ang bahala sa iyong ina. Alam kong bibigyan pa siya ng Panginoong makita ang medalya at diploma mo. Tuparin mo ang bilin niya, Rogen."

Kahit mabigat sa kalooban ay pinahiran ni Rogen ang kaniyang mga luha at tumayo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginantihan niya ang yakap ng kaniyang ama at mabilis na tumakbo palabas sa ospital .

Sampung minuto na nang makalabas siya sa ospital.

Siyam na minuto nang pumara siya ng masasakyan at dali-daling sumakay dito.

Walong minuto nang magsimulang umandar ang dyip.

Pitong minuto nang biglang bumagal ang usad ng mga sasakyan.

Anim na minuto nang iabot ni Rogen ang bayad sa drayber at naghintay pa ng isang minuto.

Limang minuto at hindi na nakatiis si Rogen. Bumaba na ito ng dyip.

Apat na minuto na at hindi na niya ramdam ang init nang mga oras na iyon maging ang mga nakabibinging busina ng mga sasakyan sa kalsada.

Tatlong minuto na at nasa tapat na siya ng unibersidad. Ang lahat ay nasa loob na ng convention hall.

Dalawang minuto na at kailangan niyang magmadali dahil dinig na dinig na niya ang pagtawag sa mga apelyido ng magsisipagtapos na nagsisimula sa letrang "B".

Isang minuto na at sa wakas narating din niya ang convention hall. Tamang-tama lang dahil buong pangalan na niya ang tinawag ng EMCEE.

"Batobalani, Ujuy Rogen, MAGNA *** LAUDE!"

Basang-basa na ng mga luha ang togang suot ni Rogen nang mga sandaling iyon pero taas-noo pa rin siyang naglakad upang umakyat sa entablado. Nanalangin sa isipang sana ay huwag munang kunin ang kaniyang ina.

Nang makaakyat ay binati siya ng mga naroon at isinabit sa kaniya ang kaniyang medalya.

"Everyone, let us hear the message of success to our first ever Magna *** Laude of West Visayas University - College of Education, Rogen Ujuy Batobalani!"

"Isang maikling talumpati lamang po ang aking ibibigay sa kadahilanang hindi ko po nakasama ang aking ina rito sa entablado upang magsabit sa akin ng aking medalya. Nasa emergency room po siya ngayon at nag-aagaw buhay." muli na namang pumatak ang kaniyang mga luha.

"Sa aking ina, nais kong malaman mo na walang araw na hindi ko inihahandog ang mga gantimpalang nakamit ko sa unibersidad na ito. At itong medalyang ito at ang diplomang kukunin ko ay para sa iyo. Para sa walang sawang pag-suporta mo sa akin. Para sa araw-araw **** pagpapaalala sa akin na ang buhay ng isang tao ay parang isang mahabang tulay na may iba't ibang uri ng balakid sa daang kailangang suungin, at lagpasan ng may lakas ng loob, tiwala, at malakas na kapit sa ating Panginoon upang makita ang dulo nito. Walang hanggan ang aking pasasalamat sa iyo, mahal kong ina. Mahal na Panginoon, maraming salamat din po at nagkaroon ako ng isang inang katulad niyang mabait, maalalahanin, maalaga at mapagmahal. Alam Niyo po ang iniiyak ng aking puso at nawa ay Iyo po itong pakinggan."

Ang hindi alam ni Rogen, matapos ang maikling talumpating iyon ay siya namang pagtigil ng tibok ng puso ng kaniyang ina sa ospital.
Jun Lit Sep 2017
Ang EDSA ay kumakaway
Ang bayan ay nakaratay
Saklolo ay hinihintay
Marami nang napapatay

Ang EDSA ay tumatawag
Ang baya’y di makapalag
Pambabastos di masalag
Kahit mali’y pumapayag

Sinungaling, hindi tapat
Pati lahat n’yang kasabwat
Naniwala naman lahat
Instant solve daw droga’t kawat

Ngunit ngayo’y malinaw na
Na ginawa tayong tanga
Magnanakaw 'nilibing pa
na bayani, An'yare na?

Ang EDSA’y nagmamadali
Kaliluha’y naghahari
Tama’y ginagawang mali
Ang ganito’y di maari

Bayan noo’y nagkaisa
Diktadura'y itinumba
Karapatan ng balana
Hindi pwedeng ibasura

Diktadura’y hindi dapat
Mapabalik at magkalat
Kapag kapit-bisig lahat
Lakas ay walang katapat

Ang ‘EDSA One’ ay larawan
Nanindigang sambayanan
Aral ay hwag kalimutan
Kalayaa’y IPAGLABAN!
m i m a y Sep 2017
Isa, isa lang, isa lang naman ang gusto kong makasama.
Dito sa mundong pinaghalong lungkot at ligaya.
Yun ay IKAW.

Dalawa,  dalawang salita lang ang maibibigay ko.
Maibibigay kong rason para malaman mo.
Kung bakit ikaw,  ikaw ang gusto ko.
Dalawang salita na binubuo ng siyam na letra, MAHAL KITA

Tatlo,  tatlong salita lang naman ang ninanais ko.
Salitang nais kong marinig mula sa bibig mo.
Salitang habang sinasambit mo ay naguumapaw ka sa tuwa.
Salitang MAHAL DIN KITA

Ngunit apat,  apat na masasakit na salita.
Na tila ba'y pagtibok ng puso ko'y tumigil bigla.
Kasabay ng pagpatak ng luha sa aking mga mata.
Nalaman ko,  nalaman ko lang naman na MAY MAHAL KANG IBA.

Lima,  limang salita ang paulit-ulit kong hinihiling.
Magmula ng malaman kong may iba ka ng kapiling.
Sana,  SANA IKAW AT AKO NALANG.

Anim,  anim na salitang patanong ang nasa isip ko.
Tanong na gumugulo sa puso't isipan ko.
Tanong na gustong malaman ang kasagutan nito.
ANONG BANG MERON SIYANG WALA AKO.

Pito,  pitong salita ang nais kong ipaalam sayo.
Pitong salita na sana'y magpabago ng isip mo.
Pitong salita na handa kong gawin para sayo.
MAHAL KITA AT HANDA AKONG MAGHINTAY SAYO.

Walo,  walong salita na pilit kong pinanghahawakan.
Walong salita na inaasahan kong matutupad,  hindi man kinabukasan.
DARATING ANG PANAHON NA MAMAHALIN MO RIN AKO.

Siyam,  siyam na salita na alam kong totoo.
Siyam na salita na binitawan ng kaibigan ko.
Siyam na salita sa na dumudurog sa puso ko tuwing naririnig ko ito.
WAG KA NG UMASA, MAY MAHAL NA SIYANG IBA.  

Hanggang sa sampu, sampung salita na nanggaling mismo sa bibig mo.
Salitang  nagmulat sakin sa katotohanang hindi talaga magiging tayo.
Salitang nagpagising sa natutulog na puso ko.
Salitang ITIGIL MO NA, HINDI MAGIGING IKAW ANG TAONG MAHAL KO.
Not good at making titles talaga. XD
JOJO C PINCA Nov 2017
“Uncle **” utang sa’yo ng Vietnam ang kanyang kalayaan,
Ikaw ang amang mapagpalaya na sa kanila ay gumabay.
Ikaw ang dakilang liwanag na sa kanila’y pumatnubay,
Kahit sa gitna ng laksang lumbay hindi mo sila pinabayaan.
Wala kang katulad sa buong Vietnam, ikaw ang bayaning tunay.

Sa ilalim ng iyong pamumuno walong taon ninyong nilabanan
Ang mga Pranses sa mga palayan, bundok at lansangan. At
Matapos ang walong taon ng nakakapagod na pakikibaka sa
Wakas ay napasuko ninyo ang mga kaaway.

Subalit di-naglaon lumitaw ang isang bagong kaaway,
Ang Estados Unidos na s’yang bagong halimaw na gustong
Humalili sa mga kolonyalistang Pranses. Lahat ng kalupitan
Sa inyo ay ipinadanas subalit sa udyok at impluwensya mo
Hindi kayo sumuko. Matapos ang labing-anim na taon ng
Madugong pakikipag-tuos natalo din ang dambuhalang kaaway.
Isa kang tunay na rebolusyunaryo na karapat-dapat na mamuno.

Subalit isa rin palang makata na sumusulat ng mga tula,
Mga tulang gumigising sa puso’t kaluluwa ng bayan.
Sumusulat ka ng mga tula habang nakahimpil sa gubat,
Habang pinapanood ang pag-aani ng palay at nung ikaw ay
Nabilanggo dun sa Tsina sa loob ng labing-apat na buwan.
Wala kang ibang kapiling kundi ang iyong mga tula.

Binasa ko kahapon ang mga tula mo, ramdam ko ang
Bawat mensahe nito. Alam ko na sa bawat paghalik ng pluma
Sa papel ay kasama nito ang kaluluwa mo at ang sigaw ng puso
Mo. Mga tulang rebolusyunaryo ang tema at dating.

Ang dahon at bulaklak ay tiyak na malalanta pero hindi ang iyong mga tula; mananatili itong buhay at naka-kintal sa puso ng Vietnam. Wala kana nga Uncle ** pero lalagi kang buhay sa puso ng mga kababayan mo at sa bawat puso ng makatang rebolusyunaryo na tulad mo.
Mahigit pitumpu't limang porsyento
Niyurak ng matinding alon
Walang awa ang haplos
Ang yapos na nakagigimbal
Kinitil hindi lamang ang buhay
Gayundin ang hanapbuhay.

Ni hindi masisid ang perlas
Na ngayong may takip sa ibabaw
Nabibilang ang lumalangoy
Kaawa-awang gambalain
At hablutin sa laot nang walang muang
Ngunit anong siyang magiging sapit?
Kung sila'y hahayaang hindi nakagapos?
At doon sa lambat ay patitiwarakin.

Tinaguriang "No Build Zone"
Ngunit naroon nakatirik ang bawat pundasyon
Walang opsyon, pagkat ang gobyerno
Kaytagal din nang pag-aksyon.

Mula sa libu-libong tirahan sa Tent City
Sila'y lilisan patungong Bunk House
Transitional Shelter kuno
Hanggang sa malipat
At magkaroon ng panibagong tirahan.

Doon sa Tacloban,
May dalawang daan at apatnapu't anim na tirahan
Bagkus ang nakalilim, apat na libong pamilya naman.

Salamat sa mga NGOs
Sa 9181 na Bunk House
Sa gobyernong dapat na kikilos
Kailan ba sisimulan ang pagbabago?

Walong libong pabahay raw ang ginagawa
167 bilyon ang budget,
Saan nga ba napunta?
Ito ba'y binulsa?

Comprehensive Rehabilitation Plan kung tinagurian
Kay bango ng ngalan
Bagkus umaalingasaw ang baho
Ang kasiraan, ang kawalan ng aksyon
Para sa bawat mamamayan.

Sa dakong Guian, Eastern Samar
Tatlong daang permanenteng pabahay raw
Ngunit ni isang pundasyon ng naturang pabahay
Tila naglaho pa rin ni Yolanda
At walang bakas na pasisimulan.

Sabi ni Pnoy, malinaw raw ang target
Pero hanggang target na mga lang ba?
Kailan ba sisimulan ang tuwid na daan?
Baka naman baku-bako na
Wala man lang pasabi sa kinauukulan.

Kung ang hustisya'y hindi matugunan
Sana ang kalamnan ng bawat biktima'y
Syang agapang mapunan
Kaawa-awa silang naghihikahos.

Ang laki ng tulong ng mga karatig-bansa
Ba't tila walang pakialam?
Kayong mga nasa trono,
Tayuan ang posisyon
At serbisyo'y gawin nang totoo.
#Pagbangon
Chit Jun 2020
Hay naloko na
Nasira ang cellphone
Ubos na rin ang ipon
Pano na ang FB, IG at ang ibon

Sumaglit sa kanto
Internet ang dinayo
Nang may kaba sa puso
Sa pagbasa ng iyong komento

"Musta? Tara kita tayo!"
Walong pantig
Na sa aki'y nagpanginig
Ngunit saglit lang ang kilig

Bumalik kasi ang kahapong kay pait
Na muling nagpasikip sa aking dibdib

At sa wakas, tama na
Naunawaan ko na si tadhana

Sa nasirang cellphone
At ubos na ipon.
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol
𝙰𝚗𝚗𝚎 Feb 2018
Walong letrang nagsisimula
Sa isang pahina ng libro
Kung saan lahat ng nagawa ay nakasulat

Walong letrang sumisimbolo
Sa masasakit at masasayang alaalang
Iyong ibinigay,
Binitawan na parang isang kinusot na papel
Sa malawak na dagat na itim

Pilit na sumusuko
Pilit na umiiwas
Ngunit wala nang nagawa
Kundi hayaan na lang

Pasensya?
Pang-ilang beses na bang nabanggit
Pang-ilang beses na bang sinambit
Katagang ayaw marinig
Ng dalawang pandinig,
Na pilit inaalala, ang mga katagang
Nalalayo sa salitang pasensya

Hindi ka ba nagsasawa?
Ilang beses na bang kailangang marinig
Pasensyang hindi totoo
Pasensyang hindi galing sa puso
Pasensyang pinilit lang

Pwede bang ako naman?
Pwede bang ako naman ang hindi makinig?
Pwede bang ako naman ang humingi ng pasensya
At hingiin na sana'y tapusin na
Random Guy Oct 2019
isang linggo na
mula noong una
mo akong kausapin ulit
makalipas ang walong taon
kamusta
ano na
tanda mo pa ba
saya
sakit
lungkot
palitan ng alaala
na tila ba nakalimutan na
pero hindi pa pala
dahil sa likod ng mga nakwentong pangyayari
ay kabisado pa ang bawat detalye
at ngayon
isang linggo na
mula noong una
mo akong kausapin ulit
makalipas ang walong taon
at ang mas nakapagtataka
at ang mas nagpapasakit sa puso kong masakit na
ay kung paanong tila mas mabagal ang oras
ng isang linggo
kaysa sa walong taon
1.
Noong unang panahon, dumalaw ang isang diyosa
Sa bagong kapapanganak na ina
Na ang bagong silang na sanggol ay biniyayaan
Ng mga bertud na may kapangyarihan
(Once upon a time, a goddess visited
A mother who has just yielded
A newborn infant who was blessed
With amulets wherein powers are wielded)

2.
Ang ina ay nagsumamo sa diyosa
Na biyayaan ng mahabang buhay ang anak niya
(The mother to the goddess implored
For a long life to the child she labored)

3.
Hindi sumagot ang diyosa
Pero ikinwintas niya ang agimat sa bata
(The goddess did not answer
But a necklace to the child she did wear)

4.
Sa kwintas nakasabit ay tatlong bato
May taglay na kapangyarihan ang mga ito
(The stones are the necklace’s pendants
A power in them enchants)

5.
Ang isa ay nagbibigay-lakas, sa pangalawa ay bilis naman
At sa pangatlo’y proteksiyon sa kapahamakan
(The one grants strength, speed is by the second charm
By the third protection from harm)

6.
Ang nasabing sanggol si Biuag ang ngalan
Siya ay tubong Enrile, Cagayan
(The said baby is Biuag by name
Enrile, Cagayan is from where he came)

7.
Kaya niyang bunutin ang isang puno
Na kaydali para lang siyang nagdadamo
(He can uproot a tree
Just like weeding so easily)

8.
Kaya rin niyang lumangoy nang matulin
Maging mga buwaya’y ‘di siya kayang habulin
(He can swim so fast
Even crocodiles through him can’t get pass)

9.
Nahulog narin siya sa lugar na mataas
Subalit walang natamong anumang gasgas
(He even fell from a high place
But didn’t obtain any bruises)

10.
Dahil sa mga kapangyarihang ipinamalas niya
Mga tao’y dinayo siya at sinamba
(Because of powers by his showmanship
To him people came and worship)

11.
Sa kabila ng lahat, malungkot si Biuag
Dahil ‘di niya makuha ang napupusuang dilag
(Despite of all, Biuag is desolate
Because the dear maiden he can’t get)

12.
Ang nasabing babae sa Tuao ay katutubo
Hindi tanyag ang nilalang na ito
(That lady in Tuao is indigenous
This creature is not famous)

13.
Noon din ay may binatang katulad ni Biuag
Malakas, makapangyarihan, hindi duwag
(At the same time like Biuag was a man popular
Strong, powerful, not coward)

14.
Malana ang tawag sa kanya
Taga-Malaueg, Rizal ang magiting na binata
(Malana is he being called
From Malaueg, Rizal is this bachelor bold)

15.
Noong labing-walong taong gulang siya
Nilangoy niya ang ilog na maraming buwaya
(Eighteen years old when he was
Swam he the river with lots of crocodiles)

16.
Ito ay upang kumuha ng pagkain
Mula sa malayong lupain
(This is in order to get fodder
From a land that’s farther)

17.
Para sa mga nasalantang tao
Ng nagdaang bagyo
(For the people devastated
By a typhoon that thrusted)

18.
Nang makauwi si Malana
May nakita siyang isang pana
(When Malana returned home
Saw he a bow and arrow)

19.
At nang kanya itong ipukol sa hangin
Sa kanya ang bala’y bumalik din
(And when on air it was thrown
To him the arrow returned)

20.
‘Di naglaon kanyang nabatid
Na ang sandata’y may kapangyarihang hatid
(Soon it came to his awareness
That the weapon a power possesses)

21.
Siya rin ang iniirog ng dilag
Na kinahuhumalingan ni Biuag
(It is him also liked by the maiden
To who Biuag has fallen)

22.
At nang matuklasan ni Biuag na si Malana ang napupusuan
Hinamon niya ang karibal sa isang labanan
(And when Biuag learned that Malana is the beloved
To a fight his rival he challenged)

23.
Nagimbal ang buong bayan
Sa katakut-takot na labanan
(The whole nation felt horrible
Upon the terrifying battle)

24.
Higanteng buwaya ginamit ni Biuag
Babaeng gusto pinagsabihan siyang duwag
(Giant crocodile Biuag utilized
Coward is he said the lady he liked)

25.
Dahil doon, si Biuag ay napahiya
Sa huli, kanyang nilunod ang sarili niya.
(Because of that, Biuag was embarrassed
Drowned he himself at the very last).

-08/17-18/2013
(Dumarao)
*for Epic Day 2013
My Poem No. 222
Random Guy Oct 2019
"hello, kamusta?"
kataga na kay tagal kong hinintay
kung hula mo'y ilang buwan
sablay
dahil taon ang hinintay ko
upang makita sa loob ng kompyuter ko
ang mga katagang "hello, kamusta?"
at kung sa mas eksaktong sukat
ay walong taon
halos ka-edad ng batang marunong ng sumagot sa magulang
may sariling aksyon at pagiisip
at kung iisipin
hindi sana tayo ganito
kung sumagot tayo sa magulang natin dati
o kung may karapatan na tayo dati
kung mas inuna natin ang aksyon na gusto
kaysa sa aksyon na mas nararapat
sabagay
hindi rin naman dapat sila sisihin
dahil bata pa tayo noon
mas bata tayo noon ng pitong taon
ngayon
sa 'yong "hello, kamusta?"
ay natigilan ako
kaya ka ba nagpaparamdam
ay dahil kaya mo ng tumayo
salungat sa gusto ng iba
patungo sa mas gugustuhin mo
o isa ulit itong pagsawsaw
ng iyong paa sa rumaragasang damdamin ko
kagaya ng ginawa mo
pitong taon nang nakalipas
nilubog ng kaunti ang iyong damdamin
para lamang malaman
na hindi lahat ng gusto mo ay pwede mo nang kunin
at agad agad **** hinugot ang iyong pagtingin
na para bang hindi din ako sumawsaw
nagpaanod
nalunod
sa sakit ng rumaragasang tadhana
na noo'y inakalang
kayang suungin
para lamang malaman ko na hindi ka pa pala handa
ngayon
sa 'yong "hello, kamusta?"
isa ba itong tanda
na handa ka na
na kaya mo na
panindigan
ipaglaban
magpaanod
malunod
sumuong
ano
mas masakit di 'ba
na malamang mayroon na akong iba
"hello, kamusta?"
inggo Dec 2015
Sa walong oras na pagtatrabaho
Ilang minuto ay nakalaan sayo
Ito ay ang paghahanap at matulala
Sa iyong napakagandang mukha
Mag-ingat sa mga kaibigan
Na alam ang lihim ng iyong katauhan
Baka sa isang iglap, ikaw ay ipangalandakan
Pagtagpi-tagpiin ang iyong mga kamalian

Sila itong walang pagpapahalaga
Sa anumang naging inyong pagsasama
Handang-handa na ibagsak ka
Kahit tae ka na, tatapakan ka pa.

-03/30/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 109
solEmn oaSis Jan 2022
tangan ng sinapupunan
pinuhunanan larangan.
matapos ang walong buwan
simula ng kabuwanan.
palaisipan sa duyan
ugoy ng katiwasayan
gabay ay katahimikan
tungo sa kapaligiran

bago pa man ang inunan
hiwatig ng panubigan
matibay pa sa sandigan
na mas meron sa kawalan
kakatwang halatang dala
ay may biyayang sagana
tila panday umapula
pusod ay pinagdugtong pa

nasan ang sagot sa bakit?
di problema kung paano?
ang tanong ay kung kailan?
kung hindi ako ay sino?
pagmumuni ng paluwal !
pataba na nang pataba !
lupa niyang tinubuan...
oras na ng pag-aani.

binhi nya na ipinunla
sumibol ng pagkasigla
katulad ng parirala
may aral sa balarila
kapwa merong pakinabang
hindi pa man humahakbang
ang hiwaga na may yabong
abot-kamay na ang Labong
Ang telon kung iisipin ay bagay na siyang nakapagitan sa espasyo ng magkabilang mundo
Alam kong minsan ay nabagabag ka
Nang ako sa iyo’y umalipusta
Isipin mo na sindaya ko nga
Iyon ay dahil ako’y makasarili sa tuwina

Walang gabi na hindi ko ipinagdarasal sa Diyos
Na ang sumpang ito ay sana matapos
Gusto ko na tayo’y malinaw na makapag-ayos
At mapatawad mo na nang lubos.

-03/30/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 111
Sa simula palang
Nang ikaw ay titigan
‘Di ko malaman
Kung kaaway o kaibigan

Sa simula palang
Nang ikaw ay kausapin
‘Di ko mawari
Kung totoo o hindi.

-03/30/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 106
Matuwid na dila
Matapat na mga mata
Mabuting gawa
Matatag na pagsasama –

Kapag isa sa kanila
Ang kulang o mawala
Masasabi mo ba
Na buo ang tiwala?

-03/30/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 107
Anong nilalang
Ang kahit saktan
‘Di ikaw kayang iwanan?
Sagot: Matatag na kaibigan

Sino sa mga kasama mo
Ang kakapit sa’yo
Umulan, umaraw, lumindol, bumagyo?
Sagot: Kaibigang totoo.

-03/30/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 108
Ako’y nagsusumamo, pakiusap gawin niyo
Itong pinakamabigat na hamon ko…
Kung may ibang taong nawalay sa inyo
Sila’y inosente, pakibalik niyo po!

Ibalik niyo rin po ang may salang handang magbago
At nagsisikap na magtiwala muli sa inyo
Handa akong gawin ang lahat nang nais niyo…
Ibalik niyo lamang kami sa inyo!

-03/31/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 113
Jun Lit Oct 2020
Walong b’wan na, saan na ba?
Susulong daw, atras pala!
Ay may patutunguhan ba?
Agay! Porbida Covida!
Translation:
'Dalit' Poem to Cluelessness -
Where are we now? Eight months we've seen.
We'll move, twas said, backward it's been
Oh! Where are we really goin'?
Gosh! Poor Clueless Covid leadin'
Ikaw ba’yganado na ako’y makita?
Bawat kilos ko ba’y parating nakaabang ka?
Interesadong-interesado sa susunod kong ipapakita?
Kung gayon, ako’y sinubaybayan mo na parang pelikula!

Ikaw ba’y nababahala na ako’y magsalita?
Bawat galaw ko ba’y nag-aalinlangan ka?
Sa aking pagpapaliwanag, sarado ba ang mga tainga?
Kung gayon, ako’y minamanmanan mo pala!

-03/30/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 110
LARA Mar 2019
Walong letra
Ang epekto ay sobra
Kasama sa lungkot at saya
Tinuring na pangalwang pamilya

Laging nandyan
Sa panahon ng pangangailangan
Hindi kailanman nakalimot
Kahit may pinagdaanang masalimuot

Ngayon sila'y malayo
Saan na nga ba tutungo
Kanino lalapit pag naisipang sumuko
Kaibigan, bumalik kana wag kanang lumayo
Brielle Dec 2023
Ang buhay ay parang isang nobela,
May mga karakter na papasok sa kwento mo,
Meron silang layunin na gagampanan
Pero hindi magtatagal, sila'y lilisan rin.

Unang kabanata, nandyan na ba sila?
Anong klaseng karakter kaya ang isinulat ng manunulat?
Maisasama ko kaya sila sa kwento kong maulap?

Pangalawang kabanata, meron pa pala.
Anong klaseng aral kaya ang hatid nila?
Hanggang dulo na ba sila?

Pangatlong kabanata, ay dinagdagan pa pala niya.
Hindi ka ba nauubusan ng iisipin, aking manunulat?
Kailan ka kaya mapapagod?

Pang-apat na kabanata, may bago ng pahina.
Anong usapan kaya ang magbibigay kulay sa pahinang ito?
Ikaw at ako, siguro.

Pang-limang kabanata, dagdagan mo pa.
Anong suliranin naman kaya ang maisusulat mo manunulat?
Sana, wag mo akong pahirapan.

Pang-anim na kabanata, kamusta ka na kaya?
Maitutuloy mo pa kaya ang pahina?
Tinatamad ka na bang magsulat?
O naubusan ka na ng tinta?

Pang-pitong kabanata, ang saya.
Salamat manunulat sa pahinang ito,
Patuloy mo pa kaya akong bibigyan ng biyaya? Para matuloy ang ligaya?

Pang-walong kabanata, kay saya naman sa isang nobela
Ang manunulat na ang bahala,
Bahalang mag plano kung anong mangyayari sa kabanata.

Pang-siyam na kabanata, nasa gitna na ba?
Nasa simula pa ba tayo, manunulat?
Kailangan ka kaya mapapagod sa pag-uulat?

Pang-sampung kabanata, bakit naman ganon manunulat?
Ang dami mo namang binigay na problema,
Simple lang naman ang hiniling ko,
Na wag mo akong pahirapan.

Ikalabing-isang kabanata, may tutulong kaya?
"Sino kaya ang tutulong sakin?" Napaisip ang karakter
Manunulat, bibigyan mo pa ba siya ng ligaya?

Ikalabing-dalawang kabanata, saan pa ba patungo ang nobelang ito?
Lahat ng karakter ay lumilisan na,
At nag-iisa na ang pangunahing karakter
Maawa ka naman, aking manunulat.

Ikalabing-tatlong kabanata, may katapusan pa ba ang nobelang ito?
Napapagod na ako, aking manunulat
Bigyan mo naman ako ng pahinga.

Tama na, manunulat.
Nagsusulat pa ba tayo dito ng nobela?
Bakit lahat sila'y lumisan na?
Akala ko ba, hanggang dulo na sila?

Teka, nasa loob ba ako ng nobela?
O sinasalamin ko lang ang sarili ko sa isang nobelang nabasa ko
Tama nga ako, ang buhay ay parang isang nobela,
May sarili itong simula, gitna at wakas
Na akala natin ito'y patuloy na mag-uulat

Naalala ko nga pala,
Ako nga pala ang sarili kong manunulat
Ako ang mag-uulat sa buhay kong maulap
Naalala ko, tayo nga pala ang gumagawa sa sarili nating kahulugan.

Hindi mo naman makikita ang kahulugan mo,
Kung hindi mo bubuksan ang isip mo
At kung hindi mo dadamdamin ang puso mo.

Oh sige na aking manunulat,
Ituloy mo na ang iyong pag ulat
Sa karakter na nais **** bigyan ng kahulugan,
Sa karakter na nais **** maulat.
Sa iyong sariling nobela.
yndnmncnll Aug 2023
Kulang ang mga bituin sa kalangitan
Na kahit minsan ay kay sarap pagmasdan
Kung mawawala ka man ay kulang rin ako,
Ikaw ang nagsisilbing aking katahimikan

Sa aking maingay at magulong mundo,
Para kang isang tanawin
Na kay sarap titigan
Sana nga ay makuha ka sa tingin,

Tayo ay may walong planeta
Ngunit sa iyo lamang umiikot ang mundo ko
Ikaw ang aking paboritong pantasya
Na ayaw kong kalimutan

Ikaw ang paborito kong panaginip
Na kahit minsan sana ay hindi na ako magising
Makasama ka lamang kahit ako’y naka idlip
Pero ayaw kong mabuking

Na ang talino ko sa klase
Pero pagdating sa’yo nabo-bobo at nata-tanga ako
Alam kong wala kang pake
Dahil bihira naman na ako ay magugustuhan mo

Ang isang tulad ko
Nakakasagot naman ako sa oral namin
Pero pagdating sa’yo nata-tameme ako at ‘di maka-amin
Dahil suntok sa buwan lamang ako pagdating sa’yo

Ka-babae kong tao
Pero kapag ikaw nababakla ako
Hindi ko alam bakit nagkakaganito ako
Pagdating sa iyo nagiging abnormal ako

Ikaw ang ilaw
Sa madilim na landas na aking tinatahak;
Ikaw at ang pangalan mo ay sa aking puso't isipan nakatatak
Wala kang ibang kaagaw
Pinulitika na, pinersonal pa
Buhay at pangalan ay sinira
Pati yata hindi gawa
Ipinupukol at idinidiin pa!

Ano pang ipambabayad kung wala nang pera?
Ano pang ipambabaril kung wala nang bala?
Mga bagay-bagay ay may hangganan nga
Hanggang dito nalang ba talaga?

-03/31/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 112

— The End —