Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
aL Jan 2019
Alam kong pagod ka na sa ikot ng iyong mundo
Maging sa iyong taun-taong pagkatalo
Sa isang masikip na lungsod ay mistulang preso
Hindi mo talagang nais na maparito

Anim na taon sa malaking syudad
Umani ng napakaraming kaalaman
Alam mo naman ang iyong mga hangad
Ang pangako lamang ang pinanghahawakan

Nadudurog na tiwala mo sa sarili
Sa iyong isipan, huwag kang paaapi
Tagumpay ay malapit mo nang mawari
Dahil siya ay ang iyong nasa isip at tabi.

Pagasa ay wala sa malayo
Nasa paligid ang mga kaibigan mo
Na magsasabi sa iyo ng totoo
~
Tunay kang nagaantay
Tunay kang magtatagumpay
Huwag **** isipin na mas lumalayo ang pangarap mo sa kinaroroonan mo ngayon, bata ka pa at mataas ang tsanya na tadhana mo ay mas tatamis pa. Hindi lahat ng tao ay pinapalad, ngunit kahit ganyan ang kalakaran matuto ka sanang makipag~halubilo sa mga panganib at pagsubok. Ang nagsisikap ay ang mga magtatagumpay. Nasa paligid mo lang ang pagmamahal, ipikit mo lang ang iyong mata problema mo ay gugunaw, kasabay ng iyong kaba. Lahat ng tao ay gusto ka, matamis ang iyong ngiti, kahit na minsan mo lang ipamalas. Huwag kang bibitiw. Huwag nang isipin ang nakaraan.
Marg Balvaloza Jan 2019
Bumalik tayo kung saan...
Paano nga ba nagsimula?
Nagsimulang ang mga pangamba ko ay mawala,
nagsimulang pangamba ay mapalitan ng pag-asa't pagtitiwala.
Mga pagluha sa aking mata, ay tila naglaho na
Napalitan ng pagtawa, lumbay ay lumisan na.

Paano nga ba nagsimula?
Mamuhay nang kasama ka
Sa mga araw na kapiling ka—- bawat araw ay puno ng galak at pagsinta.
Tinuruan mo akong, mamuhay nang may saya
Pait ng kahapon ay naitapon na,
mula nang ikaw ang makasama ko, sinta.
Samahang walang papantay, punung-puno ng buhay!
Pag-aalaga ay damang-dama, suporatado ang isa't-isa.

Paano nga ba nagsimula?
Malalim na pinagsamahan
Masasayang ala-ala, na tila hindi maaantala—-
    ng kahit anong problema, sa atin man ay naka-amba
Magkahawak mga kamay, tayo ay hindi bibitaw.

Mga gala at lakad natin, na minsan ay biglaan pa
Mga oras na hindi natin alam, kung paano napagkasya.
Basta't alam nating... tayo ay masaya—- kahapon man o ngayon, at kahit na bukas pa!


Ngunit dumating ang panahon, tayo'y sinubok na ng pagkakataon
Masasaya nating bukas ay nagsimula na ngang kumupas
Hindi alam kung paano, tayo'y biglang nagbago
Tila nalagas na puno, hindi na lumago.

Akala ko ba ikaw ay "KASAMA?"
Hindi lang kaibigan o basta-bastang kasintahan
Kasama sa lungkot at pighati, kasiyahang hindi mawari
Pagkatalo man o pagkapanalo—- tayo pa rin ang magwawagi.


At ngayon...
Bumalik tayo kung saan...
Paano nga ba nagsimula?

Nagsimulang mawala ang paniniwala na tayo ay para sa isa't-isa
Nagsimulang matalo sa digmaan at piniling wag na lumaban?
Nagsimulang maglaho ang mga katagang "mahal kita"
Nagsimulang magbulag-bulagan sa katotohanang
b a k a   t a y o  a y  p w e d e   p a ?

Isip at damdamin ay di makaunawa
Hirap pagalingin ang sugat na sariwa
Sugat na iwan ng ating pinagsamahan
Pinagsamahan na akala ko ay aabot sa simbahan

Paano nga ba nagsimula?
Paano at kailan nagsimula?
Nagsimulang matapos ang ating pagmamahalan?

Kahit kailan pinangarap ko, maging ikaw at ako—- hanggang sa dulo
Paano mangangarap kung ako ay gising na?
Gising sa katotohanan na tayo ay
w a l a  n a?


© LMLB
This is a poem I made eight months ago. I think it's the right time to publish it to let the public read it freely, as free as I am right now. Perhaps the feelings have depreciated and that's why I wouldn't mind if someone would read this poem, based solely on my feelings couple of months ago.

There you go, you have it. Read this poem from my broken heart that's already mended now. :)
Donward Bughaw Apr 2019
Sino ka para limitahan ako
sa making kalayaan sa murang edad
na kung tutuusin ay
batbat pa ng pakikipagsapalaran?
Maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.

Sino ka?
Sino ka, at naisipang unti-unting kitlan ako ng buhay;
Akong sinasabing
'pag-asa ng' inyong 'bayan'
ngayon ba'y magiging
kalaban ng estado't pamahalaan,
nang batas ng taong
tutugis at pipiit sa akin
sa loob ng kulungang nakahandang pumatay
ng kinabukasan?
Ako dapat ay malaya,
malayang maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.
Ang tulang ito ay base sa isyung pagbaba ng edad ng liyabilidad mula 15 hanggang 9 na taong gulang.
061017

Hindi pa kita kayang harapin
Na sa bawat pagkakataong nariyan ka na'y
Pilit pa rin akong lilihis ng landas
Habang kinakalma ang sarili ng mga salitang:
"Wala kang nakita.
Ayos ka lang."

Sa ilang beses kong pagpapalipas ng oras
Sa paglimot sa pagbungad ng kahapon sa ngayon,
Ginapi ako ng pasa sa buo kong pagkatao.
Namanhid ang puso,
Kakaiba ang hiwaga pagkat nabuhay pa rin ako.

Nang sa kahit isang saglit man lang
Ay nanatili pa rin akong pipi ngunit hindi bingi
Na parang nalimot ko na kung paano bang magsalita
Ngunit ako'y inugatan na
Sa paghihintay sa sagot na sayo lamang hinihingi.

Na para bang noon,
Ang lahat ay may bayad.
Parang lahat ay bawal,
Kaya nagnakaw ako ng tingin sayo.
Oo, hindi lang isang beses
O dalawa, tatlo, apat, lima,
Anim, pito, walo, siyam at sampu.
Naubos na ang pagbilang ko sa bawat sandali,
Na inabot sa iilang taon --
Hindi ka pa rin bumabalik.

Doon ko kusang naintindihang:
Kalakip ng bawat pagnakaw ng panahon
Ay ang bawat bitak sa pusong noo'y wala pang lamat.
Napuno ito ng alikabok sa hindi ko pagsisiyasat
Kung may buhay at pag-asa pa bang mabuo
ang larawan ng tayo.

Na sa bawat pagpunit ko ng bawat larawan sa aking isipa'y
Paulit-ulit lamang akong nakakatikim ng pagkatalo.
At sa huli, ako rin pala ang darampot sa mga ito
At isa-isang ipagtatagpi sa kabila ng matinding pagkapagod.

Nang ilang beses akong dumistansya sayo
Isang dipa, isang kilometro,
Ilang munisipyo at ilang mga isla.
Bagamat nagtangka pa rin akong
Bumusina ng katapatan sa pintong paulit-ulit **** pinagsasarhan.

Nang muling mabahiran ng kakaibang ningning
Ang aking mga mata
Na tila may mahika ang bawat **** ngiti
At muling nagkakulay ang puso kong dating kaydilim.
Nang mapagtanto ko ngang: hindi kita nakalimutan,
Hindi ako nagmahal ng iba,
Naghintay ako --
Kahit may iba ka pa.

Dumungaw ako sa ngayon
At dito ko nasaksihan ang hiwaga ng paghihintay.
Na sa pag-aakala kong paulit-ulit ang nasa kalendaryo'y
Mauubusan din pala ako ng dahilan --
Dahilan para magtanong kung babalik ka nga ba.

Nang mahalin mo na rin ako nang buo
Nang kusa **** ibigay ang tiwala at katapatan mo.
At sa minsang pagyakap mo'y
Gusto ko na munang huminto
At magpasalamat pagkat narito na ang sagot --
Pagkat narito ka na at hindi na ito isang panaginip.

Na hindi ko maipaliwanag na ikaw ang dahilan
Ng bawat butil sa mga mata ko noon.
At ang dahilan
Ng bawat kirot na mas maingay pa sa mga kuliglig pag gabi
At pilit kong pinatatahimik sa aking pagtulog.

Parang kailan lang nga --
Pero ayoko nang magkunwari pa
Ayoko nang magtago sa madilim na mga ulap
Na pilit na kumukubli sa pag-ibig ko sayo.
Tama na, pagkat nahulog ako sa sarili kong patibong
At ngayon --
Ngayon nga'y mas mahal na kita.
Li Nov 2016
Diba nandoon ka
noong sila'y humingi ng tulong
noong sila'y hinuli at sinaktan
ng walang kalaban-laban
noon sila'y tinrato na hayop
ng sarili nilang kababayan.

Diba narinig mo
ang iyak ng mga batang
dinuyan sa tunog ng bala
noong ang mga nanay nila
na dapat kakanta
ay hindi na makita.

Diba nakita ****
nanaig ang kapangyarihan
kaysa sa kanilang karapatan?

Nandoon ka
sa bawat iyak
sa bawat sigaw
pero hindi mo sila sinagip
mula sa kapangyarihang
puno ng galit.

Ngayon nama'y
kami ang naririto
mga bagong saksi
ng pagkatalo
mga sundalong
walang armas pero
pilit ipinaglalaban
ang katotohanan.

Kailanma'y hindi
magiging sapat
ang mga libro
para ikwento ang pait
para aming maramdaman
ang sakit.

Pero ngayong araw
mga mata'y luluha muli
ang mga sugat ay muling hahapdi.

Ngayong araw
kinalimutan ang kasaysayan
kaya't pasensya na mga anak
kung aming napabayaan
kung ibang pananaw na
ang inyong daratnan

O Pilipinas,
ikaw pa ba ang Perlas ng Silangan?
November 8, 2026.
To all victims of Martial Law, I am eternally sorry.
JK Cabresos Sep 2016
Milyun-milyong mga blankong mukha,
pipintahan,  
papahiran ng pintora
ang iba’t ibang kastilyo ng pangarap.

Subalit sa paglipas ng panahon
ang mga kastilyong ito’y rurupok,
at sa isang ihip ng hangin  
ay pwede ‘tong gibain.  

Masasanay kang matalo,
para sa atin ‘tong mundo.
Para sa atin,
hindi para sa kanila,
kailanman hindi ‘to masasakop
ng mga mapapait na luha.  

Nasanay ka na sa panonood
ng mga teleserye o pelikulang
kung ano ang theme song
ay ‘yon din ang pamagat.  

Nasanay ka nang mag-abang
sa paiba-ibang kulay na buhok
ni Vice Ganda, o ni Yeng Constantino,
ang umasa rin sa paiba-ibang desisyon
ng mga tao sa paligid mo.

Nasanay ka nang magmahal ang gasolina,
at iba pang mga bilihin  
ngunit hindi ang magmahal ng totoo,  
dahil takot kang masaktan ulit,
ang iwanan, o umasa ulit,
sa isang relasyong pang-post lang
sa FB, IG o Twitter,
‘yong pang-“#relationshipgoals” lang,
nasanay ka na pero takot ka pa rin.  

Nasanay ka na sa mga surprise quiz.
Sa exams. Sa reporting. Sa thesis.
Sa Singko, INC, Withdraw o Drop.
Sa pag-jaywalking,
dahil late na naman sa 7:30 AM class.  
Sa paulit-ulit na sorry.  
Sa paulit-ulit ding pagpapatawad.
Sa paghahanap ng ka-red string.
Sa paghahanap ng ka-forever.
Sa mabagal na internet.
Sa job interview. Sa gobyerno.    

Masasanay ka ring matalo
dahil ganito ang konsepto ng mundo.
Patitikman ka muna ng pagkabigo,
bago ka ulit maging buo.      

Baka rin bukas-makalawa
maiisipan mo nang mag-aral ng mabuti  
at iwasang ang usapang mabote,
ang bumangon ng maaga
at hindi papatayin ang naka-set na alarm,
ang maging totoo
sa taong nagmamahal sa ‘yo,
o kaya subukang ipa-Photoshop
ang 2x2 picture mo sa resume
para sa paparating na job interview.  

Masasanay ka ring matalo,
masasanay ka rin sa mga peklat mo sa puso.
Dahil hindi ito matatapalan
ng pulga-pulgadang concealer ng Maybelline,
o kahit ubusin mo pa
ang stock sa AVON, sa Watson, sa HBC, o sa Lazada.  

Kaya tanggapin mo na lang  
na ang buhay ay puno ng pagkatalo,
dahil sa huli para sa atin din naman ang mundo,
kaya wala kang dahilan para sumuko,
dahil ang sumusuko lang ang natatalo,
at ang hindi takot sumubok ulit
ang tunay na panalo.
Taltoy May 2017
Pagkakamali, pagkabigo,
Pagkakasala, pagkatalo,
Lahat siguro ng di mo gusto,
Marahil ugat nito.

Iyo nang binaon sa nakaraan,
Hinukay muli sa kasalukuyan,
Para ano? pagngilayan?
Tapos? may makukuha ka ba d'yan?

Bakit ba ganyan tayong lahat?
Parating sinasabing di sapat,
Ano ba talaga ang batayan?
Saan ang iyong basehan?

Walang perpekto sa mundo,
Yan ang tandaan mo,
Di lahat maitatama mo,
Di lahat ng nangyayari ayon sa gusto mo.

Kaya nga tanggapin mo nalang,
Wala nang iba  pang paraan,
Sapagkat iyan ay nagtapos na,
Huwag mo nang balikan pa.

Pagsisisi? nakakain ba yan?
Ano pa silbi ng salitang yan?
Yan? magpapapaliwanag ng katotohanan,
Isasaksak sa kokote mo ang 'yong kamalian.

Dahil ikaw mismo ang may alam,
Kung saan ka nagkamali at nagkulang,
Kung saan ka sumobra at nagpabaya,
Ikaw na ang sa sarili mo'y humusga.
Words pop and I wanna write them.
Jan C Sep 2022
bigyan ng palakpak ang nakaupong presidente,
kahit papaano may nagawa itong kabutihan, eh.
sa ilalim mo naligtas ang labing-lima na minor,
ngunit sa puri na aking ibinigay, rosas ang aking kulay

may nailigtas ka man na labing-lima, marami parin ang na una,
na unang mag-paalam sa kanilang mga pamilya.
sa mga gabing akala ko na ligtas,
sa pamumuno mo, ako'y napapadasal sa itaas.

ang agrikultura ng ating bansa ay napunta sa sakuna,
sinisisi ang manggagawa maski gusto lamang kumita.
ginawa naman niya ang kanyang trabaho para sa mga pilipino,
sana ang nakaupo sa pwesto, parehas na para sa pilipino.

pagtaas ng presyo sa mga bilihin,
kasabay sa pag baba ng piso natin.
ramdam ko na ang pagiging alipin sa aking bansa,
alipin ng sistemang hindi maayos dahil sa mga angat.

maslalong nabaon sa utang ang aking bansa,
ang ekonomiya natin ay nangungulila.
ang tanging naka upo sa pwesto ay walang ginagawa,
masinatupag ang sariling kasiyahan kumpara sa sitwasyon ng bansa.

"asan na ang iyong pangako? aming binotong pangulo?"
hiyaw ng mga bulag sa katotohanan.
"sinayang niyo ang pagkakataon para mag bago"
hiyaw ng mga mulat sa katotohanan.

ang iyon pag balik ay hindi sigaw ng kabataan,
ang aming supporta ay hindi para sa iyong pag marcha.
"kabataan ang pag-asa ng bayan"
ngunit ang kabataan ay hinuhuli kapag ito'y kumilos para sa bayan

bago pa maupo sa pwesto, kaba ang ramdam ng mga tao.
sa lumang henerasyon ito'y isang panalo,
ngunit sa likod ng palakpak at hiyaw ng mga na loko mo,
para sa aming kabataan, ito'y isang mabigat na pagkatalo.

ang pag balik ng iyong pangalan sa kataasang pwesto.
talagang may halo na kaba sa mga tao,
hindi lang para sa mga 'di pabor sayo,
ngunit ngayon, para na rin sa mga tiga supporta mo.
032217

Iniwasan kong tumingin sayo
At ginawa ang mga bagay sa paraan na alam ko.
Akala ko kakayanin ko,
Dahil tingin ko sa sarili ko: malakas ako.

Sa una'y naging maayos ang lahat
Na para bang ang taas ko kung lumipad.
Dahil ramdam ko sa aking mga palad
Ang ihip ng hangin at ang mga ulap.

Sinabayan ko ang ikot ng mundo
Sinubukan lahat anuman ang naisin ko:
Mga bagay na labag sa kalooban mo
Na di mo ninais na gagawin ko.

Ang taas na nga ng aking nalipad,
Malayo-layo na rin ang aking napad-pad.
Ngunit sa puso ko'y meron pa ring hanap-hanap
Siyang bagay na di pa rin natutupad.

Tingin ko'y kaya ko nga ang lahat --
Na kahit mag-isa'y lahat matutupad.
Ngunit sa taas ng aking narating, ako'y bumagsak
At nagtamo ng malaking sugat.

Nalunod ako sa dagat ng pagkatalo
Na akala ko kaya kong manalo.
Na kahit magisa lang ako,
Lahat ay kakayanin ko.

Kinain ako ng sarili kong mundo,
Ng paniniwala kong malakas ako.
Na kahit hindi ako tumingin sayo,
Lahat ng bagay ay makakamtan ko.

Ngunit sa kabila ng lahat ay nandyan ka pa rin,
Tinulungan akong tumayo mula sa pagkakadapa.
Ginamot ang sugat ng pagkabalisa,
Kahit na pinili kong lumakad mag-isa.

Hindi ko pala kaya nang wala ka,
Sa paniniwala sa sarili'y, ako'y naging tanga.
Na ang hinahanap ng puso ko'y nasayo lang pala,
Maraming salamat sa pagmamahal aking Ama.
(c) Argel Viterbo
Oh Poong Santo Niño
Batid na batid Mo
Na simula pagkabata ko
Sumasamo na ako sa Iyo
Subalit bakit tinulutan Mo
Na ang buhay ko’y maging ganito
Punung-puno ng pagkatalo
Palaging malayo sa asenso
Palagi nalang nabibigo
Nagsusumikap naman ako
Wala paring pagbabago
Hanggang kailan Mo matatanto
Ang kalagayan kong ito
Kung Ikaw nga ay totoo
Dulutan Mo naman ako
Ng inaasam na pagkapanalo.

-01/19/2014
(Dumarao)
*written on this day of the Feast of Sto. Niño
My Poem No. 245

— The End —