Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Stum Casia Aug 2015
Maganda ka pa rin.
Kahit lagas ang halos lahat ng iyong ngipin
at pilas ang maganda **** pisngi.
Maganda ka pa rin.
Kahit hirap na kitang makilala.
Kahit hindi ko na makita ang ngiting dati ay para sa akin.
Maganda ka pa rin, aking asawa.
Magandang, maganda ka pa rin sa aking paningin,
mahal kong asawa.

Bigla ko tuloy naaalala,
noong hindi pa tayo magkakilala.
Palagi kita tinitignan. Mula sa malayo.
Sa likod ng mga streamer. Sa likod ng mga banner.
Parang stalker. Tinitignan kita.

Kaya naman parang umaakyat sa hagdanan ang aking kaligayahan
nang ikaw ay magpasyang mag-fulltime.
Nang tanggapin mo ang aking laking-bukid na pag-ibig,
At mas lalo, siyempre nang ikasal tayo sa opisina ng KOMPRA.

Pero, mahal na kasama, ngayong gabi,
ibig sana kitang sarilinin.
Tayo lang sana ng mga anak natin.
Pwede bang kahit ngayong gabi ay maipagdamot ka namin?
Pwede bang dito ka muna sa amin?

Oo, alam ko,
di mo iyon nanaisin. Sasabihin mo pihado, sigurado.
Pamilya mo rin sila- manggagawa, magsasaka, mga kasama.

Kaya't kasama nila,
bubuhayin ko ang iyong alaala.
Bubuhayin namin ang iyong mga alaala.

Ang huling araw na ikaw ay nakasama.
Ang huling text message na iyong pinadala.

Ang iyong mga aral at mga hamon.
At batid naming lahat saan ka man naroroon.
Tiyak namin san ka man naroroon.

Tumatawa ka nang malakas,
tinatawanan mo ang mga ungas.
Mga ungas sila. Bigo sila. Epic fail sila.
Nabigo silang ika'y patahimikin.
Nabigo silang pag-aaklas natin ay pahupain.
Akala nila nagwakas,
Pero tumutupok pa rin ang sinindihan **** ningas.
At sa muling pagbalikwas ng malayang bukas.
I-aabot natin sa tarangkahan ng kanilang mga kaluluwa ang wakas.
Eugene Mar 2016
Ilang taon kang nagtiis,
Sa kaniyang pagmamalupit.
Ilang taon kang nagtimpi,
Hikbi'y wala nang silbi.

Sinaktan, binubugbog, inupakan.
Sinuntok, binulabog, niyurakan.
Pinagsisipa, pinukpok, pinagsamantalahan.
Nasaan ang pagmamahal na kailangan?


Masisisi mo ba kung luha'y ayaw pumatak?
Sa mga matang kinalimutan ang kinabukasan,
Sa mga matang inararo ang katahimikan,
Ng pamilyang ayaw kang pangalanan.


Nasaan ang luhang gustong lumabas?
Nasaan ang luhang gustong makatakas?
Nasaan ang luhang pilit na kumakalas?
Nasaan ang luha sa pag-ibig na nagwakas?
Carl Oct 2018
Kung mayroon akong pinakaayaw na almusal
Iyon ay yung lulunukin kong katotohanan na  lilipas
ang bawat oras, papatak ang bawat segundo ng napakagulong
buhay ko na wala ka.
Sayang lang, Ang ganda kasi nung mga eksenang pinangarap ko
Na buo na ang bahay na ang palapag ay tatlo, Pagpasok mo rito,
ikaw ay nakaupo sa sala na binuo ng mga pangarap mo at oo.
Nang hihinayang ako, paglulutuan sana kita tapos gigising ka sa umaga na may mainit na kape ka nang nakatimpla.

Pero inabot na kasi tayo ng takipsilim
Nagwakas ang mga pangarap na almusal nang magsimula ka nang maglihim
Nang umalis ka na lang dahil hindi mo rin naman kayang magkwento at umamin
Noong humingi ako ng ilang segundo ng katotohanan matapos ang ilang taon kong inakalang hinding-hindi ka magiging sinungaling.

Alam ko balang araw, masaya kana sa iyong bagong kasama.
Sa mga munting eksena na nag lalaro sa isip ko, gusto ko na yung eksenang masaya ka na lang sa iba.
At balang araw hindi na tayo masusuka sa mapakla at mapait na almusal ng ating pag-ibig, salamat, totoo.

Salamat sa hindi na manguyang pag-ibig mo.
Joshua Feb 2019
Naalala ko pa yung araw na napagdesisyunan kong kumain sa McDo.
Kasi wala lang, trip ko lang.
Hindi naman ako gutom, hindi rin pagod.
Pero nag-McDo ako.

Noong panahong yun,
Saka ko lang narealize yung sinasabi nilang "Self Worth."
Pahalagahan ang sarili, mahalin.
Bagay na hindi ko nagawa sa nakaraan.
Kaya ayun, nagwakas, natuldukan.
Paano naman nga ba kasi magpapahalaga sa iba
Kung sarili ko nga di ko mapahalagahan.

Umorder na ko ng fries at Big Mac
Syempre kasama ang paborito kong McFloat.
Nasa kalagitnaan na ko ng pagnguya
Nung nagtanong ka
"May nakaupo na po ba?"
Hindi ko na tiningnan ang kanyang mukha
Umiling nalang ako.
Nagtataka rin kasi ako bat sa harap ko pa naisipan **** umupo.
Yun pala, wala na talagang pwesto sa McDo.

Binasag mo ang katahimikan sa pagpapakilala mo sa akin.
Bigla atang lumamig ng hangin
Lalo na nung nakita kong nakangiti ka sakin.

Nagkakilala tayo. Naging magkaibigan.

Ikaw ang nagsilbi kong Happy Meal
sa araw-araw na paggising ko.
Hindi ko na kailangan ng Happy Meal toy
Kasi makasama ka lang enjoy na ako.
Ikaw yung chicken fillet na
sa sobrang lambot ng pisngi mo nanggigigil ako.
Ikaw yung Hot Fudge na mas matamis pa
sa Dairy Milk kasi sobrang sweet mo.
At para kang gravy ng McDo
na hanggat di ubos yung ulam magrerefill ako.

Hanggang isang araw, inaya mo ko mag-McDo.
Masaya akong sumama kasi minsan lang yun.
Ako naman ililibre ng taong madalas ilibre ko.
Feeling ko tuloy sasagutin mo na ako.
Nagpresenta kang ikaw na o-order
At ako nang bahala sa uupuan.
Hindi ko alam bakit pagkaupo ko palang
Nakaramdam na ko ng kalungkutan.
Natakot ako bigla sa di malamang dahilan.

Buti dumating ka na, at
Buti nakangiti ka.
Ngunit ako ay nagtaka na
Ang pagkaing binili mo ay hindi para sa dalawa.
Agad **** sinabi saken na saglit lang,
May pupuntahan ka lang.

Pagkaalis mo, kinain ko na ang binili mo.
Pero nagulat ako
Matapos kong i-angat ang burger na inorder mo.
"Hindi pa pala ako handa."
Nakasulat sa sticky note na nilagay mo.
Di ko alam ano ibig **** sabihin
Kaya nagdecide akong ikaw ay hintayin.
Mahal, sabi mo saglit.
Pero bakit hindi ka na bumalik?
Iniwan mo na ako.
Iniwan mo gamit ang isang sticky note,
Kasama ang favorite kong McFloat.
Daynyel Jan 2018
Sariwa pa sa aking alaala,
Nakaraan nating dalawa
Pinangakong magsasama,
Habang buhay hari't reyna.

Mga panahon ay lumipas,
Pangako'y tilang kumupas,
Tinangay ng hangin pataas,
At pagmamahalan natin tila nagwakas.

Ako'y iyong naging tanggulan
Nang buhay mo'y inulan,
Ako'y iyong naging sandigan,
Giliw, bat mo ngayo'y iniwan?

Tingnan kay di ko magawa,
Kalimutan pa kaya?
Nakaraan nating dalawa
Hanggang ngayon dala-dala ko pa.
Pusang Tahimik Feb 2019
Siya'y prinsesa na sa akin ay nag-iisa
Ano'ng saya ko na'ng kami nga'y naging isa
Ang puso'y umapaw sa ligalig at saya
Sa araw na ang bilang ay labinisa

Ngunit ikaw pala'y nakapako pa sa nakaraan
At ang isipa'y tila yata siya pa rin ang laman
Ipinipilit ko ang sarili kahit na ako'y nasasaktan
Hiling na 'Mahal Kita' mula sa'yo ay marinig man lang

Dumating ang araw na hindi ko nga maikakaila
Ang saya at ligalig ay naparam na tila ba isang bula
Sa iyo'ng mga sinabi ako'y nabigla at napatulala
Sa sakit ay di ko na naramdaman ang pag-patak ng aking luha

Nagwakas ang lahat sa loob ng araw na ang bilang ay tatlo
Mas malubha pa sa sikat na awitin na umabot sa pito
At ako nga'y naiwan sa tanong na 'bakit at ano?'
"Bakit nagkaganito? Ano na ang gagawin ko?"

Ikay ay nag-iisa'ng bagyo na tuluyang winasak ang puso ko
Ngunit masasabi ko'ng ikaw ay aral din naman sa buhay ko
Ngayon nga'y hinihiling ko'ng masaya ka sa bago mo
At sana siya'y katulad ko na tapat at totoo.
- JGA
Isang taon na rin pala ang nakalipas
nang ang isang yugto ng buhay koy nagwakas.
Ilang pahina na rin ang pinunit,
bago makapagsulat ulit
ng panibagong kabanata
simula noong ikaw ay nawala.
Kahit na ang papel ay ubos na,
Kahit na lapis koy bali-bali na,
Patuloy parin akong magsusulat
Kahit pangalan mo'y di na kasabwat.
MM Nov 2019
Pumatak ang ulan, unti-unti

Kasabay ng pagbugso nito ay ang musika na ikaw lamang ang nakakarinig

Sinubukan **** silipin ang mga tala na nagtatago sa likod ng mga ulap

Ngunit ngayong gabi, maging sila ay mailap

Isang awit ang nagwakas at isa pa ang muling nagsimula pero nandito ka pa rin

Hindi pa rin maihakbang ang mga paang tila nagapos sa kalungkutan at pag-iisa

Masyado na ata silang nasanay na walang naghahanap, na walang tumatanggap

Kaya heto’t kahit usigin mo ay hindi bumibitaw sa kawalan na tila walang nakakaramdam kundi ikaw

Wala pa rin ang iyong hinihintay

Titila na ang ulan at maaari ka nang magtampisaw sa naiwan nitong buhay

Ngunit wala pa rin ang iyong tinatanaw
060821

Namuo ang mga luhang walang awat na nagpararamdam,
At sa kabila ng paghilot sa katauha'y
Daragsa ang hindi maintindihang elementong bumabalot sa liwanag.

Una,
Nasilayan ko ang larawan ng mag-inang minsang naging kabahgi ng akingnakaraan,
Kung saan naging bukas ang kanilang pintuan
Para sa mga kung anu-anong okasyon,
Mga pagpupulong na wala sa usapan,
Mga tawanang walang kabuluhan.

Ipinagkait ng pagkakataon ang paalam
Na sana man lamang ay naging harap-harapan.
At ang paalam na ito'y hindi malaman
Kung kailan ang simula at katapusan.

Pangalawa,
Sa pagitan ng pag-aaral at paghahanapbuhay
Ay namuti ang pangarap na lisanin ang kinasanayan.
Ngunit sa mismong araw ng kanyang paglilitis
Ay iba na pala ang nasa linya't nagbitaw ng mga salitang,
"Wala na sya."

Kinitil ang pangarap ng tadhana
At tuluyang naglaho ang alaala ng kanyang katauhan.

Pangatlo,
Sa apat na sulok ng pag-uusig
Ay naging bukas ang pagsalasat ng katotohanan buhat sa magkabilang panig.
Ang kanilang mga hain ay higit pa sa poot
Na may panghuhusgang bitbit at sigaw sa pula at sa puti.

Naubusan sila ng mga salita at nagtapos sa paghihiwalay
Ang kanilang mga ngitian at halakhakan,
At ang minsang pagbubunyi ay naging palitan
Ng liham ng paalam at katapusan.

Pang-apat,
Sa pagpunit ng bawat pahina ng kalendaryo
Ay nagwakas na rin ang kanilang pagkikita
Ang lihim ay idineklara't nagpaubaya na lamang sa Langit
Ang dalamhating tugon sa pag-ibig
Na sana'y may bukas at makalawa pa.
yndnmncnll Mar 2021
Yung di mo pa naririnig ang mga kataga
Ngunit ramdam na ng puso **** wala na talaga
Kayat huwag na nating ipilit pa
Dahil mas lalo lang tayong masasaktan
Pagkatapos mo siyang mahalin ay iniwan ka niyang luhaan

Kaya’t wag ka nang umasa pa
Na babalikan ka pa niya
Dahil kung talagang mahal ka niya
Di ka sana ngayon nag-iisa

Hindi ikaw ang may mali kundi sila
Nagmahal ka lang naman ng tapat
Pero bakit ka nila iniwang nag-iisa
Kahit ibigay mo pa lahat
Kung iiwan ka, iiwan ka talaga
Kung manloloko yan, magloloko yan
Kung sabi niyang mahal ka niya
Bakit ka niya sinasaktan ng ganyan?

Siguro may rason kung bakit tayo umabot sa ganito
Kung bakit nagwakas ang pagsasama nating dalawa
Ngayon ang puso ay nalilito
Kaya’t wag nang umasa pa
Na balang araw ay babalikan ka niya
Dahil kung talagang mahal ka niyan
Hindi ka niya iiwan nang luhaan

Hindi ikaw ang may mali kundi sila
Nagmahal ka lang naman ng tapat
Pero bakit ka nila iniwang nag-iisa
Kahit ibigay mo pa lahat
Kung iiwan ka, iiwan ka talaga
Kung manloloko yan, magloloko yan
Kung sabi niyang mahal ka niya
Bakit ka niya sinasaktan ng ganyan?


Walang magagawa kundi gustong ibalik lahat sa dati
Kaya’t inuungkat ang mga pangyayari
Ngunit ang alaala’y babalik pa
Kaso ang mga taong naging parte nito ay hindi na

Hindi ikaw ang may mali kundi sila
Nagmahal ka lang naman ng tapat
Pero bakit ka nila iniwang nag-iisa
Kahit ibigay mo pa lahat

Kung iiwan ka, iiwan ka talaga
Kung manloloko yan, magloloko yan
Kung sabi niyang mahal ka niya
Bakit ka niya sinasaktan ng ganyan?

— The End —