Walang Pamagat
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz
Malumanay ang pagkumpas ng mga kamay ng orasan
Sumasabay pa tong nakakabinging katahimikan
At ako? Nandito sa loob ng apat na sulok ng munti kong silid
Kabisado ko na ang bawat detalye ng kwartong ito ngunit ito parin, nagmamasid
Na para bang nasa ibang lugar ako, nangingilala, nagtataka
Tulad ng kung paanong maraming tanong ang gumagambala sa katahimikan ng sandali
Mga tanong na habang pilit kong hinahanapan ng sagot ay mas lalo lamang nagpapaalala sayo
Sayo at kung anong meron tayo… noon
Para ka rin palang kwarto ko.
Kilala kita, kabisado ko na ang takbo ng isip mo
Alam ko kung kailan ka nagsisinungaling kapag sinabi **** “okay lang ako”
Alam ko kung ano yung mga tugtuging hinahanap-hanap ng pandinig mo
Alam ko kung paano magniningning ang mga mata mo kapag nakakakita ka ng cute na aso
Alam ko dahil inalam ko, alam ko dahil ipinaalam mo, alam ko dahil ginusto kong malaman
Kilala kita, kabisado ko ang bawat tibok ng puso mo
Pero muli, para ka rin palang kwarto ko
Na kahit gaano kita kakilala at kakabisado, naguguluhan pa rin ako
Nangingilala;
Nagtataka;
Dahil kahit naging malapit ka sa akin ay tila parang napakalayo mo pa rin
At kahit gaano kita kakabisado ay hindi ko pa rin alam ang kasagutan mo sa mga tanong na iniwan mo sa akin kasabay ng pag-alis mo sa buhay ko:
bakit.
Bakit ka pumasok sa nananahimik kong buhay para pasiglahin ito at sa huli ay iwan ako?
Bakit mo ipinadama sa akin na importante ako para lang isang araw ay ipadama na wala na kong halaga sayo?
Bakit mo ako nilapitan nang may ningning sa mapupungay **** mata at matamis na ngiti sa iyong mga labi?
Bakit mo ipinaulit-ulit ng bigkas ang pangalan ko na hanggang ngayon ay musika sa akin?
Bakit ka nagpakilala para lang sa huli ay limutin?
Bakit ka lumapit sa akin na parang isang apoy na nagbigay liwanag ngunit siya rin palang tutupok sa akin?
Bakit ka dumating sa buhay ko para lamang sa huli ay lumisan?
Ang daming bakit pero iisang bakit lang ang gusto kong sagutin mo.
Bakit mo ako iniwan ng biglaan?
At hindi naman ako tanga.
Alam ko na iba tayong dalawa.
Sabihin mo nga sa akin kung paano ko hindi bibigyan ng pansin ang sigaw ng mga kilos **** sinasabing espesyal ako?
Paano kung sabihin ko sayong pinakinggan ko ang bulong ng puso mo noong unang beses na inaya mo akong kumain sa labas?
Paano kung sabihin ko sayo na narinig ko ang pangalan ko sa pagitan ng pagpintig ng pulso mo noong inabot mo ang mga kamay ko?
Paano kung naiintindihan ko ang ibig sabihin ng mga biro **** nagpapahiwatig na ako ang gusto mo?
At paano kung sabihin ko sayo na nakita ko ang nakaukit na ‘mahal kita’ sa ningning ng mga mata mo sa tuwing magkasama tayo?
Hindi naman ako tanga.
Alam mo ba? Tayo ang tulang ito.
– walang pamagat
Kumbaga sa linya ng isang kanta ay “oo nga pala, hindi nga pala tayo”
Na katulad ng isang pelikula, hindi lahat ay nagtatapos sa happy ending
At katulad ng isang nobela, masaya man o malungkot, lahat ay nagtatapos
Sa lahat ng nobela, itong sa atin yung kuwento na hindi naisulat ngunit nagtapos
Natapos ngunit walang paalam
Kahit wala tayong pamagat, gusto kong pahalagahan ito
Dahil ito yung meron tayo.
Medyo magulo pero ito, tignan mo, naisingit ko na yung salitang “tayo”
Sayang.
Sana kumapit ka pa.
Naiisip ko pa rin gabi-gabi kung bakit ka lumayo
Patawad, naaalala pa rin kita kahit hindi ko naisin
Patawad, umaasa pa rin ako na babalik pa sa dati ang lahat
Dahil naniniwala pa rin ako na nobela tayo
At hindi pa nagtapos ang kuwento noong huling beses na humakbang ako palayo at hindi ka nagsayang ng segundo para lumingon sa direksyong tinahak ko
Naghihintay ako.
Mali pala ang pagkakagamit ko ng mga salita.
Wala pa tayong pamagat
Ngunit malay mo balang araw ay magkaroon din at habang hindi pa dumadating ang araw na iyon, ipipikit ko ang mga mata at ibubulong sa hangin na…
sana malaman mo na mahal din kita.