Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Matagal - tagal na rin noong ako'y iyong iniwan
Ngunit hanggang ngayon ay umaasa pa ring mababalikan
Sino nga ba ang unang nakalimot?
Pagmamahalan ba nati'y napalitan na ng poot?

Tahanan kong nagsilbing kanlungan
Pagkahapo sayo'y naging pahingahan
Maraming salamat sa taong nagdaan
Lalaya ng muli sa gapos ng nakaraan
"I know now how heartbreaking it is. And I end up making a poem for him."
Rey Tidalgo Jul 2016
Matulog ka hirang / at kata'y tutulak
Sa landas ng gabing / humahalimuyak
Doo'y tutuparin / ng ating pangarap
Lahat ng pagsuyo't / pag-ibig na hanap

Kata'y aaliwin / ng mga kundiman
At patutulugin / ng hanging mahinay
Pag-ibig ang ating / magiging himlayan
Sa harap ng tala't / mga bulalakaw

Sa landas ng tuwa / kata'y matutulog
Lilipas ang hirap / lahat malilimot
Lalaya ang diwa't / mga bungang-tulog
Sa tulong ng gabing / lipos ng pag-irog

Kata'y maglalampong / nang buong hinahon
Wala ni sinuman / ang makatututol
Huhuni't aawit / ang lahat ng ibon
Titigil ang luhang / sa mata'y nanalong

Lamang ang hangad ko'y / iyong mamalasin
Ang aking pintuhong / hindi magmamaliw
Sukat na sa akin / na iyong ibigin
At kung ibigin ma'y / umibig ka giliw!

Tena at humimbing / sa gabing tahimik
Na nilalambungan / ng nunungong langit
Mga puso'y sabay / na mananaginip
Sa awit ng isang / hele ng pag-ibig
***
Kata - Tayo
Kundiman - Awit ng Pag-ibig
Bungang-tulog - Panaginip
Lipos - Puspos
Maglalampong - Maglalambing
Nanalong - Matulaing anyo ng bumabalong
Mamalasin - Mamasdan
Pintuho - Pagsuyo
Tena - Tara na
Hele - Awit na pampatulog
JOJO C PINCA Dec 2017
Manggagawa ang tatay ko at manggagawa din ako, lumaki ako sa lugar na ang mga kapit-bahay ko ay puro mga manggagawa. Dati pangarap ko’ng maging labor lider, maging unyonista na tulad ng tatay ko. Manggagawa mga taong pinalalakas ang katawan dahil ito ang kanilang tanging puhunan. Katawan, dugo at pawis ito ang kailangan dahil wala silang ibang masasandalan. Mga isang-kahig at isang-tuka at mga alipin ng gutom at pangangailangan, mga modernong alipin.

Mga factory workers, bodegero, baradero, construction workers, OFW, mga sekyu, mekaniko, latero, karpintero, katulong, hardinero, kubetero, tsuper, kargador, estibador – lahat sila mga manggagawa. Gumagawa araw at gabi kapalit ng maliit na kita, hindi sapat na benipesyo at walang dangal sa harap ng among kapitalista. Mga inuupasala at pinagsasamantalahan, mga gatasan na laging tinatampalasan ng mga walanghiya at mga tampalasan.

Manggagawa na walang dangal na laging busabos ng mga mayayaman at makapangyarihan kailan mo kaya makikita ang araw ng iyong katubusan? May mga dambuhalang mahilig kumain ng laman mga halimaw na walang kabusugan, mga bampira na sinasaid ang dugo ng biktimang walang kalaban-laban. Ganyan ang mga kapitalistang ating pinaglilingkuran. Mga walang pakialam sa buhay ng iba ang mahalaga sa kanila ay ang kumita ng limpak-limpak na pakinabang.

Mga kapwa manggagawa may araw din na tayo ay lalaya. 'Wag mainip sapagkat nakatunghay ang kasaysayan ang batas nito ang magsasabi kung kelan tayo lalaya sa tanikala ng mga mapang-aping panukala.
Jose Remillan Nov 2013
Sapat nang bendisyon
Ang luha sa'yong  mga
Mata upang maging

Karapat-dapat ang mga
Tuyong talulot ng rosas
Na matagal **** ikinubli

Sa aklat niya ng mga tula.
Marahil, lumipas na nga
Ang inyong panahon.

Ngunit ang bawat kataga
Na minsan niyang inialay
Sa'yo ay hiwagang lalang

Ng puso, may ritmo ng
Pagsuyo, may samyo ng
Bagong pangako. Ipako

Man ng oras ang ala-ala't
Alat ng luha na dumadaloy
Sa'yong magkabilang pisngi,

Ang mga talulot na ito'y
Patuloy na magbibihis ng
Bagong pag-asa, lalaya mula sa

Siniphayong ligaya, mananahan
Sa bawat pahina.
University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
October 12, 2013
JK Cabresos Mar 2016
Isang minuto,
kahit isang minuto lang,
para matitigan ko pa ang kislap
ng iyong mga mata,
isang minuto,
isang minuto lang,
pipilitin ko lang maramdaman
ang pintig ng iyong pusong
sumigaw ng mahal mo ako,
isang minuto,
isang minuto pa
para tanggaping imposibleng
maging tayo.

Oo, mahal kita,
susulitin ko ang bawat minutong
hawak-hawak ko pa
ang iyong mga kamay,
mahal kita,
at patuloy kitang mamahalin
hanggang sa maubos man ang tinig
o ang ating himig,
mahal kita
at sana'y minahal mo rin ako.

Isang minuto,
isang minuto lang bago ako umalis,
isang minuto
para mahagkan ka muna,
isang minuto para masabi sa'yo
ang bawat katagang nakaukit
sa pinakakasulok ng aking puso,
mga katagang nais maipabatid
itong nahihikahos na damdamin,
mga emosyong mahirap ipaliwanag,
at bawat bugso ng gunitang
nasa bahaging ang meron lang
ay ikaw at ako,
pero walang tayo,
mga gunitang kahit ilang takipsilim
man ang lumipas,
di pa rin kayang mabura
o kahit man lang
matangay ng mga luha.

Mahal kita,
at patuloy kitang mamahalin,
dito sa mundong walang kasiguraduhan,
ako'y maghihintay pa rin,
isang minuto,
isang minuto lang
bago ako bumitaw,
oo, bibitaw ako,
pero di ibig sabihing di na kita mahal,
iiwan ko lang ang puso ko,
bibitaw ako dahil
kahit gaano  pa kasakit
ang makita kang masaya sa piling ng iba,
hangad ko lang
ang iyong kaligayahan sa piling niya,
lalayo ako para lumaya ka,
lalaya ka at lalayo papalapit sa kanya,
pero isang minuto lang,
oo, isang minuto pa,
at pagkatapos nito'y kakalimutan na kita.
Argumentum Jul 2015
Bonifacio

Sinlamig ng gabi
Ang tanikala sa aking kamay
Habang nakahiga
Sa aking hinimhimlayan

Singtamihik ng gabi
Ang aking paghabol ng hininga
Unti-unting naglalaho
Gaya ng kandila sa magdamag

Babangon sa tunog ng yapak sa kalayuan
Bawat yapak, dibdib ay bumibigat
Bubukas, lalangitngit ang rehas
Pipikit at lalaya ang hininga

Di alintana ng naghihingalong katawan
Ang sakit at lungkot na nalalasap
Sapagkat wala ng mas kikirot pa
Sa pagtamasa ng kamatayan sa sariling kadugo, katipan at kasama
Michael Joseph Nov 2019
sa isang minsan
naglaro ang tadhana,
pinagtagpo ang mga mata
ng dalawang uhaw sa kahulugan

sa isang minsan
nagsimula ang tagu-taguan,
mga salitang walang kahulugang
sinasambit ng mga labing mapagpanggap,

sa isang minsan
nagdikit ang mga labi,
pilit itinago ang init na nadama
ngunit mga ngiti natin ang nagsasabi

sa isang minsan
maipapakita natin sa lahat
na nandito tayo para sa isa’t-isa
at di na kailangan pang matakot sa panghuhusga

sa isang minsan,
kailangan nating maniwala
sa pagdating ng oras at tadhana,
magkasamang lalaya,
sa isang minsan

masasambit rin natin ang ating pagsinta,
sa isang sulyap na walang takot,
walang alinlangan,
sa isang minsan

ang minsan ay magiging walang hanggan,
panghabang-buhay, kahit saan,
kahit kailan, kahit anong oras
sa isang minsan

darating rin na magtutugma ang tadhana
kaya’t makontento muna tayo
sa mga nakaw na sandali,
sa isang minsan

magtatagpo ang ating mga mata at ngiti
kahit na walang kahulugan,
kahit na tayo’y  nasasaktan,
sa isang minsan

tayo ay nagkatagpo at nagmahalan,
kahit alam nating tayo ay sawi,
sa pag-ibig nating
tulad ng ulan
sa isang minsan
Ito nakagawa na rin ng legit na ngayong taon ko nagawa, ang hirap maghanap ng poetic inspiration, pero heto buhay na uli. Tag-ulan eh.
solEmn oaSis Dec 2022
nasa mata ng tumitingin
Meron ang Kagandahan,
tulad baga ng maingay na musika
sa pandinig nilang tulog - mantika,
nangangamoy na ang sulo ng apoy
Halimuyak pa rin meron ang Simoy,
tila ba malabong bahain ng pag-asa
Sila na nasa Seguridad ang panlasa
kagat - labi man ang pagtiim - bagang
habang iniinda ng kalingkingan ang matimbang
na tawag ng inang - kalikasan animoy gantimpalang
maitituring ang abot - kamay na pangarap sa pahalang
na ilog ng kaulapan na may samut - saring pasaring...
dinaramdam ng katauhan ang bawat hangaring
Huwag masaktan ang puso kahit ni- ang mga kalamnan
Ngunit sadyang nangyayari ang hawi ng kabiglaanan,,
Mga balya at salya ng pagsibol ang huwad na kasinongalungan at ang patotot ng katotohanan...
bilang Isang mamamayan ng pagsubaybay doon sa mga tulak ng tugma
sunog-bahay kahahantongan ng maling bitaw sa batong hawak para sa sungka,
Bilang ng mga nilalang kapwa paikot-ikot lamang na tila ba kumpol ng mga balahibong-pusa na tinayoan
Umakyat sa leeg ang dagang dati - rati ay nasa dibdib...
Maibulalas lamang ang silakbo at simbuyo na kay - tigib.
Bilang na pala ang oras at sadyang di namalayan sa LibLib,
Magwawakas na pala ang isa- dalawa tatlong pag - iigib
sa balong malalim na may apat - lima anim na pakikipag - anib
Nalagot ang lubid , nahulog ang sisidlan ng tubig...
at natinik sa paglukso ng pag - ibig yaong pawang mga nakayapak
Ngunit babangon sa tuwing madarapa ang siyang naiwan na balak
Ganyan po ang aral ng Liwanag sa dilim
Gabayan ang hangal sa aninag ng lilim !
ika - P i T o .. ika - Walo
Hipan lang ang siLbato,
bundok man o sa ibayo
Siyaman na ulap ay TanTo,
Lalaya din ang pangsampo
Magtatagumpay ang bunso !!!
DahiL ako ang nagsulat nito
MarahiL nabatid mo na ang pulso
Biyaya ng MaykapaL wag i- abuso
Kung tinamaan Ka man ng bagyo
Kalimutan ang Tampo at Siphayo
The sequel of my poem...
"  Kapag natuyo ang ilog,
Hintayin mo ang mga ulap "
kingjay Sep 2019
Isisigaw nang pasukdol ang pangalan-hirang
Lalaya na kasabay ng paglisan
Dadalhin ang mga kinikimkim
Mahapding man parating bukambibig
Sumisingaw nang matamis

Kahapong ligaya ngayon lumiligalig
Nalimbag ang pangyayaring ayaw mawaglit
Sana masaya sa piling ng iba
Kahit naririto na inaalala pa

May saliw ang bawat salita nang ginugunita ang yaong nakalipas na
Tukso ba na para kabigin
Bakit parang bitag na inihain
Sana'y habso ang pagkakabigkis

Sa paghayo tungo sa paraiso
Iiwan nang may pagkabahala  
Sana sa eklipse na magaganap
Mag iiba ang daan bukas
At di muna aalis pa

Hihintayin sa pintuan ng wakas
Kung saan ang mga bagay bagay ay may kanya kanyang lunas
Kung nararamdaman ay di na maibsan
Tatanggapin nang pagkagiliw
Kahit ililibing nang di naagnas
Raine Quirino Feb 2024
Minsan, parang ang haba ng araw kapag inaantay mo itong lumipas nang wala ng kirot. Isang linggong haba.

Nakakapagod pala talaga. Nakakapagod mag-umpisa. 'Yung hahakbang ka nalang paharap, ang tinig, yapos, at bawat pagsulyap pa rin ang makapagpapahakbang sa'yo pabalik.

Kahit wala na.

Tapos susubok na humakbang muli. Paharap. Kahit bawat yapak, pumapatak ang luha sa paanan **** pagód na't namimitig. Babalik. At masusugatan nang minsan pa.

Bitaw ka na. Ibigay mo sa Kanya.

Ang mga bubog sa pagód **** puso na sumusugat sa bawat pagyapak ay dadamputin Niya nang walang pag-a-alinlangan, dahil una na Siyang nasugatan.

Bitaw ka na. May paghilom sa paglaya. At sa paglaya ka papayapa.

Tahan na. Lalaya ka. Lalaya ka dahil pinalaya ka na.

Isang hakbang pa ulit. Sa Kanya lang ang tingin.

Hindi ka pa man lumalapit, handa na Siyang yumakap.

Takbo ka papalapit. Hayaan **** buuin ka Niyang muli.
.

Ika-lima ng Enero, Taóng Dalawang Libo't Dalawampu't Apat

— The End —