Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JuliaLazareto Jun 2017
Hindi kita gusto sa una nating pagkikita,
Ngunit, muli tayong pinagtagpo, at ito'y umusbong na.
"Ayoko, ayoko nito."
"Mahirap, mahirap ito."
Mga salitang nabanggit ko,
habang ako'y nakatitig sayo.

Simula noong araw na iyon,
nagtanong- tanong na ako, tungkol sayo.
Gusto kong malaman ang pangalan mo,
Gusto kong malaman ang mga hilig mo,
Gusto ko lang makaalam ng kahit ano, tungkol sayo.

Nabalitaan kong sikat ka raw,
Talaga ba? Marami raw nagkakagusto sayo?
Edi mas bumaba ang tsansa ko, upang mahalin mo?
Masakit mang isipin, pero ito ang totoo,
Masakit mang isipin, pero hindi ako ang mahal mo.

Nagdaan ang ilang araw,
Natuklasan ko,
Paasaa ka, pafall ka,
Pero mahal parin kita.
Oo crush lang kita,
Pero gustong gusto kita, higit pa sa kanila.

Isang araw nabalitaan ko,
Balitang dumurog sa puso ko.
May ka-M.U ka raw,
may nililigawan ka raw,
at ako namang si t*nga,
Hindi naniwala sa kanila
Mas pinili ko pang umasa,
Sa taong wala naman akong pagasa.

Pero nung makita ko,
Nung makita nang dalawang mata ko, yung paghaharutan niyo,
Napaisip ako, "Bakit ganito kayo?"
Nasobrahan ba yung pagka- bulag ko para sayo?
Nasobrahan na ba yung pagmamahal ko para sayo?
Upang ako'y masaktan nang ganito?

Pinilit kong ihinto ang pagmamahal ko sayo,
Ngunit mas lalo lang kitang ginugusto.
Hindi ko alam kung paano ako makakaalis sa sitwasyong ito,
Ang alam ko lang, sobrang nasaktan ako.

Ang sakit na iyon ang nagturo sa akin,
kung paano kumalas,
Kumalas sa relasyong ako lang ang lumandas.
"Ayoko na, ang sakit sakit na."
Ngayon, pinapakawalan na kita.
Susuportahan kita kung saan ka sasaya,
At yun ay sa piling niya.

Bumitaw ako, ngunit hindi ibig- sabihin non,
ayoko na sayo,
Gusto kita, tandaan mo yan,
Ngunit hindi ko yata kayang lumban,
Sa pagmamahalang, ako lang ang nakakaalam.

Lumipas ang ilang buwan,
Sinabi mo mahal mo ako,
Sabi mo, ako lang ang yong gusto,
Ano 'to lokohan?
Pagkatapos mo akong iwan, ngayon ako'y babalikan?
Oo mahal kita.
Mahal kita noon,
Pero binaliwala mo iyon.

Bakit ngayon pa?
Bakit ngayon pang ako'y sumuko na?
Bakit ngayon pang ako'y nasaktan na?
Bakit ngayon pang ako'y masaya na... SA PILING NG IBA?
solEmn oaSis Dec 2015
mula sa bintana ng mga katotong tahanan
may pinaghuhugutan balitang pinagkainan
merong budbod di-umano ang bibingka sa bilao
madalas di-ginugusto,,minsan nama'y napapa-tipo.

bihira man ang daloy sa hiwa ng pagkakataon
nariyan pa rin ang kuro at haka sa loob ng kahon
sa tulong ng walang patumanggang bulong na hindi naririnig ang tunog
sa likod ng pulang bilang matatanaw may abiso sa kidlat na walang kulog.

ilako ang lakbay ng himay sa mga nagdidilang anghel
para mahumpay ang tamlay mula sa pader na papel
ibahagi ang natatanging kuwento sa oras ng hanay ng kasarinlan
mag-manman sa likuran bago dumating at gumawa sa tambayan

matabunan man sa araw-araw ang pag-apaw ng dalaw sa estado
wag mag atubili,hataw lang sa paggalaw muling ibangis ang talento
bagamat ano mang bulwak meron ang katha sa salamin,matapos na
maisulat
sa ere man hanggang sa paglapag ng tuyong dahon,may mangha na ipamu-mulagat

sapagkat hinde mababanaag sa mga nilakaran
ang iniwang bakas sa pinanggalingang upuan
dahil ang dati nang puting kulay sa loob na 'ala pang bahid
magkukulay dilaw sa pagkakaroon ng matimtimang masid

at kung ang inaasahan ay taliwas sa nakatakda,,alin lang yan sa dalawa :
bumilis ang pagbagal ng patak kaya manunumbalik ang dati nang sigla
o malamang na mangamba sa pakiwaring hindi daratnan dahil sa
pagkaantala?
kung magkagayo'y ituloy lang ang pagkasabik sa pagtatapos pagkat
*magkakabunga!
Ang bawat simbolo ay sagisag....
palatandaan ng makabuluhang kahulugan!
At ano mang uri ng bantas ay marka,,,
na tatak sa ating utak patungo sa isang palaisipan.
Stum Casia Aug 2015
Bilang na ang aking maliligayang araw.
dalawa na lang. Kung isasama yung pangakong panlilibre ng lomi
ng mga kasamahan sa pabrika sa unang restday matapos ang endo-
tatlo. At ganito pala ang feeling ng may taning.
Para kang nasa nilulumot na aquarium na walang oxygen
at goldfish kang kasama ng dalawang golden arowana.
Hindi ka makahinga.
Sa a kinse, matuloy man o hindi ang balitang super-bagyo
Tapos na ang limang buwang kontrata.

Matatapos na rin ba ang hindi naumpisahang pagsinta?
Tulad ng paghahanap ng mga skater sa kanilang skate park,
matatagpuan ko rin ba ang lakas loob at habambuhay na hindi na?

Kaya naman kaninang tanghalian, wala akong kwentong maihain sa iyo.
Parang habambuhay ko ngang uubusin yung inorder kong BBQ
kanin at RC.
Paano ko ba sasabihing baka isa na ito sa huling dalawang tanghalian na sabay tayong kakain?
Paano ko ba sasabihin na sa maraming pagkakataon na sabay tayong kumakain,
nagtitipid ako at hindi naman talaga ako nagugutom.
Gusto lang kita makasama kasi parang gusto na kita.
Pero tulad ng inililihim kong pagtatapos ng aking kontrata

Hindi mo alam.

Hindi mo alam na ikaw ang dahilan kung bakit masarap ang simoy ng hangin sa loob ng pabrika
kahit wala naman talagang bintana at inuubong industrial fan lang ang meron tayo.
Hindi mo alam kung anong kapanatagang nararamdaman ko
tuwing sinasabihan mo akong mag-iingat ako
tuwing uwian kahit ang totoo, hindi natin kakilala ang kaligtasan
at kapanatagan sa pabrikang walang fire exit
at benefits.

Yun talaga yun, hindi mo alam.
Pero alam mo naman sigurong salot talaga ang kontraktwalisasyon?

At maramot talaga sa mga lovestory nating mga below-minimum-wage-earners
at contractual workers ang sistema ng paggawa sa Pilipinas.
Sa mga susunod na bukas, ikaw naman ang mag-e-endo.
Baka mapunta ka sa Savemore na tadtad din ng kontraktwal.
At masnatch ang numero mo at hindi na kita matatawagan.
At ako, baka sa hirap humanap ng trabaho maisangla ko ang aking telepono.
At isang monumentong singlaki ng Mall of Asia ang itatayo sa pagitan nating dalawa.

Kasalanan ito ni Ernesto Hererra.
112815 #3:50PM #ISIS

“Kami’y may balitang
Banta ng kaimbihan
Lipon nami’y
Ni hindi ninyo matitiktikan!”

“Humihikbi kami’t di titikim sa pauso.
Lisan ninyo ang bayang hindi pag-aari!
Baya’y pangako, kayo’y hindi kasapi!”

“Nakatalaga ang bala
Para sa hindi patitikom-bibig,
Walang bantulot buhat sa grasya
Kaya’t kami’y gawaran!”

“Langit ang uukil sa inyong pagtataksil!
Hukom ay dalisay at may patas na tingin.
Kung dugo ang kapalit,
Kami’y hindi patitikom,
Ni hindi yuyuko
Sa nabinat nyong kariktan.”

“Patiyad kayo’t magmakaawa,
Humiling na sa Hari nyong may dunong!”

Naghihilakbot sila bagkus di paaayon,
Sa yungib ng kaluluwa’y
Ginagagap ang pangako.
Sila’y bayaning tigmak sa pakikibaka’t
Bilang ang mga martir na Maharlika.

Naulinigan ang mga sumirit na armas,
Kanilang patibong
Na may nanlilisik na batas.
Bagkus ang atungal ng lupon ng Liwanag,
Espada’y tatangayin
Hanggang sa huling paghinga.
Ngayon ang araw na ang tagsibol ay naging taglagas
Nagmistulang mga banderitas na may kani-kaniyang pahiwatig
Ang mga balitang may madalamhating panimula.
At kung ito nga ang katapusan ng isang mandirigma
Sa kahon at sa lilim ng Malacanang,
Ay dito ko rin nais magsimula ng aking pagtaya.

Ginuguhit ko sa aking isipan
Ang paulit-ulit na malalaking tuldok
At ang kani-kanilang dugtugngan
Na tila ba hindi lamang sila kabahagi ng kabuuan
Ngunit ang kanilang kabuuan ay sya ring kabahagi
Sa pinagtagpi-tagping mga kalahok ng kasaysayan.

Natatandaan ko pa noong elementarya,
At sa tuwing bubuksan ang aklat ng nakaraan
Ay tila magiging mga itak na matutulis ang mga pahina nito
At sabay-sabay na susugod at lulusob
Na para bang mga manlalayag sa panibagong misyon nito.

At kahit pa, kahit pa gustuhin ko mang manatili
Ang mga imahe sa realidad
Ay wala naman akong kakayahan
Para pigilan ang tadhana sa pagkitil
Ng kanilang mga pinaglumaang orasan.

Ngunit sigurado akong ang mga mukhang nililok ng panahon
Ay magiging katulad din ilang pahinang ipinapangkalakal
At doon sila'y magpapatuloy ng panibagong yugto
Ng mga kwentong hindi man maiukit sa kasaysayan
Ay magsisilbi namang pamana
Sa henerasyong may iba nang ipinaglalaban.

Hindi man ito ang sinasambit kong katapusan
Ngunit sa pagitan ng magkaibang panig at paniniwala
Ay balang araw itong maisasara na may iisa ng pamagat.
At marahil bukas o sa makalawa'y
Sabay-sabay din tayong magbunyi
Sa umagang hindi na lulubog pa magpakailanman.
Hindi niyo ba nakikita
Ang kanilang panlilinlang sa taong bayan
Sa pagpapakita ng malayang lansangan
Ngunit ang totoo'y sila ang kapahamakan

Apat na dekada nang nakalipas
Bata, matanda, sanggol, walang takas
Walang takas sa pagmanalupit ng mga pulis at sundalo
Ang nakaraan, hindi ba tayo natuto?

Mga pulis ay nagkalat
Mga sundalo'y laganap at dumadami
Kahit saan lumingon, sila ang matatanaw
Nagmamasid, nag-iikot, baril ay nasa tabi

Putok ng baril biglaang maririnig
Kasunod ay balitang may nabaril
Iisa ang rason: nanlaban
Ang tanong, nanlaban ba o kunwariang nanlaban?

Kanilang pagkatok
Biglaang pasok
Naghalungkat na walang pahintulot
Tama pa ba ito?

Mga tao'y hinahayaan lang
Ang mga naglalakad na kapahamakan
Dahil sa takot na sila'y tauhan ng presidente
Isang kamay sa bibig, kabila'y sa mata

Unti-unti nang nagpaparamdam
Ang pagbalik muli ng setyembre bente-tres
Tao'y nabulag, hanggang ngayon ganon parin
Kailan kaya magigising ang tao, kapag huli na ba ang lahat?
Roninia Guardian Aug 2020
Limang taon ng nakakalipas Simula nang ika'y aking makita
Bakas parin sa aking labi ang saya ng unang beses kitang makasama
Na tila ba'y ako na ang pinakamasayang dilag sa mundong ibabaw
At ang aking kasiyaha'y talaga namang nag-uumapaw

Nagtapos akong Ikaw ang aking gusto
Nagpatuloy sa pakikipagsapalaran ng Ikaw ang gusto
Saksi pati ang mga kaibigan ko
Pagkat ikaw lang ang tinitibok ng aking puso

Sa paglipas ng panahon patuloy kong pinanghawakan
Pangako sa sariling ikaw lamang ang aking aabangan
Pagkat ako'y sobrang naniwala sa salitang "ITINAKDA"
Dahil iyon ang aking hiniling sa Poong Lumikha

Puso ko'y isinara para magmahal ng iba
Pagkat ikaw lang talaga ang sa puso ko'y nagpapasaya
At kahit sa larawan lang kita nakikita
Aba'y 'di ko alam kung bakit ang puso ko'y tila nababalot ng mahika.

Ngunit isang araw nagbago ang lahat
Nang may isang balitang sa puso ko'y nagbigay sugat
Ang kaligayaha'y napalitan ng kalungkutan
Ngayo'y 'di ko na alam kung paano ko pa panghahawakan

Panghahawakan pa ang aking pangako
Na ikaw lang ang hihintayin ko
Pagkat ikaw lang ang kaligayahan ko
Dahil ikaw ang "Leleng Ko"

Ngunit paano pa aasa
Kung sa Simula naman pala'y wala ng PAG-ASA
At ang puso ko'y akin lamang sinisira
Pagkat ang aking minamahal ay may ibang sinisinta.

Alam kong hindi lang ikaw ang lalaki
Ngunit puso ko'y ikaw ang pinili
Kaya kahit kapalit nito'y pighati
Patuloy parin kitang mamahalin

Sabihin man ng ibang ako'y tanga
Pasensiya na ngunit wala akong magagawa
Pagkat ako'y tao lamang
At 'di napipigilang magmahal.

Kaya hanggang sa huli, ako'y may isang hiling
Pagkat alam kong ang tamang panaho'y darating
Na tayong dalawa'y pagtatagpuin
"Sana sa pagkakataong iyon, sayo'y wala ng pagtingin , pagkat 'di ko kayang madurog aking puso
Habang ika'y masaya sa taong iyong gusto."
Louise Oct 16
"𝑴𝒂𝒏𝒈 𝑻𝒂𝒏𝒊, 𝒉𝒂𝒏𝒈𝒈𝒂𝒏𝒈 𝒌𝒂𝒊𝒍𝒂𝒏 𝒃𝒂 𝒕𝒂𝒕𝒂𝒈𝒂𝒍 𝒊𝒕𝒐𝒏𝒈
𝒎𝒈𝒂 𝒑𝒂𝒈-𝒖𝒍𝒂𝒏 𝒏𝒂𝒕𝒊𝒏?"
"𝒀𝒆𝒔 𝑱𝒐𝒔𝒊𝒆! 𝑨𝒉 𝑱𝒐𝒔𝒊𝒆 𝒕𝒖𝒍𝒐𝒚ㅡ𝒀𝒆𝒔, 𝑱𝒖𝒏!"

Magkamali man ang iyong labi
ng pangalang masambit
magkamali man ang iyong ngipin
ng pagkagat at pagbanggit,
sa dulo ng iyong pag-uulat,
ako pa rin ang bida at balitang isisiwalat.

"𝑺𝒂 𝒂𝒕𝒊𝒏𝒈 𝒘𝒊𝒏𝒅 𝒎𝒂𝒑, 𝒎𝒂𝒌𝒊𝒌𝒊𝒕𝒂 𝒏𝒂𝒕𝒊𝒏 𝒂𝒏𝒈 𝒕𝒖𝒍𝒐𝒚-𝒕𝒖𝒍𝒐𝒚 𝒏𝒂 𝒑𝒂𝒈𝒍𝒂𝒌𝒂𝒔 𝒏𝒈 𝒉𝒂𝒏𝒈𝒊𝒏𝒈 𝒉𝒂𝒃𝒂𝒈𝒂𝒕, 𝒂𝒕 𝒊𝒕𝒐 𝒂𝒚 𝒅𝒂𝒉𝒊𝒍 𝒔𝒂 𝒃𝒂𝒈𝒚𝒐𝒏𝒈 𝑱𝒐𝒔𝒊𝒆."

Itago mo man ang iyong mga tawa,
ikubli ang ngiti sa pag-ubo at paghinga,
ilibing mo man ang aking pangalan,
sa'yong dila at diwa ay nakaukit na ito
magpakailanman.
From the POV of "Bagyong Josie", addressed to Mang Tani (an ode to THAT specific weather report moment. #iykyk)

— The End —