Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Hindi naman ganid ang administrasyon
Nagkataon lamang na may mga punto
Na walang humpay na nag-iiwan
Ng tandang pananong.

May mga eksenang hindi literal
Pero kapag bayan ang bumasa’y
Ni isang letra’y hindi man lamang nasimulan.

Hindi masisisi ang mga modernong bayani
Kung patuloy pa rin sila sa pakikibaka
Kahit nakamit na kamo ang kasarinlan;
Ang hustisya raw ay napagtagumpayan na
Bagkus, nilalatigo ng kapwa nasa ekonomiya.

Marahil hindi pa lubusang nararadyo
Hindi magkanda-ugaga
ang leksyon sa Senado
Eh kung uso pa ba ang tele-radyo,
Kaya bang tapakan ng saksi
ang demokrasyang makasarili?

Doon nag-rally ang iilang katauhan
Wala naman silang napala
Pagkat binagsakan ng pintuan
Ni hindi nakakilos kahit sila’y nasa kilusan
Saklob ng gobyerno’y
sila’y bisi sa nasasakupan.

Hindi mabilang ang dugong dumanak
Ang boses na sumigaw
Ang tonong paulit-ulit pero hindi naririnig
O baka naman ang may pandinig
Ay mas nais magwaglit.

May mga platapormang tila langit
Bagkus dilim naman ang hain
Sa maliwanag dapat na paligid.

Ibabato nila ang kinamkam sa madla
Pero dahil ang binato’y mukhang tinapay,
Walang pakuwari ang iba
Manhid nga ba ang tao
O talagang kurot-sabay-pikit lang?

Heto na naman tayo sa estante ng kaguluhan
Sana nga matapos na ang pahinang ito
Pero nasa simula pa lamang
Pagkat ang propesiya’y
Nararapat na mamalakad
Ihahain ng Higit na Hari
Nang maitaas Kanyang Ngalan.

Kung may mga bumabatikos
Sa gobyernong kinagisnan
Marami pa rin ang tatayo
Pagkat kaytayog ng kanilang dangal.

Hindi naman dapat
Tumingin lamang sa kawalan
Pagkat may pag-asa pa
Itong *ginintuan nating bayan.
Isang kulisap
Ang ninakawan ng kinang
Ikinulong sa sisidlan

Bigla kang nanginig
Nang unang marining
Ang hikbi niyang puno ng pait
Bumalik din sayo ang sakit

Hindi ba't
Ikaw din ang may kakagawan
Ang iniisip ay sarili lamang
Bakit hndi ikaw ang magsimula
Pakawalan siya
At sindihan ang ninakaw niyang kinang




-Tula IV, Margaret Austin Go
Para sa mga murang isip hanggat maaga ay simulan mo ng magmalasakit.
Mahigit pitumpu't limang porsyento
Niyurak ng matinding alon
Walang awa ang haplos
Ang yapos na nakagigimbal
Kinitil hindi lamang ang buhay
Gayundin ang hanapbuhay.

Ni hindi masisid ang perlas
Na ngayong may takip sa ibabaw
Nabibilang ang lumalangoy
Kaawa-awang gambalain
At hablutin sa laot nang walang muang
Ngunit anong siyang magiging sapit?
Kung sila'y hahayaang hindi nakagapos?
At doon sa lambat ay patitiwarakin.

Tinaguriang "No Build Zone"
Ngunit naroon nakatirik ang bawat pundasyon
Walang opsyon, pagkat ang gobyerno
Kaytagal din nang pag-aksyon.

Mula sa libu-libong tirahan sa Tent City
Sila'y lilisan patungong Bunk House
Transitional Shelter kuno
Hanggang sa malipat
At magkaroon ng panibagong tirahan.

Doon sa Tacloban,
May dalawang daan at apatnapu't anim na tirahan
Bagkus ang nakalilim, apat na libong pamilya naman.

Salamat sa mga NGOs
Sa 9181 na Bunk House
Sa gobyernong dapat na kikilos
Kailan ba sisimulan ang pagbabago?

Walong libong pabahay raw ang ginagawa
167 bilyon ang budget,
Saan nga ba napunta?
Ito ba'y binulsa?

Comprehensive Rehabilitation Plan kung tinagurian
Kay bango ng ngalan
Bagkus umaalingasaw ang baho
Ang kasiraan, ang kawalan ng aksyon
Para sa bawat mamamayan.

Sa dakong Guian, Eastern Samar
Tatlong daang permanenteng pabahay raw
Ngunit ni isang pundasyon ng naturang pabahay
Tila naglaho pa rin ni Yolanda
At walang bakas na pasisimulan.

Sabi ni Pnoy, malinaw raw ang target
Pero hanggang target na mga lang ba?
Kailan ba sisimulan ang tuwid na daan?
Baka naman baku-bako na
Wala man lang pasabi sa kinauukulan.

Kung ang hustisya'y hindi matugunan
Sana ang kalamnan ng bawat biktima'y
Syang agapang mapunan
Kaawa-awa silang naghihikahos.

Ang laki ng tulong ng mga karatig-bansa
Ba't tila walang pakialam?
Kayong mga nasa trono,
Tayuan ang posisyon
At serbisyo'y gawin nang totoo.
#Pagbangon
Pawang kaytamis
At kaypakla
Nilunod ako
Ng iyong gunita.

Ugat ay balon sa lalim
Malaking punongkahoy
Nakadipa
Harang sa paglimot.

Martir man
Aahon pa rin
Basta’t sa Ugat
Ako ay nakalapat.

(12/2/13 @xirllelang)
Aking inaninag
Itong bughaw na kalangitan
Hindi nga ba
Parang kailan lamang
Nang ako’y kanyang tinalikuran?

Napako ang pangako
Na ako’y pangangalagaan
Luha niya’y umabot
Di lamang sa’king talampakan
Nalasap ko ito
Mapait at ngayo’y nag-ibang anyo
Ngayong timplang kape
Mula sa mga mata nitong
Tila ba kaytayog.

Tinangay kami ng malakas na alon
Kami’y nagpatangay na lamang
Wala akong alam
Kundi and makipaglaro
Ng tagu-taguan
Nakadilat at mulat na mulat sa katotohanan

Sakay kami ng pridyeder,
Ako at aking ulirang mga kapatid
Puno ng pighati’t pangamba
Sa uulitin,
Ito na lamang ang magagawa ko.

Sabi nila, tutulungan nila kami
Sabi ng ilan, wala na raw pag-asa
Kanino nga ba kami magtitiwala?
Kung mismong kalam nga ng sikmura’y
Di na mainda?

Wala na akong mailuluha pa
Pagod na ako sa pagsagwan sa kawalan
Wala na ngang pag-asa
Wala man lang naiwan sa amin
Sana kasama nalang kami
Sa mga buhay na nalantang
Parang bula
Tulad nila Itay at Inay
Di sana’y masaya kami
Sa kalangitan.

Pumikit ako,
Habang mahimbing ang paghikbi
Ng aking mga kapatid
Sana nga may buhay pa.

Sinagip nyo kami,
Noong una, nagalit pa ako
Ayoko sana
Kaso wala na rin kaming magawa
Sasama na kami
Kasama kami sa pagbangon
Oo, ngayon ako na’y magtitiwala
At ipapasa-Diyos na ang lahat
Siya na ang bahala.

(11/17/13 @xirlleelang)

— The End —