Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene  Aug 2017
Hiram
Eugene Aug 2017
"Hoy! Bata! Magpapakamatay ka ba?"

"Magpapakamatay ka nga e. Buhay nga naman o!"

"Sigurado ka na ba sa gagawin mo, bata? May maghahahanap ba sa iyo kapag nawala ka? May magluluksa ba sa bangkay mo kapag namatay ka?"

"Bata ka pa. Alam kong marami ka pang pangarap sa buhay mo. Kung may magulang ka pa at mga kapatid, sana naiisip mo rin sila. Sana mararamdaman mo rin ang mararamdaman nila kapag nalaman nilang magtatangka kang magpakamatay. Isipin mo bata."

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay wala ng nagmamahal sa iyo, sige.. ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Sige, bata. Mauna na ako. Advance rest in peace."

Dinig na dinig ko pa ang paghampas ng malalakas na alon sa baybayin nang mga sandaling iyon. Naalala ko pang nababasa na rin ang aking mukha sa bawat tubig-alat na dumadampi sa akin noong mga panahong tinangka kong magpakamatay.

Gusto kong wakasan ang aking buhay.
Gusto kong malunod.
Gusto kong tangayin ng mga alon ang aking katawan.
Gusto kong mapuno ng tubig-alat ang aking ilong at bunganga hanggang sa mawalan na ako ng hininga at unti-unting bumulusok pailalim sa kailaliman ng dagat.

Ngunit... ang salitang binitiwan ng isang taong iyon ang nagsilbing leksiyon sa akin na pahalagahan pa ang aking buhay at ang mga taong nagmahal sa akin.

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay walang nagmamahal sa iyo, sige, ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal."

Noon, akala ko ang pagpapakamatay ang solusyon upang takasan ko ang dagok sa aking buhay. Nawalan ako ng tunay na ina. Namatayan ako ng ama. Pinagmalupitan ako ng aking madrasta. Hindi ako minahal ng mga kapatid ko sa ama. Kaya naglayas ako at napadpad sa baybaying dagat at doon ay naisipan ko na lamang na magpatiwakal.

Nawalan man ako ng magulang pero alam kung may nagmamahal pa rin sa akin. Hindi ko sila kadugo pero lagi silang nariyan para palakasin ang loob ko. Sila ang mga tinatawag kong mga kaibigan.
Pagkatapos ng nangyari noong pagtatangka ko ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Sa tulong ng aking mga kaibigan ay nagtagumpay akong maging masaya.

Hindi ako nag-iisa. Tinulungan din nila akong magbalik-loob sa Diyos. Ang mga nagawa nila ay isang napakalaking biyaya sa akin.

"Kung sa tingin mo ay hindi mo na kaya, magsabi ka lang. Kaming bahala sa iyo," naalala kong sabi ni Jem.

"Kaibigan mo kami. Huwag kang mahiyang magkuwento sa amin. Promise, makikinig kami," pag-aalo sa akin noon ni Jinky.

"Hindi lang ikaw ang may pinakamabigat na suliranin sa mundo, Igan. May mas mabigat pa sa pinagdaraanan mo. Tiwala lang na makakayanan mo ang lahat," kumpiyansa namang wika ni Kuya Ryan.

"Kalimutan mo ang mga bagay na nagpapadagdag lang ng kalungkutan diyan sa puso mo. Tandaan mo, ang Diyos ay laging nakaakbay sa iyo. Nandito ako. Narito kaming mga kaibigan mo. Tutulungan ka naming bumangon," nakangiting saad ni Charm.

"Huwag ka na ulit magtangkang magpakalunod sa dagat ha? Kapag ginawa mo ulit iyon, kami na ang lulunod sa iyo. Ha-ha. Biro lang. Lakasan mo ang loob mo. Hindi ka nag-iisa," ang loko-lokong wika ni Otep.

Sa tuwing maalala ko ang mga kataga at salitang galing sa mga tunay kong kaibigan, panatag palagi ang loob ko na hindi ko na uulitin ang nangyaring iyon sa buhay ko. Papahalagahan ko ang hiram na buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal. Gagawin ko ang lahat upang maging masaya.

Narito ako ngayon sa Manila Bay at naglalakad-lakad. Gusto ko lang sariwain ang mga alaalang naging tulay noon upang pahalagahan ang buhay ko ngayon. Hindi man lamang ako nakapagpasalamat sa taong sumaway sa akin noon. Kung may pagkakataong makita ko man siya ay taos-puso akong magpapasalamat sa kaniya.

Pinagmasdan ko ang karagatan. Wala pang isang minuto akong naroon ay may nahagip ng mga mata ako ang isang babae na dumaan sa harapan ko. Patungo siya sa mabatong bahagi. Tila wala siya sa kaniyang sarili.

Nilingon ko ang paligid. Wala man lamang nakapansin sa kaniya. At wala ngang masyadong tao na naroon nang mga oras na iyon.

Mukhang magpapakamatay yata siya. Alam ko ang eksenang ito. Kung dati ako ang nasa posisyon niya, ngayon naman ay ang babaeng ito. At dahil ayokong may mangyaring masama sa kaniya, ako naman ngayon ang gagawa ng paraan para matulungan siya.

"Miss, magpapakamatay ka ba?" hindi niya ako nilingon.

"Magpapakamatay ka nga. Sigurado ka na ba sa gagawin mo?" lumingon siya sa akin at kitang-kita ko ang luhaan niyang mukha.

"Alam ba ng pamilya mo ang gagawin mo? Alam mo ba ang mararamdaman ng ina at ama mo kapag nawala ka? Sa tingin mo ba ay tama ang gagawin mo?" nakita kong napabuntong-hininga siya na tila nag-iisip sa mga ibinabatong tanong ko.

"Napagdaanan ko na rin iyan at diyan din mismo sa mga batong iyan ako dapat na magpapakamatay. Pero... hindi ko itinuloy. Alam mo ba kung bakit?" tumingin siya sa gawi ko at nagtama ang aming paningin. Parehong nangungusap.

"Ba-bakit?" nauutal niyang tanong sa akin.

"Bakit? Dahil wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Ang buhay natin ay mahalaga. Sana maisip mo iyon. Hindi pa huli ang lahat para itama ang mga bagay na sa tingin mo ay mali o nagawa mo. Hiram lamang ang buhay natin. Magtiwala ka, Miss. Mahal tayo ng Panginoon. Mahal niya ang buhay natin. At alam kong mahal mo rin ang buhay mo," iyon ang mga huling katagang binitiwan ko saka ako tumalikod sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakahakbang ay narinig kong tinawag niya ako. At nang lumingon ako ay bigla na lamang niya akong niyakap.

**

Ang pangalan niya ay Yssa at siya lang naman ang babaeng tinulungan ko tatlong buwan na ang nakararaan. Siya lang naman ngayon ang kasintahan ko. Pareho kaming nagtangkang wakasan ang aming buhay, ngunit pareho din naming napagtantong hiram lamang ito at dapat na mahalin namin. Sinong mag-aakala na kami ang magkakatuluyan sa huli?
JOJO C PINCA Nov 2017
Walang eksaktong kahulugan ang buhay, ang buhay ay buhay ganun lang kasimple yun, walang itong drama at lalong hindi kumplikado. Masdan ang galaw ng kalikasan. Sumisikat ang araw sa umaga at lumulubog ito pag hapon na. Ang buwan ganun din sumisinag ito sa pagsapit ng gabi at nagkukubli pagdating ng bukang-liwayway. Ganito rin ang mga bituin, lahat sila kumikilos nang ayon sa kanilang galaw at katalagahan. Kumbaga sa musika rock sila pero simple lang. Kalmante lang ang dagat pero minsan maligalig din s’ya kung kinakailangan. At ang hangin walang humpay sa kanyang pag-ihip.

Walang kahulugan ang buhay sapagkat tayo ang gumagawa ng kahulugan ng sarili nating buhay; tayo ang lumilikha ng sarili nating kasaysayan. Tayo ang pumipili ng sarili nating kahulugan. Doktor ka ba? Manggamot ka nang buong husay, sagipin mo ang maraming buhay. Sundalo ka ba? Makipaglaban ka nang buong giting, ialay mo ang buhay mo para sa bayan. Nagsusulat ka ba? Magsulat ka nang buong puso nang magliwanag ang isipan na malabo. Kung ano man ang napili mo’ng gawin, gawin mo ito nang buong galing. Kung umiibig ka naman, umibig ka nang buong tapat at iaalay mo sa iyong sinta ang lahat. Maging mabuti ka sa kanya, mahalin mo s’ya nang higit sa lahat.  

Walang kahulugan ang buhay, ‘wag mo itong hanapin sa relihiyon dahil wala ito roon. Panay kaulolan lang ang matutuhan mo sa mga nagbabanal-banalan at nag-aaring ganap, na kung umasta at magsalita akala mo ay kahuntahan nila ang Diyos. Wala rin ito sa pamahalaan at mga lingkod bayan kuno, lalong wala ito sa dami ng yaman.

Walang kahulugan ang buhay tulad sa isang tapayan na walang laman kailangan mo itong sidlan. Hindi bukas kundi ngayon ang panahon ng pagsalok ng kaalaman at karanasan kaya ‘wag mo itong sayangin. Walang kahulugan ang buhay ‘pagkat ang buhay ay isang kawalan na kailangan mo’ng punuan. Tulad ito sa blankong papel na kailangan mo’ng sulatan. Isang hiwaga na kailangan ikaw ang tumuklas. Walang kahulugan ang buhay basahin mo man ang lahat ng aklat at kahit pakinggan mo pa ang lahat ng talumpati sa mundo hindi mo ito makikita.

Walang kahulugan ang buhay ‘wag **** pagurin ang sarili mo sa paghahanap nito. Ang kahulugan ng buhay ay nand’yan sa loob ng puso mo. Kung saan ka maligaya naroon din ito. Aanhin mo ang maraming diploma at pagkilala kung hindi ka naman masaya? Ano’ng saysay ng mga palakpak kung huhupa rin pala ang mga ito? Hindi mo makikita ang kahulugan ng buhay sapagkat kailangan na ikaw mismo ang gumawa nito.
JOJO C PINCA  Nov 2017
MATAPANG
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
JOJO C PINCA Nov 2017
Bastos? Aba hindi ah, ito ang pinaka angkop na tayutay patungkol sa buhay. Makinig ka lang at malalaman mo na ang gagawin kong paghahambing sa pagkakatulad ng buhay at pagtatalik ay totoo. Ganito yun:

Libog – oo, kailangan mo ng matinding libog kung gusto **** maging maligaya sa buhay. Kailangan na punong-puno ng pagnanasa ang damdamin mo dahil kung hindi ay mababagot ka at mananamlay. Kailangan na lagyan mo ng libog kung ano man ang iyong ginagawa para ito magtagumpay.

Romansa – lasapin mo ang bawat sandali ng iyong buhay na tulad sa isang gabi nang pagtatalik. Langhapin mo ang bango at baho nito para mo malasahan ang tunay na sarap.

Pasukin – pasukin mo ang butas ng buhay mo masikip man o maluwang ito. Pag nasa loob kana ay umindayog ka nang husto ‘wag **** kalilimutang magtaas-baba sapagkat ganito ang buhay minsan nasa ibabaw ka minsan naman nasa ilalim ka.

Pag nalampasan mo na ang ang lahat ng mga ito saka ka lang lalabasan ng ligaya sa puso mo.
Inukit ko ang pangalan nating dalawa sa isang puno
Simbolo Ito kung gaano kita ka mahal, mahal ko
Naka ukit sa punong iyon lahat ng ating mga pangako
Mag mamahalan tayo pang habang buhay kahit labag man sa atin pati ang mundo

Sabay tayong nangarap noon
At alam kung balang araw matutupad iyon
Pero tila labag talaga sa atin ang mundo
Mga pangako'y bigla nalang nag laho at na pako

Tinangay ng malakas na hangin ang munting pangarap natin
Tila kahit saan ito tangayin ay kay hirap na itong hanapin
Bakas ang pangungulila at lungkot sa aking mga mata
Dahil kahit katiting na pag-asa'y di ko na makita

Umalis ka at ako'y iyong iniwan
Lungkot at pananabik na sanay babalik ka at hinding hindi na kita bibitawan
Para akung pulubing palaboy laboy kahit saan
Tulad ng pag mamahal natin di ko alam kung saan ang patutongohan

Iyong ngite na parang araw na nagbibigay liwanag sa buhay ko
Pero ang ngiting iyon di ko na nasisilayan kaya biglang nag dilim ang mundo
Mga yakap mo gusto kung madama muli
Mahal ko bumalik kana at alam kung hindi pa ito ang huli

Madalas akung pumupunta doon sa may puno kung saan naka ukit ang ating mga pangalan
Dahil alam ko na doon mo ako iniwan at doon mo rin ako babalikan
Tila buhay ay parang sentonadong guitara
Wala nang direksyon ang mga nota dahil nawala na pati yong kopya

Lumipas ang ilang araw hindi ka parin bumabalik
Mas gustohin ko nalang sumoko dahil dito sa sakit
May bagong pangarap kana ata diyan mahal dahil di muna ako binalikan
Masakit pero sige sisimulan narin kitang kalimutan

Tumanda na ang munting kahoy na ating pinag ukitan
Kay tanda narin ng pag-ibig natin na iyong tinalikuran
Ilang taon na ang lumipas at kay rami na ang nag bago
Pero pag mamahal ko sayo pang habang buhay naka ukit sa punong ito

Ngayon may kanya kanya na tayong sariling buhay
Buhay na pinangarap natin Pero ito'y namatay
Masaya na ako mahal sa buhay kung ito
Sana ganon karin katulad ng nararamdaman ko sayo

Mahal ang punong ito, ay mananatiling simbolo at Manana tiling naka ukit ang ating na udlot na pangako
Vincent Liberato Oct 2018
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay.

'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili.

Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan.

Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning.

Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
Bayani --
Sa tuwing nagtatapo ang aking kanang kamay at ang aking dibdib
Doon ko mas naisasaisip at naisasapuso ang pagiging isang Pilipino
Na hindi ako isang banyagang titirik sa malaparaisong lupain
At panandaliang mabibihagni sa mga likas na yaman
O mismong sa mga modernong Maria Clara
O mga aktibisang nagmistulang mga bayani
Sa kanilang walang pag-imbot
Sa pagsulong nang may paninindigan
Sa kani-kanilang ideolohiya.

Sa araw-araw kong pagbibilad sa araw
At pagharap sa bawat pagsubok na minsang nakapapatid at nakapagpapatalisod,
Ni minsa'y hindi ko pinangarap na gawaran ng salitang "bayani."

Dito sa aking Bayang, "Perlas ng Silanganan,"
Ako'y nahubog maging sanay at buo ang loob
Hindi ng mga kahapong idinaan na sa hukay
At nagsilbing bihag ng kasaysayan at rebolusyon,
Bagkus ng sariling karanasang
Nagbukas sa aking ulirat
Na may iba pa palang pintuan patungo sa kahapon.
At pupwede ko palang matuklasan
Na hindi lamang sa mga nag-alay ng buhay sa sariling bayan
Maihahambing ang katuturan ng mahiwagang salita.

Paano nga ba na sa bawat pagsilang ng araw at pagbukod ng mga ulap sa kanya
Ay maituturing ko ang sarili bilang isang bayani?
Nagigising ako na pinamumunuan hindi lamang ng isang pangulo
Kundi ng mga katauhan na siya ring nagbibigay kabuluhan sa pagrespeto ko sa aking sarili
At sa tuwing nag-aalay ako ng mga hakbang at padyak sa pampublikong mga lugar
Ay nahahaluan ang aking pagkatao ng mga abo ng mga nagtapos na sa serbisyo
At tila ba sa kaloob-looban ko ay may sumisigaw na hindi ko alam kung ano
At sumisira sa mga pintuang minsan ko nang sinubukang sipain
Ngunit hindi naman ako pinagbuksan.

Masasabi kong natuto akong hindi sumuko sa laban ng aking buhay
Pagkat ako rin pala'y may pinaglalaban
Hindi ko ninais na maging talunan sa bawat paglisan ng araw sa kabundukang minsan ko na ring inakyat at pinagmasdan
Akala ko hanggang doon na lamang ako
Na ang buhay ko'y hindi isang nobelang magiging mukha sa salapi
At pagkakaguluhan saan man sila magdako
Ngunit minsa'y limot na ang halaga.

Dito sa aking istorya'y hindi ko maipagmamalaking ako ay isang bayani --
Ngunit sa kabila ng paglaganap ng demokrasya
Ay nais ko pa ring makasalamuha ang kahigpitan ng hustiya
Nang sa gayo'y masilaya't malasap ko ring mahalaga pa rin sa lahat
Ang pagbuwis ng mga buhay --
Silang mga pinagbunyi o silang nilimot ng sarili nilang mga kababayan.

Gusto kong manatili bilang isang Pilipinong may dangal sa aking pagkatao
Na ako'y titingala hindi dahil ako'y nagmamataas
Bagkus sagisag at bunga ito ng paghilom sa akin ng may Likha
At isang grasya ang buhay na hindi ko nanaising itapon sa wala.

Hindi ako magbibigay-pugay sa watawat na walang kamuang-muang
Na ang aking laban ay tapos na.
Hindi ako magpapadaig sa lipunang maaaring bumagsak sa kahit anong pagkakataon
Kapag ito'y nakalimot sa Ngalang higit na tanyag sa kanya.
At kung ito ang magiging dahilan para ako'y maliko sa ibang ideolohiya'y
Lilisanin ko na lamang ang aking pagkatao --
Ngunit ako'y madiing magpapatuloy sa aking lakaring higit pa sa pagka-Pilipino
Kahit na ang mga tungkuling nasa harap ko'y hindi pa lubos na malinaw
Pero pangako --
Hindi ako titigil.

Oo, pupuwede akong magsimula sa wala
Pero ako ay may mararating
At marahil bukas o sa makalawa,
Kung tayo lamang ay magpapatuloy sa pakikibaka para sa ating mga paniniwala'y
Magiging higit pa tayo sa mga bayani.
At hindi mahalaga kung tayo'y limutin ng bukas
Gaya ng paghawi ng masidhing hangin sa mga ulap na emosyonal.

Ayos lang --
Pagkat sa likod ng mga kurtina nang walang humpay na palakpakan
Ay naroon ang tunay na mga bayani
Na hindi sigaw at mga pagbubunyi ang mithiin.
Hindi ginto’t mga pilak ang maibubulsa sa kamatayan
Bagkus ang makapaglingkod sa bayan na may bukal na puso't malinis na konsensya
At kalakip nito ang higit pa sa mga pamanang medalya ng kasaysayan.

Sa muling pagkikita, salubong ng ating mga ninuno
Ay mabubuksan ang ating pagkatao sa isang paraisong patay na ang kabayanihan.
Doon, sama-sama nating lilisanin ang ganid na administrasyon
At hihipuin ang galit ng lambing ng Liwanag na higit pa sa milyong mga lampara
At doon lamang natin lubos na maaakap ang pagiging isang "bayani."
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Dalawang taon na ang nakalipas
Ang aking unang nakitang liwanag,
Isang liwanag na ako’y nasilaw
At nahimala sa ‘king natagpuan,

Ang ilaw na ito ay mahalaga,
Mas mahalaga pa sa milyong pera,
At hindi ko ito inaakala
Na ito pala’y aking makikita,

Isang araw ako ay may tiwala,
May tiwala na magiging akin s’ya,
Itong tiwala ay isang tadhana,
Tadhanang ika’y mapapahimala,

Itong ilaw ay aking binitawan,
At pinagpalit sa ibang liwanag,
At ito ay aking napagsisihan,
At bumalik sa ‘king unang liwanag,

Nung ako ay nakabalik sa ilaw
Hindi ko ulit ito mabibitaw,
At ang aking problema ay gumaan
At hindi ko ulit ito iiwan

Ang tula na ito ay maliwanag
At di kailangan ng paliwanag,
Itong tula ay isang kwento lamang
At ito ay nagsisimula palang,

Kapag ako’y na sa gitna ng dilim
Ikaw ay nandoon para saakin,
Para ako ay kumintab sa dilim
Tuwing ang araw ay ‘sang makulimlim,

Ako’y natutuwa sa ‘yong itsura
Tuwing ikaw ay naging masaya,
Pati ako ay nagiging masaya
Ang iyong saya ay nakakahawa,

Kung ika’y nakita kong nakangiti
Ang damdamin ko ay gustong ngumiti,
At maraming taong gustong humingi
Nang iyong tuwa sa iyong pagngiti,

Dahil sa’yo, hindi ko mapigilan
Na tumingin sa iyong kagandahan,
Na hindi ko kayang makalimutan
Ang kagandahan na ‘king minamasdan,

Sa ‘yong ugali ay ‘king nagustuhan
Dahil sa iyong pagka-orihinal,
At sa ‘yong magandang kaugalian
Na di kayang magaya ng sinuman,

Ang iyong mata ay isang bituin
Dahil sila ay magandang titigin,
Na walang plano para lang tumigil
Kahit ito’y nasa gitna ng dilim,

At isang araw na nakita kita
Ikaw ay ang aking naging tadhana,
Kahit pinakaunang pagkita
Ikaw na agad ang aking nadama,

Kahit hindi pa tayo magkaibigan
tangi ‘kaw na ang aking nagustuhan,
Na walang kahirap-hirap maghanap
Sa iyong nakatagong kagandahan,

Sa ilang taon na aking pasensya
At ito ay sulit na hintayin kita,
Dahil ikaw ay walang kasing halaga
Nang kahit anong halaga ng pera,

Ikaw ay isang tunay na liwanag
Dahil ang aking buhay ay kuminang,
Na walang tigil para lang kuminang
Para Makita ang aking daanan,

Ilang taon ko na itong tinago
Para lang ikaw ay hindi lumayo,
Na sa aking pag-iisip sa iyo
Na damdaming ito ay di matuyo,

Di ko ipipilit ang ‘yong pagmahal
Na ako ang iyong karapat dapat,
Na mahalin, para sa iyong buhay
At ako’y may respeto sa ‘yong buhay,

Ang aking nakatagong pakiramdam
At ito ay para sa iyo lamang,
Ako ay swerte nawalang kaagaw
Dahil ako ay mag-iisa lamang,

At ako ay hindi titigil dito
Dahil ito ay para lang sa iyo,
At wala kang kaagaw para dito
Dahil ako ay para lang sa iyo,

Sa puso ko’y hindi kita mabibitaw
Dahil para sa ‘kin ika’y  espesyal,
At ikaw ay hindi mapapahamak
Dahil ako ay naririto lamang,

Ako ay  nakapili ng seryoso
At hindi nagkakamali sa iyo,
At ikaw ang aking sariling mundo,
At hinding-hindi ko ‘to magugulo,

Kung ikaw ay wala, ako’y madilim
Hindi magbabago ang ‘king damdamin,
Sapagkat ito ay hindi titigil
Dahil ikaw ay ang aking bituin,

Kahit malawak ang ating paligid
Tayo ay magkikita pa rin ulit,
Dahil ito ay ang aking damdamin
At ‘tong damdamin ay para sa atin,

Ikaw ang nagbigay sa ‘kin ng pag-asa,
At ito ay nagamit ko ng tama,
Hindi ako palaging umaasa
Dahil ito’y bihira lang tumama,

Tuwing ako ay may nalilimutan
Ikaw agad ang aking natandaan,
Kahit ikaw ay ang aking iniwan
Ikaw ang lumabas sa ‘king isipan,

Ang tula na ito ay magwawakas
Ngunit ang damdamin ko’y walang hanggan,
Tatlong saknong nalang ang katapusan
Dahil ito ang huli kong sagutan,

Para saakin ikaw ang liwanag
Kung ika’y wala, ako’y isang bulag
Tuwing kumintab ang ‘yong kagandahan,
Ang mga bulaklak ay namulaklak,

Ilang taon ko na itong hinintay,
Para lang ang damdamin ko’y malabas,
Itong pagkakataon ang dumaan
Para malaman **** ‘king naramdaman,

Hindi ko inakala ang ‘yong ganda
Na ang ibang tao ay di makita,
Ito na ang katapusan ng tula,
At salamat sa iyong pagbabasa.
First Ever poem

— The End —