Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Zet
Ang iyong mga mata’y lagusan ng liwayway
Sa kulimlim na bagtasin ng aba kong buhay
At ang iyong labi na sintingkad ng rosas
Ay ang tanghali ko sa mga gabing ayaw mag wakas

Ang durado **** buhok ay ang gintuang palay
Sa kaparangan ng puso kong hindi mapalagay
Ang ngiti mo ay binhi ng halaman sa kalangitan
Na sumisibol unti-unti sa mundo kong ‘di  na nadidiligan

Sa piling mo sana ang pinapangarap kong daigdig
Ituturing kong alapaap ang mahimlay ka sa aking bisig
Ngunit tulad din ng mga kwentong itinago ng kasaysayan
Maaaring ikaw at ako,
Ay kwentong ako na lang ang makaka-alam

Mapaglarong tadhana ay dito ako inilagay
Sa digmaang hindi ko kayang magtagumpay
Sa tunggaliang ang kalaban ko’y ako
Sa pag-ibig na hindi ko maipag tapat sa'yo

Palihim kitang sinusuyo
Kaya’t palihim din akong nabibigo
Patago akong lumalaban
Kaya’t patago din akong nasasaktan


Kung iadya man ng panahon na dito ka maligaw
Sa tulang habang panahon na ang laman ay laging ikaw
Ito pa rin ang mga sandaling ako'y alipin mo
Ito pa rin ang mga sandaling hawak mo ang aking mundo




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Ito ang ating kwento,ang kwentong ako lang ang nakaka-alam.
Balanseng pakikibaka,
Ito ang araw araw na ipinamulat sa akin
Ng pang araw araw ko ding pagtira
Sa mundong hindi naman timbang ang hustisya

Magkabilang panig na inaasahan ng lahat
Na sana'y magpantay ang timbangan
Ngunit ang katotohanan?
Likas nang mas mabigat ang kabila
Kaysa sa nasa kabila.

Lahat daw ay pantay pantay
Sabi ng matandang kasabihan
Ngunit para sa akin?
‘Yan ay isang malaking kalokohan

Wala pa namang naging malinaw na paliwanag
Sa uugod-ugod na paniniwalang iyan
Nakakapagod pantayin ang mga bagay-bagay.
Sa kadahilanang hindi naman pantay pantay ang layunin ng bawat nilalang

Sa lipunang,
Kailanma'y hindi na magiging patas
Sa mundong,
Kailanma'y hindi na bababa ang mga nawili na sa itaas,
Sa daigdig,
Na ang nasa ilalim ay lalo pang nadidiin

Paano pang mag-aabot ang langit at lupa
Kung mananatiling bakante ang gitna
Kung ang biktima ay lalong inaakusahan
At ang may sala ay patuloy na hinahangaan

O lupa kong hirang, o Inang kong Bayan
Tayo ba’y ang mga walang kapaguran panaginip?
Hanggang kailan tayo maaaring maidlip?
Tayo ba’y ang mga hindi natutulog na batis?
Hanggang saan tayo padadaluyin ng mga agos ng hinagpis?
Tayo ba'y ang mga sigaw
Sa kwebang walang alingawngaw?
Hanggang kailan tayo magtitiis
Sa 'di makatarungang ''Mga Bulong ng Hapis''.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Umaga na pala,
Subalit tila umpisa pa lang ito ng dilim
Dito sa bayan kong nasa sinapupunan ng mga sakim
Pagpagan ang mga baro't saya habang hawak ang sedula
Nilang mga uhaw sa tronong ipinangako sa kanila

Naluklok na bagong puno,sa pagdaka’y nagpaulan
Ng mga balang hindi man tingga ay tumatagos sa kaibuturan
Sa dati niyang ka giyera na s'yang mga tunay na anak ng bayan
Iginapos sila’t ipiniit sa sandipang karapatan

Yaong mga bago niyang kawal ay matatayog pa sa kalabaw
‘Pagkat kasama niyang magkakamal ng salaping umaapaw
Mag kaka-ututang labi ay iisa ang kaliskis at balagat
Sila na mag kaibigang dila at ngipin sa pilak din mag-papangagat

Habang ang mga dating sadyang tapat sa gampanin
Ay mistulang mga bayani na lang sa hangin
Ang pagka dalisay nila sa maka-kapwang  tungkulin
Parang sa tubig na isulat at hindi na basahin

Kawawang Sta. Teresita bayan kong dinusta
Ng mga ganid sa kapangyarihan at mapang-alipusta
Akong anak mo’y nasa daluyong ng kapanglawan
Kabiyak mo sa balsang itinali sa nagluluksang pampang

Kawawang Sta. Teresita ginahasa ng mga mapag-samantala
Hinubaran ng dangal at piniringan ng telang mapula pa sa pula
Binusalan ang bibig hanggang sigaw mo’y hindi na marinig
Mga araw mo ngayo’y mamumugto sa haharapin **** pag-liligalig

Tahan na Sta. Teresita,Tahan na,
Bayan kong sakdal iniibig
Matatapos din ang sigwa,
Tutulay muli ang lunday sa sapa.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Mahal kong Bayan ng Sta. Teresita sa kasalukuyang panahon
7/31/2018
Balang araw,
Biglang babagal ang paglakad ng oras
Bahagyang hihinto ang ilog sa kanyang pag lagaslas
Aawit ang mga langay-langayan
At luluha ang kalangitan

Luhang hatid ng matinding galak
Sa wakas ay wala ng iiyak
Dahil natapos na ang panaginip
Salamat at hindi ka nainip

Maraming istorya ang nais kong sabihin
Inipon kong lahat para sa'yong pagdating
Kulang ang magdamag kung aking isasalaysay
Kung paano kita hinintay

Sa sandaling tayo'y magtagpo
Doon lamang magiging perpekto ang mundo
Dahil sa kabila ng mga gasgas nating puso
Ay may paraisong tayo lang ang makakabuo

Sana nga bukas kapiling ko na ikaw
Sana nga bukas na ang ating ''Balang araw''.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Kapag puso ang naghintay,lahat ng sandali ay may saysay.
Saan ka man nananahan sa kasalukuyan
Nais ko sanang sabihin sa'yo
Na dito sa aking mundo ay lumuluha ang langit

Pahaba ang patak ng ulan
Na parang sinulid

At nangangarap na naman akong
Sana'y mga patak na lang tayo ng ulan
Aagos tayong magkasabay
At magka bigkis ang mga kamay

At nangangarap na naman akong
Sana'y makawala na tayo  dito
Sa magkabilang hangganan ng bahaghari

Pinapangarap mo rin kaya ako
D'yan sa iyong mundo?




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Alma gemela is a spanish word for ''soulmate''

Kinalaban ko ang tadhana
Kinalaban ko ang luha
Kinalaban ko ang sakit
Kinalaban ko ang galit
Kinalaban ko ang lungkot
Kinalaban ko ang takot
Kinalaban ko ang antok
Kinalaban ko ang pagsubok
Kinalaban ko ang kahapon
Kinalaban ko ang bawat noon
Kinalaban ko ang oras
Kinalaban ko ang bawat panahon

                            Kinalaban ko ang mundo
                    Kinalaban kong lahat
PARA SA'YO...





© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
I wrote this poem, right after I finished watching ''MORE THAN BLUE''. Such a great movie.
May mga salitang sa papel na lang kayang manatili
Dahil hindi na ito kayang bigkasin pa ng mga labi.

                    Natapos na ang palabas na ang tauhan ay ikaw at ako
                    Tayong mga bida noon, sa mundong hindi nila nakikita

Gusto kong isipin na nalaos lang tayo,pero hindi pala
Dahil ang dating tayo,ngayon ay ikaw na lang at ako

                     Bakit ganito? wala naman akong naaalala na drama
                     ang sinulat kong kwento
                     Pero bakit sa malungkot natapos ang lahat?

Minsan ay gusto ko na lang gawing gabi ang bawat umaga
Sa gayon ay hindi nila mapansin na may hinagpis akong dinadala
Sa gayon ay hindi nila makita na lumuluha ang aking mga mata

                      Pagkat sa dilim, doon ko lahat itinago ang sakit at dusa
                      Na ni sa panaginip ay hindi ko inasahang dadating pa

Oo kakayanin kong maging gabi ang bawat umaga
Mahirap,
Pero pwede ba?

                       Sa kahuli-hulihang sandali ay maturuan mo ako sana
                       Na gawing gabi ang lahat ng umaga
                       Na kasing dali lang kung paano mo nakayanan
                       Na maging malungkot ang dating tayo na masaya.




                                          © 2018 Glen Castillo
                                           All Rights Reserved.
Minsan ay dadalawin ka ng mga alaala sa nakaraan
Upang magpa-alala sa'yo kung bakit ka nasa kasalukuyan.......
Ang mabuti sa akin ay masama sa’yo
Ang nagpatawa sa akin ay nagpaiyak sayo
Ang simula ko ay siya mo namang dulo
Ang pakanan ko ay pakaliwa naman sa’yo

Bakit nga ba kailangang magkaiba pa tayo?
Ikaw at ako na kapwa Pilipino
Hanggang saan tayo dadalhin ng kanya-kanyang paniniwala?
Hanggang kailan tayo paghihiwalayin
Ng ‘’ikaw ang mali at ako ang tama’’.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Walang kapayapaan hangga't mayroong ''Ikaw ang Mali at Ako ang Tama''.
Diyos

Bayan

Pamilya

Kalikasan

Kapwa

Sining

Sinta

Sarili


­

© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Next page