Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan
Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot
Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid
At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan
Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag
Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka

May mga bulalakaw na nagpakita.

Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo
Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato
Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa
Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka
Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa
Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik

Sabay-sabay tayong pumikit.

At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa
Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!"
At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling
Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin
Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan
At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:

"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"

Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong
Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo
Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa
Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya
Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata
Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,

Tayo ay masaya.

Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang
Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito
—Hindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga,
Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay,
Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na ito—
Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan

Sa huling pagkakataon tumingala tayo.

Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan
Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin
Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo
Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit
Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga
At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata

Hanggang sa huling bulalakaw,

Kaibigan,

**humiling ka.
Read more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Bato sa balat,

Hayaan **** lumapat ang ‘yong kahinaan sa mahinahong baldosa

Payagang lamig ay yumanig sa bawat panig ng iyong katawan

Mula sa kalamlaman ng iyong talampakan hanggang umabot sa–

Pagitan ng iyong mga hita, paakyat sa kalamnan, patungo sa dibdib

Hanggang maramdaman nginig na dala ng iyong pag-iisa.



Ipagpaliban mo muna ang mundo

Ilaw sa paningin,

Hayaan **** angkinin ka ng daang-daang mukhang nasasalamin sa bawat tisa

Tignan ang iyong mga nakikita, ikaw ngayon ay nakakahon sa bato–

At mga multo na iisa lang ang mga mukha’t hinaing

Payagang ika’y ariin ng kanilang mga nanlilisik na titig,

Huminga ng malalim at iyong sabihing

Ginusto mo ang linggatong na ‘to

Mata sa dutsa,

Tumingala hanggang kadahilanan ay magunita

Ang iyong katwiran kung bakit pinili mo ang kapangahasan

Hamakin ang sarili’t magnilay-nilay sa nagbabadyang kasalanan

‘Di hamak naman na mas ikakasaya mo ang pait–

Ng paglalapastangan sa sarili nang ilang makamundong saglit

Pagbigayang mabasa ang sarili



Silakbo sa kawalan,

Ipikit ang mga mata’t pakiramdaman ang daloy ng tubig sa’yong balat

Ipaanod sa agos ang haplos ng pighati’t pagtitimpi

Sa mahigpit na bisig ng isang mapanghusgang mundo

Tikman ang hagod ng malamig na pelus sa iyong mga labi

Sumidhi sana ang pagdanak ng init ng pagnanasa sa bawat bena

Mahalin mo ang iyong pagkatao

Makipagtalik sa sarili,

Ibigin **** maibigan ang pagiging makamundo’t makasalanan

Ibaling ang pansin sa pagpapalabas ng himutok

Muling sabihin na hindi makasarili ang pagnanasa sa sarili’t

Ulit-ulitin ang pagbaluktot ng diwa’t isipan hanggang ito’y tumatak,

Hanggang sa mabulalas mo ang iyong mga suliranin

At matapos ang lahat ng iyon hindi mo maiiwasan–



Pagkamuhi sa sarili.
Sabi mo sa akin tumingala ako sa langit
At tingnan ang mga talang kaakit akit
Nang ako'y tumingin sa kalangitan
Ni isang ningning ay wala akong namataan
Nasan ang sinasabi mo?
Bakit ang labo mo?

Sabi sa isang dyaryong aking nadampot
Ang mundo'y puno na ng poot
Simoy ng hangi'y hindi na presko
Pagsasa walang bahala, eto ang epekto

Puro nalang kasi AKO AKO AKO
Wala manlang SILA SILA SILA
Paano na nga ba ang iba?
Parati nalang sila ang taya
Kelan ba sila makakalaya
Tila ang tadhana'y maramot at madaya

Mga walang kamalay malay
parati nalang nadadamay
sa mga bagay bagay na tayo ang may gawa
Tila hindi na nagsawa
Sa ilang ulit nang pagmamaka awa

Sila ang nagbigay,
bumuhay
and nagpalago
sa ating ekonomiyang nagduduwal ng daan daang salapi
at nagbibigay sa atin ng gatas na naiiwan pa sa ating mga labi

Tayo? Kelan kaya tayo makapagbibigay?
Kanilang pangangailangan
parati nalang "mamaya na yan"
Kung kelan huli na ang lahat
Kung kelan tayo na'y salat
Saka lang mapapansin
na malapit na tayong mag dildil ng asin

Hindi ba pwedeng baliktarin?
Baliktarin ang pamamaraan natin
Sila naman ang pagbigyan
Uhaw na sila sa kalayaan
FREEDOM ISLAND! FREE DEYUM ANIMALS! DONT TAKE AWAY THEIR HOMES!
Ri Jul 2019
kapag ganitong oras talaga na wala nang magawa kung hindi tumingala sa kisame ay mapapaisip ka nalang ng mga bagay na nais **** marating sa buhay at mga pangakong binitawan sa nakaraan. hindi rin maiiwasan na mapapikit na lamang sa panghihinayang kapag naalala ang mga panahong sana'y maayos pa. sisingit na rin ang mga pangarap na tila'y imposibleng matupad hanggang sa pinanghihinaan na ng loob na magpatuloy pa.

sa lahat ng isinisigaw ng damdamin at pagod na sarili, sumabay sa alon. magpalunod at lumangoy.

darating ka rin sa dalampasigan.
Clara Mar 2022
Simula sa araw na ito,
Hindi na kayo pwedeng tumawa, magalit at malungkot,
Hindi na kayo pwedeng makadama ng kahit ano mang emosyon,
Emosyong nagpapakita ng kahirapan, kahinaan, pagkatanda at pagkapagod,
Huwag kang magsasayang ng hininga sa mga letrang alam **** wala namang makakarinig,

At kapag nilabag mo ang isa sa aking mga utos,
Tumayo ka sa sulok,
Ipikit mo ang iyong mga mata,
At harapin mo ang dilim na sa iyo’y lumalamon,
Patungo sa apoy ng impyerno,

At kapag naramdaman mo ang init ng apoy na sayo’y sumusunog,
Pinapayagan na kitang sumigaw,
Sumigaw sa taas ng iyong mga baga,
Palabas ng apoy na nagbabaga,
Patungo sa mga tenga ng mga taong sabi mo’y iyong mga kaibigan at kakilala,

Ngunit huwag kang aasa na ika’y aming sasagipin,
Hindi ka naming aangatin,
At mas lalong hindi ka naming ililibing,
Sa mga lupaing,
Pati ang mga damo ay ayaw kang tanggapin,

At kung ayaw **** maging tulad ng taong iyan,
Bumuo ka ng bahay,
Gamit ang mga bagay na iyong natutunan,
Bumuo ng bahay,
Gamit ang mga bagay na naiwan ng mga mananampalataya,

Ang mga mananampalataya na nagpasabog ng mga bomba,
Upang ingud-ngod sa aming mga mukha,
Na kami’y mga anak ng mga makasalanan,
Pinanood naming maging abo ang aming mga ari- arian,
Sa isang pitik ng kasinungalingan,

Pinanood naming ang mga pinto, mga libro, mga litrato na masunog at madurog,
Nadurog sa sunog ang lahat ng aking minamahal, pinapangarap at hinahanap,
Inalis nila sa aming mga mukha ang kasiyahang panandalian lamang nadama,
Tinanggal nila sa aking katawan ang pangalang minsan na sa akin ay kumilala,

"Ako ay taong makasalanan,
sige,
eto na lang,
totoo naman,
kaya sapat na,"

At kung ayaw **** maging tulad ng taong iyan,
Magtrabaho ka ng mabuti,
At kapag naramdaman mo ang dugo na tumutulo mula sa iyong ulo hanggang paa,
Ipunin mo ito sa isang timba,
At ibuhos mo doon sa nayong nagbabaga

At kapag wala ka nang malanghap kundi ang usok at ang masangsang na amoy,
Hanapin mo ito sapagkat ito raw ang amoy ng mga patay na pangarap at sigaw ng mga bata,
Na sabi nila, ikaw raw ang may sala,

Ikaw ang may sala,
taong makasalanan,

Taong makasalanan,

“Mahal Kita,
Tutulungan Kita,
Pangako,
Patawad,

Paalam,”

Dagdag na utos sa paaralan:

Huwag kang maniniwala sa mga salitang inuulit- ulit pa,
Sa mga salita ng sumasamba sa kasinungalingan,
Dahil sa oras na mabuhay ang mga patay,
Hindi ikaw ang una nilang papapasukin sa pinto...


Ang pagpapalit ng administrasyon ng paaralan:

Iguhit ninyo ang inyong palad ang inyong mga hangad at pangarap,
Gamitin ang dugo na lalabas sa tenga at mga mata,
Gamiting pang pinta ang kada hibla ng iyong patay na buhok,
At kapag ubos na ang likido mo sa iyong buong katawan,

Ngumiti,
Tumingala,
Buksan ang pinto,
Kasabay ang pag sabi ng mga katagang:
“Ang makabagong paaralan ng mga nawawala’t hinahanap”
The poem was written when I was in ninth grade as a school requirement. I used to study in a Catholic School and I didn't like the way we were censored and choked to perfection. The head of the school got replaced as I was writing the poem. They packaged every change as remodeling for the better.. it wasn't.
kingjay Dec 2018
Kumpas ng hangin ay utos na supremo
Sundan ang panuto
Tumingala sa nag-aansikot na mga kerubin
sindami ng nagsisilipiran na  gamu-gamo

Hindi alam ang inaapakan nang naligaw sa sariling lugar
Paese-ese kung lumakad ang sawi
Galaw na parang binitawang hibla
umiindak nang nagpatihulog

Itulak sa bangin nang mahulog ang walang esensiyang kordero
Nadadamay ang nagsisilapit
Nagiging mababa ang atmospera, pumapailalim ang usok

Ang nanlilibak sa pulubi sa kalsada
Siya ay magiging sinuman sa kapanahunan
Ituring paghaharap sa kawangis na katauhan
Siya rin ang dukha

Saan aabot ang bulyaw?
Hipo ng sinag sa aplaya
sa kalumbayan
Pangangatal ng panga
Namaos na awiting pambata
Pusang Tahimik Dec 2022
Bahagyang pumanaw na ang uhaw
Sa mga bagay na nakakatunaw
Sa mga bagay na tuluyang umaagaw
Sa mga panahong tila naliligaw

Dumating na yata ang hangganan
At humarap na ng tuluyan
Sa laban na laging iniiwasan
Ng waring musmos na isipan

Ngunit magtutungo ng mag isa
Sa lugar na aking hinuhulma
Sa bawat hakbang hindi lumilinga
At sa harap ang tuon ng mga mata

Sana'y huli na nga
Sawa nang mag pa ika-ika
Pagod nang tumingala
At paulit-ulit na magsalita
JGA
lovestargirl May 2015
UWIAN:
Unang hakbang pagpasok sa tarangkahan.
Pangalawa, at tumingin sa daan.
Pangatlo, at tumingala sa kalawakan.

Saka naglakad pa ng isang daan at tatlumpung hakbang,
Sa apat, hanggang lima narinig ko ang andar ng jeep ni Ama
Sa anim hanggang pito narinig ko ang pagkukwenta ni Ana.

Sa walo hanggang siyam nakita ko ang tongitsan ni Manang.
Sa sampu hanggang labing-isa umiwas sa konstrukyon ni Saavedra.
Sa labing-dalawa at hanggang labing- tatlo ay narinig ang sigawan nina Agnes at Cito.

Sa bawat bahay, at taong nadadaanan
Tanging pagkaway at ngiti lang ang nadadatnan.
At ilan lang ito sa mga bagay na inuuwian.

Nagpatuloy sa paglalakad hanggang umabot sa abandonadong bahay,
Madilim man, at magulo sa loob. Ngunit amoy na amoy pa rin
Ang buhay na puno ng sampaguita.

Pumitas ako, inamoy pa ito, at nagbaon ng ilan nito.
Ipinikit ang mata ko, at saka linanghap ang mabangong amoy nito.
Saka naglakad pa at pumapasok sa aking tahanan.
Christien Ramos May 2020
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ang naging pampakalma.
Bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa
ay seryoso.
Walang pagkukubli ang puso
Ang hindi mapirming mga yapak
ay katumbas ng pagkasabik sa’yong yakap.
Gabi, muli akong tumingala
Walang palya ang ihambing ka sa mga tala.
Kinukwento sa’kin ng mga kuliglig
kung paano tatahakin ang ‘yong pag-ibig.
Hindi ko kabisado;
‘Di alam kung pa’no babagtasin ang dagat na ito.
Wari nila’y diyan matatagpuan ang pagmamahal mo
ngunit, paano?
Sinasamahan akong maglakbay ng inggit at takot
Hindi madaling pamamangka ang sa aki’y bumabalot.
Ang bigat ng pag-aalala ang maaaring magpalubog
at malunod
sa luha at panaghoy.
Paano mapapanatili ang ningas ng apoy?
Ano’ng solusyon sa pagkabahala upang magpatuloy?
Hanggang sa itulak ako ng sapat na panahon.
Muling humakbang ang hindi mapirming mga paa
Humina panandalian ang ihip ng hangin
Marahan ang pagkulbit ng mga buhangin.
Matapang kong nilisan ang pampang
Lakas ng loob, isang bangka’t panagwan
Sabay naming idinawdaw ang aming mga sarili sa karagatan.
Hayagang ibinubulalas ng langit na ako’y maging handa
Malayo na ako sa pampang ngunit tanaw ko pa rin ang kaba.

Ang pagkulog ay nagsimula na.
Biglang pumatak ang ulan ng pagbabanta
Dinig ko ang bulungan ng mga isda.
Sambit nila’y masasayang ang pagbabakasakali
Hantungan ng pakikipagsapalara’y wala.
Galit na sumasayaw ang alon
Ang kidlat ng kawalan ng pag-asa’y sa aki’y humahabol
Pataas nang pataas ang sumasalubong na alon.
Ang ‘di mawalang pagdududa ay nakikipag-unahan
Umaakyat ang mga tanong sa’king isipan
Kailan ko ba matatagpuan?
Sabik na akong salubungin ang pag-ibig mo…
… ang pag-ibig **** nasaan?
Subalit, naghintay ako;
Walang humpay ang paghampas ng mga alon
Hindi natatapos ang pagtaas.
Bawat pulgadang nadadagdag ay ang mga sagot sa’king katanungan
At bigla ang pagtaob;
Tama ang bilin ng mga kuliglig
Ito nga ang natatangi **** pag-ibig
Mapanghamon;
ngunit presko sa pakiramdam.
Ang sarap palang makamit ang matagal mo nang inaasam
Pipiliin ko ritong manatili hanggang
ako ri’y iyong matagpuan
papagingdapatin **** ako rito’y manahan
‘pagkat kahit sa daluyong, kalmado akong magsasagwan.
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ay naging pampakalma.
Seryoso ang bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa.
Walang pagkukubli ang aking puso
‘pagkat dito pa lang sinta, mahal na kita.
Krad Le Strange Aug 2017
Buntong-hininga
Sa langit tumingala
Bitawan lahat
Kanan, kaliwa, taas, baba
Kahit saang anggulo mo tingnan
Hindi ako magiging sya kailanman
Gaano man kalayo ang inyong pagitan
Siya pa rin ang iyong inaabangan
Kanan, kaliwa, taas, baba
Kanan
Nilingon mo sa kanan ang kanyang mga ngiti
Balot ng iyong paningin ang kanyang mapupulang pisngi
Kabisado mo na ang galaw ng kanyang labi
Habang umaasang ako nalang ang iyong minimithi
Kaliwa
Hawak ng iyong mga kamay
Ang kanyang balikat na lagi **** akbay
Di mapigilang ngiti ang sa sistema mo’y nananalaytay
Habang ako’y nakatanaw sa mga tawa **** walang humpay
Taas
Tumingala sa taas ang iyong noo
Pinapanalangan na sana’y maging kayo
Hinihingi sa Panginoon na sya’y maging sa’yo
Habang ako’y nakatingin sa aking mundo
Baba
Yumuko ang iyong mukha
At tumulo ang mga luha
Sa harap ng Panginoon, hiningi mo sya
Habang ako’y nananalangin na ako nalang sana
Ang mga salitang alay ko sa’yo
Ay sya ring mga salitang sa kanya’y sinabi mo
Ang mga tingin mo sa kanya
Ay kagaya ng mga tingin ko sa’yo
Ang kurba ng iyong labi
Ang pagpula ng iyong pisngi
Ang tingkad ng iyong ngiti
Nakikita ko ang sarili ko sayo
Sa kung paano mo tinitingnan ang babaeng
hindi kailanman magiging ako
Kahit hingin ko pa siguro sa mga tala
Kahit kay kupido pa ipa-pana
Hindi pa rin tayo tugma
Ang pagtitig mo sa kanya
Ay isang paalala na 'wag na akong umasa

Sana kaya kong takpan ang iyong mga alaala
Ibaon sa limot at tuluyan nang mawala
Sana kaya kong buksan
Ang puso kong ikaw lang ang laman
At tuluyan ka nang palayain
Kahit di ka naging akin
Pero kahit anong gawin
Ikaw pa rin ang sinisigaw ng damdamin
Ilang beses ka mang limutin
Araw araw ka pa ring alalahanin
Kahit masakit, pipiliting maging masaya
Kahit hindi ako
Pipilitin kong maging buo
Para sa'yo
At sa taong mahal mo
Kaya bahala na
Mahal pa rin kita
Kahit sya lang ang nakikita ng iyong mga mata
tosh Apr 2020
Hindi ko na kailangan tumingala matignan lang ang magandang kalangitan.
Kita ko na sa mga mata mo ang tala,buwan at kalawakan.
Sunday
4/12/20
Elly Apr 2020
parang sobrang lapit lang ng lahat kanina. napakarami rin na bituin na matatanaw kapag tumingala. sa tuwing sisilip din ako para makakita ng mga tao halos naririnig ko ang mga tinig ng boses nila na para bang ang lapit ko lang para maintintindihan ang pinaguusapan nila, miski ang pagbagsak ng mga kubyertos. paglapag ng plastik na may lamang pagkain, musika na ipinatutugtog nila at ang buwan na para bang napakadali lang abutin, kitang-kita ang liwanag na ibinibigay nito. sapat para makita ko ang mga gusali na nababalot ng dilim. sa isang iglap, naisip kita. naalala ko ang mga maikling pag-uusap natin. lahat ng naramdaman ko nuon ay parang kanina lang sa sobrang eksakto ng nararamdaman ko. hanggang sa mapaisip ako ulit. ganoon ka kalayo saakin. na para bang mas malayo pa sa katotohanang malayo ang buwan at ang mga bituin na nakikita ko sa langit. ganito ka kahirap tingalain at abutin.
Clara Mar 2022
Hayan nanaman sila,
Naglalayag muli ang mga mamamahayag,
Lagalag nanaman ang bandera ng pula, berde't asul
Sa gitna ng karagatan ng mga nauupos na katotohanan,
Ang hangin ng pagbabago ay muli nanamang umiihip,
Tulak-tulak ang bangkang ginawa mula sa diyaryo't mga pangarap,

At doon,
Sa islang pinanggalingan ng mga mamamahayag,
Kung saan ang mga tao'y kasali sa isang paligsahan ng mga bangkay,
Nakatayo sa sentro ang isang pulang bahay na nagmamatyag,
Sa kanyang pader nakaukit ang mga alituntunin ng larong maingay,

Mangyari lang daw na patayin ang nagsasayawang mga apoy na nagbibigay ilaw sa pagbabago,
Mangyari lang daw na patigilin ang pagkembot ng mga bewang sa kumpas ng isang ipinagbabawal na musika,
Mangyari lang daw na mangarap ngunit tumingala sa usok ng kanyang establisiyemento,
Mangyari lang daw na maglabas ng buntong hininga ngunit huwag sanang pagkamalang pamumulitika,

Sa nayong malapit sa dalampasigan ng isla,
Kung saan ang buhangin ay nananatili pang morena't hindi pula,
Matatanaw ang isang maliit na eskenita,
Kung saan naglalakad ang mga pudpod na paang naghahanap ng pag-asa,
Ang daang malubak ngunit binuo ng pinagtagpi-tagping mga proweba,
Ay mag tuturo sa daungan ng bangka ng mga sinabing peryodista,

Ngunit pagdating sa nasabing tagong lugar,
May mahabang pilang nag-aantay sa naturang bangka,
Wari'y lahat ng talampakan ng mga tao'y dumudugo ngunit hindi namumula,
Lahat ay may dalang maleta ngunit hindi naglalayas o nawawala,

Sila'y nakapila upang antayin ang bangka,
Hindi para sumama,
Kundi para maging kalasag ng isang malayang pagpapahayag,
Para maging tagapagtanggol ng isang katotohanang nararapat makita ng lahat ng mga nabigador,
Para mapatahimik, hindi lang ang lagim ng laro,
Kundi lahat ng mga bangkay na naiwan niyang nag iingay
The poem was written as an org entry during the ABS CBN shutdown in 2020.

— The End —