073016
Alkansya ko'y panalangin --
Taimtim na pananampalatayang ikaw nga.
Hindi mo marahil masaklaw ang estado ng puso
O ang lalim ng determinasyon ko sa paghihintay.
Saludo ako sa katatagan mo.
Kahit na hindi natin nasisilayan ang bawat isa
Sa tuntungan ng saya at pighati.
Hindi ko mawari ang pag-ibig na laan ng Ama
Pagkat kahit hindi magtagpo sa ngayon,
Alam kong ang pagku-krus natin noo'y
Iba ang pahiwatig sa pusong malayang naghihintay.
Walang alaalang masakit,
Kahit pa may mga katanungang hindi nasagot.
Walang sakit na hindi mabubura
Nang pag-ibig Niyang walang kaltas.
Kaya't may galak ang paghihintay.
Araw-araw, mag-iipon ako ng mga panalangin,
Higit pa sa mga salitang laylayan ay tugma;
Higit pa sa mga talatang balot ay emosyon.
At sa aking pag-iipon,
Alam kong kahit tunog-lata ang iila'y,
Tutubo ang mga ito para sa'ting kinabukasan.
Pagkat alam ko kung kanino ako unang nagtanim --
Hindi sayo, hindi sa akin
Bagkus **sa Kanyang Siyang may pandilig.
Minsan, naiisip kong bitiwan nalag ang paghihintay; kasi baka wala naman. Pero hindi ko maintindihan kung paanong binalot ng pag-ibig Niya ang sarili patungo sayo. Alam kong ikaw. Basta, nagtitiwala ako sa Kanyang ikaw ang laan Niya.