Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Paul Fausto  Mar 2020
Libro
Paul Fausto Mar 2020
Para akong nag babasa ng libro
Na hindi ko binasa at inintindi ang pamagat,
Nakaka engganyo, nakaka aliw, at nakaka gaan.

Napaka raming pahina,
Napapa bilis ang pag basa, napapabilis ang panahon
At isang pala isipan.

Ginugugol ang oras para sa isang libro
Pilit inaalala at iniintindi bawat salita
Ngunit napaka rami.

Napaka raming pala isipan sa bawat letra,
Letrang magsisilbing gabay,
Gabay para maniwala sa araw araw na pag basa.

Pag basa na hindi mo alam,
Hindi mo alam kung matatapos,
Matatapos ang pag basa hanggang dulo.

Na sa dulo, ay baka,
Baka sa dulo, doon mo maintindihan
Maintindihan, kung ano ang sinasabi ng libro.

Librong pinaka iingatan,
Pinaka iingatan bawat pahina,
Pahina na binubuhay ng araw araw na pag hinga.

Hihinga o hihinga?
Di ka pwede mamili,
Maaaring ituloy ang pag basa para mas makahinga ng malalim.

Malalim na malalim,
Kasing lalim ng nararamdaman,
Nararamdaman kada pag bigkas sa letra.

Letrang I,
Sa letrang Ikaw,
Ikaw ang libro at pahina na bumubuo sa araw ko.

Ang I na sa ingles na nag sasabing
Mahal kita
Ang I na nag sasabing "Iniibig kita!"

Itong mga letrang to ang gabay,
Gabay sa librong napaka raming pahina
Ngunit hindi pa rin maintindihan.

Hindi ko pa rin maintindihan
Hindi maintindihan kung sa dulo ba ng pahina na ang I,
Ay "IWAN"

Hindi ko alam sa bawat pag lipat,
Pag lipat na hindi ko sigurado kung saan ako dadalhin,
Napaka raming pahina, na sana

Pahina, na sana
Sana dalhin ako pabalik at papunta sa isang letra,
At iyon ay ang papunta

Sa' iyo, ang Ikaw na aking libro.
Euphrosyne  Mar 2020
Mga pahina
Euphrosyne Mar 2020
Madami na akong nabasang libro
Ngunit ikaw parin ang hinahanap kong kwento na nais balik balikan
Na hindi magsasawang basahin muli
Mga pahinang ikaw lamang nagbigay sa mga labi ko ng ngiti.

Bawat kabanata nitong libro bawat pagbasa ko ng mga pahina, pinapangiti mo ako muli,
Na para bang andiyan ka lang sa aking tabi.
Pinapa ulan mo ang aking mga mata tuwing....
binabasa ko ang kahapon.

doon ko lang natuklasan na kaya ko palang magmahal ng tapat sa mundong ibabaw na puro kalokohan lang ang inaatupag ko.

Hindi ka ba masaya? Na binabalik balikan ko ang  hindi makatotohanang kwento,
Na hanggang pahina at kabanata nalamang sila magiging totoo.

Masakit, pero kailangan natin tanggapin, ako, ako lang pala, ika'y lumisan na
Napunta ka na sa ibang pahina
Ako, ako andito pa
Iniwan mo sa alaala nating dalawa

Pwede ba magsabi ng totoo?
Kahit na sobrang gulo,
sasabihin ko sayo
Ikaw ang nag-iisang tahanan ng naliligaw kong pagkatao.

Etong mga pahina... nagiwan ng bakas sa puso kong bukas
Na inalay ko sayo gamit pa ang aking mga kamay na kitang kita ang bakas,
Bakas ng kahapon na sinaktan ako
Sinugatan ako ng taong minahal ko
Na pinalitan lamang ng saksak sa puso.

Itong mga pahina't kabanata
Na nagpapakita
Na mahal parin kita
Subalit nasa ibang libro ka na.

Alam kong tapos na
Wala nang tyansa
Kaya't ibabalik nalamang kita
Sa aking istante
Na madaling hanapin
Kapag nais ko muling basahin
Ang kahapon na sinulat natin.

Mga pahinang babalik balikan,
Mga kabanatang hindi makakalimutan,
Librong tayong dalawa na ako nalamang
Ang gagawa ng paraan para protektahan
Konting comeback lang sa tagalog. Spoken word poetry talaga siya pero nahihiya ako magsalita kaya hanggang dito lang hahaha.
Folah Liz May 2015
Pangako yan at totoo. Hindi ko alam kung magiging gaano kahaba o kung kasya ba sa isang piyesa,
ilang pahina, ilang minuto ang ihahaba, itatagal nito at posibleng hindi ko agad makabisado pero pangako yan,
ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo.

Itaga mo to sa bato, abutin man ako ng umaga dito hindi ko ipipikit ang mga matang ito..
uubusin ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo o anumang tawag ko sayo,
mahal, sinta, irog, pangga, babe, bbq, bae, beb, asawa ko, mhine, kulet, kapal, kupal, hayop, pa, p*ng ina ka ano pa ba..wala akong pakialam kung abutin man ako ng ilang talata dito,
pero hindi ko na pwedeng patirahin lang dito sa loob ko ang mga salitang ito kaya pangako,
ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo.

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung san ako nakatira.
hindi mo nga pinansin ang mga agiw sa dingding, hindi ka nga natinag sa ipis na biglang dumating sa iyong pagbisita..
pero hindi mo rin man lang din tinignan ang mga libro na nasa tabi ng kama kong natutulog din, at tangi ko noong kapiling.

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paanong niyakap mo ako nung sabihin ko sayong "mahal kita.."
sa kung paanong hinalikan mo ako sa noo sabay sabi na "mahalaga ka.."
at ako naman tong si tanga, tuwang tuwa na hindi pa nalinaw nga na
ayaw ko na maging mahalaga, ayaw ko na maging halaga..

Hindi ako antigong salamin na matagal mo nang pag aari
na tinitignan mo lang para ipaalala sa sarili mo na maganda ka, ayaw ko na maging mahalaga..
hindi ako telepono **** dudukutin lang sa bulsa kapag kelangan mo ng solusyon sa kawalan mo ng koneksyon sa mundo **** masyado ng malawak para bigyang atensyon ka pa, ayaw ko na maging mahalaga..
hindi ako kuwintas na isusuot mo lang sa piling-piling mga okasyon
kapag meroong mga sitwasyon na pakiramdam mo ay kulang ka pa
Hindi ako para ibalik sa loob ng isang kahon kapag matutulog ka na sa gabi sa takot na masakal ka sa yakap ko kapag mahimbing ka na,
o ibalik sa loob ng isang kahon at itabi sa sulok ng isang aparador
sa takot na manakaw ako ng iba, ayaw ko na maging mahalaga..

Ang gusto ko ay mahalin, ang kelangan ko ay mahalin..
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng kape mo sa umaga
tanggap ang tamis at pait, kelangan para sa init
pero hindi isinasantabi dahil lang nanlamig na..
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng sarili **** opisina
kabisado kung para saan ang ano, kabisado kung saan nakatago ang alin
kabisado ang mga tinatago kong patalim, silbi, dumi, lihim..patalim, silbi, dumi lihim...
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng unan mo sa gabi, niyayakap sa ginaw, sinasandalan kahit na mainit, binubulungan ng mga pinakatatago **** panaginip
ayaw ko na maging mahalaga, ang gusto ko ay mahalin, ang kelangan ko ay mahalin..

at nagsulat ako noon para lang mahalin mo ako, kaya patawad pero magsusulat ako
hanggang sa maubos ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo
patawad pero magsusulat ako para patawarin mo ako..
dahil minsan may nakapagsabi saken na ang taong hindi raw marunong magpatawad ay hindi makapagsusulat
kaya mahal sa pagkakataong ito
sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sayo
gumawa tayo ng kasunduan, patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan at patatawarin kita sa hindi mo pagluha
Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik at patatawarin kita sa hindi mo pagsasalita
Patawarin mo ako sa hindi ko pag alis at patatawarin kita sa hindi mo pananatili
Patawarin mo ako sa hindi ko sayo paglimot at patatawarin kita sa hindi mo saken pagpili mahal
gumawa tayo ng kasunduan patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita sa hindi mo pagkapit
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita sa hindi mo paglapit
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko at patatawarin kita sa hindi mo pagsugal
Patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sayo at patatawarin kita sa hindi mo saken pagmamahal, mahal
gumawa tayo ng kasunduan patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako
para sa wakas ay matapos ko na itong tula na masyado ng matagal na nakatira dito
at patawad kung magiging masyadong mahaba at marami masyadong bulanas
pero pangako huli na to, huli na to, huli na to...

Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung san ako nakatira.
Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako
Magsisimula ako uli sa umpisa,
Magsisimula ako uli...
Magsisimula ako....

Ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo, mali...
Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sayo

Iniibig kita, at ubos na ubos na ako...."
Thanks for the inspiration to this poem, isa kang makata Sir Juan Miguel Severo.
Mira Alunsina Jan 2018
Tahimik at tila nawalan na ng ganang huminga ang mundo
Nakasarado ang mga labing to pero alam kong punong puno
ng mga sigaw
ng mga hagulgol
ng mga mura
na pinipilit na hindi makawala
Dahil alam ko na kahit ang boses ay maubos
hanggang sa tuluyan nang mapaos
Hindi mo pa rin pakikinggan
Dinadaan nalang ang mga sakit na naipon
sa pagsulat sa basang pahinang pinipilit mang pagtagpiin
ay tuluyan nang napupunit
Gawa ng mga luhang kumakawala sa mga matang bulag
Marahang pinapahid dahil sa namamagang pisngi
Katulad ng pag-iibigan natin
Sa pahinang ito
Tuluyan nang nawasak at paunti unti nang naglalaho
Nabura na ang tinta at naging malabo na
ang mga salitang Mahal na mahal kita
Ipipikit nalang ang mga mata para tumigil na
Kasabay ang paghaplos sa nanlalamig na espasyo
Sa bandang kaliwa ng ating kama
Dito dating nakahimlay ang isang nilalang na nagbigay halaga sa kalawakan
Ang nagparamdam ng tunay na kahulugan ng buhay at pagmamahal
Pinapaniwalang ang pag-iibigan ay tunay at magtatagal
Pero mahal
Bakit ang mga halik ay napalitan ng mga mura
Ang mga yakap ay napalitan ng mga sampal
At ang mga matamis na ngiti ay napalitan na ng matalim na mata
Nasaan na ang pinangakong walang hanggan?
Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan
Alam ko kung paano mawasak ang mundo ng isang iniwan
Pero alam mo ba kung ano yung pinakamasakit?
Magkatabi tayo at magkadikit ang mga balikat
Walang matitirang espasyo sa gitna dahil sa liit ng higaan
Pero hindi ko maramdaman na nariyan ka
Mali..
Alam kong andiyan ka pero alam ko rin na ang pagmamahal mo ay naglaho na
Sabi nila masakit makita ang mahal **** may kasamang iba
o hanggang kaibigan lang ang tingin niya
o wala na siyang ibang nabanggit kundi ang isang taong ayaw sa kanya
Putang ina
Hindi nila alam na mas masakit ang nararamdaman ng isang tangang katulad ko
Na pinipilit pinapaniwala ang sariling mahal mo pa ako
Mas masakit yun
Mahal hindi mo ba nakikita ang mga mapuputlang labi na minsan mo nang nahagkan?
Hindi mo ba naririnig ang mga hikbi na pinipilit kong itago pero hinihila pa rin palabas ng pighati?
Hindi mo ba nararamdaman kung gaano kita kamahal, kung gaano ako kahangal?
Gusto ko lang naman pakinggan mo ako
Gusto kong malaman mo na ayoko na
Na kahit ayoko na ay ayoko pa
Ayoko pang bumitaw
Dahil natatakot akong maligaw
Sa paniniwalang ang iyong palad ang gabay sa mundo kong minsan nang naging bughaw
Ayoko pang mawalay sayo
Ayoko pang ako’y iwan mo
Tawagin mo na akong tanga, gaga, boba
Pero Mahal kita
Pero Ayoko na
Ayoko na sana
Sana pigilan mo ako sa pagtangka kong pagbitaw
Pigilan mo sa pagsulat muli sa mga basang pahina dahil huli na to
Halikan ang mga nakasaradong labi nang mapalitan ang mga mura ng mahal
Mahal kita
Oo na hanggang sa huli
Kahit matagal nang sinasabi ng mga mata, labi at puso ko
At nakasulat sa huling basang pahina na ito
Na Ayoko pa, mahal ayoko na.
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
Crissel Famorcan Jan 2018
Elementarya ako nang pinangarap kong maging manunulat,
Kaya't nagsikap ako at natutong magsulat
Ikatlong taon ko sa hayskul nang isulat ko ang kuwento nating dalawa
Kuwentong pinangarap ko pang maipa-imprenta
Kaya't pinaghusayan ko ang paglikha at pagdetalye
'Straight to the point' at walang mga pasakalye
Maraming natuwa sa bawat tulang alay ko sayo,
Pero sa lahat ng yun? Kritisismo at pangungutya ang isinusukli mo
Ngunit hindi ko inintindi iyon at patuloy akong sumulat,
Baka sakali.. isang araw,malay ko? mata mo'y mamulat
Mamulat sa pag-ibig na ibinibigay ko,
Baka isang araw,makita mo rin yung halaga ng mga regalo ko,
Baka isang araw, masuklian mo rin yung pagmamahal kong buo
Baka kasi wala ka lamang barya,
At nahahanap ng panukli kaya ka abala,
Kaya naghintay ako ng ilang taon,nagpakatanga..
Pero mukhang di na yata ako masusuklian pa
Kaya naisip kong makuntento sa kung anong meron tayong dalawa
Pagkakaibigan.
Pero di ko maiwasang masaktan
Sa tuwing magkukuwento ka o nagtatanong tungkol sa kanya,
Hinahayaan ko na lang at least nakakausap kita!
Kahit na yung paksa natin madalas,tungkol lang sa musika
Ayos lang! Basta nakakausap kita.
Kahit nagmumukha na akong tanga
Okay pa rin! Basta nakakausap kita.
Ngunit nakakapagod din maging tanga
Kaya mahal, ako'y magpapaalam na.

Sa paglapat nitong panulat sa aking kwaderno
Ay isusulat ko na ang huling bahagi ng ating kuwento,
Tutuldukan ko na ang mga huling pangungusap
At puputulin na ang mga ilusyon ko't pangarap
Dahil kung hindi'y lalo lang akong mahihirapan
Lalo lang akong masasaktan.
Makapal na ang libro,paubos na ang mga pahina
Nakakaumay ang kuwento na pinuno ng mga luha
Panahon na sinta ko upang mag umpisa akong muli,
Hindi ko na hihintayin ang hinihingi kong sukli
Pagkat panahon na rin upang sumaya akong muli.

Salamat sa lahat ng alaala
At pasensya na sa mga abala
Mahal ito na ang huli kong regalo
- Hindi ko na ibabalot pa
Pagkat alam kong wala ka rin namang pagpapahalaga
At sa huling pagkakataon,gusto kong malaman mo,
Na may isang AKO na minsang nagmahal sayo.
Ito na ang huling pahina ng ating libro
At sa pagsara ko dito,kasabay ang paglisan ko sa mundong ginagalawan mo.
cherry blossom  Aug 2017
Untitled
cherry blossom Aug 2017
nakita mo ako noon na umiiyak
may nakawala na naman sa higpit ng aking paghawak
hinawakan mo ako noon sa balikat
nakita mo sa mga mata ko
wasak ang mundong kinatatayuan ko
ginawa **** dahilan ang pangyayaring 'yon
para bigyan ako ng pangalan sa buhay mo

Kinupkop mo ako.

pinasilong sa iyong payong
pinayungan mo ako nang akala **** naiiba ako
hinagkan mo ako
pinangalanang "tapat"
tinanggap ko ang alok **** payong
nananabik sa pagtanggap
pagtanggap
isang bagay na pinagkait ng mga kamay na nakawala

Nananabik ako.

kinilala mo ako
binasa na parang librong daladala mo araw araw
naging interesado sa kada buklat ng pahina

Naiintindihan mo na.

lubos ang saya nang makita kitang nagbabasa pa
nananabik akong matapos mo
kilalanin mo ako ng buo
itago sa kung saang lugar na wala nang makakaabot
bigyan mo ako ng rason.

ayan na, malapit ka na sa kabanata
kung saan bumitaw sila
tatlong pahina na, magtiyaga ka sana
dalawang pahina na lang, huminga ng malalim
isang pahina---

saglit, bakit hindi mo pa binubuklat sa huling pahina?

"magpapahinga muna", yan ang sinabi mo
ayos, para may lakas ka para harapin ang kabanata ko

Maghihintay ako
at naghihintay pa rin ako
nakatunganga ako sa labas ng kawalan
hinihintay ang pagbabalik mo
ilang beses ka nang nagpalakad lakad sa harap ko
hindi mo ba ako nakikita?
hindi ka na bumalik
hindi mo na sinubukang bumalik

wala ka pa nga sa kadiliman ko
hindi mo na kinaya ang kwento ko
at muli kitang nasilayan, tumingin nang walang pagsisisi
08/10/17
Para kay
cosmos  Feb 2016
Classroom Hugot
cosmos Feb 2016
"No more questions?
Let's move on to the next topic"

Mula nang mawala ka,
Sa bawat pagkakataong
Banggitin iyan ng aking mga ****,
Napapatanga ako at itinatanong sa sarili,
"Ganon lang ba kadali yun?"

Sana kasing dali
Ng paglipat ng pahina ng aking libro
Ang paglipat ng puso ko mula sayo, pabalik sakin

Sana kasing dali
Ng pagbura ng marka ng lapis sa kuwaderno
Ang pagbura ng alaala mo sa aking isipan

Sana kasing dali
Ng paglabas pasok ng mga **** sa silid
Ang paglabas pasok mo sa aking mundo

Sana pero hindi

Dahil tila nasa bawat pahina ka ng aking libro
Dahil tila marka ng bolpen ang pilit kong ibinubura
Dahil tila nakalabas ka na ngunit pilit kitang inaanyayahang bumalik
Kahit ilang pagsasanay, pagsusulit, at oral recitations pa
Sana bumalik ka
Pero hindi.

"No more questions?
Let's move on to the next topic"

Paano nga naman kasi ako makakausad
Kung isipan ko'y punong-puno pa rin ng katanungan
Bakit ka sumuko?
Bakit hindi na puwede?
Hindi mo na ba ako mahal?
-------------------------------------
Hindi ko naman ginawa 'to sa classroom nag-aaral ako 'no. Naisip ko lang HAHAHA.
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
ESP May 2015
Hindi ako marunong tumula

Hindi ako marunong tumula
Kahit tinuruan ako ng **** ko sa wika
Ng tamang pagsulat
Ng may tamang sukat
Ng may tamang sukat ng salita
Ng may tamang salita

Hindi ako marunong tumula
Dahil iniwasan kong gumawa ng isa
Dahil ayoko ng konbensyunal
Dahil ayoko ng sukat-sukat
Dahil ayoko ng bilang-bilang
Dahil ayokong nahihirapan
Kung paano ko ipapahayag ang sarili ko

Hindi ako marunong tumula
Dahil alam kong ang mga makata lamang
Ang may kakayanang makapagsulat
Silang mga nakapag-aral ng wika
Silang mga matagal nang nagsusulat
Silang walang sawang nagsusulat ng mga salitang
Kasing bango ng mga bulaklak
Kasing tingkad ng langit
Kasing linaw ng mga tubig sa dagat
Kasing sarap ng paglanghap ng sariwang hangin

Hindi ako marunong tumula
Kahit naririnig ko sa radyo
Ang mga kantang binibigkas
Ng mabibilis na mga bibig
Ng mga magagaling na mang-aawit ng tula

Hindi ko inibig ang tumula
Dahil alam ko sa aking sarili
Na marunong lang akong magsulat ng kung anu-anong kwento sa buhay
Mga kwentong binibigyan ko ng buhay
Na akala ko sa isip ko lang maninirahan

Ngunit dumating ang araw
Natulala sa isang bagong kwaderno
Blangkong kwaderno
Ni hindi ko alam
Kung ano ang isusulat
Walang maisip ni isa
Maliban sa isa
Ikaw
Ikaw lang ang laman ng isip ko

Nakapaglakbay patungo sa unang pahina
Ang salitang aking hinahanap
Hanggang sa nagtawag siya ng mga kasama
Ng ka-tropa
Ng ka-barangay
Sunod-sunod silang nagsisidatingan

Ikaw lang ang laman ng isip ko
Ikaw na lagi kong kasa-kasama
Ikaw na lagi kong gustong kasama
Ikaw lang
Pero sunod-sunod ang salitang naisulat ko
At nagulat ang nanlalabong mata ko
Tula na pala ang naisulat ko

At nagsulat ako
Nang nagsulat tungkol sa mga ngiti mo
Tungkol sa kung paano kita nagustuhan
Tungkol sa kung kelan lahat nagsimula lahat ng nararamdaman ko
Tungkol sa kung paano ko nilalabanan 'to
Tungkol sa pagkagusto na akala ko hindi dapat
Dahil magkaiba tayo ng gusto
Nagsulat ako nang nagsulat
Hanggang naisulat ko na pala
Na mahal kita

Hindi ako marunong tumula
Ayaw kong gumawa noon ng tula
Pero dahil sa'yo
Marunong na akong gumawa ng tula

Gumawa ako ng maraming tula
May maikli
May mahaba
May hindi tapos
May walang kwenta lang
Halos lahat ay patungkol sa iyo
Minsan sa buhay ko
Pero sa'yo lang umiikot ang buhay ko
Totoo

Ang sarap palang gumawa ng tula
Akala ko mahirap
Akala ko laging may batayan
Akala ko laging may sukat
Tulad ng itinuro sa akin ng **** ko sa wika
Pero hindi pala
May iba palang paraan
Basta't may emosyon kang nararamdaman
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Malungkot kasi hindi kita nakasama
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Masaya kahit na tinititigan lang kita nakikita ko na mangiyak-ngiyak ka na sa tawa
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Pagkasawi kasi alam kong walang patutunguhan 'tong lahat

Katulad mo ako
Isinusulat mo kung anong nararamdaman mo
Ang nararamdaman **** hindi katulad ng nararamdaman ko
Ikaw na siyang nagmamahal ng taong
Hindi ka gusto
Katulad mo ako na
Nagsusulat ng laman ng puso mo

Kung pwedeng ako na lang na ang tinutukoy mo

Marunong akong gumawa ng tula
Ikaw ang may dahilan ng lahat
Nasabi ko na sa'yo lahat
Hindi pa pala lahat

Marunong akong gumawa ng tula
Pero hirap na hirap ako ngayon
Dahil wala na akong maramdaman
Wala na ang pinanghuhugutan
Wala na yatang dapat paglaanan
Wala na

Habang isinisulat ko ito
Wala akong emosyon
Walang emosyong nararamdaman
Sa'yo
Tapos na ata ako sa'yo
Wala na rin akong masulat para sa'yo
Pero marunong akong magsulat ng tula
Kaya
Maghahanap na lang ulit ako
Ng taong paglalaan ng mga salitang
Hindi makatotohanan sa pangdinig kapag isinambit
Hindi makatototohan habang binabasa ng mga mata
At hindi makatotohanang isinulat ng isang hamak na katulad ko
Maghahanap ako
Ng isang tulad mo

Mahaba-haba na ang aking naisulat
Napatunayan ko na atang marunong akong magsulat


Pero hindi ako marunong tumula.
Gat-Usig Oct 2013
Narito, isang pirasong papel,
Nakalamukos sa loob ng isang basurahan,
Basurahan na siyang pinagtapuan,
Basurahang taguan ng mga dumi ,
Dumi na mula sa tao,
Taong bingyan ng layang pamunuan ang mundo.

At ang papel, nakaririmarim, nakasusulasok, isang walang silbi.
Ang pahina ay napuno ng tinta.
Maraming-maraming tinta.
Nangingitim, kumakalat, naninikit.
Nakahihilakbot ang kulay ng sumaboy na tinta.
Mababasa ang titik na nalikha ng tinta.
Pati ang buong pahina nito'y waring nangungusap.

Ang kanyang buong piraso, kumpul-kumpol na may mga naglipanang uod.
Naggagapangang uod na bumubulok sa buong pahina.
Tinutunaw hindi ng mga bulate kundi ng ibang nilalang.
Hinangin ang pahina ng papel.
Nagpulasan ang mga uod sa tapunan.
Mula sa dulo, gitna, sa magkabilang gilid.
Naninipsip sa napupunit na piraso.

May naghagis ng isang kalat.
Inihagis sa ibabaw ng papel.
Gumalaw ang papel.
Nagitla ang naghagis.
Isang tipak na lupa, kinuha ng naghagis.
Ipinukol sa papel.
May ilan pang nakakita.

Ang papel, basambasa ang piraso at unti-unting napupunit
May mga naguguluhan sa mga nakasaksi.
Ang papel ay walang magawa.
Lumalambot ang bawat hibla.
Ang papel, sa kanyang pagkatunaw
Ay akin ding pagkatunaw.

Maya-maya, isinapluma ko ang lahat-lahat
Kalakip ang mga tulad kong papel...
Sa... aklat.
Sa... tula.

— The End —