Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Gwyn Biliran Nov 2016
Samahan mo akong kumawala, iwanan natin ang mundong ito sinta.
Ikaw ang nais makasama sa pag-iisa, ikaw ang aking pahinga.
Maglakbay tayo patungo sa kawalan, ang ingay at gulo ng mundo'y ating takasan.
Hanggang kailan ito magtatagal?
Walang kasiguraduhan, pero pinapangako kong hindi kita bibitawan.

Tara roon sa dalampasigan kung saan mistulang ang mundo'y tayo lang ang nilalaman.
Hayaan **** ang iyong mga kamay ay aking hawakan habang tayo'y nagsasayaw sa ilalim ng buwan.
Ipikit ang iyong mga mata at damhin ang pag-ibig ko, sinta.
Ituloy natin ang pagsasayaw na walang ibang musika kundi ang aking pagkanta.
Mga noo'y magkadikit habang ang mga mata'y nakapikit.
Higpitan ang iyong kapit, huwag kang matakot lumapit.

Sa maiksing panahong tayo'y nagkakilala, ako'y iyong tunay na pinasaya.
Ikaw sa akin ay tunay na mahalaga. Hindi kayang ipaliwanag ang nadarama.
Huwag kang mangamba, sa puso ko ay mananatili ka.
Halika sa mga bisig ko, mahal.
Panahon natin ay di na magtatagal.
Ang pagtatapos ay nalalapit, yakapin mo ako nang mahigpit.
Nalalabing oras ating sulitin, pangakong ito'y ating uulitin.

Huwag ka nang malungkot, huwag nang sumimangot.
Huwag nang pumiglas sa aking yakap, damhin ang ihip ng hanging kay sarap.
Kasabay nang pagtatapos ng gabi ay ang pagtatapos ng ating nakaw na sandali.

Dahil tayo ay alon at dalampasigan, tinakdang magtagpo kahit panandalian.
Tayo ay alon at dalampasigan.
Ako ang alon at ikaw ang aking dalampasigan, ang lugar na aking pahingahan, aking takbuhan, aking pansamantalang tahanan.
Ako ang alon at ikaw ang aking dalampasigan; ako sa'yo ay lumalapit, pilit kumakapit, ngunit kailangan kong lumisan.
Ako ang alon, ikaw ang aking dalampasigan; malayo man ako saglit, ako'y babalik at aasang tadhana'y pagtatagpuin tayo ulit.
Susulat ako ng isang libong tula
Kung ito ang magpapahilom sa pusong pagal
Sa pag-ibig

Isusulat ko ang tula sa dalampasigan
ng alaala
Na kasing haba ng aplaya
Hanggang sa maghilom ang pusong sugatan
Dulot ng iyong paglisan

Huhugot ako ng maraming tayutay at saknong
Na may lantay at tugma

Sakaling anurin ito at mabasa mo
Sa dalampasigan ng aking puso.

Ikaw ang hugot
Ikaw ang sagot

Susulat ako ng isang libong tula
Dito kung saan taya unang nagsimula.
Daniella Torino  Jun 2017
Tahanan
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Cal Ashiq  Feb 2017
Pag-ibig
Cal Ashiq Feb 2017
Pag-ibig na parang pagsikat ng araw
Damdaming tila umaapaw
Ito'y simoy ng hangin sa bukang liwayway
Pag-ibig na sadyang walang kapantay

Ito'y haplos sa dalampasigan ng mga alon
Kasing ganda ng paghuni ng ibon
Sadyang nakakabighani na parang bahaghari
Ito'y walang sinumang pinipili

Ito'y sinang ng tala sa gabing madilim
Liwanag ng buwan sa kalangitang kulimlim
Pagmamahal na sadyang kay tamis
Damdaming hindi mo matitiis

Ito'y rosas na bumubukadkad
Wari mo'y ibon na lumilipad
Sadyang kay ganda magmahal
Pag-ibig na kailanmay magtatagal
jia  Jul 2018
dalampasigan
jia Jul 2018
takbo mo'y karipas
sa bawat ahon na humahampas.
pinipilit tumakas
sa mga buhanging nakakalas.

ngiti mo'y di mapawi,
tingin ko'y di mawari.
sinasabi mo'y sari-sari,
buhok ko'y lagi **** hinahawi.

buntong hininga ang tanging ipinalit.
wala ka manlang bang kamalit-malit?
kama'y mo ay sa aki'y ikinawit,
sa akin ay ngumiti ka saglit.

pilit tinutugunan,
salita mo'y ako ay naambunan.
tayo'y nagtatawagan,
diri sa isang munting dalampasigan.

ikaw lamang ay maging masaya.
o aking sintang giliw, ako'y kuntento na.
makita kang nakangiti't tawa,
sa aki'y iyo'y sapat na.
J  Feb 2018
Saklolo.
J Feb 2018
Kaibigan, halika at makinig,
Sa storyang dapat **** marinig,
Sana ako’y paniwalaan,
Dahil hindi ito kathang-isip lamang.

Habang ako’y nag-iisa,
Habang hindi mo ako kasama,
Dumidilim ang mundo,
Sa pagdilim nito kasama pati buhay ko.

Sa tuwing nakatingin sa mga tala,
May mga boses na laging nang-aabala,
Gusto ko silang tumahimik,
Maalis ang mga aninong umaaligid.

Tama na.... tama na... ayoko na,
Patahimikin mo na sila.
Tama na.... Nakikiusap ako,
Tulungan, tulungan mo ako.

Sa gabi man o umaga,
Lungkot na hindi mawari ang nadarama,
Noong araw na ako ay nawala, (sa aking pagkawala)
Kasabay nito ang katahimikan nila.

Sa pagtatapos ng aking kwento,
Sana maunawaan mo,
Na hindi ito kasabay ng panahon na lilipas din,
Ito ay importante at dapat intindihin.

Sa pag kupas ng mga larawan,
Sa bawat kumpas ng alon sa dalampasigan,
Kaibigan, ako’y lumisan sa mundo hindi dahil ginusto ko,
Pero para sa ikatatahimik ko.

Saklolo.
Stop the stigma of Mental Illness. Mental disorders are not adjectives.
Vincent Liberato Oct 2018
Iniluwal ka sa sinapupunan,
Ngunit itinali't iginapos ka
Ng taliwas sa iyong mga kagustuhan
Ang iyong mga kaibigan
Ay lumisan na sa dalampasigan,
Ngunit ikaw ay pinagmamasdan mo lamang sila.
Nang isilang ka
Magulang mo lamang ang masaya sa'yo,
Ngunit 'di na nila naisip ang mga hangarin mo.
Ang bansag tuloy sa iyo ay: tao lamang.
'Di ngumingiti, 'di masaya
At higit sa lahat ay walang hangarin
Sa mismong kalooban.
JOJO C PINCA Nov 2017
"bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? sapagkat ang paglisan sa sariling ina upang sumuso sa bukal na buhay ng ibang dibdib ay isang pailalim na pamimirata. at sa daigdig, ang mga limahong ay matatagpuan sa lahat ng lahi at sa lahat ng kulay. kapag pinag-usapan si Limahong, bawat kinapal na nakatapak sa lupang hindi niya kakulay ay dapat paghinalaan"  - Edgardo M. Reyes, SA MGA KUKO NG LIWANAG



bakit ang piratang tsino na si Limahong at hindi ang rebolusyunaryong si Komrad Mao ang napadpad dito sa ating dalampasigan? bakit ang mga piratang tulad ni Limahong ang dumami at lumaganap sa bansang Pilipinas?
oo, laganap ang mga pirata sa ating bayan, pinirata nila ang ating kabuhayan. matagal na nilang hawak ang ating ekonomiya. kahit saan mo ibaling ang iyong paningin ang mukha ng mga kapitalistang tsino ang lagi **** makikita. lahat sila kamukha ni Limahong. sila ang mga bagong pirata.

kung si Komrad Mao sana ang dito ay sumalta, malamang mga Sosyalista tayo ngayon. hindi sana tayo inaalipin ng mga ganid na Kapitalista. siguro sinlakas na rin tayo ngayon ng tsina. malamang walang tiwaling pulitiko na nagnanakaw sa kaban ng bayan. walang mga gunggong na pinagsasamantalahan ang taong bayan. walang mayaman na mang-aapi sa masang naghihirap. walang kolonyal na kaisipan na iiral, hindi sana tayo lumuluhod sa mga dayuhan. walang magtatatwa ng sariling wika at manghahamak ng sariling kultura. wala sanang maka-dayuhan na paghanga. wala sanang taksil sa sariling lipi. sapagkat lahat ng mga duming ito ay lilinisin at gagawing dalisay ng Cultural Revolution.

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit si Henry Sy, Lucio Tan, John Gokongwei, Andrew Tan ang mga panginoon at naghahari sa bansang ito? bakit tayo inaalipin ng mga dayuhang ito? putang ina, inaalipin at inaapi tayo dito sa loob ng sarili nating bayan. bakit sila ang nagpapatakbo sa buhay at bansa natin?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit ang diwang pirata at hindi ang binhi ng kalayaan ang lumaganap dito sa atin? bakit kapitalismo at hindi sosyalismo ang namayani? bakit tayo mga alipin at hindi malaya?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? nakakalungkot isipin na natulad tayo sa South Africa kung saan inalipin ng mga puting dayuhan ang mga katutubong itim. ang Pilipinas ba ang katumbas ng Gaza Strip dito sa South East Asia?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit tayo pumapayag na ginaganito tayo? wala silang karapatan na babuyin tayo at hindi sila ang dapat na nakikinabang sa yaman natin.
solEmn oaSis May 2017
Intro (1st stanza)
Sa lahat ng kung sino o ano ka man,
at maging sa lahat ng di mo tunay na pagkakilanlan,
madalas nga ikaw ang sa puso ko'y nananahan,
Sa iyong balikat ako ay iyong pinapatahan,
Sa twing Ako'y nababalot nitong karimlan,
Liwanag ka sa aking nagugulohang isipan.
pagsinta mo sa aking nararamdaman,
ang siyang tangi kong tangan-tangan!

1st refrain
kapag nais kong lumuha
laging naririyan ka
Sa pighati at saya
laging naroon ka
karamay nga kita
Ano man ang aking dala
wala pa man akong problema
ako na ay iyong hila-hila
sa lugar kung saan pila-pila
ang mga nakahain na di basta-basta
pagkat ang sisidlan,laman ay sobra-sobra!

2nd stanza
hindi tulad sa liwasan na aking pinanggalingan
doon sa may gawing silanganan
na di raw kailan man lumulubog ang araw
ngunit wala naman akong liwanag na matanaw
Subalit ngayon
binago mo
aking kahapon
Sinama mo ako
Sa iyong patutunguhan
pinanatili sa 'yong kandungan
bagamat ang haring araw ay walang masikatan
at kay panglaw man nga dito sa kanluran

2nd refrain
Maliwanag kong Naaaninag
ang pinaka-marilag na sinag
na tila ba nagsasabing,,,
halika dito sa aking piling...
hawiin mo ang ulap na tabing,
at tutuparin ko ang 'yong hiling.

adlib
DAMDAMIN MO'Y 'WAG NANG IKUBLI,,
SA AWITIN KONG ITO 'WAG KANG MAG-ATUBILI,,
BASAHIN MO ANG AKING MGA LABI
TIYAK DARATAL SA IYO  MATATAMIS NA NGITI
SABAYAN MO AKO SA AKING HIMIG,
'DI BA'T ANG MUSIKA'Y ATING TINIG.
NA TILA BA DAYAMI DOON SA KAMALIG.
SA BAGYO'T SIGWA WALA ITONG LIGALIG!

3rd stanza
'pagkat alam Niya may isang Ako
na mangangalap ng Kanyang piraso
upang sa muli nga'y mabuo
ang taglay nitong komposo
hanggang sa ang naturang Ikaw ay mapagtanto
na hindi lang Sila kundi pati na rin Tayo
ang sa Kanila ay siyang dapat magpayo
"ano man ang galit Mo sa Mundo,,,
at sa Iyong buhay ay di Ka makontento
'wag na 'wag kang sa Pagsubok ay magtampo
Tandaang Ninyo na ... Nasa Puso ng Tao
masisilayan ang Ilaw na nagpapatingkad
Sa Daigdig Natin na animo'y di na sumisikad
na halos hikahos ang MARAMI sa pagtingkayad
mamataan lamang Nila ang tanglaw sa pagsayad"

repeat 1st refrain except last 5 lines

chorus one
ohh Sanlibo't Isang Awit
sayo ako'y kakapit
hawakan mo nga akong mahigpit
sa twing mensahe mo'y kinakawit
mga damdamin na hugot
sa aking pag-iisa ay sagot
napapawi mo nadaramang poot
tuwa man o isang lungkot
ang hatid na iyong dulot
mga liriko mo sa akin ay nanunuot
dagliang naiibsan itong pagkabagot

repeat adlib

chorus two
Lalo't kapag ang 'yong melodiya,
sa pusong umiibig ay kaiga-igaya,
umasa kang ang iyong ritmo ay lampas ilaya.
di man pakawalan matataas na nota... tono mo ay malaya!
At patuloy kitang pakikinggan
taimtim ko ngang susundan
mga letra mo sa Dalampasigan
kahit pa kahit na paulit-ulit mo akong talikdan,,
batid ko naman ang koro mo'y walang hanggan
tangayin ka man at mapadpad sa Laot ng tagdan
di maglalaon muli kang dadaong sa may Pantalan
para ikumpara ang luma sa bago **** kasarinlan

repeat 2nd refrain
do the bridge (3x)
repeat Intro
repeat chorus one and two
repeat bridge once again in a fading away voices

BRIDGE:
sabihin man nila na ako sayo'y baLiw
ligaya kong natatamasa, di na magmamaLiw
wala man akong instrumentong isinasaLiw
itong Sanlibo't Isang Awit,alay ko sa'yo giLiw

Inspired By Sally Bayan
my very first particular song in its parts
that comes from the bottom of my heart

© solEmn oaSis
Hymns of my Soul is now ....
the soul of a thousand and one song
that i promised to dedicate
before the uncontrollable twilight
just like by the time i am here
sometimes, conquering the darkness of night
thru the lit of candle that brightens
the whole day of our everyday presence!
Presence which we wanna end it up yet!
Yet we prepared always to get started once we must!
myONE Sep 2017
sa bawat araw at gabi na pamamalagi ko sa mundong ibabaw
ikaw ang aking nasa puso at isipan
pagmamahal ko'y hindi matutunaw
katulad ng mga bato sa dalampasigan
hampasin man ng malakas na alon
nananatili pa ring nakasabog sa gilid ng karagatan
parang ako lang 'yan
kahit iyong pinagtutulakan, mananatili na buo at matatag
ang pag-ibig na nararamdaman
0726
09/22/2017
Una, akong natutong magbilang ng saya sa dagat,
Habang ginagawa kong kwintas ang mga puka shells
Sa dalampasigan.


Natutu akong lumaban sa sigalot ng buhay,
Sa pagtalon habang ang mga rumaragasang alon
Ay ginuguho ako.

Ang   hangin
Ay bumubulong sa akin ng uyayi
Dinuduyan ako upang mahimbing.

Natuto akong magbawas ng kalungkutan
Sa mga tuyom
Sa baybayin.

Natuto ako ng kolektibong paggawa
Sa pagmasid sa mga mangingisda sa paghugot
ng lambat mula sa dagat
Na taglay ang isang araw na huli
at hatiin sa kanila
Nang pantay-pantay.

Umuwi sila sa kanilang pamilya na may
Kasiyahan sa kanilang dalang
Paghahatian sa paminggalan.

O kay sarap sa pakiramdam
Tuwing huhubarin ko ang aking tsinelas
At namnamin ang mapipinong buhangin sa aking mga paa.

At sa tuwing ako ay nakakaranas ng kasalatan
Akin lang alalahanin-
Ang mga araw ng aking pagbibilang  sa dagat.
Louise  Sep 2018
hidwa/hinayang
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ri  Jul 2019
tulog na
Ri Jul 2019
kapag ganitong oras talaga na wala nang magawa kung hindi tumingala sa kisame ay mapapaisip ka nalang ng mga bagay na nais **** marating sa buhay at mga pangakong binitawan sa nakaraan. hindi rin maiiwasan na mapapikit na lamang sa panghihinayang kapag naalala ang mga panahong sana'y maayos pa. sisingit na rin ang mga pangarap na tila'y imposibleng matupad hanggang sa pinanghihinaan na ng loob na magpatuloy pa.

sa lahat ng isinisigaw ng damdamin at pagod na sarili, sumabay sa alon. magpalunod at lumangoy.

darating ka rin sa dalampasigan.

— The End —