Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
(1:30 AM/ Brownout)

Ang alab Mo’y minsang inalay sa’kin
Syang naging mitsa ng pagkandirit ng himagsikan.

Ako’y nakakapaso
Magbibigay-liwanag sa madilim na kinagisnan,
Sa apat na sulok ng silid-aralan,
Sa lipunang may mabigat na ginagampanan
Tangan ang alab na umalarma sa pagkatao.

Nilisan ko ang liwanag
Kung saan akala ko’y dapat na maging kasanayan.
Ako’y Iyong tinubos
Sa mapanghusgang lipunan
May tatak sa noo, syang bukambibig ng madla
Salamat, nang ako’y maging pag-aari Mo
Nang ako’y pagharian Mo.

Gamitin Mo ako,
Pagkat ang liwanag, ang katuturan
Kailanma’y hindi mapupunan ng anumang salita
Nang sinuman..
Kung ang alab ay hindi Ikaw ang sentro
At kung ang lakas ay hindi mula Sayo.

Sukat ang buhay ko
Bawat luha ko, akala ko’y walang silbi’t walang kwenta
Ngunit iniipon Mo pala ang bawat butil nito
Minsan pala’y nakapapaso rin ito
Isalin **** muli, buohin Mo’t ihulma ang pagkatao.

Sayang..
Kung ang ilaw ay nakakahon
Kung ang sisidlan ko’y hindi ko lilisanin
Kung ang sarili’y hindi kikitilin
Nang magkaroon ng pangalawang buhay.

May ilang gagambala
Mga insektong hindi alam kung saan nagmula
Mamumuhunan sila’t magiging igno sa liwanag
At kung di lalakas ang alab,
Ako pala’y matutupok.

At sa hanging iihip,
Kung wala ang mainit na mga kamay
Na siyang yayakap at hahagkan sa akin
Ako’y maagang mahihimlay,
Mawawalang saysay ang pagkatubos sa akin.

Ngunit ang alab na ito’y
Kitilin man: kusa man at sa walang dahilan
Maari pang mabuhay, sa ikalawang pagkakataon
Sisindihang muli,
Luluha sa hapdi’t kirot ng kahapon
Ngunit ang bukas ay may kasiguraduhan
Na ang tatahakin ay hindi na tulad nang ngayon.

Binibilang na ang oras
Bawat minuto’t segundo
Maaring mapagal at maagang tamlayin,
Kung saan saksi ang kadiliman sa liwanag na taglay.

Ngunit bago maupos,
Ako’y may aabutin
Bawat sulok ay dadampian ng buhay
At magmamarka sa bawat haligi
Na kahit sa dilim, mayroong palang pag-asa.

(5/13/14 @xirlleelang)
Anak:
"Ika'y Tulang muli't muli'y binabasa ng madla,
Na 'di makalilimutan; na binabaon sa alaala
Tulang puno ng damdamin na ni nais ipabatid
At ang saknong ng pag-ibig Mo'y,
Siyang tutugma sa puso kong minsa'y naging sugatan."

Ama:
"Minsang ibinigay ko sa iyo ang pagkakataong
Unawain ang kahulugan ng kamusmusan.
Sa lupaing ugat ng iyong kaluluwa't
Siyang kanlungan ng mga pangako Ko't
Mga pangarap na laan sayo.
Bumangon ka, Anak
Ako ang Siyang sasagwan
Ako ang aabot sayo."

Anak:
"Sabay nating kinatha ang tula ng aking buhay;
Mga saknong at tugma na sarikulay,
Mga katagang baun-baon ko
Sa malayu-layong paglalakbay."

Ama:
"Pagal ka ma'y,
Nanahan pa rin sa puso ng bawat isa,
Di mo man tiyak ang katiyakan, natitiyak Ko
Na ang pag-ibig Ko'y, kailanma'y di ka iiwan.
Anak, hanggang sa huling tapon ng lupa
At huling tapon ng luha,
Hanggang sa huling liwanag
Ng itutulos **** kandila,
Hanggang sa huling pagpagpag mo
Ng sar't saring pangungulila,
Patuloy Kitang mamahalin,
Anuman ang mangyari."

Anak:
*
"Singbigat ng katotohanan
At ng pangarap na mala-kalawakan,
Ito ang huling handog ng makata **** anak:
Ang mabatid kong Ikaw ang buhay na eternal
At ako'y isang kathang Ikaw ang tinitingala --
Ikaw ang dinadakila.
Ama, ako'y malaya
Ikaw ang buhay, Ikaw ang agos
Ikaw ang tagumpay;
Gisingin Mo ang diwa
Ang bugso at alab ng damdaming hilaw
Ikaw ang masundan
Nang maihain nang patas
Ang pag-ibig **** umaapaw."

#041215 ‪
Convo namin ni Lord
Minsan gagamit ng payak na salita
Ngunit ito'y uusigin ng iilan;
Minsa'y sisisid at muling hihinga
Ngunit tatadtarin ng masasakit na salita.

Kung ang pagsusulat ay pagmulat
Ba't hindi na lang maging simple sa pagpili ng bawat salita't parirala?
Ba't hindi diretsahin nang ang punto'y maging kalma?
Kung saan walang tensyon, ayos pa't plantsado.

Minsa'y wala namang nais ipahiwatig
Tanging ang letra'y nilalaro't nagiging bukambibig
Wala nga bang dahilan?
O ayaw mo na lamang lumaban?

Sa mundong ginagalawan
Hindi lahat makaiintindi
Hindi lahat makikiayon
Pagkat hindi iisa ang bida
May iilang ekstra sa eksena
Kaya marapat na handa ka.

Ang pagsulat ay malaya
Kaya naman hindi tugma ang bawat kataga
Ganyan ang nadudulot ng demokrasya
Malaya ka nga, pero hindi na maganda 'pag sobra.

Kung babasahin, minsa'y nakapapanting ng tainga
Ano ba ang ipinaglalaban sa pagtaas ng tono niya?
Ang pagsulat nga'y musika rin
Kung mali ang basa sa tono'y hindi maganda ang himig
Parang kapeng depende sayo ang magiging timpla't panlasa.

Isang simpleng mamamayan sa magulong pamamalakad
Dagdagan pa nang nagsisipagsalipadpad na dungis ng bayan
Hindi ka nag-iisa, ganun din ang pakiramdam ko.

Ngunit ang bawat Pilipino sumasabay sa himig ng Lupang Hinirang
Nasaan nga ba ang sinasabing "alab ng puso?"
Tila ang bahaging ito ng liriko'y walang saysay sa iba
Ang pluma ng ila'y wala palang tinta
Ngunit patuloy pa rin, walang nagagawa
Walang ginagagawa, walang nais na pagbabago.

Ganoon kahalaga ang pagbitaw ng bawat salita
Sa bawat punto, bawat espasyo, tuldok at kama
Mayroong layong nakapag-iisa
Mayroong sentimyentong ipinangangalandakan
Mayroong uusbong na himagsikan --
Mabuti man o masama.

Abstract/ abstrak
Mabuti pang ganyan ang pagsulat
Nang hiwatig ay pansarili lamang
Ngunit ang leksyo'y hindi manganganak
Hindi aabot sa mga apo ng bagong henerasyon.

Bale wala ang salita
Kung ang mga ito'y walang aksyon;
Bale wala ang salita..
Kung ang puso'y wala namang direksyon.

(6/28/14 @xirlleelang)
032116

Sumayad ang takong ng apat na kandidato
Hindi para mangalakal at maghain
ng kani-kaniyang plataporma.
Alay ang boses para sa nagkakalansingang masa,
Habang magbabanyera ng laway ng pananalita.
Tagisan, ika nga
Tahasang pagbubukambibig ng motibo sa bayang
May kinabukasan pa.

BINAYubay nga ba ang Pilipinas naming mahal?
Sa FOI na minsang itinapo'y ano ang tugon?
Hampas-lupa ba ang mga Pilipino
Para magbulag-bulagan
Sa binulsang kaban ng bayan?
Yang pambobola nyong haing 5Ps
Saan nga ba ang liderato ng ngiting may bungisngis?
At sa pagbaba ng tax, maibabalik nyo ba
Ang nasa bangko ninyong
May iba't ibang ngalan?
Sagot ba ang waivers at ilang kasulatan?
Kamusta naman ang assets nyo at liquidations?
Sana'y hindi maging makati ang mga kamay,
Gawin **** mala-Makati, wag lang ulitin ang pangangati.

Mala-Talk Back and You're Dead,
Yan ang peg ng kamandag ni Duterte.
Palabiro raw sya't matalas ang dila,
Bagkus ang masa'y panay ang tugon sa kamao niya.
Kamay na bakal, iyo bang ibabalik?
Sabik nga ba sa Death Penalty ang kinauukulan?
Sa posibleng anim na buwan ng iyong pag-upo,
Sana'y malinis ang minsang Tuwid raw na Daan.
Posible bang dahas ang kasagutan
Sa bayang talamak ang bayaran at tulakan?

Tila saulado mo ang bawat numero,
Ang galang mo Poe, nagmula nga ba sa pusong Pilipino?
Paano nga kung nagising kang
May alarma sa Bayan,
Babangon ka ba talaga't di kami tatalikuran?
Wag sanang gaya ng pagtapon mo
Sa Amerikang minsang naging bayan mo rin.
Paano mo babalansehin ang tulong
Ng malalaking korporasyon sayo?
Boto ba nila'y hindi mo binili?
Wala bang kapalit ang oo
Ng mga batikan at mayayamang negosyante?

MARami ka nang satsat sa Daang Matuwid na yan,
Talamak na rin ang paghuhugas-kamay
Para sa patapos nang administrasyon.
Ba't nga ba panay ang pag-eendorso mo
Sa sarili't tila baga sayo nanggaling ang pondo noong Yolanda.
Naroon ka nga't ika'y ligaw at wala raw tugon,
Ano itong alarma mo raw
Pag nandyan lamang ang kamera.
Wala bang tiwala sayo si PNoy?
At tinago pa sayo ang nauukol sa mamasapano?
Kamusta po ang pag-endorso ng Pangulo sayo?
Sana'y inasikaso niya na lang
Ang nahuhuling termino.

Marami na po kayong mga pangako,
Naawa nga kami sa Translator
Pagkat gulung-gulo rin siya
Sa pag-aagawan ng oras at mikropono.

Magandang ideya ang naganap na mga Debate,
Pagkat nauntog ang Bayan,
Nagigising aming diwa't magigisa ang tamang boto.
Ang boto ng bawat Juan,
Para yan sa Bayan.
Sana'y matiyak po nating
Wala nga tayong kinikilangan
Maliban sa malinis na eleksyon.

Tayo ang simula, kapwa ko mga Juan!
Maging wais tayo!
Makialam para sa Bayan!
Gising Pilipinas!

"Alab ng puso,
Sa dibdib ko'y buhay!"
- Lupang Hinirang
Hanzou  Jul 2019
Binibini.
Hanzou Jul 2019
Binibini, isang liham ang aking isinulat para sa iyo,
Maaari mo bang ibahagi sa akin ang kislap ng iyong kagandahan?
Marami ang nakakakita ng kagandahan ngunit, naipakita mo na ba ang kailaliman?
Sa isang kupas na imaheng namumuo sa aking isipan,
Higit pa ang kalawakan at kung maikukumpara ko sa mga tala sa kalangitan,
Iisa ang isinasaad ng iyong kagandahan. Yun ay ang kalungkutan.
Isang sulyap na tila ba wala ka ng ibang nanaisin pa, o hihilingin.
Ang paghahangad ay labis subalit sasapat sa nagkukulang kong damdamin.
Binibini, bakit nga ba namumuo sa'yong mata ang labis na kalungkutan?
Bakit tila, sa aking pananaw ay nagsasabi na ika'y pagod na?
Bakit ako ang nakakakita ng iyong paghihirap?
Binibini, sa kabila ng lahat ng iyon, nagagawa mo parin na magtiis?
Hanga ako sayo binibini.
Hindi lang paghanga ang aking nadarama.
Higit pa sa matatamis na salita.
Higit pa sa pagpaparamdam ko sa'yo.
Binibini, lubos akong nagmamahal sa iyo.
Maaari ba'ng ako naman ang pakinggan mo?
Na sana ay makarating sa'yo ang lahat ng hangad ko?
Hangad ko ang iyong kaligayahan.
Ngunit hindi ko maipapangako na sa bawat sandali ay naroroon ako para sa iyo.
Hindi ko maipapangako na hindi kita sasaktan.
Hindi ko maipapangako sa iyo na ang bawat alaala sa aking piling ay magiging espesyal.
Sapagkat sa likod ng matatamis na salita ay ang pagkukubli ng masamang hangarin.
Hangarin na ika'y saktan.
Hangarin na sa bawat pangakong binitawan ay walang matupad.
Hangarin na iwanan ka'ng nag-iisa.
At hangarin na mag-iiwan sa iyo ng bakas na magdudulot ng iyong pagkahina.
Hindi ko man maipangako na hindi ka saktan,
Ang aking saloobin sa iyo ay totoo at walang bahid ng kasamaan.
Hindi ko man magawang makapunta sa iyong tabi,
Nakasisiguro ako na makararating sa'yo ang aking alab na damdamin.
mims Oct 2013
O kay sarap alalahanin
ng ngiting
aking laging inaabangan
sa iyong mga labi.

Naghihintay
umaasa
na sa nalalabing
tatlong buwang pagbabalik
ay yan
ang unang
sasalubong sa akin.

Ang ngiti
na matatakpan
sa pagdampi ng aking labi
sa isang halik
na bubuhay muli
sa alab
ng ating mga damdamin.
Tenth  Jul 2019
Paalam
Tenth Jul 2019
Paalam sa munting kinang sa kanto ng iyong mga mata. Sa unang alab ng huling araw magpapaalam ang bihag ng tanikala. Walang humpay ang daluyong ng mga ala-ala.

Salamat sa unang halik at iyong natatanging labi. Mula sa una at sa huli. Ito na ang huling paalam. Papadayon din ang araw, bukas o sa makalawa, o hindi kahit kailan.

Walang luha o sugat na lalatay sa iyong balat. Hindi kailangang manatili sa ala-ala nating dalawa. Mula dito at sa mga susunod na araw, buwan, at taon.

Para sa ating dalawa ang paalam na ito. Hindi na kailangan magkubli sa anino ng masaya at masalimuot na nakaraan. Ito ang ating hudyat, ang ating kidlat mula kay bathala.

Para sa muling pagkinang ng iyong mga mata. Sa ala-ala ng buwan at ng mga bituin. Sia lahat ng bagay na nagpangiti sa iyong puso at labi. Paalam aking dagat, aking asul na langit.

Minamahal kita.
kingjay Dec 2018
Kumalat ang silahis
Aranya sa kublihan ng mga nasaktan nang labis
Sa liblib na bukirin nakatira ang anak-pawis
Ang tikap sa kapilya ay ang espasyo sa karimlan

Maringal ang alab sa dagat
Animo'y mga hiyas sa pananaw
Bermillong agwa ay nangingibabaw
nang isinaboy ang mga pilak sa Pasipiko

Anupat may respirasyon
nauudlot naman ang siklo
Sa pagbabalik-tanaw ay sumiyok
humahangos nang dumating sa koro
Tugtugin ng patibulo
Sa wakas, ilalagyan ng balsamo

Epidemya ng hapis
kahit inosente ay pintasan
Lumaylay nang mahilo
Natangay ng takot at dumapa nang napasuko

Lumaho ang pagkakataon na sana'y makakapagpasya
Kung alin ang dapat at tama
Sa sulok ay nanahimik
Umaasang mabawi ang panahon yaon
Ngayon saan pupunta
mims Nov 2013
Di mawari
kung bakit
bukas pusong kumakapit
sa di kasiguraduhan
at di katiyakan.

Nagmamahal
sa kabila ng sakit,
sa likod ng kandilang
minsang naupos...
Ngunit ngayo'y
nag-aalab sa damdamin.

Kung kaya't
narito ako,
iniaalay ang buong puso
ititigil ang mundo
makasama ka lamang.

Ilang sandali na lamang, Anne... At mayayakap ka na. :)

Iyong iyo lamang,
Mims :)
Jeremiah Ramos  Aug 2016
Posporo
Jeremiah Ramos Aug 2016
Ang posporo ay isang entabladong ginawa para masira,
Para magbigay ng panandaliang liwanag,
Para sayawan at indakan ng apoy,
At sa huli,
Lilisanin din ito,
Iiwan ang sunog at durog na entabladong isang beses niya lang sinayawan.

Tayo ay dalawang taong ginawa at itinakda ng tadhana para maintindihan natin ang pag-ibig,
Ginawa tayo para masira at maging buo muli,
Para sumayaw at umindak sa bawat kantang maririnig natin sa radyo,
Pinilas at tinapon natin ang huling yugto sa storya natin.
At lahat ng 'to,
ay isang posporong nasindihan na at nadurog,
nagngangalang sana

Eto ang posporong nagngangalang tayo
Sinindihan ito ng tadhana,
Nagliyab tayong dalawa sa kabila ng gabing malamig
Hindi nawala ang indayog ng apoy na pilit hinihipan ng hangin,
Patuloy na nagliliyab, kinakain ang kabuoan ng posporo
Hanggang sa nawala,
Hanggang sa napagtanto ko na ako pala ang posporong sinayawan mo.

Ako ang posporong hangarin ang masayawan ng apoy **** mapangsindak,
At ayaw maubos ng iyong liyab,
Ako ang entabladong pwede **** sayawan nang walang hanggan,
Sana'y hindi ka umalis nang natapos pa lamang ang isang kanta,
Ngunit
Nawala ka
Umalis,
Iniwan ang sunog at durog kong entablado

Ikaw ang apoy na pumuno at umubos sa akin,
Ako ang posporong nagsisilbing patunay ng ating munting sandali
Pinilit kong hanapin muli ang alab mo,
Ngunit napagtanto
Aanhin mo pa ang nasindihan na posporo?

Hanggang ngayon,
Hindi ko pa rin mawari na sa buong akala ko
Sabay nating pinilas ang huling yugto ng storyang sinulat natin,
Ngunit pagkatapos ng lahat,
Tinago mo pala 'to at idinikit muli sa kwento nating dalawa.
Josh Wong Oct 2015
Bayang magiliw,
Ngunit hanggang dito tayo lamang.
Alab ng puso,
Hanggang sa puso mo lang buhay.

Mga anak ng bandila,
Ngunit ang puso'y hindi tapat.
Lunos ng nakalipas,
Lumuluksa para sa kinabukasan.

Lupang iniibig at banal,
Basaysay sa mga patay na bayani.
May dilag ang tula at awit sa,
Paglaya ng mga taksil.

Lupa ng araw, ng luwalhati't pagsinta,
Ngayo'y nasa piling ng mga duwag.
Saan ang ligaya pag may mang-aapi,
Kapag ang mamatay ay dahil sa atin?
kingjay Dec 2018
Ang maikling kasaysayan ay pilit kinakalimutan
Nang nahulog sa bangin ng nakaraan
itinali sa leeg ng walang pag-aalinlangan
ang maiksi na lubid na pinanghahawakan

Kumikinang na perlas ng silangan
namumukod-tanging mutya sa dalampasigan
Nang makatakas sa karagatan
Di na bumalik sa kinagisnan

Papalubog na ang araw nang hindi namamalayan
Ang liham nito'y kanyang huling alab
Yugto ng masamang pangitain
kung kailan dadapo ang mga paniki

Nagsilbi na piring sa pagsapit ng Biyernes ang takipsilim
Sa walang pakundangan pugon
Nagliyab ang lunggati ng pangangalit
Marahas na pagbati nito ay pasakit

Ang simpatiya ay kumukupas
Sa trahedyang sumira
Nang wala na makakapitan sa pag-aagaw buhay
Walang paghikbi sa kapaligiran
Labis na kasawian

— The End —