Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos Apr 2016
Sabayan mo ako sa pagbigkas nito,
Nakakapagpabagabag,
Pitumput-pitong puting pating,
Minikaniko ni Monico ang makina ni Monica,
Ang relo ni Leroy ay Rolex
Bumili ako ng bituka ng butiki sa butika.

Eto ang mga pampilipit dila na naalala at kinalakihan ko
Ang saya bigkasin,
Kasi alam ko na ang bawat pantig, ang tamang pagsambit
At tuwang-tuwa ako bigkasin sa harap ng mga kaibigan ko
Ipinagmamalaki kasi kaya kong sabihin ng diretso, at hindi nauutal
Siyempre, noong una, pumilipit ang aking dila
Ilang beses pinaulit-ulit, hanggang sa masabi nang tama
At ayun, kinaya kong sabihin

Pero sa lahat ng narinig at nabasa kong pampilipit dila
Tila bang 'di ko pa rin kayang sabihin sa sa'yo ang mga salitang
Mahal, kita. Gusto, kita.
Na para bang sila ang mga salitang pinakamahirap bigkasin,
Kahit siguro ilang beses ko ulit-ulitin hanggang sa masabi ko nang tama
Parang hindi ko pa din kakayanin.

Siguro mas kaya ko pang sabihin sa sa'yo ang mga pampilipit dila na naaalala ko,

Nakakapagpabagabag
Nakakapagpabagabag ka sa pagtulog ko
Kakaisip kung anong mangyayari kung sinabi ko sa'yong gusto kita.
Kung anong mangyayari, pag nanligaw ako o pag naging tayo na.
Handa akong protektahan ka sa pitumput-pitong puting pating.
Alam mo ba ang relo ni Leroy ay Rolex?
Sana alam din niya ang oras ng uwi mo, para maihatid kita,
Sana alam din niya na tumitigil ang oras tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata
Sana alam niya ang tamang oras kung kailan ko ba dapat sabihin sa'yo na mahal kita

Nauutal sa apat na pantig,
Na hindi ko naman alam kung gusto mo bang marinig

Mahal kita, mahal kita, mahal kita.
Ilang beses inulit-ulit bigkasin habang papunta sa'yo
Baka sakaling masabi ko pagdating ko sa harap mo
Pero nang nakita ka na,
Para bang nabura mo ang lahat ng bokabularyo na alam ko,
Nakalimutan ang tamang balarila,
Nakalimutan kung paano mag-salita
At nang lumampas ka,
Nanghinayang. Sayang.

Tatanggapin ko na lang na
Siguro hindi lahat ng pampilipit dila ay kaya kong bigkasin
Mas-mabuti na lang siguro na,
Hindi sumubok, hanggang sa makalimutan ko nang sabihin sa'yo
At mag-aantay na lang muli
ng isang taong
hindi pipilipit ang aking dila
Kapag sinabi kong,
Mahal na mahal kita.
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
kha Jun 2018
salamat,
sa pagpiling laruin ang aking mga daliri
na tila hindi alintana ang pasmang taglay
na kung lumuwag man ang kapit ko,
ay mas hihigpit ang hawak mo
kung dumulas man ang palad ko,
ay hahatakin mo ako pabalik
patungo sa piling mo
upang hindi tayo maligaw
sa ating mga sariling halik.

salamat,
dahil ilang beses kong pinasalamatan ang kalahatan
pati ang tila pagyakap ng mga unan
sa iyong bawat pagtahan
ang mga salitang kaakibat ng kalungkutan at kasiyahan
at pagmamahalan,
na kung susuriin ay pilit na lumalaban
kahit paulit-ulit kitang pinapahirapan.

salamat,
sa araw-araw **** pagbati ng "magandang umaga"
kahit ikaw ang sanhi ng pag-aalinlangan
kung tama bang magpahatak sa iyong kanlungan.
ilang beses ko bang pagdududahan
ang boses **** tila kandungan
hindi ko man hiningi
ay hinandog ng kalangitan
sa likod ng mga telepono'y nagngingitian
ngunit pipiliin kong ang akin ay hindi mo masilayan
dahil puno ito ng kalungkutan.

salamat,
sa mga pangakong matulin ang pagkakasabi
na bago pa man bigkasin
ay batid ang mariing katotohanan
na paulit-ulit lang itong maglalaro sa isipan.
kahit ilang beses kong pagbawalan ang mundo
na bitiwan mo ang kamay ko
ay nasasakal na ang mga daliri
at humihina ang aking pulso.

salamat,
dahil ang relasyong ito ay tila hindi matatakasan
ang pangungusap na nabubuo'y nagtatapos sa kuwit
at ang mga katanungan ay sinagot ng pilit.
ang bawat "mahal kita" ay naging nakaririndi
nagbabalitaktakan kung kanino ang mas dinig
pilit man lakasan ang aking tinig
ang panawagan kong umalis ay hindi mababatid.

salamat,
kahit paulit-ulit kitang pakawalan sa aking puso
ay mahigpit ang iyong kapit
na sa sobrang higpit ay tila paulit-ulit ding nagdurugo
pati ang isip kong tila gumuguho
dahil hindi ka lumalayo.
patuloy man ang aking pag-ayos
at nagtamo pa ng maraming galos;
ay patuloy din ang iyong pagsira
dahil pareho tayong lumuluha.
j.s.
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
103115

Heto, bibilangin ko na naman ang araw,
Uno, dos, tres, at mapapahintong bigla sa ikaapat.
Hindi batid ang tamang oras
O hatian ng minuto't pag-istambay sa segundo,
Bagkus, iyon ang eksaktong araw.

Panahon na siguro para maisalta ang salita
Sa puso **** tila nakakahon pa't hindi pa malaya,
Sa pagbubukambibig ng itinabing damdamin,
Sa paglisan sa ipinaubaya **** pangakong
Minsang pinanghawakan ng pusong hindi pinagdamutan.

Kung pipili ako ng salita, baka maubos ito sa kawalan;
Gaya ng pagtampisaw ng bituin sa kalangitan.
Baka malusaw ito gaya ng yelong nakatiwangwang,
At masayang ang tubig na sana'y sagot sa uhaw.
O baka mapudpod gaya ng posporo,
Paulit-ulit na sinubok ng pagkakataon,
Bagkus hindi maisindi ang pag-ibig,
Kaya nanatiling walang pahiwatig.
At biglang itatapon, ikakahon ang natitirang damdamin,
Itatago, hanggang sa magkataong kailangan na talaga.

Panalangin ko'y magpalakas ka sa pananampalataya,
Wag **** lingunin ang nakaraan, at taglayin mo ang Liwanag.
Kung napapagal na'y, wag kang hihinto,
Bagkus, mas kumapit ka pa sa may mas mataas na pangako.

Narito ako't hindi tatalikod sayo,
Susuportahan ka kahit hindi mo makita ang pag-alalay.
Panalangin ko'y tapusin mo ang laban,
At mas masilayan ang kagintuan ng Haring Araw,
Wag kang mabubulag sa mukhang may ilaw.
Tingnan mo ang pawang mga kamay,
At wag matakot sa pagsuntok sa hangin,
Pagkat iilag ang sitwasyon,
Bagkus binibilang Niya ang lakas at determinasyon.
Mas ialay ang puso sa Kanya,
Higit pa para sa pag-ibig na inantala.

Hayaan **** makinig ang puso mo,
Pagkat nanalangin ang puso ko.
Kahit minsa'y kaylayo, kahit hindi ko madipa-dipa.
At sa paghihintay natin sa tamang panahon,
Kaya ko nang sambitin ang estado ng puso.
Hindi sa paghain ng mga letra sa pawang mga mata,
Na tila mananatili na lang sa papel na hindi nababasa.

Pag muling nagtagpo,
Ako mismo ang haharap sayo,
Pero tandaan **** baka wala akong masambit.
Hindi dahil mahina't naubos na ang lakas ng loob,
Bagkus, hindi ako makapapaniwala
Na ang oras ay tunay at eksakto para sa pagkikita.

Hindi ko mapipigil ang pagluha buhat sa saya,
Pagkat ang kabiyak ng pusong minsang nasugatan at hinulma'y
Kaya nang matitigan kahit hindi na magbilangan ng oras.
Mayayakap na hindi lang dahil sa pagmamahal,
Bagkus, pahiwatig sa pasasalamat na tunay ngang ikaw.

Pag-ibig Niya ang dahilan
Kung bakit patuloy na naghihintay,
At kung bakit patuloy kang ipinaglalaban,
Patuloy na ibinabatak sa Maykapal.

Sa Kanya ang papuri sa umusbong na damdamin,
Ang pag-ibig ko sayong patuloy na nananatili.
Oo, isinapuso ko ang pag-ibig ko sayo't
Pinili kong pillin ka, sa kabila nang tila magulong anggulo.

Ganoon ang pag-ibig ko,
Hindi mo masusukat, bagkus kaya Niyang higitan pa.
Kaya't hindi ako lumaban, pagka't mas iniibig ko rin Siya.
Hindi mo mababasa, pagkat Siya ang may katha.
At kung anuman ang nilalaman ng pusong may sagot,
Sana'y katimbang nito ang damdaming ipinaglalaban.

At kung kinaya nating magkanya-kanyang kasama Siya,
Mas kakayanin na nating magkaisa para rin sa Kanya.
At saka na natin sabay na ibabandera Kanyang Ngalan.
At pawang magiging patunay sa pag-ibig na nakapaghihintay.

Tila kayhirap bigkasin, kahit apat lamang ang kataga.
Mahal kita, sana makarating sayo,
Sa tamang panaho'y magpalitan nga ng kataga.
Sana ikaw ang unang magpatimbang sa Kanya,
Maniniwala akong makararating sa patutunguhan
Ang liham ng pusong may totoong damdamin.
Para sa taong pinagdarasal ko, maghihintay ako.
kingjay Dec 2018
Mga buto ay nagsilbing haligi
sa binubuo niyang panaginip
marupok ito at bibigay
sa mahinang balakid
Tahimik nang naunsyami
Labing nakadikit, dila'y nakaipit

Bigkasin ang salita sa simula niyang
wika
Sa letra na  naguguluhan din
Papipiliting ibibigkas
Takot ay bumubulusok sa inaping
pangungusap

Parang ilusyon, ang paggawa ay ang
pagkaroon
ng kahit maliit na kabuuan ng loob
na hanap ay tagumpay
Pero sa paglubog ng araw
nagmistulang delusyon

Ang mga paa habang humahakbang
Panoorin hanggang sa pumanaw
sa liwanag, may anino
Tingnan ang lilim, lumalakad nang
pa-urong

Ganyan ang mundo
Ikulong na at igapos
Sa likod ng matiwasay na paggalaw
ay may lihim na naka-agapay
Ang maitim na misteryo na nakangiti

Ulap na sumasayaw, bungad at gayak
ng unang ngisi ng umaga
Isabay ang halimuyak sa monasteryo
ng prinsesang nagagalak

Ang dalangin na nagawi sa hangin
Kumpisal ng pag-ibig
Kaluluwa ng kasiyahan
ng musmusing pipit
Glen Castillo Aug 2018
May mga salitang sa papel na lang kayang manatili
Dahil hindi na ito kayang bigkasin pa ng mga labi.

                    Natapos na ang palabas na ang tauhan ay ikaw at ako
                    Tayong mga bida noon, sa mundong hindi nila nakikita

Gusto kong isipin na nalaos lang tayo,pero hindi pala
Dahil ang dating tayo,ngayon ay ikaw na lang at ako

                     Bakit ganito? wala naman akong naaalala na drama
                     ang sinulat kong kwento
                     Pero bakit sa malungkot natapos ang lahat?

Minsan ay gusto ko na lang gawing gabi ang bawat umaga
Sa gayon ay hindi nila mapansin na may hinagpis akong dinadala
Sa gayon ay hindi nila makita na lumuluha ang aking mga mata

                      Pagkat sa dilim, doon ko lahat itinago ang sakit at dusa
                      Na ni sa panaginip ay hindi ko inasahang dadating pa

Oo kakayanin kong maging gabi ang bawat umaga
Mahirap,
Pero pwede ba?

                       Sa kahuli-hulihang sandali ay maturuan mo ako sana
                       Na gawing gabi ang lahat ng umaga
                       Na kasing dali lang kung paano mo nakayanan
                       Na maging malungkot ang dating tayo na masaya.




                                          © 2018 Glen Castillo
                                           All Rights Reserved.
Minsan ay dadalawin ka ng mga alaala sa nakaraan
Upang magpa-alala sa'yo kung bakit ka nasa kasalukuyan.......
Abby Elbambo Jul 2016
Minsan **** itinanong sa akin kung ilan na ang aking minahal
Na tila ba ang bilang na pilit ibinubunyag ang parehong bilang na ibabawas sa kabuuan ng aking pagsinta
Mahal, okay lang; ikaw ay aking naiintindihan
Alam ko kung paano ang paulit-ulit na pananakit at pagkabigo sa digmaan ng pag-ibig ay walang iniwan kung ‘di abo ng pag-aalinlangan at pagkukumpara sa mga bagong kasintahang ipinalit sayo
Alam ko ang lasa ng pait na sumasalubong sa iyo sa bawat paghinga
Kung kaya’t nung iyong tinanong ay walang magawa kung hindi ika’y pagmasdan Titigan ang bakanteng mga matang wala nang mailuluha
Mga kamay na pagod na kabubuhat
Mga labi na wala nang ibang alam bigkasin kung hindi “patawad”kahit hindi alam kung para saan
Wala akong magawa kung hindi ika’y pagmasdan
Dahil alam kong hindi mo na naririnig ang anumang salita maliban kung ito’y “paalam”
Kaya hayaan **** ipadaan ko na lamang sa pagyakap ng hangin at pagbati ng mga bituin ang mga katagang isinusuka ng iyong mga tainga
Kasi mahal, mahal kita
At hindi ako titigil hanggang sa makita mo ang parehong taong tinatawag kong akin Hayaan **** punan ng umuumapaw kong pag-ibig ang natuyong lawa ng iyong pagmamahal
Pagmasdan mo kung paano pagsasama-samahin ng araw-araw na aking pagyakap ang pira-piraso **** puso na nagkalat
At alam kong pagod ka na kahihintay sa mga tunay na bagay kung kaya’t pinipili mo na lamang ang mga “pwede na”
Pero andito na ako,
At mahal, pangako, tapos na ang pag-aabang
Hindi lahat ng nagsasabing mahal kita ay nagsisinungaling

Minsan **** itinanong sa akin kung ilan na ang aking minahal Tinanong kita kung ilan na ang nanakit sayo
Sabi mo, isa
At saka binanggit ang sariling pangalan sabay sabi “tapos na”
A Filipino piece I wrote and performed for Doxa's event entitled "Head Over Heels"
derailed-trains Mar 2022
Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Kailan ba nagsimulang mamuo ang lamat—
ang tipak sa dingding ng panahon
Na nabuo mula sa iisang hibla
Na lumawak at nagmistula nang mga sanga ng puno ngayon

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Saan ba nagsimula ang sigalot na kahit anong gawin ay hindi ko mahanapan ng kakalásan—
Hindi matakasan ilang bukas man ang daanan
Gaya ng Ang Probinsyano sa telebisyon na inabot na ng ilang taong

Naging saksi na rin sa pag-inog ng mundo
kong patuloy man sa pag-ikot ay parang hindi naman makausad sa pag-atras
Pabalik sa nakaraan nating ayaw magparaya
Ayaw magpalimot,
Ayaw magpaawat,
Ayaw magpatawad

Nasira ko yata ang pinaplano kong 𝘢𝘳𝘳𝘢𝘯𝘨𝘦𝘮𝘦𝘯𝘵 sa umpisa, mahal
Gaya ng wala naman talaga tayo sa 𝘱𝘭𝘢𝘯𝘰
Ng kahit kanino sa ating dalawa
Ngunit, heto na, nangyari na
At nagkasakitan na
Nang higit pa sa kayang pasanin ng puso
At ngayon, gusto ko lang malaman:

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Ano ba ang simula ng gulo nating parang islang lulubog-lilitaw—
Paparoon at paparito, hindi makadiretso
Gaya ng mga alon na nakikipaglaro sa dalampasigan
Masaya naman tayo... 𝘮𝘪𝘯𝘴𝘢𝘯
Masaya naman tayo minsan
Masaya naman tayo minsan
At minsan, nakakalimutan ko ring hindi mo na nga pala ako mahal

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Masyado nang matagal
Ang paghihintay ko ng sagot sa mga tanong na paulit-ulit ko mang bigkasin
Ay hindi naririnig ng utak **** ayaw umintindi
At ng puso **** ayaw magsisi
At nakakatawang isipin na ako ang naghahabol ng kaliwanagan,
Nag-aasam ng kaayusan
Kung sa ating dalawa, ikaw naman talaga ang nagkulang

Paano ko ba tatapusin ito, mahal? Sana tayo na lang ang tinapos mo matagal na.
mamatay tayong lahat sa kakornihan. i wrote this on a whim; i'm so sawry.
.
.
.
.
.
.
anyhow, sana makahanap tayo ng pagmamahal na sigurado, marunong magtimpi, marunong magpatawad, at higit sa lahat, marunong bumitaw kapag hindi na talaga kaya. because letting go is still an act of love. or, something. i don't know.
Sa hinaba-haba ng tag-init
Ngayon nalang ulit umulan.
Nang malakas. Nang saglit
Di ko mainitindihan ang langit.
Kung paano niyang iniluha
Ang bigat ng bawat kahapon
Ng natuyo niyang pusong
Pinigilang umagos
Sa mahabang panahon.
Tumangis siya
Nang malakas
Dahil di niya maamin
At di niya matanggap
Ang itinakda **** pagwawakas.
Sa kakarampot niyang pag-asa na babalik ka rin.

Ngayong gabi.
Ang kanyang napili
Na ibulalas ang lahat
Sa pag-aakalang
Tulog na ang lahat
Lahat ng mata’y nakapikit.
At wala nang makakarinig
Ng pagtangis
Na mayroong balang-araw
Na katabi mo siyang
Mahihimbing.
Ngunit nagkamali siya.
Saan nga ba tutungo
Matapos niyang iluha
Ang lahat sa lupa
Na aanurin
Patungo sa puso ****
Kinakain ng pangungulila.

Sa hinahaba-haba ng tag-init
Ngayon nalang ulit umulan.
Nang malakas. Subalit saglit
Marahil ay ayaw niya
Nang makasakit.
O gusto ka lang niya damayan
Sa gabing
Wala ka nang ibang inisip
Kung bakit ka niya iniwan
O paano ka niyang nagawang saktan
Kung paano sinira
Ang bawat pangakong
Binitiwan.
At kung paanong di mo masabi
Ang tunay ****
nararamdaman.

Kaya sa susunod
Na iiyak ang langit
Kapag malamig ang gabi
At pangalan niya
Ang tanging kayang bigkasin
Ng mapuputla **** labi
Ay patuluyin mo siya.
Hayaan mo siyang umapaw
Hayaan **** bahain ka
At tuluyang ambunan
Ang natutuyo mo ng puso.
Makipagsayaw ka
Kung kinakailangan
Nais ka lang niyang damayan

*Gusto niya rin ng karamay.
Gusto kong higitan
ang kinang ng mga butuin
Baka sakali ako'y iyong mapansin
Nagtatago sa mga hibla ng ulap
Ang pag sinta ko sayo
Sa puso ko'y lumaganap
Tila apoy na nilalamon ang kaluluwang
Tigang sa pagibig
Ang simpleng hiling
Higitan ang mga butuin
At kung maaari kay Kupido bigkasin
Sana'y puso nya din ay panain



-Tula II, Margaret Austin Go
Eugene Aug 2017
Sandaling tumigil ang oras
upang ipikit ko ang mga mata
sa alaalang nais kong balikan
mula sa isang taong kailanman
ay hinding-hindi ko makakalimutan.

Sinimulan ko sa isang eksenang
bibigay at bibigay na ang aking puso
sa kalungkutan at kapighatiang
aking nadarama noong kailangan
ko ng kausap at siya ang aking nasandalan.

Alam **** hindi madali para sa akin
na bigyang katuturan ang bawat hiling nila
kahit pa alam **** maling mali na
ang mga desisyong aking nagawa
dahilan upang katawan ko ay bumagsak sa pangungulila.

Ikaw ang naging gabay ko
no'ng mga panahong ilang ulit akong
nakaramdam na may mali na
pero ipinagpatuloy ko pa rin ito
at hindi mo ako hinusgahan sa naging desisyon ko.

Sa mga sandaling ito ay nakapikit pa rin
ang aking mga mata upang balikan
ang mga nakaraang lagi ay takbuhan kita
at isisiwalat ang mga pangyayaring hindi ko inakalang
magagawa ko pala kahit ang sakit sakit na.

Ang kathang ito ay isinulat ko at
gustong ialay sa iyo dahil isa ka
at hindi lang basta kaibigan, ka-trabaho,
kung hindi ay isang inang itinuring akong
isang anak na nawawala at kailangan
ng pag-intindi, pang-unawa at pagkalinga.

Muli kong binuksan ang aking mga mata
at doon ay napagtanto kong wala ka nga pala
sa aking harapan upang bigkasin ito nang malakas
sa iyo na nagbigay pag-asa sa puso kong
hanggang ngayon ay nalulumbay pa rin at pilit na nagpapakatatag.

Taos-puso akong nagpapasalamat,
at kung kailangan ay paulit-ulit, gagawin ko
upang malaman mo na kahit tayo man ay malayo sa isa't isa
o magkakalayo ay hinding-hindi ka mawawaglit
dito sa aking pusong labis kang hinangaan at minahal.
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
111422

Namumuo ang pawis sa kanyang kamao
Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo.
At dali-dali nyang sinarhan ang silid
Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan,
“Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,”
Aniya sa kabilang linya.

Kinuha niya ang lapis
Buhat sa luma nyang aparador —
Puno ng alikabok
Na kahit ilang pagpag na’y
Hindi naririndi sa pagbuga
Ng umaalingasaw nitong karumihan.

Naupo sya’t napapikit na lamang
Inaalala ang bawat detalye
Ang bawat katagang kanyang narinig
Ang bawat imaheng nais nyang takasan.

Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod,
At nangangalay ang kanyang mga kamay.
Habang tumatagas ang pawis nyang
Kulay itim sa malagim na gabi.

Naghihintay ng sagot
Sa mga katanungang saksakan ng ingay
Sabayan pa ng sunod-sunod na putok
Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.

At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw
Sa bintanang walang kurtina’y
Nabaling ang kanyang tingin
Sa buwang napakaliwanag
Tila ba may taglay itong kung anong elemento —
“Mahiwaga,” wika nya.

Ang mga larawan sa kanyang balintataw
Ay unti-unting gumuho
At napalitan ng imahe ng buwan .
Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito,
Akala nya’y ito na ang huling kathang
Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.

Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y
Hindi nya maipaliwanag
Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay
Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang
Bigkasin ang mga pangungusap
Na hindi nya ninais na sambitin.

Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay
Sa lapis na guguhit at tutuldok sana
Sa kanyang masalimuot na nakaraan.
At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan
Hindi na buhat sa sarili nyang bintana
Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.

Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan
Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan —
“Sayang, ngayon lang Kita nasilayan…
Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”
Leslie Jade Sep 2021
sa rami ng tulang nilikha
panaghoy ang tila namamayagpag
emosyong natatakpan ng mukha
ay patuloy na binabagabag

madalas ay natatapos sa lungkot
madalang na naguumpisa sa saya
bawat linyang kataga'y puot
tila walang dinudulot na ligaya

sa daang salita na kayang bigkasin
nasaan ang malalambing na parirala?
sa bawat boses na nais kalasin
kailan ang araw na maaabot ang tala?

May dalisay nga ba sa mga letra?
May pag-asa nga ba sa mga talata?
muli nga bang darating ang saya
sa paggising ng bagong hiraya?

Marahil ay unti-unti, hindi bigla-bigla
yayakapin nang mahigpit, dahan-dahan
upang ituloy ang naudlot na sigla
upang magmistulang sarili ang tahanan

Gaya ng dapit-hapon ay manlalamig
ngunit sa bukang-liwayway, gugunitain
sarili ang maging unang daigdig
pagkamuhi ay tuluyan nang palayain

kaya't sa bawat salitang isusulat
yakapin ang letrang namumukadkad
darating ang araw na muling pagkamulat
masisilayang muli ang ligaya sa paglipad
solEmn oaSis Nov 2020
Kung hindi ngayon kailan?
hanggang kailan mapipigilan
malikmata sa abang isipan?
Lumulobog nga ba
o sadyang pasikat pa
lang ang araw Kong nagigisnan?
Hanggang saan pa ba
ang kayang tanawin ng inyong kalooban?
'gang sa likod ba ng mga lilang
ulap at mala-kahel na papawirin?
Tulad rin ba niya ang inyong mga mata na mayroong tanglaw at panglaw?
Sa kung gaano kalalim ang lawak ng karagatan sa taglay nitong saklaw?
Kung kayo ang nasa katayuan ng namamasdan **** katauhan..
Mababatid ninyo kaya kung paano niya
minamalas ang nasa kanyang harapan?
Sa pakiwari ko'y hindi sapagkat talos kong nadaramang higit ng inyong mga puso...
Na ang nilikhang inyong nakikita ay walang nakikita sa malayong ibayo !
Hindi dahil sa siya ay naiinip lang na makita na ang kanyang minamahal..
Ang tutoo nangangamba na ako na baka hindi na niya maantay ang resulta ng aking pagpapagal.
Sapagkat kung ano man ang nilalarawan ng bawat kapaligiran..
Pikit mata ko na ipinipinta ang mga sandali kung paano ko siya daratnan !
Kaya ngayon na ang tamang oras
At di ko na kaya na ipagpabukas
upang sabihin sa kanya na hindi na ako mamamalakaya.
Mahal heto na ako sa iyong likuran..
'Wala akong hilang sagwan',
Ang bulong ko sa aking isipan..
Tatakpan ko ang iyong mga matang namamalakaya
Hanggang sa ang aninag mo muling maging malaya..
Dahil ang araw na ito ay hindi takipsilim para sa ating dalawa
Bagkos ang liwanag nating inaasam ay binibigay na ng bukang-liwayway !!!

Ngunit mga katoto kung ang sagot ninyo ay Oo..
Marahil inyo nang napag-isipan mga binibini at mga ginoo
"... Na kung minsan bago pa tayo may mapagmasdan
Madalas hindi agad namamasid ang lihim na kagandahan"
Bihira man bigkasin ang kasabihang...
" magkaiba yung may tinitingnan
sa mayroong tinititigan "
mula sa malikot kong balintataw
nailibing ko na ang pandemya ngayong araw ng undas at binuhay ang larawan ng masasayang
" ALAALA "
marahil ay tulog ang diwa ng binigkas ang salitang
tiyak na ikahuhulog ng buwan mula sa mataas nitong upuan;

ang kamay ay entropiya – ang iyong mukha, ang aking daigdig.
lagablab ng mata, halaw sa init ng pagkakataon.

may taglay na lamig ang hangin, lumalatay sa balat,
at sa nagbabalat-kayong anino sa bakanteng silid.

ang mga umaandap na ilaw – ang tahimik na ugong ng iyong pag-hinga

sa aking tabi, ng aking bigkasin
ang hindi kayang wakasan ng katahimikan lamang.
Angelito D Libay Mar 2020
Habang ang iba'y tulog tayo namay gising.
Mata koy dilat at nanalangin sana'y ika'y maging akin
Bago ipikit ang aking mga mata.
Nais ko ilathala sa aking panaginip na gusto kita

May mga salitang di kayang bitawan,
Sa mga labi ito'y mahirap mailarawan,
Kaba ng dibdib ang nangingibaw,
Sa sarili na puno ng alinlangan.

Sa bawat saknong ng tula,
Damdamin ay nailathala,
Mga salitang hirap bigkasin,
Sa taludtod ng tula nalang maihain.

Sa pagsapit ng hating gabi,
Kung di ito kayang masabi,
Kahit sa hangin nalang maibulong,
Ang mga salita ng damdaming nakakulong.
Lecius Dec 2020
Lahat naman may katapusan
Hindi lang sigurado kung kailan
Lahat naman may hangganan
Hindi lang sigurado kung hanggang saan

Kay rami na namang tanong sa isipan
Na nag-hahanap ng kasagutan
Kaya mo ba bigkasin ang salitang paalam
Na kahit ayaw mo na naman talagang mamaalam

Sapat na ba aking katapangan
Upang tuluyang ika'y iwanan
Kahit hindi ko gusto
Ito ang nararapat dito

Ang tuluyan pag-lisan
Walang bakas na iiwanan
Hindi mag-paparamdam
Ni hindi mararamdaman

Ayoko dumating ang panahon
Isipin mo na ang dahilan
Kung bakit kita tinutulungan
Ay sa gusto pa kita magpasahanggang ngayon

Dahil ayaw lamang maramdaman
Ang isang pakiramdam
Nang taong minahal mo ng buong katapatan
Na sa oras pinili ka n'ya s'ya lamang ay napilitan
Raindrops Jul 2017
Hindi lang ikaw ang nalulungkot
Hindi lang ikaw ang nag-iisip ng tungkol sa kamatayan
Hindi lang ikaw ang nasasaktan
Hindi lang ikaw ang nagaalinlangan sa kanya
Hindi lang ikaw ang may maraming tanong at hindi makita ang sagot
Hindi lang ikaw ang nahihirapan
Hindi lang ikaw ang nakakaisip na sumuko na lang
Hindi lang ikaw...
Siguro nakikita mo lang akong masaya, nakakaya ko paring tumawa
Nakakaya kong mag-bitaw ng mga magagandang salita na parang wala akong pinagdadaanan
Na kaya ko paring maging positibo at magpatuloy lamang

Ang katwiran mo'y wala pa kasi ako sa sitwasyon mo ngayon kaya hindi ko naiintindihan
Kaya binabalewala mo lang ang sinasabi ko, binabalewala mo lang ang nararamdaman ko,
Akala mo'y luha lang at walang laman ang bawat pag-agos ng aking luha
Ngunit sadyang hindi ko lang kayang bigkasin ang mga salita
Twelve Aug 2017
heto nanaman,
ang oras na kinakatakutan,
na ako’y bibitawan,
sa araw na kasalukuyan,
na ikaw ay na sa kalungkutan.

heto na ang wakas
mayroon pang konting oras,
para bigkasin sayo ng malakas,
mamahalin kita kahit wala ng bukas

subalit ang sakit ng damdamin,
kailangan kayanin,
dahil wala na ang dati,
pero narito parin ako parati.
#tagalog #lungkot
kcons Jul 2020
Kung titingnan tayo sa malayo
ay tila dalawang estranghero.
Magkalapit na nakatayo,
ngunit kalooban ay magkalayo.

Sa bawat buntong hiningang pinapakawalan,
ay ang patagong pagpahid ng luhang pinipilit wag masdan.
Sa bawat patak ng ulan sa iyong mykha,
ay ilang beses kong pagpigil ng sariling luha.

Gustohin ko mang ikaw ay pigilan,
wala akong magagawa kundi ikaw ay pakawalan.
Kung kagustohan ko lang din naman ang masusunod,
Maari ba?

Maari  bang sabihin,
mga salitang pilit pinipigil bigkasin?
Maari bang kahit ngayon lang,
ay mawala saglit ang pagkailang?

Maari ba?
Kahit ngayon lang?
Kahit saglit lang?
Maari bang ikaw?
Ang sabi mo mahal mo ko,
Sambit ng iyong mga labi.
Ipinakita **** lahat ay totoo,
Subalit lahat pala ay Mali.
Mahal, o mahal ko,
Bakit iyong nagawa?
Gamitin salitang "Mahal kita"
Upang ang puso ko'y mahiwa?
  
Ngayon ang lahat ay nagbago,
Hindi maintindihan.
Ikaw ay nilisan ng puso,
Ikaw ay iniwan.
Subalit mayroon nga bang kapatawaran,
Isang taong panloloko na sa akin ay tinuran?
  
Sa pagmulat sa umaga Hindi ka na kausap,
Bago matulog sa gabi, Hindi ka na napupuyat.
Laging bukambibig ang nag-iisang pangarap,
Pangarap na nawala, nawasak na lahat.

Huwag mo sana muling bigkasin,
Salitang "Mahal kita" sa akin.
Sapagkat ang isip ay sarado na,
Sayo'y Hindi na magtitiwala.
maXiminima Feb 2020
Mga salitang di kayang bitawan,
Sa mga labi ito'y mahirap mailarawan,
Kabog ng dibdib ang nangingibaw,
Sa sarili na puno ng alinlangan.

Sa bawat saknong ng tula,
Damdamin ay nailathala,
Mga salitang hirap bigkasin,
Sa taludtod ng tula nalang maihain.

Sa pagsapit ng dapit-hapon,
Kung di kayang maka-ahon,
Kahit sa hangin nalang maibulong,
Ang mga salita ng damdaming nakakulong.
Prince Allival Mar 2023
Hi this is my spoken poetry that I made, I'm not a professional, So by the way I hope you like it. If you like this poem dont forget to like and share love you mga marupok. 😊

Maaari bang mahagkan ko
ang mahigpit na yakap
mula sayo,
maaari ko bang sabihin na
nasasaktan ako dahil
ang hirap tanggapin ang
hirap pilitin yung sarili na
kalimutan ka dahil ang
sinasabi ng puso ay ilaban pa

Kung maaari ko lang sanang
ibalik ang nakaraan
nakaraan na tayong dalawa
ay magkasama at masaya pa
nakaraan na sabay nating
pinaplano ang pangarap ng bawat isa
sabay nating tinatapos ang ating
takdang aralin
ang sarap ibalik pero malabong
mangyare ulit

Ang sarap umasa pero nakaka-sakit
na, ang sarap balikan pero ang hirap
kalimutan, ang daming pwedeng balikan
pero pano kung ako nalang ang na pag-
iwanan paano kung ako nalang pala
ang lumuluha
paano kung masaya kana sa iba
na pupuno ng tanong ang isipan
na pupuno ng tanong, tanong na
paano, paano na ako
paano ako sasaya ng wala ka

At kahit alam kong may iba kana
kahit alam kong ang sakit na
kahit alam kong pagod kana
patuloy ko parin nilalaban ang lahat
pinipilit kong sumaya sa iba
pero hindi ko magawa dahil ang
saya na gusto ko ay wala sakanila
kundi nasa taong gusto ko ngunit
iba na yung gusto at iba na yung
pinapasaya

Sabi saking sarili na kaya ko nang
wala kana, kaya ko nang mag-isa
kaya ko nang titigan ka na
kaya ko na, pero lahat pala nang
yun ay kaya kong bigkasin ngunit
hindi ko kayang gawin dahil patuloy
parin akong nahihirapan, patuloy
parin akong lumuluha

Sana maaari mo parin akong mahalin
Sana maaari parin kitang pasayahin
dahil alam kong darating yung araw na
makakaya ko nang wala ka at kaya ko
ng sumaya nang hindi ikaw ang
kasama.
Wolff Aug 2018
inosente ang kanyang puso
sa larangan ng pag-ibig
magmahal lang ang kayang gawin
kahit paulit ulit nang tinatabig
sinabuyan ng mainit na tubig
kahit wala na siyang nakakabig

ang utak niya ay napakatalim
sa pag-unawa
hindi malalim
karanasa'y madilim
dahil noong maliit
walang lilim

ang dalawa'y pagtatagpuin
ng tadhanang matampuhin
ang isa'y mahirap bigkasin
ang isa ay nakaka-aning
sa isang lalagyan
sila'y hiwalay na pagsasamahin

— The End —