Sy Lilang
Sy Lilang
2 days ago

#011717
(Para sa lahat ng mga tumatakbo, mga napilayan at napaltusan. Para sa mga gusto nang huminto pero may humihila sayo pabalik na hindi mabuo-buo ang loob mong lumisan kasi pagod ka na rin sa katatakbo. Oo, ayos lang maging totoo't amining pagod ka na. Natakot kang humarap sa mundo pagkat napuno ka ng sari't saring mga isyu sa buhay mo, kaya akala mo walang saysay ang bawat salaysay. Akala mo, wala nang nais makinig sa bawat kwento mong tila paulit-ulit na lang. Akala mo, tuldok na at wala nang kasunod pa. Wala kang matakbuhan at lagi ka na lang tumatakas. Oo, nasanay ka na at akala mo ayos lang at tama yun. Nagtatago ka sa dilim at ayaw mong lumantad, natakot kang makita yung totoong ikaw kasi ayaw mong mahusgahan o makaani ng masasakit na salita. Natakot kang magtiwala ulit pero pag lumantad ka, doon ka lang pala makalalaya. Saksi ang lahat ng nilikha sayong pag-amin na hindi mo kayang mag-isa, na ayaw mo nang mamuhay nang may paglihim. Na gusto mo nang magbago at patuloy na lumaban -- lumaban nang patas at ayaw mo nang talikuran ang nakaraan. Na gusto mo nang harapin ang mga hindi matapus-tapos na mga isyu sa buhay mo -- mga isyung tila mga sundalong kalansay buhat sa nakaraang kailangan mo nang sugpuin. Oo, kaya mo. Oo, kaya Niya sa buhay mo. Buhay ka pa, humihinga ka pa. Kaya mo yan!)

Ayokong palipasin ang sandali nang pagpikit -- habang nakasandal ka sa kalangitan. Habang iniisip mong hindi mo Ako kayang abutin. Iniisip mo sigurong kinaligtaan Kita, na hindi na Kita tinitingnan pagkat mas pinili mong magtago sa dilim. Akala mo siguro'y hindi ko alam kung nasaan ka -- kung saan at paano mo isinantabi ang sarili mo kaya't hindi Ko maibuhos ang pagpapala Ko sayo. Oo, kasi umiiwas ka, umiilag ka at nilalayuan mo Ako.

Hindi Ako nakikipaglaro ng Tagu-taguan sayo kung saan ay ihahatak mo ang iyong sarili palayo sa Akin at itatatak sa puso't isipang hindi ka na pupuwedeng lumantad hangga't wala pa ang liwanag. Naghihintay lang Ako, naghihintay Ako kung saan mo Ako pinasandal at sa bawat melodiya't pag-indak ng mga ulap na wari mo'y nagtatago rin Ako, noon pa ma'y inilantad Ko na ang Aking sarili sayo. Hinihintay Kitang magpasakop sa Ilaw Ko, nang magkusa kang magpataya sa Akin gamit ang Aking mga yakap. Pagkat hindi mo na kailangan pang magtago -- hindi mo na kailangang maghintay nang napakatagal para lamang masabi mong nahilom ka na. Ang paglantad mo ay siyang pagsuko mo at bagamat ito'y pagsuko, makinig ka: naging matapang ka na. Hindi mo na kailangang yumukong tangan-tangan ang hiya pagkat sa iyong pagpapakumbaba'y itataas Kita gamit ang aking Ngalan at titingala ka na. Matititigan Mo na rin Ako, makikilala mo na rin Ako. Iba't iba man ang anyo Ko'y Ako pa rin ito. May ipinapaabot lamang Ako sayo nang mas maging malapit tayo sa isa't isa. Igagawad Ko sayo ang aking lakas kasabay nang pagbitaw Ko ng mga Salita. At kahit gabi na'y mag-iilaw at mag-aapoy ka pa rin pagkat ikaw na ang magiging taya. Ikaw na ang maghahanap sa mga nawawala't magbubukas ng pintuan para sa mga nagtatago't nagpabaon na sa dilim.
Wag mong tulugan ang dilim pagkat parating na ang Umaga kung kailan at kung saa'y mas magiging lantad na ang lahat. Babangon Ako hindi bilang Buwan na may pakislap na liwanag ngunit bilang Haring Araw at susugpuin ang dilim. Wala nang makapagtatago pa pagkat magiging hayag na ang lahat.

Kaya Anak, wag kang matakot at ngayon pa lang ay ihayag mo ang iyong sarili sa Aking liwanag -- sa Aking liwanag na papandong sayo at uutos sa dilim nang tuluyan mo nang masilayan ang iyong sarili -- ang iyong sariling may pagpupunyagi. Maghanda ka, malapit na ang pagdating Ko. Maghanda ka, magkakasama na rin Tayo.

#moon   #tagalog  
Sy Lilang
Sy Lilang
2 days ago

#011717 #SpokenWords

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin. Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas. Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit. Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa. Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula. Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso mong ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita. Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang. At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.
At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat. At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.

#love   #tagalog   #makata   #pagibig  
Lunar Love
Lunar Love
3 days ago

Mahal na mahal kita
kahit ilang tula na naisulat ko
o ilang tala nasa langit
di sila papantay
sa pagmamahal ko sayo

eng trans:
i love you so much
even with the number of poems i've written
or with the number of stars in heaven
they can never equate
to the love i have for you

para kay wjh / for wjh
#love   #poem   #poetry   #stars   #filipino   #tagalog   #bituin  
Scarlett
Scarlett
6 days ago

Aasa lang sa'yo
Aasa sa atin
Aasa sa mga pangako
Aasa sa mga sumpa mo
Aasa sa mga salita
Aasa dahil sa nararamdaman
Aasa sa kapangyarihan ng mga bulalakaw
Aasa sa pwersa ng unibersa
Aasa sa mga matatamis na kasinungalingan
Aasa kahit nakakatanga
Aasa nang aasa hanggang sa magsawa maging tanga.

SHOUT OUT SA MGA PAASA
#love   #broken   #filipino   #tagalog   #tula   #aasa  
Ayin Medina
Ayin Medina
6 days ago

Namumutawi sa bibig ang mga salitang "mahal kita"
Paulit-ulit na mababasa sa bawat tula ang "sinisinta kita"
Makikita mo sa mga mata ang mga letrang "iingatan kita"
At sa higpit ng yakap, madadama mo ang mga katagang "pahahalagahan kita"
Hindi mo malaman laman
Kung paano niya nahahanap ang mga salitang pagmamahal
sa kabila ng sukdulang pag-iisa
sa loob ng mapait at malupit na mundo
sa napakatagal na panahon.
Paano niya naibibigay ang mga salitang pagmamahal sa tila pagkabingi na sa paghihintay ng ganti sa mga matatamis na salitang
paubos na

"kung magsulat, kala mo ay nagmamahal" - @fromthebeers on twitter
Elle Manabat
Jan 29, 2016

Iyak.
Iyak ng isang kobrang nakadikit sa dingding na kaya kong patahanin unti-unti sa bawat pihit.
Sa bawat patak ng luha nitong humahalik sa aking noo na dahan-dahang dumadausdos papunta sa aking mga pisngi.
Sa aking mga pisnging halos magkapasa na sa madalas mong pagpapaligo rito ng mga kurot.
Ang iyong mga kurot na siya namang nagpapahiwatig na hinding hindi ka magsasawa sa pagmumukhang ito.

Noon.
Hindi na ngayon.

Patuloy ang paggapang ng mga patak na maligamgam papunta sa aking mga labi na hindi pinalagpas ang pagkakataong ipaalala sa akin na
ang mga labi ito ay minsan nang nabigyan ng pagkakataong iwika ang kung ano mang hindi kayang maipahiwatig nang sapat ng aking mga haplos.
Ang mga labi kong minsan nang natikman ang tamis ng iyong gayuma.
Ni hindi pinatawad ang lasa ng tsisburger o ng kung ano man ang iyong kinain sa araw na iyon.

Ang mga patak na ngayo’y lumalakad na nang tahimik sa kahabaan ng aking leeg na siyang nagdurugtong ng aking ulo na kumukulong sa aking utak sa aking dibdib na naglalaman ng aking puso.
Ang puso kong bumulong nang paulit-ulit na para bang sirang plaka at nagsabing may pag-asa pa. Ang kumulit sa akin na maniwala sa tibay ng ating pagmamahalan.
Ang aking utak na nagsabing wala itong patutunguhan na tila’y totoo sapagkat ang ating mga kamay ay hindi makapagkokomunika nang mahabang panahon at may posibilidad pang hindi na muling magkatampo kahit pa ang mga ito’y kulu-kulubot na.
Ang karibal ng aking puso na aking pinakinggan.

Sayang.

Para bang ako ang paboritong manika ng kapalaran. Ang kanyang manikang paulitulit na pinaiikot sa isang tugtog na di ko kayang sabayan. Siya na tuwang-tuwa na makita akong naghihikahos sa pagbugbog ng bawat pagsubok.

Awat na.

Pihit.
Ayoko nang maalala pa ang pait na ipinapaalala ng bawat patak.

Pihit pa.
Tila'y isang patak na lamang ang ibubuga. Ang bawat halik ng tubig sa baldosadong sahig na lumilikha ng malungkot na tunog na “tik… tik… tik…”

Isang pihit nalang.
Isang pihit nalang at titigil na ang tila duet na paghugulgol ng ahas na nakadikit sa dingding na baldosa rin at ng ngayon ko lang napansin na umaapaw kong mga mata na kanina pa pala sumasabay sa agos ng tubig na dumadaloy sa aking mukha.

Tama na.
Tahan na.

/e.m/

#deep   #filipino   #tagalog   #elle   #alaala   #ng   #senti   #hilamos   #manabat  
Sy Lilang
Sy Lilang
Jan 12

#011117 #SiteVisit #Arki #Thesis

Pumipila ang bawat laso ng tubig, iniipon ang sarili para sa isang bagsak -- isang matinding bagsakan buhat sa damdaming kaytagal ding ikinimkim. Hindi ko alam kung kailan, kailan ba ito titila? Ngunit maikli kung ihahambing sa mga panahong ako'y lumuluha.

Na ang bawat butil ay sing-alat ng bawat paglisan nang walang paalam. Kung saan tila naiwan pa ang mga panyong pinagtuyuan na ng luha at nang hagulgol na di mahawakan.

Baha na ang daan ngunit umabot man ito hanggang baywang, hindi ito balakid para magpatuloy ako Sayo. May luha sa bawat pagpikit, na tila ba nais ko na ring huminto pero alam ko, alam kong malapit na -- malapit nang matapos ang ganitong mga panahon.

Ngayon, nasilayan Mo ako sa gitna ng napakabagsik na ulan, sa sentro ng aking pagkabalisa na hindi ko man lamang alam na Ikaw pala yung Ulang handang bumuhos pa rin pagkatapos ng mahabang tagtuyot. Oo, hindi ko alam noon --

Noong dumarating ang ulan o nagbabadya pa lamang gamit ang ambon, ako'y naaaligaga sa paghahanap ng masisilungang puno -- punong pumuno sa akin ng kaba at takot na umuwi nang basa. Punong akala ko'y kakayaning patiklupin ang hangin at tubig na nagtatagisan sa ere pero ang sakit pala, ang sakit ng pagdampi ng mga butil sa mga balat ko na tila ba niyuyumos ang buo kong pagkatao. Sinasabi nilang matutuyuan na lang ako nang ganito, na patuloy akong magtatago. Natakot ako kaya pinuno ko ang sarili ng sanga't dahon na akala ko'y kaya ring saluhin ang lahat pero ang labo pala, at sa tuwing ako'y nagsasalamin, akala ko malinaw na pero sa muling pagpatak ng ula'y magugusot ang aking imahe at mapupuno ito ng putik at maglalaho ang bawat pangarap.

Minsan, naghahanda ako ng armas ngunit sa pagkabasa ng mga binti't paa, sa pagsabay ng sipol ng hangin, liliparin din pala ang payong at siya'y masisira. Oo, balewala rin pala. Hindi ko kayang bigyang proteksyon ang sarili pagkat kulang ako -- oo, kulang ako kung wala Ka.

Ngayo'y nagpaubaya ako sa Ulang totoo, habang kinakanlong Mo ang hiwaga at kahulugan ng bawat alaalang ngayong naging pananampalataya na. Na kahit tumila man ang pagbuhos ay mananatili ang unos ng pagsubok at pangaral sa aking garapon. At bibitbitin ko ito hindi gaya ng agam-agam at gunita, bagkus ng pag-asa at pagtitiwala Sayo. Pagkat naniniwala akong lisanin ko man ang lugar ng Iyong pag-ulan, ay magtatagpo pa rin tayo.

Ilalatag ng bahaghari ang makukulay Mong pangakong hindi nagbabago. At doon ko itataas aking mga kamay, ipapaagos ko na lamang sa Ulan ang lahat ng sakit na nararamdaman at ilalatag sa Hangin ang bawat hiling na hindi pa dumarating bagkus dininig Mo na pala. Dahil Ikaw ang Ulang darating at hindi na aalis. Ikaw ang Ulang pinagtaguan at iniwasan ko noon. Ikaw at Ikaw ang aking Ulan -- ang Ulan ng Pagbabago.

(Para sa lahat ng minsang naambunan, naulanan, nabasa kaya't naligo na lang. Sa mga nagpayong at nagkapote o sa mga sumuong pa rin sa kabila ng matinding pagsirit ng luha ng langit. Sa mga naputikan, sa mga naglakad, sa mga huminto nang saglit at nagpatuloy sa pagpihit ng manibela. Sa mga naghihintay ng pagtila nito habang namamalimos sa Langit na may iba't ibang pandiwa. Tandaan mo: may karamay ka at sa bawat pagtibok ng lupa at paghagulgol ng kalangitan, sa bawat pagtapon ng mga makikinang ng laso sa ere, pupuwede mo itong sabayan -- sabayan ng pagsulsi sa mga sakit at pait, sabayan sa paghihintay para sa Haring Araw. Oo, masasabayan mo, at pangako: kasabay mo rin kami. Magsulat tayo ng daing, balutin ng hiwaga at sining. Magsulat tayo, tara na!)
Isabelle
Isabelle
Jan 11

•••
Narinig ko lang pangalan mo
Kumirot na ang puso ko
Akala ko okay na ako
Akala ko lang pala

Masakit pa rin bes.
uh no
uh no
Jan 8

taksil ang mga labing naghahangad ng higit sa dampi
katulad ng buwan sa duyog,
na kung sa madalas
ay hinahayaan ang pagsisiping ng araw at mga bundok sa umaga
may mga minsang hindi mapigilan ang alibuyboy
at pilit isisingit ang sarili sa pagitan ng dapat at hindi,
kapalit ng panandaliang saya; balutin man ng dilim.

ngunit isa pa nga bang kataksilan ang humiling,
kahit na pakiwari ko’y isa kang hiningang hindi mauulit,
na sana kinabukasang paggising ay hindi ka na umalis,
na hayaan mo namang masilayan ko kung paano ka ipipinta ng araw
para naman din makita mo sa liwanag kung paano ka aaralin.

bigyan mo lang ako ng isang sandali
dahil katulad ng buwan, miminsan ding makasarili
baka sa susunod na kinabukasan
kahit ikaw ang tinatangi, sa iba na maghahain.

Apatnapu't limang minuto makalipas ang alas-dose. Umaga na naman -- umaga na naman pipikit ang mga mata kong kasingbigat na ng ulap na napuno ng tubig mula sa lupa at dagat. Mapungay at napapaluha dulot ng pasakit na hatid ng walang sawang sulatin, babasahin, at kung anu-ano pang mga dapat tapusin.

Mga labi kong medyo nakabuka na marahil akala nila'y tapos na ang lahat ng gawain kaya namamahinga. At muli silang sasara, kasingbilis ng motorsiklong humaharurot sa labasan na parang nakikipagkarera, kapag naiisip na malayo pa ako sa pagtuldok sa katapusan.

Tumatabingi na ang mundo. Ay, mali, ulo ko lang pala na napapahiga na sa aking kanang balikat tila may sariling isip at ginugusto nang humiga sa kama -- akala niya rin siguro'y matatapos na sa pagsusulat at pagbabasa ngunit sadyang nagkakamali siya.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na ginagawa ng aking mga daliri na kay bagal nang bumaba para pindutin ang mga letra sa aking kompyuter. Suko na raw sila at nasasabik na silang muling mayakap ang malalambot na unan na nag-aantay sa kanila.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na lang ng pagbagsak ng aking mga daliri sa bawat letra ng aking laptop ang pumapasok sa aking utak. Ilang minuto na nakatitig sa iisang pahina...

Sa iisang talata...
Sa iisang pangungusap...
Sa iisang letra...

Blag!

Kasi nga antok na ako.
 
To comment on this poem, please log in or create a free account
Log in or register to comment