Scarlett
Scarlett
4 days ago

Gusto kong pahintuin ang oras
Ngunit hindi ko alam kung paano magagawa.
Hihiling ba ako sa nasa itaas?
Muli ba akong maniniwala sa himala?
Hindi ko kayang pahintuin ang lahat
Kaya mahal, Sa oras na ito
Pakinggan mo ako ng husto
Kakalimutan ko munang maging makata
Kapalit ng muling pagdadaop palad nating dalawa.
Kakalimutan ko muna ang mga bolpen at papel
Kapalit ng paghawak sa mukha mong mala anghel.
Mahal pabigyan mo ako sa oras na ito.
Kakalimutan ko muna kung paano tumula,
Kapalit ng kaligayahan at saya kahit na may iba ka na.
Mahal, kakalimutan ko lahat ng matalinghagang salita
Kapalit ng ilan segundo muli kang makasama.

Susulitin ko ang segundong ito
Hihintaying muling umikot ang relo
Tapos kakalimutan na kita.
Kapalit ng pagbabalik ng ngiti sa aking mata.

#love   #broken   #filipino   #tagalog   #tula   #hugot  
BJ
BJ
5 days ago

Hindi ako isang manunulat.
Wala rin akong hilig sa tula
Ngunit heto nanaman ang aking kamay
Gumagawa ng paraan upang ako'y saktan
Sasabay ang pag-agos ng mga salita
Makata man o hindi,
Ipapaliwanag ang bawat ikaw at kung ano tayo.
Lulunurin ang utak ng iyong mga ala-ala
Mag-iisip, dadamdamin ang hapdi, ang kulang.
Hindi maipaliwanag, hindi masabi
Habang tahimik na pinagtatagpi,
Yung bawat pagkakataong nasasayang.
Na dapat pala may ginawa ako kahapon
At hindi ko lahat pinagsisisihan ngayon
Subalit bakit ngayon lang ito naiisip?
Bakit patuloy ang aking mga kamay sa pagsulat
At hindi ang bibig sa pagsabi?
Hindi ang puso sa pagpaparamdam?
Bakit lahat ay isinusulat, ngunit nababaon, nawawala?
Bakit hindi ko magawang aminin?
Isusulat ko nalang ba ang mga ito,
At ibabaon sa limot kasama mo?

#tagalog   #tula   #sulat   #malaya  
BJ
BJ
6 days ago

Kahel na pala ang langit.
Ang init, ayon, namumutawi.
Sa tabi ko'y radyong tumutugtog,
Sumasabay sa huni ng bentilador

Habang ang ulo'y sumasakit
Mga kanta'y puro tunog sawi,
Sa litrato mo, ako pari'y nahuhulog
Sa bawat laklak, sa bote ng matador.

#tagalog   #tula   #malaya   #sawi   #kahel  
Jandel Uy
Jandel Uy
Mar 21

Ikaw na babaeng sumasayaw sa dilim,
   Ikaw na nakakapit sa patalim:

Di ba nasusugat ang porselanang palad
    Na kasing lambot ng puwit ng sanggol?

Sa matalim na kutsilyong kinakapitan
      Ano mang oras hahatulan ng lipunan?

At sa higpit ng piring mo sa mata,
     Pasasaan pa't mabubulag ka na

Ikaw na babaeng gumigiling-giling,
   Iba't ibang laway ang pinanghihilamos gabi-gabi

Ang sugatan mong puso'y walang gamot
    Ngunit ang kandungan mo'y sagot

Sa mga problema ng mga lalakeng–
      Naghahanap ng panandaliang saya.

Ikaw ba, babaeng hubad,
   Naranasan mo na ba ang lumigaya?

Kumusta na ba ang anak mo sa una mong nobyo?
     Balita ko'y di ka na niya kilala.

Hindi ba't may tatlo ka pa sa probinsiya
   Na pinagkakasiya ang padala mong barya?

Naalala mo ba ang bilin sa 'yo
     Ni Karla na siyang una mong bugaw?

"Huwag mong bigyan ng puwang sa utak mo
      Ang sasabihin ng Inay mo.

Sasampalin ka niya, di ng palad niya,
     Kun'di sakit na dama ng isang Ina.

At iyon ang pinakamasakit
    Sa lahat ng puwedeng sumakit."

Ilang ulit mo na bang tinanong ang sarili
   Kung saan ka nagkamali?

Kung ilang liko ang ginawa
     Para mapunta sa hawlang 'sing dilim ng kuweba

Na pinamamahayan ng mga paniking
     Takot sa liwanag na magpapakita ng mga galos

Na bunga ng mga gabing kinukurot ang sarili,
     Tinatanong, hinihiling na sana'y bangungot lamang

Ang buhay nila sa dilim,
    Pasasaan pa't nasanay na rin.

Ikaw na isang mabahong lihim
   Ng mga mister na may misis na bungangera

Ha'mo na't sa iyo naman sila panatag
     Sa mga suso mong malusog, pinili nilang humimbing.

Ikaw na pantasiya ng karamihan,
   Ano ba ang pakiramdam ng pinagsasalsalan

Ng mga nagbibinatang hindi pa tuli,
      Ng mga lalakeng di kaya ang presiyo mo,

O ng matandang libog na libog sa mabango mong kepyas
      Ngunit nanghihiram ng lakas at tigas sa Viagra?

Saan ka na ba nakapuwesto ngayon?
    Sa Malate, Morayta, Quiapo, o Aurora?

Ilan na ba ang napuntahan mo?
  Ilan pa ba ang bibiyayaan mo ng iyong alindog?

Sa Makati Ave, Pasay, o sa Parañaque?
      Ha'mo na't langit pa rin naman ang dala mo

Kahit na alam ninyo ng Diyos
    Na nakaukit na ang pangalan mo sa impyerno.

Ikaw na babaeng walang pangalan,
   Ano ba ang itatawag ko sa 'yo?

Ilan na ba ang nahiram mo sa tabloid
  O sa mga artistang iniidolo mo?

Kathryn, Julia, Nadine, Meg, Yen, Anne
    Yna, Katya, Ara, Cristine, Kristine, Maui

Daria, Pepsi, RC, Susan, Gloria, Lorna, Aida, Fe
    Vilma, Sharon, Nora, Maricel, Dina

Ikaw na babaeng 'sing nipis ng balat ng sibuyas ang saplot
   Di ka ba nilalamig sa pag-iisa mo?

Ikaw na babaeng marumi,
  Sadsad na sa lupa ang lipad, saan ka pupunta?

Wala ka nang kawala sa dilim,
     Pasasaan pa't malalagutan ka rin ng hininga
        at  magpapasalamat sa biyaya.

Ikaw na babaeng bukod tangi,
   Ginawa mong lahat pero hindi naging patas ang mundo.

Lunukin mo na lang ang mga hibla ng pagsisisi
    Ipagdadasal kong huwag nang magdilim sa hawla mo.

I miss the Painted Lady
The way she strides on top of murky depths
Making it pristine like rain down crystal beams
Like a white tipped brush that sweeps one with grace

The way she erotically leaps from ripple to ripple
With her gestures like man in amphitheatres
I, longing for when she dove for blackness say
I miss the Painted Lady.

I wrote this March 13, 2016. I was inspired by one of my favorite episodes from Avatar: The Last Airbender. Check out more of my works at: www.brixartanart.tumblr.com
#poem   #poetry   #fantasy   #women   #tula   #avatar   #atla   #katara  
Scarlett
Scarlett
Mar 11

Noong araw na sinabi mo saakin ang salitang “Gusto kita”, nayanig ako.
Hindi ko alam pero nayanig ng sobrang tindi ang pagkatao ko. Hindi ko alam ang isasagot kasi nga diba natulala ako. Pakiramdam ko, lumutang ako sa langit. Yung tipong ayoko na umalis. Araw araw mo saakin pinaparamdam ang mga salitang binitawan mo. Gusto kita. Araw araw mong pinaparamdam ang kasiyahan saakin.

Pero, bakit? bakit bigla ka nalang naglaho? Ewan ko ba kung may nagawa ako, pero feeling ko naman wala. Sinanay mo ako sa salitang “Gusto kita” pero bakit bigla ka nalang nawala? Hanggang isang araw, bumalik ka. Hindi ko alam pero bigla ko nalang ulit naramdaman ang pagyanig nang sa wakas, sinabi mo ulit.
Naisip ko na panahon na siguro para umamin kaya sinabi ko ang mga salitang “mahal kita”. Sinabi mo ulit ang mga salitang “Gusto kita” pero hindi lang pala yun ang gusto mo sabihin. Sa ating pag uusap biglang umulan ng sobrang lakas. Aalis na sana ako ngunit bigla mo akong hinigit at sin among “Kakausapin muna kita”. Ngumiti ako dahil alam kong ang sasabihin nya lang naman saakin ay ang mga salitang “Gusto kita” pero mali. Sa pagbuhos ng ulan naramdaman ko ang lamig.


Naramdaman ko ang lamig ngunit mas naramdaman ko ang muling pagyanig. Akala ko sasabihin nya ang salitang “gusto kita” o kaya sa wakas ay masasabi nya na ang “mahal din kita” pero hindi. Niyanig mo ako muli. Niyanig mo ako sa ilalim ng ulan dahil sa anim na salita na sinabi mo.

“Ginusto lang kita pero hindi kita minahal”.

BJ
BJ
Mar 8

Sasapit na ang alas dose,
Ngunit nakatulala pa din
Hinihintay ang bulalakaw,
Na kalangita'y liparin
Ngunit nang aking mabanaagan
Ito'y 'di na darating
Ako'y nakatulog,
At 'di na muling nagising.

madrid
madrid
Mar 8

Hindi ko mapagkakaila na marahil ikaw na nga
Ang pinakamatamis na tulang naisulat ko
Hindi ako sigurado kung dahil sa ikaw ang unang lalaking hinalikan ko sa ilalim ng bumubuhos na ulan
O dahil binigay ko ang lahat sa laban na 'to
Mula ulo hanggang paa
Mula buhok hanggang kuko
Mula balat hanggang buto
Tagos ang mga salitang yumayakap sakin bawat gabi
Halos hindi na nga tayo matulog diba sa dinami-dami
ng kwentong ibinahagi natin sa isa't isa

Naaalala mo pa ba
Noong sinabi mo sakin ang takot mo sa dilim
At kahit hindi ako nakakatulog ng may ilaw
Hindi ko pinapatay kahit para sakin nakakasilaw
Para sayo

Naaalala mo pa ba?
Noong unang beses kong sinabi na mahal kita
At ang nakakatawa ay ayaw mo pang maniwala sa aking mga salita
Dahil matagal tagal mo rin tong hinintay
Dahil sa ating dalawa
Alam natin na ikaw ang nauna

Naaalala mo pa ba?
Ang mga pagkakataong nagtabi tayo sa kama
Pero iba
Ibang-iba yung unang beses na nagsama tayo
Matapos kong ibigay ang aking "oo"

Naaalala mo pa ba?
Ang iyong paglaro sa gitara
Habang ako'y kumakanta
At sa hinaba-haba ng gabi ay siya lang ang iyong maririnig
Ang ating musika
Na bumabalot sa buong daigdig
Na para bang wala ng ibang tao sa mundo
Kundi ikaw at ako
Tayo, ang bumuhay sa mga nota
Na para bang may sarili silang isip
Sumasayaw sabay sa pag-ihip ng hangin
Sa akin
Alam ko na sa akin ka lang
At sa'yo lang ako
Ito ang binuo nating pangako
Mapa-dilim, o umaga
Maaasahan mo na sayo lang ako
At akin ka lang

Naaalala mo pa ba?
Kung paano mo ko napangiti
Sa simpleng biro mo ay mabilisang tumutupi ang simangot ko
Na sa kahit anong sitwasyon
Gamay mo ang pagmanipula sa aking mukha
Napapatawa
Napapangiti
Nagigising
Napapatulog
Napapalaki ang mga mata sa gulat
Napapakulot ang noo sa alat ng alak
Napapahalakhak
At maski ang aking pag-iyak ay nakabisado mo na

Pero sa lahat ng naaalala ko
Hindi ko na maalala kung paano mo ko hinawakan
Kung paano mo ko sinabihan ng "walang iwanan"
Kung paano mo ko hinagkan na parang wala ng bukas
Kung paano mo ko tinitigan
At ginawang laruan
Na gagamitin pag kailangan
At isasantabi pag pinagsawaan
Na anumang oras ay pwede paring balikan

Hindi ko na maalala kung paano ka nagsinungaling
Na parang henyo sa sobrang galing
Hindi ko maalala kung paano mo ko sinabihan
Ng mga salitang,
"Binibitawan na kita."
Hindi ko maalala kung paano ko hinayaan
Na sumuko ka ng ganon ganon na lang
Hindi ko maalala kung paano mo nagawang
Sabihan ako ng "Miss na kita."
Habang hinahalikan mo siya
Hindi ko maalala.
Hindi ko na maalala.
At ayoko ng maalala.

Sa totoo lang hindi ko pinagsisisihang wala ng tayo
Pero gusto ko lang sabihin sayo na sinisi ko ang sarili ko
Sa lahat ng pagkakamali mo
Para sa mga bakit na hindi nasagot
Paea sa mga sugat na hanggang ngayon ay hindi parin nagagamot
Para sa mga tanong ng madla na pinipilit ko paring ibaon sa ilalim ng lupa at takpan ng limot

Bakit hindi mo siya kasama?
Ah kasi ayaw niya kong makita.
Bakit siya nalasing?
Ah kasi nag-away kami kanina.
Bakit siya umiiwas?
Ah kasi nagsasawa na siya.
Bakit hindi ka na niya pinupuntahan?
Baka kasi hindi ko binigay ang lahat.
Bakit hindi siya lumaban?
Baka kasi hindi ako naging sapat.

Bakit siya naghanap ng iba?
Bakit nga ba?
Bakit pinagmukha mo kong tanga?

Pero hindi tanong ang pinakamasakit sa lahat
Eto
Eto ang hindi kinaya ng puso
Na para bang ayoko ng mabuhay kahit isa pang oras,
Isa pang minuto
Isa pang segundo
Eto ang mga salitang pinamukhang talong talo na ako

"Uy, sabi niya wala na daw kayo."

Konting konti nalang
Hindi na kailangan budburan ng asukal ang kwentong ito
Dahil uulitin ko
Hindi ko mapagkakaila na marahil ikaw na nga
Ang pinakamatamis na tulang naisulat ko
Sayang lang nga
Hanggang tula nalang ito
Sana pala naging tula nalang tayo

#poetry   #spoken   #filipino   #tagalog   #tula   #pait   #sakit   #tanga   #iba   #tamis  
BJ
BJ
Mar 5

Sa sandaling iwan kita,
Ay doon ka naman lalabas
Habang tahimik na nanunulsol,
Upang hindi ako makatakas

Subalit ako'y bukod tanging nasasakal!
Ang hininga'y bumibilis sa iyong pagdating
Pakibit balikat akong nagdarasal,
"Huwag mo sanang tapatan ng iyong patalim."

At sa oras na matapos ang nginig,
titingin nalang sa oras habang nakapikit.
Ang aninong nagmumulto galing nakaraan
Ang nagdala sa aking kinahahantungan.

#tagalog   #tula   #malaya   #anino  
kiko
kiko
Mar 3

Iilan nang estrangherong labi
ang dumampi
at alam na din kung paano humaplos ang iba't ibang tela
marahil
kabisado na din ang bawat indayog na walang musika

ngunit bakit

na sa tuwing pipikit
at sinusubukang sabayan ang korong hindi kilala
sumasagi pa din sa isip
na nakakulong ma'y sa hindi mo bisig
at hindi sa iyong unan namamahinga.

simula noong pagtalikod mo'y
pakiwari kong milyong beses nang umikot ang oras
ang sabi ko pa noo'y
nakalimot at malaya na
sa mga panahong inaantay ang paghimlay ng araw
dahil sa pagsilang ng gabi ka lang din naman masisilayan.

mahina pa din bang aamining
na pagkatapos ng linggong itong sinasakdal ang sarili
napagtantong baka siguro
hindi pa pala lumalagpas sa hatinggabi ang awit.

mahal,
baka siguro
sa susunod na gabi, nais pa ding sa iyo umuwi.

 
To comment on this poem, please log in or create a free account
Log in or register to comment