Nung isang gabi tinanong mo ko
“Bakit mo ko mahal?”
sa totoo lang hindi ko din alam.
puno ako ng damdamin pero ayoko sa emosyon
ayoko sa sakit
ayoko sa mahal.
ayoko na mahal kita.
ayoko din na hinahanap-hanap ko ang mga bisig mo.
sana’y akong mag-isa, akin lang ang sarili ko.
Itong kakapiranggot na pagpapahalaga sa puso ko ay para sakin lang.
bakit ko ibibigay sayo na mapagdamot sa pagmamahal?
isa ka ding takot sa pag-ibig,
takot magpapasok,
takot magbigay dahil walang kasiguraduhan kung maibabalik.
nalalasahan ko sa aking dila ang lungkot tuwing tumitingin ako sa iyong mga mata.
Tuwing nasisilayan ko ang iyong anyo, pakiramdam ko ay kilala kita.
hindi ko alam ang pangalan ng mga mahal mo
at hindi ko alam ang mga bagay na mahalaga sayo,
pero kilala ko ang pagpanglaw ng ilaw sa bawat kurap ng iyong mga mata,
kilala ko ang unti-unti **** pagkaubos.
Isa kang imahe na pinta ng sakit at lungkot at pangungulila
napakadilim ngunit napakaganda.
Kilala kita.
Nakikita kita sa salamin kapag nakakalimutan ko kung ano na ako sa aking paningin.
Siguro alam ko na pala kung bakit kita mahal.
Kung bakit kita gusto mahalin.
Ang yumi mo ay hindi bagay sa dilim.
Kailangan mo ng saya,
ng halaga.
Madilim din ang mga ulap sa aking mga mata
sinta,
pero malinaw pa ang aking paningin
at alam ko kung anong kintad ng kulay ang bagay sayo.