Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Stephanie Dec 2018
Kung may pluma lamang ang puso
Isusulat nito ng malaya ang mga salita
Na hindi mabigkas ng mga labing tikom
Sapat ang tinta nitong pluma
Pamalit sa takot na pumipigil sa sarili

Kung may pluma lamang ang puso
Hindi na kailangan pang pagtakpan ng ngiti ang bawat sakit
May buhay ang plumang ito
Alam niya ang kanyang silbi, ang maghatid ng katotohanan

Kung may pluma lamang ang puso
Isusulat nito ang bawat pagkakataong nais niyang tandaan
Mga alaala na dala ng kasaysayan

Kung may pluma lamang ang puso
Maipaparating niya ang bawat pintig
Ng ligaya o sakit
Malaya ang plumang ito
Walang magbabawal kung ano ang dapat at hindi
Walang pipigil sa pagkawala ng tunay na kulay ng bawat pintig nito

Kung may pluma lamang ang puso
Ito'y susulat ng tula na magsasabing ikaw lamang ang magiging papel na nais nitong sulatan

Kung may pluma lamang ang aking puso,
Ikaw ang nanaising maging papel
Malaya ang plumang ito at ikaw ang kanyang pinipili
Buhay ang tinta ng plumang ito
At sa iyo, bilang papel, nailathala ang pinakamagandang kasaysayan ng pag-ibig
Na binigyang buhay ng
isang pluma at papel
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
Lavinia Martin Jan 2019
hindi naman ako isang makata.
ang pluma at isip ko’y di nagtutugma.
oo. minsan ay pinipilit kong bilangin ang mga letra
at pinipilipit ang utak sa isang salitang nasa dulo na ng aking dila.

ngunit, hindi ako isang makata.

hindi ako katulad ng mga nakikita mo sa mga libro
wala akong galing na kayang ipahiwatig ang mga salita sa magagarbong paraan
hindi maipalalabas ng pluma ko na ang pinakakinakatakot **** bagay...
isang rosas na kahit maganda’y kukurutin ang balat mo hanggang ika’y magkasugat at magdugo

hindi ako isang makata.

ang mga luha ko man ay sunod sunod na
at ang plumang hawak-hawak ko ay dumudulas na
gusto pa rin ilabas ng puso ko ang mga salitang naiisip nito:

“Ito ang tulang hindi bebenta.”

ito ang tulang hindi mo makikita sa papel na may pahina
ito ang tulang hindi mo pagaaksayahan ng pera
ito ang tulang hindi mo tatapusin basahin
ito ang tulang hindi mo aaralin

walang bilang ang mga linya at walang tugma ang mga salita
walang magagarbong salitang kailangan mo pang hanapin ang kahulugan
walang mababangong linya na tatatak sa’yong isipan
walang pangalan na agad agad **** matatandaan

hindi ba’t sinabi ko na sa iyo? ito ang tulang hindi bebenta.

bakit ba binabasa mo pa rin?
sinasayang mo lang oras mo.
sabagay, salamat na rin.
salamat sa oras mo.

pasasalamatan kita sa bilis **** pagtingin
pasasalamatan kita sa muntikan **** paglalim
ng pagiisip para intindihan ang tulang hindi bebenta
pero hahayaan mo ako

hahayaan mo ako na ituloy ang tulang ito
hahayaan mo ako na ilabas ang damdamin ko
hahayaan mo ako na hawakan pa rin ang pluma
hahayaan mo ako na magsulat at sumaya

kahit alam kong hindi mo babasahin
dahil natutunan ko nang pasayahin ang sarili ko
sa mga munting laro at paglikha ng mga istorya
na humuhukay ng isang malalim na bangin

natutunan ko nang tabunan ito uli ng lupa
gamit ang pluma na mauubos na ang tinta
pagkatapos ay didiligan ko ito gamit ang aking luha
hanggang sa unti-unting tubuan ito ng bunga

siguro sa pagdating ng panahon mayroon mang makakita...
mababasa niya ito ngunit hindi niya maiintindihan.
at mailalagay ito si isang museo
at pilit itong iintindihin

dahil kaibigan, ang mga pinakalumang bagay
kahit wala nang gamit
ay minsan ding nagkaroon ng halaga

kaya kaibigan, tinatapos ko na.
tinatapos ko na ang huling tula na hindi bebenta.
Non-sense I make at 1AM. Holds a lot of meaning.
Ako’y modernong karpintero
Sa henerasyong baon sa utang,
Hindi pa man isilang,
Ang kamalaya’y limot at simot na.

Puros kalyo ang latay
Sa pares na kamay
Na ang sigaw ay pagbabago
Diktahan man kahit demokrasya pa,
Lahat tila may mantsa’t tatak pulitika.

May direksyon ang pagdisenyo
Pahalang sa kapwa-tao,
Samantalang ang kabila’y
Ang labi’y eksperto sa pagsayad sa lupa
Patungo sa ulap at bituin
Kung saan naroon raw ang Maykapal.

Narito ako sa kanilang tagpuan
Tatawid sa kalyeng hindi masilayan
Bingi sa sanlibutan
Minsang pinaligua’t sinabunan ng kadiliman.

Narito ako,
Sa sentro’y may hanap-hanap
Kilabot ng pagtahi sa sugat ay titiisin.
Pagkat ang latay, hindi man nasaksihan
Ramdam maging sa tadyang
Na akin daw ay pinagmulan.

Kung mararapatin lamang
Ng lupang minsa’y naging gintong bayan
Na pang-habambuhay siya’y lisanin
At sa pagbukang-liwayway, tatakbo sa Liwanag.

Walang karapatan ang takipsilim na uminda
Pagkat ang Haring Araw
Sisikat at yuyupakan ang kanyang dangal,
Siyang isang pobre’t salat sa Katotohanan.

Niyapos ko ang buhok
At pinahid sa mansanas, sa mangga’t
Maging sa dagat na sagisag ng kalayaan.

Ako’y tumakas
Tangan ang sandata ng buhay;
Pakuwari ko’y walang himagsikan
Ang siyang muling sisiklab
Pagkat ang laban ay tapos na noon pa man.

Puting papel at plumang walang tinta
Ang iniwan sa akin ng Ama
Hindi ko mawari sa paanong paraan ba
Maililimbag ang isusulat nitong pluma.

Ngunit ang tukso
Na madungisan ang pahinang puti
Ang puro’t walang bahid ng itim at kulay bahaghari,
Alam ko, balang araw
Mapupunan ito, hindi ng salita
Bagkus ng larawang sa sansinukob
Ay hahagkan ang bawat nilalang
Itatas muli ang bandila -
Silang puro ang tiwala sa Pintor ng Pagbabago.

(5/23/14 @xirlleelang)
Crissel Famorcan Mar 2018
Sinabi ko noon,di na ako magsusulat pa
Ngunit iba pala ang nagagawa ng lungkot at pag-iisa
Kaya heto ako ngayon,muling nagda-drama
Ginigising ang plumang natulog sa mahabang panahon
At bumubuong muli ng tula—na sayo lang nakatuon,
Sinungaling ako—
Tanda ko pa nang aking sabihin
Di na kita gusto't nagbago na ang damdamin
Pero ang Totoo,Hindi ko lang maaamin
Ayokong aminin!
Na hanggang ngayon? Walang iba't ikaw pa rin.
Oo,Sinungaling ako—
Kahit ipagsigawan pa sa buong mundo
Sinu—
Sinungaling ako?
Ang tangi ko lang namang ginawa'y itago ang pag-ibig ko,
Ilihim ang pag tingin sayo
Dahil alam kong mali at wala pa sa panahon
Pero,ang gusto ko lang naman ay ang iyong atensiyon
Magkano ba ang isang sulyap? ang isang tingin?
Ituro mo naman sakin kung san ko yan pwedeng bilhin,
Kahit gaano yan kamahal susubukan kong bumili
Gusto ko kasing masilayan muli ang iyong mga ngiti
Hindi ko na kasi magawang mahuli pa ang iyong kiliti—
Lagi tayong nag-aaway
Magbabati ng saglit at sa isang kumpas lang ng kamay
Hayun at tila may pader na bumaba at humarang
Sa pagitan nating dalawa,
Hindi ko namalayan na sa tabi ko, wala ka na pala!
Masakit isipin na ang bilis **** bumitaw,
Pero wala naman akong magagawa pagkat ikaw ang umayaw
Hindi ko lubos maisip kung bakit ang lumilitaw
Ako ang masama?
Kahit na sa ating dalawa ikaw ang nagpabaya?
Minahal kita ng higit sa kaibigan—alam mo yan!
Pero kung wala talagang pag-asa
Handa na akong palayain ka,
Kahit wala naman talagang TAYO
KAHIT HINDI KO ALAM ANG ATING ESTADO
Palalayain kita.
Palalayain kita para ako naman ang sumaya.
O, pluma kong kay rikit
siyang saksi sa'king hirap at sakit
siyang sumpungan sa paghihinagpis
kaibigang kung dumamay ay walang mintis

Sayo'ng piling akong aluin
sama ng loob ko'y hilumin
mga duda't alilangan ko'y pawiin
pag-iimbot ko'y tulungang palipasin

O, plumang mapagtiis
patawad sa aking pag-alis
Mga mata'y kailangan imulat
Isipan ko'y magpapahinga muna sa lahat

Aking kaibigan
aking natuklasan
bawat tinta'ng iyong iniluluha
tila ay isa ring pika

Mga salitang aking isinusulat
ay tila pika na nahambuhay na nakamarka
sa isang pirasong papel
ginugunita, inaalala bawat kasawian

bawat hinagpis at pagpupuyos ng kalooban
mgapikang nagpapaalala, muli't muling sumusugat
sa puso't isipang gustong makalimot
kaya't ika'y kailangang iwanan, aking kaibigan

masakit man sa kalooban
ngunit, marami akong gustong kalimutan
sa'king patuloy na pagsulat
sa muli't muling pagbuklat ng mga aklat

ako'y tila muling buamabalik
sa mga panahong puno ng hinagpis at pasakit
kaya ika'y iiwan
pagkakaibiga'y kalilimutan

paalam aking munting pluma
salamat sa pagdamay at sa magagandang gunita
kay bigat ng aking damdamin
sa paglipas ng panahon ako sana'y iyong magawang patawarin
Kevin V Razalan May 2020
Walang labis, walang kulang,
Kung magliyab ang pluma kong laging natatakam,
Mga salitang lilikhain nito'y namumutiktik sa sabik,
Malinggal ang dila, nagagalak kung maghasik.

Madalas ay parang lantang gulay,
Kung gumuhit ng salita ay matamlay,
'Di matuka ng uwak kung ialay,
Minsa'y kulang-palad kung panlasa'y 'di bagay.

Sa tuwing hahampas ang higanteng salot,
Rubdob ng damdamin ay mapusok,
Tatamuhing sugat ay balon na 'di maabot,
Pilat ay siyang mararanasan, patawad ko'y suntok sa usok.

Minsan nama'y isang mapagtangis,
Ulan sa ulop katumbas ay luhang hitik kaysa pawis,
Ipapatalos sa huwad **** puso ang nalasap na pait at sakit,
Sa pluma ko'y tutungayawin ka't isasakdal sa piitan ng malasahan mo rin ang pait.

Hindi na sapat ang galak na malalasap,
Gayong panulat at puso'y nakaranas ng dusa at alat,
Naglahong bula ang hiwaga nitong kaibuturan ng pusong marilag,
Sa pinta mo'y nagmistulang kahabag-habag.

Umpisahan mo ng pumikit, ng mahagilap mo rin ang sinapit,
Madalas man akong matinik , sayo'y hindi na iimik,
Nitong plumang binuling at pinatulis ko sa inani ko sa'yo,
Ngayo'y kakikintalan mo ng hayag na masakit ngunit pawang totoo.

✍: pensword
psyche Apr 2015
sumulat ako
isang napakagandang obra.
larawan **** nakaukit
sa likod ng bawat letra.
pero hindi mo napansin
ganyan ka naman eh..
laging sa malayo nakatingin.

hanggang sa maubos ang tinta ng plumang gamit ko
tinanong mo kung tungkol saan ang istorya ko...

ngumiti ako, sabay sabing...

"sa ating dalawa sana
kaso napagod na ang pluma ko
sa minsang pinangarap kong wakas"
083021

Lumilipas ang mga araw
Na tayo’y waring mga plumang
Nauubusan ng tinta.
At habang tumatagas
Ang huling patak sa ating mga timba’y
Ayaw pa rin nating magmadaling gumayak
At magpatangay sa mga sinag ng araw.

Sa unang mga paglisan ay nauubos pa ang ating mga luha
Ngunit sa mga sumusunod na kabanata’y
Tayo’y minamanhid ng tadhana.
Kasabay ng pag-usbong ng mga buhok na luma'y
Kumukupas ang mga larawang
Dati'y araw-araw na pinupunasan.

Ang bawat batiang noo'y nakatagas ang ngiti'y
Magiging pasalubong na may ibang palamuti.
Kaya naman ang hamon sa nalalabing panahon,
Ay ating sabayan ang agos
Habang ang lahat ay nakadilat pa.
Pag-ibig na laan at bihis sa ati'y
Maging kumikinang na diyamanteng
Sasalamin at aakap sa iba.
Claudee Jun 2016
sa paglagas ng mga rosas
sasamahan ko ang mayang
naghahanap ng pulang pakpak
sa ereng iyong nilisan

sa paglagas ng bawat pahina'y
hahayaang dahan-dahang lumuha
ang plumang nalipasan na
ng sandaang trahedya

at ang huling paglagas
sana ay sariling paglagas
mula sa
Zelyn May 2020
Ang nadarama'y isusulat,
Gamit ang aking plumang tanging panulat,
Sa bawat pagguhit ng letra,
kailanma'y hindi na magtataka pa,
ang pagsabay ng luhang pumapatak,
sapagkat ang puso'y may lungkot at galak.
Ang tangi lamang mithiin,
ay madama mo rin,
ang mga tulang isusulat na sa aking puso nanggaling.
Tagalog poem time 💜

— The End —