Kung ikaw ay isang senador, ano ang hakbang mo
Paano mo aalamin para malaman ang totoo
At kung alam mo na, isisiwalat mo ba ito
Kung ang madidiin ay isang kaibigan mo
Kung ikaw ay isang mambabatas, ano kaya ang gagawin
Kapag nalaman ang totoo, paano ito sasabihin
Kung ang kaibigan o pamilya ang siya namang madidiin
O patutunayan **** ang batas ay nababaluktot mandin
Kung ikaw ay isang mamahayag, paano ka magsasalita
Doon ka ba sa totoo o kung saan ka may mahihita
Lalo na kung nais mo ring sumikat sa pagbabalita
Basta ba may narinig ka'y isisiwalat mo sa madla
Kung ikaw ay isang pari o kaya'y pastor ng simbahan
Ang puso mo ba ay malapit sa taong naghandog sa 'yong kawan
Utang na loob mo ba ang iyong isasaalang-alang
Dahil ang kawan na hawak mo ay kaniyang natulungan
Paano mo ihahayag kung ikaw ay isang ****
Sa mga kabataang sa harap mo'y nakaupo
Naghihintay ng liwanag, ng dunong na isusubo
Kung ano ba ang nais mo sa kanila'y ituturo
Kung ikaw ang presidente, makakaya mo bang lahat
Ang sugpuin ang problemang sa nuno pa natin nag-ugat
Ibababa mo na lang ba ang ngalan ng Pilipinas
Upang laging mayrong tulong sa ibang bansang ngayo'y sikat
Kung ikaw na karaniwang mamamayan na tulad ko
Nag-iisip, nangangarap ng mabuti sa bayan mo
Ang makita sa 'sang sulyap, paniniwalaan ba ito
O pag-aaralang mabuti kung totoo ang narinig mo
Tayong lahat ay malaya, malaya kang magpahayag
Malaya kang maniwala kung kanino ka mahahabag
Kung kanino magagalit, kung sino ang nililiyag
Ngunit isipin mo sana ang bukas ng ating mga anak.
Paano nga kaya?