Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sebastien Angelo Oct 2018
naaalala ko pa no'n
diretso sa tindahan ng turon
pagkatapos ng ating klase
kwentuhan hanggang matapos ang hapon

'pag madilim na ang kalye
sinasabayan ka sa pag-uwi
mapalayo man sa'king bahay
kahit galit na naman si nanay

agad kang tinatawagan
paglapat ng likod sa higaan
dinadaan pa sa assignments
marinig ko lamang ang iyong boses

gumigising ng maaga
kahit lunes ay ganado't handa
makita lang ang iyong mukha.
ilang taon pa ay inamin ko na.

hindi ko alam kung bakit
masakit maging kaibigan lang
kahit sa pagkakaibigan naman
nag-umpisa ang lahat...

pero ayos lang basta ikaw
maghahangad pero maghihintay
ayos lang basta para sa'yo
masasaktan pero 'di sususuko
pasasaan ba at baka
doon din tayo mapunta
pero kung talagang hindi
'di pa rin aalis sa'yong tabi
basta ikaw...
not related to what i'm currently going through nor to any of my past experiences. this is just a form of creative experimental writing.
Crissel Famorcan Jan 2018
Elementarya ako nang pinangarap kong maging manunulat,
Kaya't nagsikap ako at natutong magsulat
Ikatlong taon ko sa hayskul nang isulat ko ang kuwento nating dalawa
Kuwentong pinangarap ko pang maipa-imprenta
Kaya't pinaghusayan ko ang paglikha at pagdetalye
'Straight to the point' at walang mga pasakalye
Maraming natuwa sa bawat tulang alay ko sayo,
Pero sa lahat ng yun? Kritisismo at pangungutya ang isinusukli mo
Ngunit hindi ko inintindi iyon at patuloy akong sumulat,
Baka sakali.. isang araw,malay ko? mata mo'y mamulat
Mamulat sa pag-ibig na ibinibigay ko,
Baka isang araw,makita mo rin yung halaga ng mga regalo ko,
Baka isang araw, masuklian mo rin yung pagmamahal kong buo
Baka kasi wala ka lamang barya,
At nahahanap ng panukli kaya ka abala,
Kaya naghintay ako ng ilang taon,nagpakatanga..
Pero mukhang di na yata ako masusuklian pa
Kaya naisip kong makuntento sa kung anong meron tayong dalawa
Pagkakaibigan.
Pero di ko maiwasang masaktan
Sa tuwing magkukuwento ka o nagtatanong tungkol sa kanya,
Hinahayaan ko na lang at least nakakausap kita!
Kahit na yung paksa natin madalas,tungkol lang sa musika
Ayos lang! Basta nakakausap kita.
Kahit nagmumukha na akong tanga
Okay pa rin! Basta nakakausap kita.
Ngunit nakakapagod din maging tanga
Kaya mahal, ako'y magpapaalam na.

Sa paglapat nitong panulat sa aking kwaderno
Ay isusulat ko na ang huling bahagi ng ating kuwento,
Tutuldukan ko na ang mga huling pangungusap
At puputulin na ang mga ilusyon ko't pangarap
Dahil kung hindi'y lalo lang akong mahihirapan
Lalo lang akong masasaktan.
Makapal na ang libro,paubos na ang mga pahina
Nakakaumay ang kuwento na pinuno ng mga luha
Panahon na sinta ko upang mag umpisa akong muli,
Hindi ko na hihintayin ang hinihingi kong sukli
Pagkat panahon na rin upang sumaya akong muli.

Salamat sa lahat ng alaala
At pasensya na sa mga abala
Mahal ito na ang huli kong regalo
- Hindi ko na ibabalot pa
Pagkat alam kong wala ka rin namang pagpapahalaga
At sa huling pagkakataon,gusto kong malaman mo,
Na may isang AKO na minsang nagmahal sayo.
Ito na ang huling pahina ng ating libro
At sa pagsara ko dito,kasabay ang paglisan ko sa mundong ginagalawan mo.
kiko Sep 2016
Nung linggo, napadaan ako sa nbs nakita ko kasi sa facebook yung libro ni Juan Miguel
sabi ko, bukas bibilhin ko to.
para pag pumunta ulit ako sayo, may babasahin ako pag hinihintay kita
nung lunes, binili ko.
tanda ko pa kung gaano ko pinipigilan yung sarili ko na ilipat sa susunod na pahina nung sinimulan ko
isip-isip ko kasi, baka sa martes o sa miyerkules pa tayo magkita
baka maubusan ako ng tula
di naman kasi tayo yung klase na nag-uusap sa labas ng kwarto
mas mahaba pa nga ata ang tulang ito kaysa sa palitan natin ng mga salita pag hindi tayo nakahiga sa kama
dumaan ang martes,
miyerkules,
baka may ginagawa lang
huwebes kinausap kita ang sabi mo
“May tao dito, pagod na din ako. Sa susunod nalang”
mahal, tumango lang ako. Wala namang tayo. Ano bang karapatan ko sayo?
nung biyernes, sinubukan ko ulit
tinanong kita kung may ginagawa ka ba
sabi mo
“wala pero matutulog na ko”
sinagot mo ko habang nakatayo ka sa kabilang kalsada, di mo ko nakita pero nandun ako.

Nung isang linggo, mahal mo ako.
Alam ko na mahal mo na ko nun.
Tinanong mo ko kung mahal na kita, ngumiti nalang ako.
mahal.
mahal,
mahal na kita.

minahal kita nung unang pagsikat ng araw na nagising ako sa yakap mo
minahal kita sa unang paglapat ng labi.

mahal, sa tuwing natutulog ka ibinubulong ko sa labi mo na mahal na kita.

mahal, dati nung ako pa ang kasama mo matulog binubulong ko sa labi mo na mahal kita.
041716

Naakit ako sa linyang pahalang at patayo,
Mga detalyeng pinira-piraso.
Sabi ko sa sarili: saulo ko na ang istilo Mo
Pero sa bawat pahina'y nabibighani pa rin ako.

Hindi ko alam kung kaya ko,
Magtiyaga man ako pero hanggang kailan kaya?
Kung maglalaan ako ng sentimo sa araw-araw,
Ako'y pulubi pa ring manlilimos Sayo
Sasahod at maghihintay.

Masisilayan ko ang pundasyon
Ang mga bakal na kinalawang
Sa bodegang inimbakan.
Pagkat malayo pa ang byahe,
Bagkus sinelyuhan ng langis
Ang may tagas ng pagbabago.

Ang halo ng semento, ni hindi naging pribado
Nasa hulog ang mga poste
Gaya ng minsang banging tinalunan ko.
Ako'y malaya sa pagsilip
Ng paglapat ng palitada sa tigang na kahong sementado.
Ramdam ko ang gaspang ng kahapon,
Ang kurba ng mga bakal na di patitibag
Sa kaibuturan ng pundasyong timplado.

Ilalatag ang sahig na papagpagan sa araw-araw
Ihahalik ang mga paa nang may pagpapakumbaba
Huhubarin ang saplot nang kalingain ang lupa
At ihihimlay ang mga paa't mamamahinga.

Pagmamasdan ko ang mga kahoy na malapad
Isang dipa, dalawang dipa at higit pa
Mapapatingin sa langit na hubad sa bituin at buwan.
Ang bubong na siyang sasaklolo sa umuubong baga
Mga kahoy at bakal na matibay
Sasalo sa bigat ng orasyon ng klima.

Bubuksan ko ang bintanang may iba't ibang pagkapinta
Ni hindi pumapalya ang eksena na bumubusina sa umaga
At sa gabing hamog ang yakap sa dilim,
Kagat ng niknik, siyang sining sa maalat kong balat.
Tanging kumot ng grasya,
Pantago't pantapal sa pagkataong nilalagnat.

Nakakaakit ang plano, maging itsura nito
Kaya nga magtiya-tiyaga ako,
Hanggang sa masilayan ang tunay na disenyo.
Hindi lang ako ang lalaban sa presyo,
Oo mahal nga, ganyan ang pagtingin Mo
Tataya ako, pagkat kliyente lang ako
At alam kong linya Mo yan,
Ikaw ang aking Arkitekto.
CulinViesca May 2017
Hindi ko inasahan
Na ako'y mahuhulog sayo,
Na dati wala akong pake sayo
Na dati hindi kita gusto.

Kumbaga ako ang umaga at ikaw ang gabi
Na kahit kailan hindi pwedeng mapag isa,
pero nagkamali ako.

Pinilit kong hindi mahulog sayo
sa takot na hindi mo pagsalo,
Pinigilan ko ang nararmadaman ko
na akala ko'y may ibang nagmamahal sayo,
Na akala ko'y may iba kang gusto.

Pero ikaw na mismo nagbigay ng motibo
nung araw na inamin mo ang nararamdaman mo.

Nung inamin mo na ako'y mahal mo
bumilis tibok ng puso ko
nung sinabi mo,
ang salitang iyon.

Tumahimik ang paligid
na tanging tibok
ng puso ang aking naririnig.

Ang paglapat ng iyong labi
tila ba'y ang mundo
ay sanadaling tumigil.

Hindi ako makahinga na
para bang nawalan
ng hangin ang paligid.

Ang aking bibig parang napipi
dahil niisang salita hindi masabi,
Ang aking mata sayo'y nakatitig
Ramdam ko ang pamumula ng
aking pisngi na dahilan ng iyong pagngiti.

Na ngayon ikaw ang alon na
sumasalubong saaking mga paa,
ikaw ang araw sa aking umaga
ikaw ang buwan sa aking gabi,
ikaw dahilan ng pagngiti.

Ang takot napalitan ng pagasa
ang lungkot napalitan ng saya,
hindi inaasahan na ako'y mas mahulog na pala,
at sinabi din ang salitang MAHAL DIN KITA.
#CLN#DyLein
kiko Oct 2016
Pagpasensyahan mo na ko,
hindi ako sanay sa mga yakap at lambing
bago kita makilala, nakakahiya mang aminin
ang pagdampi ng mga labi at ang init ng mga yapos
ay alam ko lamang sa salita, sa bawat paglipat ko sa panibagong pahina ng mga aklat kong minamahal.

Mas masarap pala sa totoong buhay.
Dahil konkreto ka,
ang iyong mga mata ay hindi lamang habi ng aking kaisipan
at ang iyong mga salita ay hindi akin.

Totoo ka.
Masarap pala sa pakiramdam ang paglapat ng dalawang katawan,
dahil kahit kailan hindi ako naging komportable sa paglubog ng kama sa aking likudan
alam ko din na ayoko ng bigat ng ibang braso sa aking baywang
pero noong unang gabi na nakapatong ang ating mga ulo sa iisang unan
at ako’y tila bihag sa braso **** kulungan
Napatanong ako sa aking sarili “Ganito ba ang tahanan?”

Pero mahirap din kapag nakatikim ka ng ginhawa,
nakalimutan ko na tayo nga pala’y dalawa
at ito ay hindi lamang para sa akin.
Ang kalayaang kong pumili ay taglay mo din
Hindi mo nga pala utang ang mga sagot sa mga tanong na bumabagabag sa akin
at malaya ka.
Malaya kang tanggalin ang pagkabuhol ng ating mga daliri
Dahil hindi iisa ang ating mga kamay
at hindi din tayo iisa ng kaisipan.

Posible nga pala na magkaiba ang bilis ng daloy ng dugo at ritimo ng bawat tibok

Kaya naiintindihan ko at pagpasensyahan mo ako.
Masyado lang akong uhaw sa pagmamahal.
Sa tagal na panahon na pinagkait ko sa sarili ko,
sa pamamagitan mo, kaya ko nang tumingin sa salamin
at hindi makaramdam ng galit na sa tuwing umaga
meron pa ding hininga,
meron pa ding pagtaas at pagbaba ng dibdib.

Masarap palang huminga at ayoko lang ng tikim.
𝙰𝚗𝚗𝚎 Feb 2018
hindi naman talaga ako marunong magsulat
pero nang dahil sa'yo
nasimulan ko

hindi ko din alam kung paano ito tatapusin
pero nang dahil sa'yo
nagawa ko

paano nga ba magsulat?
unang letra, pangalawa, pangatlo
hindi ko namalayan na sa unang pagtingin ko
sa unang paglapat ko ng papel sa lamesa
sa unang paggalaw ng panulat ko

...dumaloy na ang mga salitang
hindi ko akalaing manggagaling
sa mismong mga kamay ko

"isang araw..."
diyan din naman tayo nagsimula
diyan tayo unang nagkita, nagkausap at nagkatinginan
lahat naman nagsisimula sa isang araw hindi ba?

at magtatapos din sa "wakas"
ang wakas kung saan magiging masaya na ang lahat
ang wakas na hindi na pwedeng madugtungan pa
ng kahit anong problemang magbibigay kalungkutan

pero bakit?

kahit alam kong wakas na
kahit alam kong tapos na, tigil na, hinto na
bakit hindi ko pa din mapigilan
ang paggalaw ng kamay ko sa itaas ng papel?
ang pagagos ng mga letra sa utak ko
na para bang ako'y lalamunin na?

"nasasaktan ka na"
bulong ng utak ko sa puso ko
"kaya ko pa"
sagot naman ng puso ko pabalik
"di ka pa ba pagod?"

mga huling salita na nagsasabi sa'king tumigil na
mga salitang matagal ko ng hinihintay
mga salitang dapat matagal ko nang napagtanto
at hudyat na dapat itigil ko na

akala ko ba, nang dahil sa'yo, magiging madali na lang?
akala ko ba, nang dahil sa'yo, mahihinto ko agad?
bakit parang bumaliktad?
bakit parang, nang dahil sa'yo mas humirap

nang dahil sa'yo
humirap magsimulang muli
humirap maghanap ng panibagong papel
na pagsusulatan ko ng bagong kabanata
humirap ihinto ang mga pangungusap
na aking nasusulat nang ako'y nagsimula

kailan ba 'ko hihinto?
pati ba naman itong tula ay hindi ko matapos
dahil hanggang dito, ikaw pa din ang dahilan
ikaw ang dahilan kung bakit ko ito sinimulan sinulat, dinama, pinagisipan

alam ko...

alam ko darating ang araw na mararating ko din ang wakas
ang wakas kung saan wala ng "dahil sa'yo"
ang dulo kung saan mahihinto ko na ang pagsusulat ng kabanatang ito
ang kabanatang nagbigay sa akin ng ligaya, ngunit masakit na karanasan
ang kabanatang hanggang nakaraan na lang

at pag dumating ang araw na iyon
muli ko nang mararamdaman ang saya sa pagkuha ng bagong papel
ang saya sa paglinis ng aking panulat
at…
ang saya kung saan mababanggit ko na ang katagang, "sawakas"

masasabi ko na din ang pasasalamat ko sa iyo,
na nagbigay sa akin ng papel at
matitingnan ko na din ng maayos
ang panulat na ikaw mismo ang nagbigay.

— The End —