Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Gusto ko simulan ang tulang ito sa tanong na "kamusta kana?"
Kamusta na ang taong minahal ko ng sobra pa sa sobra
Naging malungkot kaba nung ako'y nawala?
O naging masaya dahil wala na ako sa tabi mo sinta

Nagbabaliktanaw ako sa mga ala-ala noon na ating binuo
Naging masaya naman tayo
Kaya di ko alam anong dahilan mo para mag bago
Para masaktan mo ako ng ganito
Para iparamdam mo sa'kin na hindi ako kawalan mo
Para ipamukha mo sa'kin na wala na talagang TAYO
At ngayon napaisip ako kaya ka pala nagbago kasi may bago na palang nagpapatibok ng puso mo

Di ko mapigilan hindi magalit
Di ko mapigilan na hidi masaktan
Di ko mapigilan na lumuha hanggat gabi patungong umaga
Di ko mapigilan na tanggapin na ako nalang yung naiwang tanga
Tanga na umaasa na magkabalikan pa tayong dalawa
Umaasa at nagmamakaawa "Pakiusap mahal, usap tayo. Ayusin natin to"
Pero sarili ko lang pala ang niloloko ko
Kasi nakikita na kitang palayo at hindi na maaabot
Nakikita na kitang naglalakad kasama siya habang puso ko'y kumikirot

Kaya sa huling pagkakataon
Binalikan ko ang dati nating tagpuan
Nagbabasakali na ikaw ay madatnan
Pero namulat ako sa realidad na may mga bagay palang di na pwede maging katotohanan
Kaya heto nagbaliktanaw nalang ako sa mga magandang ala-ala na akin paring hinahawakan
Kasabay ng pag-agos ng alon ay ang pag-agos ng luhang nagasasabing kailangan ko na 'tong bitawan

Kaya ngayon tatahak nalang ako ng ibang landas
Maglalakad ako, pilitin na ang mga nangyari sa'ting dalawa ay maya-maya ay kukupas
Maglalakad ako, habang wala ka na sa tabi ko, yung taong minahal ko ng wagas
Maglalakad ako, maglalakad ako
Pero  lilingon parin ako at makikita ko ang iyong mga bakas
Bakas na patunay na ikaw ay naging totoo
At hindi panaginip na nilikha ng imahinasyon ko
Na merong ikaw na pansamantalang minahal ako
Merong ikaw na minsan ay ginawa kong mundo
Merong ikaw na tinanggap ng buong-buo at
Merong ako na sinubukang lumaban pero sa huli meron paring ikaw na bumitaw nalang ng bigla-biglaan

Hanggang ngayon naglalakad parin ako dala-dala ang katangang "Pinagtagpo pero di tinadhana"
Yan nga siguro kasi ang kwento nating dalawa
Ang mga landas natin na wari'y nagkita,
Ngunit hindi inalaan para magkasama.
Maglalakad ako, hanggang sa malimutan na kita mahal ko
Marge Redelicia Jun 2015
ang pangalan niya ay jesus.
oo, ang pangalan mismo ng kaibigan ko ay jesus.
seryoso ako.

si jesus
ay siyang dalaga,
morena, kulot ang buhok.
ang lalim ng mga dimples at
may mga pisngi na kay sarap kurotin.

parang musika ang himig ng kanyang tawa
at hindi kumpleto ang kanyang mga bati
kung walang kasamang yakap na kay higpit.
hindi ko gets kung bakit
hindi siya kumakain ng tinapay ng walang asukal.
at nakakatawa lang kung paano
lagi siyang may baon na sachet ng bear brand
na pinapapak niya kapag siya ay naiinip.

si jesus
ay isang iskolar,
magna *** laude standing,
bise presidente ng kanilang organisasyon.
balak mag law school pero may tumanggap na
nakumpanya sa kanya sa bgc.
meron din siyang mayamang boyfriend na
hinhatid siya pauwi sa taytay, rizal gabi-gabi.

huwebes ng nakaraang linggo,
bandang alas dyis:
si jesus
ay natagpuan sa labas ng kanilang bahay
walang malay
nakahandusay sa kalye.
sinugod sa ospital para kalagayan ay masuri.
ano kaya ang nangyari kay kawawang jesus?
heat stroke, stress, fatigue, high blood, food poisoning?
kulang lang ba sa tulog o pagkain?
walang natagpuang hindi pangkaraniwan kay jesus.
normal lang daw ang kanyang kalagayan
maliban lang sa paghinga niya na
tila humihikbi pero walang luha.
ilang oras din ang nagdaan bago si jesus
ay tuluyang nagising.
ang sabi ng doktor tungkol sa kanya:
depresyon, malubhang pagkalungkot
ang tunay at nag-iisang sanhi.

dahil kay jesus,
napagtanto ko na
hindi porket nakangiti,
masaya.
hindi porket bakas ang ligaya sa kanyang labi,
wala nang lungkot at lumbay na namamayani sa kanyang mga mata.
hindi porket ang lakas humalakhak kapag nandyan ka,
hindi na siya humihikbi, humahagulgol kapag wala siyang kasama.
hindi porket parang musika ang kanyang tawa,
hindi na siya umiiiyak nang umiiyak nang paulit-ulit-ulit na parang sirang plaka.
kasi
hindi porket masigla,
hindi na napapagod.
hindi porket matapang at palaban,
hindi na nasasaktan.
hindi porket laging nagbibigay, nag-aalay,
wala nang mga sariling pangangailangan.
hindi porket matalino,
ay may alam.

dahil kay Jesus,
ako'y namulat
na ang dami palang mga walang hiyang tao sa paligid ko
na nagsusuot ng mga maskarang pantago
sa kanilang mga kahinaan, takot, at sakit.
sa kabila pala ng kanilang mga yaman, tagumpay, talino, at
kung ano-ano pa mang sukatan ng galing
kung saan kinukumpara natin ng ating sarili
may isa palang
nabubulok, naagnas
na kaluluwa.

dahil kay jesus,
ako'y nalulungkot.
mata ko ay naluluha,
puso ko ay kumikirot
na may mga tao palang katulad niyang
naglalakbay nang di alam kung saan pupunta.
nangangarap na huwag na lang magising sa umaga.
nakuntento na lang sa wala.

dahil kay jesus,
ako'y naiilang
na ang nagaganap sa aking harapan
sa loob ng paaralan, bahay, o opisina
ay hindi tama.
maling-mali na
ang mga tao sa aking paligid ay nakakulong
sa selda ng anino at lamig.
hindi ito ang kanilang nararapat na tadhana.
hindi ka ba naiinis?

dahil kay jesus,
may apoy na nagpapaalab sa aking galit
nagtutulak sa akin na tumakbo
hangga't hindi natatama ang mali.

at lahat 'yan ay
sapagkat alam ko sa aking isip at puso na
dahil kay Hesus
lahat ng kahinaan at takot ay hindi na kailangan ikubli.
ilalapag na lang sa harap Niya
ang anumang alinlangan o mabigat na karamdaman.
wala nang pagpapanggap.
buong tapang na ipagmamalaki na
ito ay ako.
kasi ano man ang mangyari at kung sino man ako maging
ang tunay na dilag, dangal, at tagumpay
ay tanging
sa Kanya nakasalalay.

dahil kay Hesus
may ligaya at kapayapaan na hindi kaya matalos ng isip.
banayad ang layag
anumang dumaan na bagyo.
matatag nakakatindig
kahit yumanig pa ang lupa at magunaw man ang buong mundo.
dito sa dagat na kay lawak at lalim
hindi lalangoy,
kundi maglalakad, tatakbo,
lilipad pa nga sa ibabaw ng mga alon.

kay Hesus
may liwanag na pinapanatiling dilat
ang aking mga mata.
ano mang karumaldumal na karahasan ang masilayan,
hindi ako napapagod o nawawalan ng pag-asa.
hindi makukuntento at matatahimik.
hindi tatablan ng antok.
araw-gabi,
ako ay gising.

dalangin ko na sana puso mo rin ay hindi magmamanhid
na kailanman hindi mo masisikmura at matatanggap
ang kanilang sakit.
tulad ng dalagang si jesus
gusto nila ng pampahid para maibsan ang hapdi.
pero ang mayroon tayo
ay ang lunas, ang gamot,
ang sagot mismo.
tagos sa balat, sa puso diretso.
ang gamot ay ang dugo
na dumaloy sa mga palad Niya.
ang pangalan Niya ay Hesus.
*Hesu Kristo.
a spoken word.
leeannejjang Jun 2015
Parang  alaala na ang sarap balikan,
Lumipas man ang mga sandali sana'y ikaw andyan.
Isang araw ako'y nakakita
Ng bulalakaw sa kalangitan,
Pumikit. Humiling.
Na sana bigyan ako ng pagkakataon ikaw ay makapiling.

Tayo  daw ay nagkakilala sa maling panahon,
Ngunit kailan ba naging mali ang pagibig na totoo?

Sana tayo'y pagbigyan ni inang tadhana,
Tatlo, dalawa o kahit isang araw lang,
Maparamdam ko lang na ikaw...
Oo, ikaw na nga at wala ng iba ang sinisigaw ng puso ko sinta.

Maglalakad ako ng nakuluhod,
Kahit pa saan sulok,
Marinig lang ang dasal ko na maging tayo.
Kahit kidlat man yan o bagyo ay susuungin ko,
Para lang sa iyo.

Kaya sana samahan mo ako,
Hawakan ang mga kama'y ko,
Pangako sa'yo hindi ko bibitawan ito.
Dahil alam ko at ng puso ko,
Na tayo sa habang panahon.

Ngunit tulad ng bulalakaw nung araw na iyon,
Ikaw'y naglaho kasama ng pangako,
Ako'y binitawan sa gitna ng bagyo.
Ngayon isa ka na lang alaala sa buhay ko
na dati ay umiikot sa iyo.
Sarrah Vilar Sep 2016
Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Nagpanggap ako na hindi ko alam na sa unang sulong mo pa lang,
Balang araw ay uurong ka rin—maglalakad palabas.
Pero mali ako—mali ako sa parteng dahan-dahan kang aalis—tumakbo ka.
Parang pananahimik ng paborito kong kanta
Pero ang paborito kong kanta ay maaari kong ulitin
Kung sa unang pagkakataon ay hindi ko siya nabigyang-pansin.

Hindi mo naintindihan na hindi lahat ng pagmamahal
Ay maaari lamang patunayan sa mga salitang "mahal kita."
Mahal kita hindi man sa paraang ginusto **** marinig
Pero mahal kita sa mga lumipas na gabing hinehele tayo ng mundo
Habang nakikinig sa mga puso nating nagdadabog hindi dahil sa galit
Kundi dahil sa tindi ng hampas ng ating mga damdamin.
Mahal kita hindi sa paraang tenga mo lang ang magsasaya.
Mahal kita kahit nung panahong gininaw ka sa lamig ng damdamin ko.
Mahal kita nung isang araw na dumaan ka sa harap ko—dumaan ka lang.
At tinakasan ang titig ng aking mga mata.
Mahal kita nung sandaling 'yon na parang hindi mo na ako ginustong makita.

Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Hinawi natin ang kalawakan para pag-ibig naman natin ang mangibabaw.
Nahiya pa nga noon ang mga bituin dahil sa kinang ng ating mga damdamin—
Kinang na nagpabulag sa atin sa katotohanang
Sa dinami-dami naman ng bagay na ikagagaling ng ating pagtatapos
Ay talagang sa panggugulat pa.
Para tayong bitin na kwento—natapos na pero gusto mo pa.

Kaya hanggang ngayon, dinadalaw pa rin ako ng patay nating relasyon.
Hindi lang sa gabi pero sa umaga, sa tanghali, sa hapon—
Sa bawat oras na 'yung paglimot natin sa isa't isa ay parang larong taya-tayaan—
Hindi mahuli taya kundi mahuli tanga.
Pero, oo, tanga na kung tangang ninanais ko pa ring higitin
'Yung damdamin mo pabalik sa 'kin.
Tanga na kung tangang na'ndito pa rin ako kung sa'n mo 'ko binitawan.
Tanga na kung tangang nagkulang ako.
Wala nga sigurong pagkakamali ang maitatama pa.
Ang tanging magagawa ko na lang ay 'wag na 'yun ulitin pa.

Kaya,
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
'Wag ka naman muna humakbang palayo.
Gumawa ULIT tayo ng panibagong alaala.
Magkasama naman nating pakalmahin 'yung bagyong idinulot natin sa isa't isa.
Samahan mo naman ULIT akong humiga sa karagatan
Habang ipinaparinig mo ULIT sa 'kin 'yung kwento kung paano ka natutong lumangoy
Sa sakit, sa hirap, sa lahat ng ibinabato ng mundo sa 'yo.
Ikwento mo naman ULIT sa 'kin. Lahat. Makikinig na ako.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
(a spoken word piece)
Stum Casia Aug 2015
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
tatlo ang maglalakad nang napakalayo,
mula pinakamasikip na eskinita sa Valenzuela
hanggang pabrika para makatipid sa tricycle.

Sayang din kasi.

Dalawa siguro sa tatlong yun, babae,
may tig-isang anak na dumedede pa
at hindi pa talaga maiwan pero kailangan nang iwanan
kahit mahigpit ang pagkakakapit sa tuwing paalamanan
dahil mas mahigpit ang pangangailangan.

Sa sampung rin sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung nagbabaon ng kaning tinipid nung hapunan
at ulam para hindi na bumili sa kainan.
Yung isa siguro kakain na lang ng biskwit at tubig.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung hindi na magbebreaktime para magmeryenda.
Sayang ang bawat minutong titigil sa paggawa ng tsinelas,
baka hindi umabot sa quota, baka mawalan ng trabaho bukas.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
dalawa lang ang nagpapansinan sa oras ng trabaho-
yung magkaedad at magkatabi.
Sayang ang bawat minutong tatakas ang atensyon
sa ginagawa, baka mareject ang gawa, baka tuluyan nang tumunganga.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung hindi pa nakaranas ng fire drill.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung walang benepisyo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung mababa ang sweldo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung inaasahan ng pamilya.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa ang hindi mo kilala
kaya wala kang pakialam
mabigyan man sila o hindi ng hustisya.
Mysterious Aries Sep 2015
Galit na galit ang asawa, anak at kababayan ni Pepe

Pano nga naman, ang napulot ni Pepeng tatlong daang libo ay ibinalik sa may-ari...


"Kung di mo ibinalik sana ay di na tayo magdidildil ng asin"
ang may galit na sambit ng kanyang asawa...

"Kung di mo ibinalik sana ama ay di na ako araw-araw maglalakad patungo sa eskwela"
ang may paninising salita ng anak...

"Kung di mo ibinalik sana Pepe di hindi na kayo maghihirap"
ang may panghihinayang na usal ng kanyang mga kababayan...


Tumingin sa kanila si Pepe at nagsalita

"Aking asawa, aking anak, aking kababayan
Hindi ang ganyang ugali ang nais kong inyong matutunan
Dahil higit sa lahat nais kong inyong malaman
Na hindi lang tayo sa lupa... nag-iipon ng YAMAN"...


Written: November 30, 2011 @ 11:00 am
Nom de plum: Mysterious Aries
kingjay Apr 2019
Sa tag-init ay nagdidikdik ng asin
Sa tag-ulan ay kakainin ang bunga ng pananim
Ano ito ang nakatagong sakit
na ipinunla ng mga luha

Dahil sa hindi masabi sabi
ang sinta
kaya ba na muntik na gawin ang pangkukulam kay Dessa
Kasalanan na kaagad may parusa
Lumalalim na ang tampo sa kanya

Pagsuyo na pinag iingat-ingatan
ay punyal na nakatarak sa puso't isipan
Mas mabuti kung nakakalimutan
Ngunit sumpang ala-ala na bumabalik hindi nagtatahan

At kapag lasing na ay nagiging madaldal
Mahangin ang wika, sa kataas - taasan ay umaapaw
Kung mananahimik ay parang nakakulong sa bahagi ng mundo

Sa prusisyon ay hindi maglalakad
Ang luhang dumausdos sa pisngi ay wala ng makababakas pa
kahit patak man ng natutunaw na kandila
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
kingjay Feb 2019
Unang pagtingin ay hindi lang paghanga
Sa nag-uumpisang ganda ni Dessa
Nangingimi pa na ngumiti
Kapag maglalakad ay kailangan akayin

Diwata sa katauhan ng dalagang-bukid
Karaagan na nais iguhit
Ipagdasal sa mga patron at santo nang hapit
Sana'y makarating ang dinadaing

Tanglaw ng bituin sa umaga
Nakasisilaw na silab
Nang nag-aalinlangan na sa nadarama
bakit inaalala pa ang larawan niya

Pakawalan ang salarin
nang nadakip ng tinatakasang damdamin
Aniban sana ng Reyna-
Abogado na magdedepensa

Kung mangyari na masiil
at wala na makapagtataguan
ipagtatapat sa hukuman-
sa pusong hukom
na nagkasala sa pag-iibigan
Nagsimula na ang bilang mo,
Isa, dalawa, tatlo,
Nagsimula na ang aking pagtakbo,
Apat, lima, anim,
Nagtago na ako mula sayo,
Pito,walo,siyam,
Napakadami na ng aking hinakbang papunta sa dilim,
Takot man ako sa mga nilalang ng kadiliman,
Handa akong tumakbo papunta rito,
Basta’t makalayo lamang sayo.

Hindi ko na narinig ang pagtatapos ng iyong pagbibilang,
Hindi ko alam kung sino na sa atin ang nagtatago’t naghahanap,
Patapos na ba ang ating laro?
Kaya’t uuwi ka na lamang, at magpapahinga sa bahay niyo?
Lumalalim na ang gabi,
Natatanglawan na tayo ng mga bituin,
At mga alitaptap na tila kumikislap ang mga pakpak,
Ikaw ba’y naglalakad palayo sa akin?
O ako ba ay tumatakbo lamang paalis?

Gabing gabi na,
Tayo pa rin ay nagtataguan sa ilalim ng buwan,
Maglalakad na ako mula dito sa aking taguan,
Papunta sa iyong tahanan,
Wala na akong pakialam,
Kung ako man ay mataya o di kaya’y madapa,
Basta’t matapos na ang ating taguan,
At pagkakita ko sayo,
Sa dati **** pwesto,
Natapos ang iyong pagbibilang,
Sampu, narito na ako, nahanap na kita,
Hindi pala ikaw ang taya,
Aking mga mata lamang pala ay dinadaya,
Natapos din ang ating taguan,
Nahanap na kita, nahanap mo na ba ako?
Brent Aug 2017
nalaman ko lamang ngayon
na tayo ay di nababagay
sa takbo ng realidad
na ating kinabibilangan

sabi nila
kapag sila'y magkasama
humihinto ang oras
ngunit kapag ika'y kasama
patuloy na umaandar ang mga kamay sa aking relo

bibilangin ang bawat segundong pumapatak
habang dinaramdam ang haplos ng iyong palad sa aking kamay

at sa bawat minutong daraan
ay mamasdan ang iyong mga puwang sa gitna ng iyong mga daliri
at kung bakit tugma lamang kapag pinatong ko ang akin
tila ginawa ang iyong mga daliri upang punan ang mga puwang sa aking sarili

ngayo'y ako'y maglalakad
hawak ang iyong kamay
at mamumuhay sa taliwas na realidad
at ikaw ang aking karamay
I am now finding my words. Thank you.
cherry blossom Jan 2018
Gaano ka kasigurado sa paligid na ginagalawan mo?
Isang araw ay maglalakad ng walang bigat sa mga balikat
Ninanamnam ang bawat haplos ng hangin, ang ginhawang dala nito
Bibigyan ng dahilan ang hindi at oo
At isang araw ay magmamasid
Sa mundong parang hindi ka naging parte nito
Itinulak ng tadhana palabas at hindi na nakatago
Ginapos ng hinagap at hindi na nakatayo
Ano pang silbi ng mga paa ,
Ng labi’t mga mata?
Tinalikuran ka na rin ng sarili **** isipan
Di tanggap ang pagtraydor ng akala mo’y iyo
Inuulit ang mga dasal bago kalimutan ang lahat
Sadyang hindi makailag sa pasaring ng mundo
Hinihiling na tumigil na ‘to
Tigil na
At kung hindi, ako na lang ang hahayo.
01/04/18
gaano katagal dapat maghintay?
Para kay B.
Shewrites Jul 2018
Maglalakad na
Ako palayo

Palayo sa
Mga ala-ala

Palayo sa
Nakaraan

Palayo sa
Ating dalawa

Patungo sa
Lugar na

Wala na ang

Ikaw at Ako.
John Emil Jan 2018
Asan ka?
Nawawala ka na?
Mahahawakan pa ba kita?
Bumalik ka na?
Sabay pa tayo maglalakad di ba?
Papalayo sa mundong mapanghusga
Di tanggap ang ginagalawan natin sinta
Kaya't halika na
Hinihintay na kita
Ako, ikaw an sarili kong nawawala!
Shynette Oct 2018
Pumapatak na naman ang ulan
Hindi ko alam kung hanggang kailan
Titigil ang malakas na pagbuhos nito
Dahil nais ko ng umalis, nais ko ng lumakad papalayo
Kaya sana huminto na ang ulan
Para ako na'y malayang lumisan
Ayoko ng manatili pa rito sa aking kinaroroonan
Dahil sa mga matang mapanghusga
Kaya sana nama'y huminto kana at makisama
Maglalakad lang ako palayo
Palayo kung saan malayo sa mga tao
Pangako pag ako na'y nakalayo
Hinding hindi ko na hihilingin pang ika'y huminto
John Emil Jan 2018
Yung di tayo magkakilala
Tipong ngayon lang nagkita
Yung kinakausap kita
Na tila hangin ka lang pala

Yung ngingitian mo ako
Kahit alam **** malungkot ako
Tatayo at malakas natatawa
At sasabay ang patak ng aking mga luha

Sabay aper sayo
Tapos kakaway ka palayo
Hahabulin kita
At  titigil ka bigla

Ikay bibigkas ng malakas
Bulong lang saakin an lakas
Maglalakad tayo
At di na muling magtatagpo
Louise Dec 2024
(𝘢𝘧𝘵𝘦𝘳 𝘈𝘣𝘯𝘦𝘳 𝘋𝘰𝘳𝘮𝘪𝘦𝘯𝘥𝘰)

Kung sasabihin kong nahulog ang loob ko sa iyo, baka mas lumayo ka pa mula sa kinatatayuan ko. Patawad, pero nahulog ang loob ko sa iyo.

Kung aanurin man ako nang maraming-maraming beses, at kung totoo ngang may pwersa ang dagat Pasipiko, tatangayin ka na nito bukas palapit sa akin.

Mahal kita pero ilang kanta na ba ang napakinggan **** nagsabi noon, kaya ganito na lang: Kanina, naalala kita, kaya dinagdagan ko ng keso ang aking tsokolate.

Babalik ako ng Siargao na banayad ang dagat, walang alon. Inisip ko na baka ninakaw mo rin ang kuryente ng anod at sinilid sa maleta mo noong lumisan ka ng Enero.

Kung maglalakad akong duguan ang paa at pasa-pasa ang kamay patungo sa iyo, gagabayan ako ng alon ng iyong puso at dagitab ng iyong mga mata. Hayaan mo akong malunod kapag sa wakas ay nagtagpo muli tayo.
after Abner Dormiendo's "Sa Antipolo Maraming Nakatayông Resort"

— The End —