Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Jan 2020
Ikaw ang takbuhan sa mga oras na walang wala..

Ang ibig kong sabihin sa walang wala ay yun bang walang wala na kong maibuhos na luha,

Walang wala na kong malapitan,

Walang wala na kong makapitan,

Wala nang gustong makinig,

Wala nang interesado, naubos na kasi ultimo ang para sa sarili.

Ikaw lang ang natatangi.

Ang lakas pala ng loob kong magalit sa mga mang-iiwan, naisip kong wala rin pala akong karapatan.

Ganoon din ako..

Binitawan kita kapalit ng kasiyahan.

Nakangiti ka sa akin habang hinahatid ako sa napakagandang hantungan.

Baligtad na ang mesa.

Nandito na ko.... muli.

Lalakad patungo sa iyo na may dala dalang pluma at papel

Iguguhit ang pait, ngingiti dahil ito na naman tayo sa puntong ito at hindi ko mahanap ang mga tamang salita

Nalimot ko na ata ang tamang pakikipagtalastasan.

Alam kong mauuwi na naman sa tipikal na kamustahan.

Hindi ko inakalang babalik tayo sa nakaraan habang umuusad ang mga kamay ng orasan

Mapagbiro.

Hindi ako handa sa pagsalubong ng taon

Bakit ko nakikita ang mga aninong matagal nang nilamon ng liwanag

Bakit muling nagdurugo ang mga sugat na matagal nang naghilom

Hindi ako naniniwala sa swerte.

Walang swerte. Walang sumugal na hindi natalo.

Buti na lang mayroon akong babalikan.

Ikaw yung kaibigan na hindi lumilisan.

Matagal ang isang taon,

Sumulat ako ng mga tulang kawangis mo

Binuo ko sila na parang mga bahagi ko

Akala ko ay tapos na...

Kung ang pagsulat ay paglaya, hindi ba dapat ay nakakalag na sa akin ang tanikala?

O mali.. baka wala talagang paglaya

Paano kung nililibot ko lamang ang malawak na hawla nang may huwad na pag-asa?

Minasdan ko ang obrang nilikha ng dekada,

Makulay, sa unang tingin ay puno ng pangarap

Parang nobelang nagsasalaysay, at kapag naroon ka na sa kasukdulan ng tunggalian,

Nanaisin **** isara ang pahina..

Makikiusap ang nobela sa isang pagkakataong sana'y siya ay tapusin hanggang huling kabanata...

Napaluha ako ng matindi dahil isa pa lang trahedya ang nobela.

Teka.. teka..

Buburahin ang ilang metapora.

Masyadong madrama.

Malayo sa imaheng gusto kong makita at ipakita

Ngunit tila hindi hawak ng aking kamay ang panulat,

Hinablot nang marahas ng pusong gustong kumawala

Ganon ata talaga sa muling pagkikita pagkatapos ng matagal na pagkakawalay...

Puno ng emosyon.

Magugulo ang burador, wala nang patutunguhan ang tula.

Hindi bale.

Hindi naman dapat na maging maganda ang porma ng tula,

Hindi importante ang sukat at tugma,

Sa susunod na babasa ka ng tula,

Nagbibigay ka ng tunay na pag-asa sa may akda.

Kasinungalingan ang bigkasing masaya ako, ngunit aaminin kong may tuwa, may katiting na pagsigla sa muli nating pagkikita,

Maraming salamat, Sining ng Malayang Pagsulat.
This is my another piece which is written in Filipino. And, it is a free verse poem.
Lanox Aug 2016
Ang mutually exclusive ay tumutukoy sa dalawang pangyayaring hindi maaaring maging parehong totoo.

Di ito nalalayo sa kasabihang nasa Bibliyang “Hindi maaaring pagsilbihan ng isang alipin ang dalawang panginoon nang sabay.” Ngunit habang ang nasabing nagmula sa banal na aklat ay may mga binanggit din patungkol sa Diyos at sa pera, ang mutually exclusive ay mas malawak ang saklaw kaya’t maaaring gamitin para ihalintulad o paghambingin ang kahit anong dalawang konsepto sa matematika, pangyayari, pakiramdam.

Sa programming, may tinatawag na Boolean data type. Ang data type na ito ay maaaring “tama” o “mali.” Ang itinatalagang halaga kung tama ay 1 at 0 naman para sa mali. Kung may dalawa tayong konsepto, pangyayari, o pakiramdam, at ituring natin silang mga data types, ang mga posibleng values na makukuha natin ay 00, 10, 01, at 11. Kung ang mga nasabing dalawang konsepto, pangyayari, o pakiramdam ay mutually exclusive, maaaring makuha ang 00, 10, at 01 ngunit hindi ang 11.

Gumamit tayo ng mga halimbawang mas madaling maunawaan.

Data type number 1: ang pag-inom ng iced coffee, decafeinated, served in a mason jar with a paper straw, and with extra whipped cream, at pagpost nito sa Instagram, #stressreliever #compromise #freewifi.

Data type number 2: ang pagtulong sa mga kawawang bata sa lansangan na walang tsinelas, marumi ang kasuotan, at pinagpatung-patong lamang na mga karton ang natutulugan.

Madaling magpatuksong pumalakat gamit ang Facebook status at sabihing, “Ang daming mga batang nangangailangan tapos yung iba dyan pakape-kape lang, #pasoshalpamore.” Ngunit kung susuriing maigi, hindi mutually exclusive ang dalawang data types. Pwedeng si ateng nagkape ay pagkalabas ng coffee shop, binigay yung extra croissant nya dun sa batang nanghihingi ng limampiso. Habang si ateng nag-rant sa FB, na nasa bahay lang, kaya nga bitter dahil di makagala, malamang di rin naman nag-effort lumabas at mag-ikot sa mga kalsada para maghanap ng mga paslit na matutulungan. Ang dalawa pang maaaring posibilidad ay may isang ateng mahilig magkape at allergic sa mga bata at may isa pang ateng tumutulong sa mga bata at nagkaka-anxiety pag umiinom ng kape. Pwedeng magkaibigan sila, pero di sila nangingi-alam sa isa’t isa.

Naaalala ko tuloy nang minsa’y tumambay akong mag-isa sa isang kapehan malapit sa bahay.

Gaya ng inaasahan, may mga batang nag-aabang sa mga lumalabas na mamimili upang magbakasaling mabigyan ng mga barya o tirang pagkain—katakam-takam tingnan ang mga pastelerya roon.

Tiningnan ko ang makukulay na tinapay sa platito sa harapan ko.

Napagdesisyunan ko nang ipabalot ito at ibigay sa isa sa mga batang ngayo’y naglalaro na habang wala pang dumaraang kustomer.

Tapos ko rin naman itong kunan ng larawan upang ipost sa Instagram.

Kelangan kasi updated ang account ko.

Baka kasi isipin **** nawalan na ko ng sigla at nagmumukmok na lamang sa bahay simula nang tumigil na tayong mag-usap.

Baka tuloy magmistulang ang kalungkutan ko at ikaw ay mutually exclusive.

Na dumarating lamang ang kalungkutan sa tuwing ika’y lumilisan,

O na iniisip ko pa lamang na maaari kang bumalik, ito’y napapalitan agad ng kaligayahan.
dalampasigan08 Jun 2015
I

Bumabati, dumarampi

Dumarayo, sinusuyo

Umiibig, nananalig

Lumilisan, napaparam.



II

Sinusulat, inaawit

Kinakatha, inuukit

Sinasambit, ginuguhit

Inaangkin, sinusungkit.



III

Nasilayan, hinangaan

Nabighani, sinundan

Nasilaw, nasaktan

Humapon, luhaan.
Uanne Feb 2019
Takot ako sa katahimikan
na dati nama'y kayang sabayan.
Tara samahan akong kumanta at sumayaw,
sundan natin bawat alingawngaw.

Takot akong maiwan
na dati nama'y sanay na may lumilisan.
Tara samahan ako at hawakan aking kamay,
ako'y tanganan at sa aki'y umakbay.
02.11.19 8:11pm
013024

Walang ibang saksi
Ng mga binhing kusang umuusbong.
At walang ibang tutugon
Sa walang katapusang paghikbi.

Daig pa ng liwanag
Ang kadilimang baluti sa’king mga mata.
Ngunit tila ba ako’y hindi pa rin handa
Sa mga balang tumatagos sa’king katauhan.

Nauuhaw pa rin ako
Sa mga salitang “Mahal kita”
Ngunit sa bawat pagtagisan ng mga salita’y
Puso ko rin ang kusang lumilisan.

Marahil ang paghilom ay isa lamang panimula
Ngunit sa ngayo’y ang mga pahina’y
Nasa dulo na ng aking katapusan
At paano nga ba muling makasasandal?
Paano nga ba muling magsisimula?
06302021

Saan nga ba tutungo ang mga salita?
Mga salitang mitsa ng mga ngiting abot-langit.
Mga salitang noon pa sana'y nabitawan
Mga salitang matagal na hinintay at ipinagdasal.

May mga alaalang akala ko'y nanatiling abo na.
At sa aking pagbabakasali noo'y
Baka nga kaya pang mag-krus ang mga landas
Sa daang ilang mga ekstranghero na ang nagdaan.

Sa bawat sandalyas na hindi tiyak ang pinagmulan,
Nangusap ang pusong wag muna't maghintay.
At habang nagbibilang ng mga rosas na pula'y
Mayroong nag-iisang puting isinaboy buhat sa kalangitan.

Sambit ko nga'y sana'y sapat na ang mga panahong binilang
Ngunit ang mga pahina sa kalendaryo'y tila ba naglagasan --
Naglagasan nang walang pasabi't
Nag-iwan ng mga luhang nag-uumapaw.

Natuklasan kong sa buhay na minsang ma'y lumilisan,
Minsan di'y may ilang babalik nang kusa.
Gaya ng tagsibol, ay magsisimulang mamulaklak muli
Ang mga rosas na akala kong nahimlay na sa libingan.
John Emil Jul 2018
Takot talaga akong simulan
Dahil ako ang dahilan ng katapusan
Mga ngiti at tawanan
Nauwi sa matang mugto ‘t luhaan

Malakas at matapang sa unang pagdaan
Ngunit sa huli tumitiklop at lumilisan
Kahit gaano kahigipit kang hawakan
Dumating an pagkakataon ika’y aking binitawan

Mahal na mahal?kahit kita iniwan
May dahilan kaya humantong sa hiwlayan
May tanong bakit kailangan **** maranasan
Ang malungkot kong paglisan

Tandaan ako ang dahilan
Lumapit at nagparamdam ng di mo makakalimutan
Sabi mo nga nagbigay saiyo ng kahulugan
Ngunit sa dulo ikaw  iniwanf luhaan
Brielle Aug 30
May pangalan sa hangin na tila humahaplos,
Pangalan na gusto kong limutin tuwing sasapit ang hapon.
Sa bawat patak ng ulan,
Isang alaala ang siyang unti-unting nalilimutan.

Limot, sa mga sandaling ika'y nakasama,
Ay siyang unti-unting nalulumot.
Pero ang mga nalulumot na ito ay ayokong pakawalan,
Kaso nasasaktan ako, dahil ikaw mismo ang lumilisan.

Napakahirap na limutin ka,
Maalala ka lang, mata ko ay nagluluha.
Ako'y hinihila ng sakit,
Dahil bakit parang napakadali sa'yo na ito'y lagpasin?

Bakit hanggang ngayon nakabaon pa rin ang iyong magandang mukha?
Sa tuwing sisikat ang araw,
Ito'y nakapagpapakumbaba.

Kahit man ang oras ay magbago,
Ang pagmamahal ko sayo'y hindi maglalaho.
Na kahit man ika'y lumimot
Ang puso ko ay sayo lang titibok.
Brielle Dec 2023
Ang buhay ay parang isang nobela,
May mga karakter na papasok sa kwento mo,
Meron silang layunin na gagampanan
Pero hindi magtatagal, sila'y lilisan rin.

Unang kabanata, nandyan na ba sila?
Anong klaseng karakter kaya ang isinulat ng manunulat?
Maisasama ko kaya sila sa kwento kong maulap?

Pangalawang kabanata, meron pa pala.
Anong klaseng aral kaya ang hatid nila?
Hanggang dulo na ba sila?

Pangatlong kabanata, ay dinagdagan pa pala niya.
Hindi ka ba nauubusan ng iisipin, aking manunulat?
Kailan ka kaya mapapagod?

Pang-apat na kabanata, may bago ng pahina.
Anong usapan kaya ang magbibigay kulay sa pahinang ito?
Ikaw at ako, siguro.

Pang-limang kabanata, dagdagan mo pa.
Anong suliranin naman kaya ang maisusulat mo manunulat?
Sana, wag mo akong pahirapan.

Pang-anim na kabanata, kamusta ka na kaya?
Maitutuloy mo pa kaya ang pahina?
Tinatamad ka na bang magsulat?
O naubusan ka na ng tinta?

Pang-pitong kabanata, ang saya.
Salamat manunulat sa pahinang ito,
Patuloy mo pa kaya akong bibigyan ng biyaya? Para matuloy ang ligaya?

Pang-walong kabanata, kay saya naman sa isang nobela
Ang manunulat na ang bahala,
Bahalang mag plano kung anong mangyayari sa kabanata.

Pang-siyam na kabanata, nasa gitna na ba?
Nasa simula pa ba tayo, manunulat?
Kailangan ka kaya mapapagod sa pag-uulat?

Pang-sampung kabanata, bakit naman ganon manunulat?
Ang dami mo namang binigay na problema,
Simple lang naman ang hiniling ko,
Na wag mo akong pahirapan.

Ikalabing-isang kabanata, may tutulong kaya?
"Sino kaya ang tutulong sakin?" Napaisip ang karakter
Manunulat, bibigyan mo pa ba siya ng ligaya?

Ikalabing-dalawang kabanata, saan pa ba patungo ang nobelang ito?
Lahat ng karakter ay lumilisan na,
At nag-iisa na ang pangunahing karakter
Maawa ka naman, aking manunulat.

Ikalabing-tatlong kabanata, may katapusan pa ba ang nobelang ito?
Napapagod na ako, aking manunulat
Bigyan mo naman ako ng pahinga.

Tama na, manunulat.
Nagsusulat pa ba tayo dito ng nobela?
Bakit lahat sila'y lumisan na?
Akala ko ba, hanggang dulo na sila?

Teka, nasa loob ba ako ng nobela?
O sinasalamin ko lang ang sarili ko sa isang nobelang nabasa ko
Tama nga ako, ang buhay ay parang isang nobela,
May sarili itong simula, gitna at wakas
Na akala natin ito'y patuloy na mag-uulat

Naalala ko nga pala,
Ako nga pala ang sarili kong manunulat
Ako ang mag-uulat sa buhay kong maulap
Naalala ko, tayo nga pala ang gumagawa sa sarili nating kahulugan.

Hindi mo naman makikita ang kahulugan mo,
Kung hindi mo bubuksan ang isip mo
At kung hindi mo dadamdamin ang puso mo.

Oh sige na aking manunulat,
Ituloy mo na ang iyong pag ulat
Sa karakter na nais **** bigyan ng kahulugan,
Sa karakter na nais **** maulat.
Sa iyong sariling nobela.

— The End —