Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Crissel Famorcan Apr 2017
May isang bagay na nais kong sabihin
May mga salita akong nais na bawiin,
Di ko alam kung dapat ko pa bang banggitin
Pero kahit saglit, ako sana'y iyong dinggin
Naaalala mo pa ba nitong araw na nagdaan?
Isang tula mula sa akin ang iyong napakinggan
Huling Mensahe kuno kaya ako nagpaalam
Ipinangako na pipilitin kong maparam
Na pipilitin kong mawala
Itong damdamin na di ko alam kung paano ba nagsimula
At mas lalong di ko alam kung paano mawawala!
Ano ano pa ba ang mga dapat na gawin?
Bakit ba kay hirap nitong tanggalin?
Inunfriend ka sa fb, dinelete message mo
Di ka pinapansin,umiiwas na ko ng todo
Lahat na yata ng paraan ginawa ko
Pero di ka pa rin talaga natiis ng puso ko
Kanina lang kausap ulit kita
Napapangiti tuloy ako ng para bang tanga
Nagsasalita na ako dito mag isa
Mga tao sa paligid ko para bang nagtataka
Mga kasama ko bigla na lang napapanganga
Eh ano bang **** nila?
Minsan na nga lang maging masaya,
Papakialaman pa ba?
Minsan na nga lang magkaroon ng sigla
Itong mundo kong puno ng lungkot, ng takot,ng pangamba, ng kawalang pag asa,
Kaya salamat talaga at nariyan ka
Picture mo pa lang ang laki na ng epekto,
Para akong sira ang ulo, malaki ang depekto
Sa isip na walang ibang laman kundi ikaw
At puso na walang ibang sinisigaw
Kundi ang pangalan ng nag iisang ikaw
At magdaan man ang maraming taon
O lumipas ang mahabang panahon,
Ikaw lang at walang iba
Sasabihin ko lang naman talaga
Gusto kita.
Jose Remillan Jan 2014
Sinubukan kong bihisan ng titik at tugma
Ang ilang mga bagay-bagay na iiwan ko
Sa'yo sa oras na pumailanlang na ang diwa
Ng aking mga tula. Ngunit gaya ng dati,

Unos na dumatal ang aking luha, linunod
Nito ang mga kataga, muling nabalot ng
Hiwaga ang bawat saknong  na dapat sana'y
Malaon nang yumabong sa iyong pang-unawa.

Gayun pa man, manatili kang manampalataya
Sa kahulugan ng kawalang kahulugan ng daigdig
Na ito. At nawa, sa pagpagpag mo sa tarangkahan ng
Kahapon, buong pagpupugay **** idambana

Ang paulit-ulit ng siklo at sigwa ng ating pag-ibig.
Para kay Khiwai.

University of the Philippines---Diliman
Quezon City, Philippines
January 28, 2014
071816 #3:18PM #RobPalawan

Muling mauutal ang puso
Buhat sa naantalang pagtatapat.
Ninais ko noong lisanin ang paghihintay
At magbakasakaling
Panahon na ng pag-ani ng pag-iibigan.

Ni minsan,
Hindi ka nagpadaig sa pana ni Kupido,
pagkat marahil may lamat kanyang gintong palaso.

Patuloy akong magbibilang ng bawat dahong nalalagas,
Aaninag sa araw na siyang minsang pumipiglas,
At sisenyas sa hanging hinahawi ang kawalan --
Kawalang hindi tunay,
Pagkat pag-ibig, aking buhay.

Ilalaan ko sa kalawakan
Ang talatang tila walang saysay,
Makikipagbalagtasan sa pagkitil
Ng mga linyang nahihimbing.

Ako'y saksi sa malawak at malalim
Na mahikang di naglalaho,
Sa eksperimentong walang kemikal
Bagkus puro't siyang natural,
Sa paglalambitin ng mga bombilyang
Hindi papupundi,
At mga tuldok na hindi katapusan.

Yayariin ko ang klima ng pusong hindi kalmado,
Bituin ng pagtatapat ay aangkinin,
Pagkat halaga nito'y
Wagas na pag-ibig.
Hindi ako susuko,
Tatagpiin nang kusa
Ang liham ng sagrado kong pag-irog.
(Pagkat naiisip na naman kita. Marahil baliw ang pag-ibig, pero nasa tamang pag-iisip ang katauhan. Patuloy kitang ipagdarasal, maghintay lang tayo.)
L S O Oct 2017
Ang salita ng hari ay apoy
na nagpapainit sa pugon
ng kawalang-katarungan,
nagpapakulo sa bituka
ng balikong lipunan

kung saan ang kampeon
ng disiplina
ay nagiging kampon
ng pagmamalabis,
at ang pagtakbo ng hustisya
ay nauungusan na
ng pagtakbo ng mga nasisiil.

At sa gitna ng kaguluhan,
sa gitna ng katahimikan
ng karamihan,
mas lumalakas ang loob
ng masasamang-loob,
at lalong lumalago
ang masasamang damo.

Sindilim na ng gabi
ang tanghaling tapat,
sa panganib na ngayo'y
wala nang pinipiling oras

at ang buhay na iyong
pinagkaingat-ingatan,
baka bukas sa kalsada'y
isang mantsang pula na lamang.
JOJO C PINCA Nov 2017
“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt

May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.

Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.

Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.

Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.

Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.
081721

Pikit-mata kong inaaninag ang liwanag
Na dumarampi sa aking mga pilik-mata
Habang bahagyang nagbabadya ang pagsirit
At pag-agos nang marahan
Ng pawis na pilit kong ikinukubli
Sa bawat pagtiklop ng hapon.

Walang oras o segundong hayag
Sa kung papaanong paraan ba aahon ang Araw
Na tila ba kaytagal kong hinintay na bumangong muli.
Ni hindi ko magawang lumapit
Sa mga sinag nitong hayagang yumayakap sa akin
Na para bang nais Nitong hingahang muli
Ang buo kong pagkatao.
Hinahagkan ang bawat pagbugso ng aking pulso
Buhat sa kawalang ulirat sa katotohanang
Minsang kumatok at pinagbuksan.

Nagbigkis ang lahat ng mga mandirigmang
Walang ibang hiling
Kundi sumapit ang takdang araw
Na ilang beses binuhol-buhol sa kalendaryo
Gaya ng pag-aabang sa muling pagsindi’t pag-ulan
Ng mga bulalakaw sa langit
At may iba’t ibang kapaliwanagan.

Nagliwanag naman ang kurtinang nagbibigkis
Sa hagdanang patungo sa kaluwalhatian
At sa pastulang aking minsang sinuklian
Ng Kanyang mga balak
At pinagtaniman ng mga binhing nagbunga na ngayon
At akin nang inaani nang may galak.

Dumudungaw sa lente ng aking mga mata
Ang aking pagkataong binihasan ng liwanag.
At tunay ngang ang mga luha'y papawiin
At wala nang ibang maibibigkas pa kundi
Papuri't pagsamba sa tunay na nagmamay-ari
Ng kaluwalhatiang habambuhay na aakap
Sa panibagong mundong nagtapos na ang kadiliman.

"Bubuksan Ko ang kalangitan,
Maging ang buong kalawakan,
Masilayan mo lamang ang laan Ko para sa'yo.
Tamasahin mo ang kabuuan ng Aking presensya
At ang pag-ibig Kong alay na inihanda ko para sa'yo.
Ang piging sa Aking pagsasalo'y hayag sa buong sansinukob
At ang lahat ay nais Kong makapiling sa Aking pagbabalik.
Ang hamon ng buhay ay siya ring susubok sa'yong katapatan
Kaya't wag kang matakot na waksian ang mga kamaliang
Iyong kinasanayan at ika'y magpasakop sa Aking kaluwalhatin.
Ang lahat ng Iyong mga narinig at nakita'y magliliwanag
Sa pagsapit ng itinakdang oras..
At sa iyong paghihintay ay patuloy kang lumakad
Sa landas kong laan para sa'yo.
Patuloy **** ipalaganap na ang Aking kaharian
Ay bukas para sa lahat,
At ang dugong dumanak
Buhat sa Aking bukod-tanging Anak na si Hesus
Ay siyang nakasuklob sa'yo sa iyong laban.
Tanggapin mo ang regalo Kong Banal na Ispiritong
Syang gagabay sa'yong mga pasya't
Magbibigay kaliwanagan sa mga bagay
Na tanging pang-langit lamang.
Ikaw, kayong mga tinawag Ko'y sama-samang humayo,
Ipalaganap n'yo ang liwanag sa madilim na sansinukob..
At sa Aking paghuhusga'y gagawaran Ko
Ang lahat ng aking mga anak
Na hanggang sa huli'y nanatili, nagpasakop
At kumilos ayon sa Aking mga Salita't mga utos.
Ang pag-ibig Ko'y sa iyo.."
jfb Jan 2017
mga inaasahan at
ang katotohanang
palaging iniiwasan
JOJO C PINCA Nov 2017
“You live but once; you might as well be amusing.”
― Coco Chanel

Sabi sa kanta ni Freddie Aguilar “Habang May Buhay May Pag-Asang Matatanaw” subalit ang pag-asa ay hindi lang dapat na tinatanaw mas mainam kung ito’y ating kukunin at ilalagay sa ‘ting mga kamay. Ang pag-asa ay laging kumakaway kahit tayo ay nasa dilim. Tumawid man tayo sa magkabilang bangin o kahit na hampasin pa tayo ng malakas na hangin, hindi dapat mawala sa ating paningin ang pag-asa na nagniningning. Ganito natin dapat harapin ang buhay kahit ang hirap ay sapin-sapin. Minsan lang tayo mabubuhay at ang buhay ay parang isang tulay na pagkahaba-haba man ay may hangganan din. Subalit mahaba man ito o maiiksi marami tayong haharapin, mga bagay-bagay at mga pangyayari na hindi natin maiiwasan. Mga damdamin na kahit iwasan, pilit ka nitong hahatakin pabalik sa kung saan ang mga ala-ala ay masasakit. Wala kang kawala kailangan na harapin mo ang mga ito. May mga nagbabagang karanasan na hindi mo gugustuhin na balikan pero kailangan mo munang harapin bago mo ito malampasan. Hindi parehas ang buhay, oo, tama yan, gago lang ang naniniwala na Life is Fair. Subalit wala kang choice kailangan mo harapin ang kawalang katarungan nang buhay. Walang dapat na masayang na sandali sapagkat isang araw ang mundong ito’y ating lilisanin. Gawi’ng kaakit-akit at marikit ang buhay kahit masakit.
Isa akong hamak na kabataan na pinagkaitan ng mapaglarong mundong ito. Sa isang madilim na bodega ako matagal nang nananatili. Mabaho at walang pagkain, araw-araw ay tinitiis namin ang kalam ng aming sikmura.
      Mahigpit na ipinag-uutos sa amin na pulutin ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa loob ng tambakan na ito. Sinusunod namin ito ng maayoa ngunit tila ang pangakong binitiwan ng taong dumampot sa amin sa kalsada, na kami ay pag-aaralin, ay naglaho nang parang bula.
      Sa bawat sandali ng aking buhay, wala akong naging karamay kundi ang malaking salamin na nakabitin sa dingding ng malawak na silid na ito. Na at patuloy na nagsasabi sa akin ng pag-asa. Pag-asa na siyang matagal ko nang gustong makamtan.

      Sa tuwing titingin ako sa silid na aking kinalalagyan, halos mamatay na ako sa kawalang kalayaan na ito. Minsan pinipilit kong kumawala sa silid na ito kasama ng ibang kabataang inalipin na ng takot. Ngunit suntok at hagupit ng tubo ang aming natatamo sa tuwing nanaisin naming tumakas sa silid na ito. Hindi ko talaga lubos na maisip ang mga pangyayaring nagaganap sa buhay ko. Kung ito ba ay totoo o isang panaginip lamang.
      Tumingin ako sa salamin at isa lang ang sinasabi ng aking wangis, hanggang kailan ko pagmamasdan ang mukhag nahihirapan at punung-puno ng kalungkutan? Mabuti pa ang salamin na ito. Sa or as na siaikat ang araw, lagi niyang ipinadarama ang panibagong pag-asa.
Patricia Balanga May 2017
Nagpalit ang mga numero sa aking relo
Bigla itong tumunog at nabahala ako
Labing-isang minuto makalipas ang alas onse na
Oras na para humiling na ika'y muling makita

Lumipas na ang apat na buwan
Mula nung aking sinimulan
Pagtigil at pagpikit ng mga mata
Nangangarap, humihiling na magkatotoo nga

Ikaw, oo ikaw, ang rason kung bakit
Isang minuto akong nakatingala sa langit
Hiling na makasama ka kahit ilang sandali
Makita ka lang ay kumukurba ang aking lahi

Dumating ang panahong ikinalulungkot ko
Kawalang pag-asa sa buhay ay naramdaman mo
Dahil doon nag-iba ang aking hinihiling
Sana'y maging masaya ka kahit ako'y wala sa 'yong piling

Bawat hiling ko ay laging tungkol sa'yo
Hindi na iisipin kung may lugar ako sa puso mo
Sana naman hindi maaaksaya
Hiniling ko sa langit na ika'y maging masaya na

Lumipas ang ilang taon, ikaw pa rin talaga
Ang tanging hinihiling na makasama
Muli akong pumikit at humiling
Pagkamulat ng mga mata'y ika'y dumating
Vincent Liberato Feb 2019
Nagtawag siya ng isang espiritista
at mananalangin
na magbuburda sa bawat hibla
ng kamalayan na patuloy na binuburda
ng sugat at sakit, habang patuloy na ginigising
ang matagal na pagkakahikbi at pagkakatulog sa mga hungkag
na mangangarap.

Dali't daling sumulat ng dagli,
sa bawat pagtagaktak ng mga luhang
umaagos sa sigaw ng mga birhen at santo
na siyang nananalangin sa ikalilinis
ng tahanan laban sa mga naghuhudas
na diyablo, na itinataya ang gabi
para mag-anyong tao sa kahit sino.

Bago sumapit ang gabi.
Sa takipsilim, limang minuto,
bago paparating ang isang duyog
na magwawakas sa hindi maaaring wakasan,
kagaya ng pagtalikod at pagpikit,
na hindi maaaring maisara ng mga mata.

Magpapakarahas sa pagsigaw
at mananabla ng labing-anim na milyong mananampalataya,
ang isang estadista na kung yumapak ay walang-puknat
na magliliyab ang sahig, kung saan nakalibing
ang hindi mabilang ng mga daliri, pagkaraan ng walang
nagdaan sa pagkalimot sa kanila.

Sa gilid-gilid ng eskinita,
matatagpuan ang mga kawalang-malay
na pugot na ulo na hiniling ng mga mananampalataya,
sa isang dyini at ipinagkaloob sa kanila ito, ipinagkaloob, ngayon ay tumatanggi kung kailan naparirito ang hiling.

Ngayon ay malilinis na ang pinakamaruming
hindi nasasaksihan ng mga mata sa tahanan, pagkatapos
ipanglagas ang kaluluwa.

Sa huli, walang bumabalagkas ng daan, na sumasalamin,
pagkatapos manalamin. Sa kabila ng napakaraming salamin.
Levin Antukin May 2020
"MA, NASA'N Y'ONG MASK?".
nagmamadali na 'kong lumabas.
may bibilhin lang kasi ako sa 7-11.
ba't pa kailangan ng mask?
pati y'ong ano-
ano'ng tawag doon?
AH quarantine pass.

bago pa lumabas ng bahay,
nasermonan ang atat na mokong.
kapiranggot na mga salita ang nag-udyok
upang hindi na hawakan pa ang pinto.

"mag-ingat ka sa sakit pero
mas mag-ingat ka sa mga sundalo
na nakatanod sa checkpoint palabas."

isang taon na ang nakalipas.
'di na natapos ang pandemya.
para pagsabihan ako sa edad kong 'to,
tanggap ko na.
hindi na 'ko takot sa sakit.
ang hindi katanggap-tanggap ay ang maharas
at makulong sa kawalang katarungan.

kung amoy kalawang ang dugo
at 'di sila takot mabahiran,
kalawangin sana yaong mga kamay na bakal
marqz Oct 2017
Tila –  simbolo ng kawalang kasiguraduhan
Tila bagyo ng pangamba’t agam-agam
Tila di na sapat
Pero tila 'di man matanaw sikat ng araw
Laging tatandaan na ang tila
Sa kabilang banda’y paghupa.
Pagtila – sa gitna ng iyak ng langit
Tila na puputol sa daluyong ng unos.

Kaya kung tila nangangamba
Asahang titila rin,
At darating pangibagong umaga

— The End —