Bilang na ang aking maliligayang araw.
dalawa na lang. Kung isasama yung pangakong panlilibre ng lomi
ng mga kasamahan sa pabrika sa unang restday matapos ang endo-
tatlo. At ganito pala ang feeling ng may taning.
Para kang nasa nilulumot na aquarium na walang oxygen
at goldfish kang kasama ng dalawang golden arowana.
Hindi ka makahinga.
Sa a kinse, matuloy man o hindi ang balitang super-bagyo
Tapos na ang limang buwang kontrata.
Matatapos na rin ba ang hindi naumpisahang pagsinta?
Tulad ng paghahanap ng mga skater sa kanilang skate park,
matatagpuan ko rin ba ang lakas loob at habambuhay na hindi na?
Kaya naman kaninang tanghalian, wala akong kwentong maihain sa iyo.
Parang habambuhay ko ngang uubusin yung inorder kong BBQ
kanin at RC.
Paano ko ba sasabihing baka isa na ito sa huling dalawang tanghalian na sabay tayong kakain?
Paano ko ba sasabihin na sa maraming pagkakataon na sabay tayong kumakain,
nagtitipid ako at hindi naman talaga ako nagugutom.
Gusto lang kita makasama kasi parang gusto na kita.
Pero tulad ng inililihim kong pagtatapos ng aking kontrata
Hindi mo alam.
Hindi mo alam na ikaw ang dahilan kung bakit masarap ang simoy ng hangin sa loob ng pabrika
kahit wala naman talagang bintana at inuubong industrial fan lang ang meron tayo.
Hindi mo alam kung anong kapanatagang nararamdaman ko
tuwing sinasabihan mo akong mag-iingat ako
tuwing uwian kahit ang totoo, hindi natin kakilala ang kaligtasan
at kapanatagan sa pabrikang walang fire exit
at benefits.
Yun talaga yun, hindi mo alam.
Pero alam mo naman sigurong salot talaga ang kontraktwalisasyon?
At maramot talaga sa mga lovestory nating mga below-minimum-wage-earners
at contractual workers ang sistema ng paggawa sa Pilipinas.
Sa mga susunod na bukas, ikaw naman ang mag-e-endo.
Baka mapunta ka sa Savemore na tadtad din ng kontraktwal.
At masnatch ang numero mo at hindi na kita matatawagan.
At ako, baka sa hirap humanap ng trabaho maisangla ko ang aking telepono.
At isang monumentong singlaki ng Mall of Asia ang itatayo sa pagitan nating dalawa.
Kasalanan ito ni Ernesto Hererra.