Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
10.3k · Apr 2019
Ako Dapat ay Malaya
Donward Bughaw Apr 2019
Sino ka para limitahan ako
sa making kalayaan sa murang edad
na kung tutuusin ay
batbat pa ng pakikipagsapalaran?
Maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.

Sino ka?
Sino ka, at naisipang unti-unting kitlan ako ng buhay;
Akong sinasabing
'pag-asa ng' inyong 'bayan'
ngayon ba'y magiging
kalaban ng estado't pamahalaan,
nang batas ng taong
tutugis at pipiit sa akin
sa loob ng kulungang nakahandang pumatay
ng kinabukasan?
Ako dapat ay malaya,
malayang maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.
Ang tulang ito ay base sa isyung pagbaba ng edad ng liyabilidad mula 15 hanggang 9 na taong gulang.
2.4k · Apr 2019
Kape
Donward Bughaw Apr 2019
Umalingawngaw
ang huni ng mga ibon
sa bukang liwayway.
Ilang minuto rin akong naghintay
hanggang sa kumulo na
ang tubig;
at nagsalin ako
sa baso,
nilagyan ng kape't asukal
saka maingat na kinutaw
gamit ang malamig na kutsara
saka hinipan ang pinakaunang nasandok
at nang aking malasahan
ay unti-unting nagbalik
sa akin ang nakaraan
kasama si amang nabubuhay pa't
tanaw kong umiinom
ng kape...
sa lilingkuran.
Masarap ang kape. Minsan naranasan kong magkape ng mag-isa at wala akong ibang maisip kundi ang aking pamilya na nasa bahay lang. Malayo sa akin. Nag-aaral kasi ako no'n
886 · Apr 2019
Walang Halaga
Donward Bughaw Apr 2019
Walang halaga ang mabuhay
sa mundong ibabaw
na puno ng kasinungalingang
ang lahat ay may pagkapantay-pantay,
na ang buhay
ay instrumento ng Diyos
upang gumawa
ng mabuti
sa kabila ng kakaharaping
unos;
Maghihirap kang
linangin ng 'yong mga kamay
at paa ang lupa,
magbubungkal,
magsisikap
na abutin ang mga pangarap
subalit sa huli
lilisan di't 'iwang lahat.
Walang halaga ang mabuhay.
837 · Apr 2019
Ginahasa si Carmen
Donward Bughaw Apr 2019
Nakakabulayaw
ang umaalingawngaw
na sigaw
sa katahimikan nang malungkot na gabi
ng tatlong aninong susuray-suray
sa paglakad
habang binabagtas
ang madawag na bahagi ng gubat,
kung saan naglilisaw
ang masasamang loob
at hayop—
Lumabas ako ng bahay
at nakitang nagmamadali sa pagtakbo
ang isa sa mga anino
habang nagsisigaw ng "Pumarito kayo!"
kaya't agad din akong nagtakbo
at natutop na lamang ang sariling bibig
nang madatnan
ang malamig na bangkay
ng isang babaeng
walang alinlangang pinagsamantalahan.
Tirik ang matang
nakatingin sa kawalan katabi ng
Ang tulang ito ay hango sa totoong kuwento at pangyayaring nangyari sa aming lugar.
726 · Apr 2019
Kanto Saysenta'y Otso
Donward Bughaw Apr 2019
Nalalanghap ko
ang panghi sa nadaanang
eskinita,
napapansin sa sementadong pader ang mga salitang
nakasulat sa malalaking letra,
mga simbolong nagpapabatid ng huwad na kapatiran
marka,
pinta,
guhit
na nakakaakit,
nakakaantig
ang mga pasamano at pagbabating maririnig
na pinatatamis nang labi
pasimulan ang lahat sa beynte
hanggang sa umabot ng siyento-kensi
upang maipambibili ng pulang bote
at yosi
na kukuha nang huwisyo
ng sinumang magpaka bato
at sunod na inilabas,
isang matalim na kutsilyo
na isinaksak
sa sikmura ng kapatid ni Ka Ambo.
Naroroon ako ng matanaw
ang malungkot na pangyayaring ipininta ng gabi.
Isa ang fraternity sa mga pinaka-trend sa kolehiyo. Pero, minsan ba naitanong mo ang kahalagahan ng fraternity sa iyong sarili. May mga fraternity na ang hangad ang tunay na kapatiran at pagkakakilanlan pero may iba rin na ang gusto ay gulo lang. Pero hindi layunin ng isang samahan ang gumawa ng mg kalokohan, bagkus pagkakaisa at katahimikan. Depende ito sa kung paano dalhin ng isang miyembro ng kapatiran ang dinadalang sagisag ng pagkakapatiran.
682 · Apr 2019
Huwad na Pagkilala
Donward Bughaw Apr 2019
Anong galak sa mukha
ang masabitan ng gintong medalya
at mabigyan ng sertipiko
habang ang pangalan ay tinatawag
sa sira-sirang mikroponong ibig tumutol
sa pagkilala
ng mga huwad na gurong
karamihan ay alipin
nang bulok na sistema ng paaralang
pinanahanan ng mahika-
ng mga baboy at buwaya!


© 2019
Masarap mabuhay nang puno ng mga pagkilala. Subalit, deserve mo ba talaga? O isa na naman itong ilusyong bunga lamang ng mahika.
679 · Apr 2019
Upuan
Donward Bughaw Apr 2019
Bakit ba
kayraming naghahangad kumuha
ng upuan
at mayakyak sa gano'ng klaseng lilingkuran
gayong kayraming bangko
at monobloc na puwedeng up'an?
At kung maupo na'y ano?
Di man lang magawang tumayo
at tingnan
ang kalagayan
ng mga taong nakatayo sa harapan
na sa tinagal-tagal na panahon
ay nanigas na't na-estatwa
habang pinanonood kang nakaupo
ng komportable
sa hangad na upuan.
Ang tulang ito ay inspired ng kantang "Upuan" ni Gloc 9
521 · Apr 2019
Nauuhaw Ako
Donward Bughaw Apr 2019
Inyong sinabi,
"ang nagugutom ay pakainin
at ang nauuhaw ay painumin."
Subalit, nang mga kamay
at paa'y mapako
sa dambanang
pinasan mula pa sa malayo,
sinabi ****, "nauuhaw ako"
Ngunit, walang nagkusang
bigyan ka ng tubig.
Marami sa atin ang hindi marunong tumanaw ng utang ng loob. Sa panahon na si Kristo'y nabubuhay pa lamang, daan daa't libo libong tao ang kanyang pinakain at silang lahat ay nangabusog. Isa sa kanyang mga pangaral ay ang "nagugutom ay pakainin at ang nauuhaw ay painumin." Ngunit, nang siya'y ipako na sa krus, at sinabing "nauuhaw ako" wala man lang kahit isang naglakas loob na bigyan siya ng tubig. Sa tunay na buhay, totoong may nag-exist na Hesus. Sila'y walang iba kundi ang ating mga kaibigang laging naririyan sa oras ng ating pangangailangan. Pero, naitanong mo ba sa iyong sarili kung isa ka ngang tunay na kaibigan? Dinamayan mo ba siya sa mga oras na siya na ang nagigipit?
503 · Apr 2019
Pakikiramay
Donward Bughaw Apr 2019
Nakikiramay
ang langit sa inyong ganap
na pagpanaw,
naghihintay
nang inyong pagdating
at pagharap
sa Maykapal.


©2019
Lubos sa ating mga Pilipino ang labis na pananampalataya sa Maykapal. Marami sa atin ang naghangad na mapasalangit ang kaluluwa pagkatapos sumakabilang buhay kaya't natutong gumawa ng mabuti.
485 · Apr 2019
Katol
Donward Bughaw Apr 2019
Anong tapang
mayroon ka
at kayang pumaslang
ng lamok—
mahihilo,

malalagpak sa lapag
na para bang
hinihila
ng dagsin pabagsak—
sa loob ng aking
magulong kuwarto.
Ang katol ay nakakapatay ng lamok. Tunay, nang mapatunayan ko ito isang gabi habang pinapanood ang umuusok na sinindihang piraso ng katol. Iilang lamok din ang nakita kong animo'y nahihilo matapos maamoy ang matapang na amoy nito.
438 · Apr 2019
Kuko ng Manggagawa
Donward Bughaw Apr 2019
Dalawampo!
Dalawampung ektarya ng lupa
ang nasa aking mga kamay
at paa;
at nais kong magkaroon
ng titulo
sa mga lupang ito
na akin pang nilinang
mula ng lumaki't nagka-uliran.
Sinasabing pag ang kuko ay marumi, ibig sabihin masipag.
426 · Apr 2019
Mababaw na Putik
Donward Bughaw Apr 2019
Huwag kang papadala
sa habag
na maaaring gamitin laban sa iyo
ng mga nagpapalagay
lamang,
lumalapit 'pag me kailangan
dala-dala ang platapormang
pamukaw sa mga proyektong hindi pa nasimulan
at sa halip,
paulit-ulit na bukambibig
at ang idadahila'y
mababaw na putik.

©2019
Nalalapit na naman ang eleksiyon. Siguraduhing tama ang pipiliin at ibobotong kandidato.
361 · Apr 2019
Katanungan
Donward Bughaw Apr 2019
Ilang buhay pa
ang katulad nilang
makitil,
magkulambo ng tabla
at matabunan ng lupa
na nilinang at pinagyaman
nang mga sariling kamay at pa?





©2019
Para sa naging biktima ng Negros 14.
336 · Apr 2019
Pabilo
Donward Bughaw Apr 2019
Unti-unting nilamon
ng ningas,
mula sa sinindihang palito ng posporo,
ang kapiraso ng telang
ginamit na pabilo
sa lumang suga.
Pasensya. Mahalaga ito sa atin upang magtagal pa sa serbisyo o iba pang gawain.
334 · Apr 2019
Katawang Tao
Donward Bughaw Apr 2019
Hindi mo namalayan,
nagiging abo
na pala ang iyong buhok
na dati-rati ay sing-itim ng iyong mga matang
ngayo'y unti-unti ng nanlalabo;
at sa dati makinis na balat
umusli ang buto
at ugat
na tila nalalantang katawan
ng kapayas.
320 · Apr 2019
Musmos
Donward Bughaw Apr 2019
Mababaw pa
ang aking pag-unawa
nakakalungkot na wala man lang
ka-alam alam sa mga bagay-bagay
na nangyayari sa aking buhay
isinilang akong walang utak,
at nang mamulat
saka pa lang naiintindihang lahat...
Sa bawat umaga,
libo-libong tulad ko ang nagdurusa.
Libo libong kabataan ang nagkalat sa ating mga lansangan. Karamihan sa kanila'y bunga ng malupit na mga karanasan. Kaya't sa tulang ito, nais iparating ng manunulat sa kanyang mga mambabasa ang damdamin ng isang bata.
279 · Apr 2019
Katawang Tao
Donward Bughaw Apr 2019
Hindi mo namalayan,
nagiging abo
na pala ang iyong buhok
na dati-rati ay sing-itim ng iyong mga matang
ngayo'y unti-unti ng nanlalabo;
at sa dati makinis na balat
umusli ang buto
at ugat
na tila nalalantang katawan
ng kapayas.
Sa paglipas ng panahon, hindi natin namamalayang tumatanda tayo.

— The End —