Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
G A Lopez Jul 2020
Palagi ka na lamang nagdududa sa t'wing iyong nakikitang ako'y may kasama
Mahal ko, hindi mo kailangang mag-alala
Sapagkat ang pag-ibig ko sa iyo ay sing init ng naglalagablab na apoy
Titiyakin kong hindi ka na muling mananaghoy

Madalas **** itanong sa akin kung nagsasawa na ba ako
Mahal ko, tanggalin mo ang "nagsa" sapagkat ikaw ang gusto kong maging "asawa"
Madalas mo ring itanong sa akin ; "sa aming dalawa ng nakaraan mo at ako sino'ng mas nagustuhan mo?"
Mahal ko, 'wag mo akong papipiliin sa dalawa dahil sa huli kahit sino pa sila ikaw at ikaw lang ang nag-iisa.


At kung pilit pa tayong paglayuin ng mga tao,
tandaan mo ang nag-iisang pangako ko
Tumingin ka sa itaas at bilangin mo muna kung ilan ang mga kumikinang na tala sa madilim na kalangitan
Pagkatapos ay maging dalawa muna ang buwan
saka kita iiwanan.
Sana all mahal 😂 nabored lang dahil sa quarantine
jia Jul 2020
pagod na ang aking puso,
sa pagbubukas ng nararamdaman.
kaya't sa susunod ay ako naman ang magiging tuso,
baka kahit papaano'y biglang gumaan.
ilang beses kong tinanong kung bakit,
bakit walang maibigay na sagot?
bakit parang sa akin lamang masakit?
ayokong makaramdam ng galit o poot.
ngunit kaysa salita,
ang tanging sumagot ay 'yong aksyon.
at 'tila parang isang balita,
nabaling ang aking atensyon,
sa iba mo na pala sinasabi ang nararamdaman mo,
may iba ka na palang sinasabihan ng paborito **** banda,
pati na rin ang paboritong kanta mo,
di ka naman nagsabi, sana manlang ako'y naging handa.
wala ka manlang paalam,
ni hindi rin nagbigay ng huling pangungusap.
hindi man lang nabigyan ng sagot ang isip kong kumakalam,
hanggang sa huli ako pa rin ang nakikiusap.
parang tangang naghihintay ng 'yong kasagutan,
pero wala na pala dapat akong hintayin.
sa akin na lang pala dapat 'tong mga katanungan,
dahil kahit minsa'y di ka naman naging akin.
Kfjt Jun 2020
Pinagmamasdan kita sa malayo habang ang iyong buhok ay hinahangin

Para bang may kumurot saking puso at bigla nalang naging magulo ang damdamin

Pakiramda'y di ko mawari kung ako ba'y masaya o malungkot

Galit sa mundo at damdamin ay puno ng poot

Alaala ng kahapo'y sadyang mapanakit at sa puso'y nanunuot

Nais ko na sumigaw at tumakbo palapit
Nag ayos ng sarili at nag subok lumapit

Saya at lungkot ng kahapo'y saakin ay nakakapit
Habang tumatagal damdami'y lalong pumapait

Puso ay tila wasak parin
Pagkat sugat ay sariwa parin

Sa aking paglapit
Sa dibdib ay bigla nalang may gumuhit

Yayakapin ka na sana
Ngunit wala ka na nga pala

Aking napagtanto
Alaala na lamang pala ito
Kfjt Jun 2020
Lungkot sa mga mata'y iyong pawiin
Lungkot sa mga labi'y iyong tanggalin
Lungkot sa puso'y iyong pagaanin
Lumipas na ang panahon ngunit ikaw parin
Lumipas na't lahat, pakiramda'y pinapainam parin
Muling babalikan ang masasayang ala-ala
Muling ibabalik ang dating sigla
Hanggang kailan ka kaya tatakbo sa aking isipan
Hanggang kailan kaya ngingiti na ikaw ang dhailan
Hanggang kailan kaya madarama itong paru-paru
Ilang beses pa kaya aasa sa iyong pag balik
Ilang tula pa kaya ang gagawin bago ka limutin
Ayoko pa tapusin ang pantasyang ito
Ayoko pa tapusin ang lahat ng ito
Patuloy na mananalig na sana'y dinggin ng tadhana ang siyang hiling
Patuloy na dadamhin ang inam sa pakiramdam na iyong dulot kahit hindi ka na kapiling
Xian Obrero Jun 2020
Sa pagkagat ng takipsilim isa lang ang natatangi kong hiling,
nawa'y sa agad na paghiga ay siyang agad ring mahimbing.
'pagkat ako'y sabik na ng labis na muli kang makapiling—
hintayin mo aking sinta, sa tagpuan natin ako'y darating.

Sa napakalaking puno tayong dalawa'y nagtagpo
Tila nag-uusap ang ating isip at puso kahit hindi kumikibo,
hindi ako makapagsalita sa kadahilanang dinadaga ang aking puso..
Sa pagsalubong mo sa akin, niyakap kita at hinalikan sa iyong noo.

Mga luha mo'y nagsitulo mula sa'yong napakagandang mga mata,
wala akong ibang nagawa kundi titigan ang iyong napakaamong mukha..
Sadya namang hindi natin masukat ang kaligayahang nadarama,
Hiniling ko na sana ang oras na iyon ay hindi na matapos pa.

Muli sana akong lalapit para muli kang yakapin,
ngunit sa aking pagkahimbing kinailangan ko nang gumising.
Huwag mag-alala, aking sinta 'pagkat muli akong darating...
sa aking susunod na mga panaginip ang oras ay atin nang susulitin.
Kevin V Razalan May 2020
Walang labis, walang kulang,
Kung magliyab ang pluma kong laging natatakam,
Mga salitang lilikhain nito'y namumutiktik sa sabik,
Malinggal ang dila, nagagalak kung maghasik.

Madalas ay parang lantang gulay,
Kung gumuhit ng salita ay matamlay,
'Di matuka ng uwak kung ialay,
Minsa'y kulang-palad kung panlasa'y 'di bagay.

Sa tuwing hahampas ang higanteng salot,
Rubdob ng damdamin ay mapusok,
Tatamuhing sugat ay balon na 'di maabot,
Pilat ay siyang mararanasan, patawad ko'y suntok sa usok.

Minsan nama'y isang mapagtangis,
Ulan sa ulop katumbas ay luhang hitik kaysa pawis,
Ipapatalos sa huwad **** puso ang nalasap na pait at sakit,
Sa pluma ko'y tutungayawin ka't isasakdal sa piitan ng malasahan mo rin ang pait.

Hindi na sapat ang galak na malalasap,
Gayong panulat at puso'y nakaranas ng dusa at alat,
Naglahong bula ang hiwaga nitong kaibuturan ng pusong marilag,
Sa pinta mo'y nagmistulang kahabag-habag.

Umpisahan mo ng pumikit, ng mahagilap mo rin ang sinapit,
Madalas man akong matinik , sayo'y hindi na iimik,
Nitong plumang binuling at pinatulis ko sa inani ko sa'yo,
Ngayo'y kakikintalan mo ng hayag na masakit ngunit pawang totoo.

✍: pensword
G A Lopez May 2020
Pinili nating maging tahimik
Pinili nating huwag umimik
Kaya naman hindi natin napagbigyan ang isa't isa na magmahalan
Hindi natin nasabi ang ating nararamdaman.

Pareho tayong naging duwag
Laging may bumubulong ng salitang "huwag"
Kahit gustong sumabog ng puso at sabihing "ikaw ang gusto",
Nagpapigil tayo sa takot na "baka mawala ka sa akin ng husto".

Kung sana kahit konti ay naging matapang tayo
Naghintay kahit gaano man kalabo
Lumaban kahit ilang beses matalo
Hindi sana nasasaktan at nagsisising "sana'y naging tayo"
kate May 2020
bagong simula sa bagong kabanata. liliparin muli ang langit na dati'y pinuno mo ng mga unang beses at mga unang bagay na bumuo sa aking pagkatao. liliparing muli ang mga blankong espasyo't lalagyan ng bagong panimula.

hindi ko malaman kung paano muling magsisimula.  sapagkat ako'y nanghihinayang sa alaala nating sa isang saglit ay iyong iniwan. nahihirapan itugma ang bawat salitang lumilitaw sa aking isipan. ang bawat tunog sa saknong ng bawat taludtod ay nabibigatang ilapat sa  damdaming nag aalinlangan.

muling bubuksan ang librong naglalaman ng ating kwento. susubuking burahin ang mga kwentong alanganin na mas mabuti pa lamang kung ito'y gugusutin. muling babasahin ang sira-sirang pahina na may tagpi-tagping parirala at kulang kulang na mga salita.

hindi ko mawari kung ano ang dahilan sapagkat ang ating kwento'y nagtapos sa kawalan. tila bang maikukumpara mo ito sa mga pahinang nagupit gupit dahil sa kasuklaman ng pag ibig. ako'y humiling sa mga bituin na sana—  sana'y may panibagong kwentong kinabukasan muling bubuuin.

bagong simula sa bagong kabanata. muling magbubukas ng bagong libro na saya ang kailangan at hindi sakit ang nilalaman. iisa-isahin ang bawat paksang nilalaman upang ito'y lubos na maintindihan ang bawat pag-aalinlangan sa bagong yugtong paruruonan na tila hindi alam ang patutunguhan ng wakas na iyong sinimulan.

sa bagong yugto ng aking buhay,  ngayo'y handa nang magsimula sa sariling paraan. hindi man pinalad sa nakaraan, sisiguraduhin ko na sa paglipas ng panahon at pagtapos ng bawat kabanatang may kaukulang paksa, iiyak na ako. iiyak na ako sa taong alam kong mahal ako at sa pag iyak na iyon ay sabay kaming nangangako— ikaw, ikaw lamang ang aking mamahalin dumating man ang dulo ng pahina ng aking librong sinimulan.
panimula
Malarosas **** labi't matamis **** ngiti,
Maari bang masilayan ko sa bawat sandali?
Ang sining ng kagandahan **** walang kapantay,
Maari bang pagmasdan ko habang buhay?

Sa bawat minuto, bawat sandali,
Makapiling ka o sinta ay ang aking mithi.
Kung maari maialay sayo ang tala at buwan,
Madama mo lang ang pag ibig ko sayong walang kariktan.

Walang hanggan, magpakailanman..
Sa pagsikat ng araw sa silangan at paglubog nito sa kanluran..
Sa isipan ko'y ikaw at ikaw lamang
Ang puso ko'y sayo't sayo lang ilalaan.

Malabis man hingin ka sa maykapal
Hindi mag aatubili pagkat ikaw ay aking mahal..
Na sana ikaw ang ulan ng langit at ako ang lupa ng mundo.
Mahulog ka man ay ako't ako ang siyang sasalo.

Ngunit kung hindi mo kaligayahan ay hindi ipagpipilitan,
Hindi dadamhin kahit iyo mang masaktan..
Mahal kita ibig ko lang iyong malaman..
Kahit pa itong sandali ay iyo ng paalam.
Ito yung unang tula na nalikha ko para sa isang babaeng minamahal ko ng lubusan.
Next page