Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eternal Envy Jul 2016
Ngayon ko nalang ulit naramdaman yung sakit
Ngayon ko nalang ulit naranasan na umiyak
Ngayon ko nalang ulit nagawa na umasa

Ngayon nalang ulit ako nag mahal ng ganito
Ngayon nalang ulit ako nag mahal ng ganito katindi
Ngayon ko nalang ulit to naramdaman

Ngayon nalang ulit ako nagpaka tanga
Ngayon nalang ulit ako nagpaka lasing
Ngayon nalang ulit ako nagpaka baliw

Ngayon nalang ulit ako sumayaw sa kanta ng pag-ibig na walang himig
Ngayon nalang nalang ulit ako nalunod sa dagat ng pag ibig na wala namang tubig
Ngayon nalang ulit ako napa hinto sa pagtakbo habang umaandar ang oras

Ngayon nalang ulit ako umasa na merong tayo
Ngayon nalang ulit ako nasaktan ng ganito
Ngayon nalang ulit....

1:23 am
07/24/16
Sunday
No need for extra notes.
Sarrah Vilar  Sep 2016
Dead End
Sarrah Vilar Sep 2016
Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Nagpanggap ako na hindi ko alam na sa unang sulong mo pa lang,
Balang araw ay uurong ka rin—maglalakad palabas.
Pero mali ako—mali ako sa parteng dahan-dahan kang aalis—tumakbo ka.
Parang pananahimik ng paborito kong kanta
Pero ang paborito kong kanta ay maaari kong ulitin
Kung sa unang pagkakataon ay hindi ko siya nabigyang-pansin.

Hindi mo naintindihan na hindi lahat ng pagmamahal
Ay maaari lamang patunayan sa mga salitang "mahal kita."
Mahal kita hindi man sa paraang ginusto **** marinig
Pero mahal kita sa mga lumipas na gabing hinehele tayo ng mundo
Habang nakikinig sa mga puso nating nagdadabog hindi dahil sa galit
Kundi dahil sa tindi ng hampas ng ating mga damdamin.
Mahal kita hindi sa paraang tenga mo lang ang magsasaya.
Mahal kita kahit nung panahong gininaw ka sa lamig ng damdamin ko.
Mahal kita nung isang araw na dumaan ka sa harap ko—dumaan ka lang.
At tinakasan ang titig ng aking mga mata.
Mahal kita nung sandaling 'yon na parang hindi mo na ako ginustong makita.

Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Hinawi natin ang kalawakan para pag-ibig naman natin ang mangibabaw.
Nahiya pa nga noon ang mga bituin dahil sa kinang ng ating mga damdamin—
Kinang na nagpabulag sa atin sa katotohanang
Sa dinami-dami naman ng bagay na ikagagaling ng ating pagtatapos
Ay talagang sa panggugulat pa.
Para tayong bitin na kwento—natapos na pero gusto mo pa.

Kaya hanggang ngayon, dinadalaw pa rin ako ng patay nating relasyon.
Hindi lang sa gabi pero sa umaga, sa tanghali, sa hapon—
Sa bawat oras na 'yung paglimot natin sa isa't isa ay parang larong taya-tayaan—
Hindi mahuli taya kundi mahuli tanga.
Pero, oo, tanga na kung tangang ninanais ko pa ring higitin
'Yung damdamin mo pabalik sa 'kin.
Tanga na kung tangang na'ndito pa rin ako kung sa'n mo 'ko binitawan.
Tanga na kung tangang nagkulang ako.
Wala nga sigurong pagkakamali ang maitatama pa.
Ang tanging magagawa ko na lang ay 'wag na 'yun ulitin pa.

Kaya,
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
'Wag ka naman muna humakbang palayo.
Gumawa ULIT tayo ng panibagong alaala.
Magkasama naman nating pakalmahin 'yung bagyong idinulot natin sa isa't isa.
Samahan mo naman ULIT akong humiga sa karagatan
Habang ipinaparinig mo ULIT sa 'kin 'yung kwento kung paano ka natutong lumangoy
Sa sakit, sa hirap, sa lahat ng ibinabato ng mundo sa 'yo.
Ikwento mo naman ULIT sa 'kin. Lahat. Makikinig na ako.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
(a spoken word piece)
Eternal Envy  Nov 2015
Pinto
Eternal Envy Nov 2015
Isang bagay na kailangan mo buksan para pumasok o lumabas..

Ang puso ko rin ay parang pinto.
Pwede kang lumabas at pwede ka rin pumasok...
Pero nung lumabas ka hindi na ako umaasang babalik ka pa
Pero nagulat ako kumatok ka ulit
Nag iisip ako kung papasukin pa kita o hahayaan nalang sa labas
Dahil natatakot ako na baka may mawala ulit
Baka mawala ulit yung saya na nararamdaman ko nung natangap ko na, na lumabas ka na.
Natatakot ako na baka lumabas ka ulit at iwan nanaman akong naka bukas..
Bukas sa sakit,kirot,at pagkapagod.
Natatakot ako na maramdaman ko ulit yung sakit na naramdaman ko noong nasa loob ka pa
Natatakot ako na kumirot ulit yung mga sugat na ginawa mo
Natatakot ako na baka mapagod ako sa mga reklamo mo na wala namang katuturan
Pero pangako..
Pangako pag pumasok ka ulit sa pinto ng puso ko...
Pag pumasok ka ulit sa pinto ng puso ko siguradong pasasayahin kita hanggang sa lumabas ka ulit ng pinto
Close,open,close,open
Tapos na ang giyera
Tapos na ang labanan at hindi matigil na sakitan
Tapos na ang nakakatakot na digmaan sa labas ng mga tahanan
Tapos na.

Pipiliin ko nang maging masaya
Hahanap ako ng madadaluyan kung saan mabibigyan
Ako ng kalakasan
Maghahanap ako ng kapayapaan

Kapayapaan na yayakap saakin
Sa mga takot na dinanas ko
Sa mga bangungot na nagkakaron parin ako tuwing gabi
Sa mga multo na paulit-ulit na dumadalaw saakin

Kapayapaan na pupunas
Sa mga luha na di na natutuyo
Sa mga pawis na matagal nang gustong mawala
Sa mga dugo't na minsan nang nanggaling sa sarili ko

Magkakaron ako ng kapayapaan

Ngunit bakit hanggang ngayon
Na tapos na ang giyera
Ay hindi ko parin mahanap ang kalayaan na iyon?

Bakit patuloy na kumukurot ang ala-ala
Na minsan nang nagdaan at sumabit at nanatili
Hanggang sa mawala?

Bakit kahit na pilit kong kinakalimutan
Ay bumabalik parin ang sakit
Na dinanas ko habang nasa piling mo?

Ngunit ang dating nakaraan
Ay tila gumugulo ulit saakin paulit-ulit
Bumabalik at tila nagiging kasalukuyan

Bumabalik yung nakaraan na
Nagmahalan tayo at piniling di maniwala sa katapusan
Naging matigas ang ulo't sumunod
Sa mga pusong pagal

Nasaksihan ng araw at buwan na
Ang pagiging seryoso ng bawat puso't isip
Natagpuan ang kasiguraduhan sa mundong walang katiyakan

Ngunit sa isang pikit ko
Ay nagulat ako nang magkaron ng "Siya"

Simulan natin sa "Siya"

Simula nung araw na iyon
Ang salitang "siya" ay naging panakot saakin
At tila naging digmaan sa isipan ko
Tila naging parusa sa puso ko

Ang dating "tayo"
Ay unti-unting naglaho
At nagbago
At naging "kayo"

Doon nagsimula ang digmaan
Nasakop mo ang puso kong ngayon lamang umibig
At binomba ito

Pinosas mo ito at ikinulong
Ibinilanggo sa lugar na hindi ko rin alam
Binugbog at pinarusahan para sa kasalanang hindi naman ginawa

Nagmamakaawang pakawalan

Sumulat ito ng kanta
Umawit gamit ang natitirang pintig
Sumulat gamit ang natitirang dugo

Isinigaw niya ang awitin niya ng paulit-ulit
Ngunit walang nakakarinig sakanya

Naghihingalo para sa natitirang lakas
Umawit ulit siya muli

Hanggang sa marinig siya ng Maykapal

Ang alibughang puso ay natagpuan na sa wakas

Ngayon ay dumating na ang kasalukuyan
Kasalukuyan kung saan ang dating nasasaktan ay gumagaling na

Kasalukuyan kung saan tapos na ang giyera
Possible na ang kapayapaan

Hawak ko ang sedula ng pananakop mo sa puso ko
Handa na akong kumalimot
Handa na akong tumalikod
Sa nakaraan na hindi na kasalukuyan

Magtatapos ako sa "Ikaw"

Mag-isa ka na
This piece is meant to be spoken
Leonoah  Apr 2020
Natividad
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
Sarrah Vilar Sep 2016
Naaalala mo ba nung una niyang ipinakita sa'yo 'yung lugar mo sa buhay niya?
'Yung sandaling 'yon na itiniwarik niya daw ang mundo
Para hayaan na kayo lang ang nakatayo. Magkasama.
Nakita ko 'yung saya na suot ng 'yong mukha.
Nakita ko kung paano kumislap 'yung mga mata **** walang alam na daan
Kundi 'yung direksyon kung nasa'n siya.
Nakita ko kung paano mo winasak 'yung pader d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano ka muling nagtiwala.

At nakita ko 'yung pagsikip ng lugar
Na sinabi niyang ikaw lang 'yung may-ari.
Nakita ko 'yung muli **** pagtatayo ng harang d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano mo kinwestyon 'yung halaga mo.
Kahit na bago mo siya makilala ay sinabi mo sa sarili mo
Na hindi ka tahanan para sa mga taong naghahanap lang ng saglit na masisilungan.

Isang gabi,
Naramdaman ng hangin 'yung lungkot mo.
Agad siyang bumalot sa'yo.
Naglaglagan ang mga dahon
Kasabay ng pag-agos ng luha mo.
Ngunit wala ka pa ring kibo.

Pakiusap,
Patingin ulit ako ng dating ikaw—
Dating ikaw na isang bagong lenggwahe;
Hindi lang sinasaulo; dapat iniintindi.
Subukan mo ulit itapon sa dagat 'yung bagyong iniwan niya.
'Wag mo hayaang hampasin ka na naman ng alon ng mga alaala niyong dalawa.
Pakinggan mo ulit 'yung katahimikang nakalimutan mo na 'yung nota.
Iabot mo ulit sa mundo 'yung mga ngiti sa labi mo.
Iparinig mo ulit dito 'yung pagtibok ng puso **** hindi para sa kanya
Kundi para sayo.
At 'wag mo sanang isipin na kailangan mo ng taong bubuo sa mga pangakong winasak niya.
Hindi naman kasi sa bawat pagbitaw ay may taong nakaabang para sumalo.
Lumagapak ka.
At itayo mo 'yung sarili mo.
Kumawala ka na sa posas ng pangalan niya.
Hindi mo kailangang banggitin 'yung pangalang pinapabanggit niya na din sa iba.

Higit sa lahat, tandaan mo:
Nakapaglakad ka nang wala siya
Magagawa mo ring tumakbo nang hindi siya kasama.
(a spoken word piece)
astrid  Jun 2018
salamat.
astrid Jun 2018
salamat,
sa pagpiling laruin ang aking mga daliri
na tila hindi alintana ang pasmang taglay
na kung lumuwag man ang kapit ko,
ay mas hihigpit ang hawak mo
kung dumulas man ang palad ko,
ay hahatakin mo ako pabalik
patungo sa piling mo
upang hindi tayo maligaw
sa ating mga sariling halik.

salamat,
dahil ilang beses kong pinasalamatan ang kalahatan
pati ang tila pagyakap ng mga unan
sa iyong bawat pagtahan
ang mga salitang kaakibat ng kalungkutan at kasiyahan
at pagmamahalan,
na kung susuriin ay pilit na lumalaban
kahit paulit-ulit kitang pinapahirapan.

salamat,
sa araw-araw **** pagbati ng "magandang umaga"
kahit ikaw ang sanhi ng pag-aalinlangan
kung tama bang magpahatak sa iyong kanlungan.
ilang beses ko bang pagdududahan
ang boses **** tila kandungan
hindi ko man hiningi
ay hinandog ng kalangitan
sa likod ng mga telepono'y nagngingitian
ngunit pipiliin kong ang akin ay hindi mo masilayan
dahil puno ito ng kalungkutan.

salamat,
sa mga pangakong matulin ang pagkakasabi
na bago pa man bigkasin
ay batid ang mariing katotohanan
na paulit-ulit lang itong maglalaro sa isipan.
kahit ilang beses kong pagbawalan ang mundo
na bitiwan mo ang kamay ko
ay nasasakal na ang mga daliri
at humihina ang aking pulso.

salamat,
dahil ang relasyong ito ay tila hindi matatakasan
ang pangungusap na nabubuo'y nagtatapos sa kuwit
at ang mga katanungan ay sinagot ng pilit.
ang bawat "mahal kita" ay naging nakaririndi
nagbabalitaktakan kung kanino ang mas dinig
pilit man lakasan ang aking tinig
ang panawagan kong umalis ay hindi mababatid.

salamat,
kahit paulit-ulit kitang pakawalan sa aking puso
ay mahigpit ang iyong kapit
na sa sobrang higpit ay tila paulit-ulit ding nagdurugo
pati ang isip kong tila gumuguho
dahil hindi ka lumalayo.
patuloy man ang aking pag-ayos
at nagtamo pa ng maraming galos;
ay patuloy din ang iyong pagsira
dahil pareho tayong lumuluha.
j.s.
JK Cabresos Sep 2016
Milyun-milyong mga blankong mukha,
pipintahan,  
papahiran ng pintora
ang iba’t ibang kastilyo ng pangarap.

Subalit sa paglipas ng panahon
ang mga kastilyong ito’y rurupok,
at sa isang ihip ng hangin  
ay pwede ‘tong gibain.  

Masasanay kang matalo,
para sa atin ‘tong mundo.
Para sa atin,
hindi para sa kanila,
kailanman hindi ‘to masasakop
ng mga mapapait na luha.  

Nasanay ka na sa panonood
ng mga teleserye o pelikulang
kung ano ang theme song
ay ‘yon din ang pamagat.  

Nasanay ka nang mag-abang
sa paiba-ibang kulay na buhok
ni Vice Ganda, o ni Yeng Constantino,
ang umasa rin sa paiba-ibang desisyon
ng mga tao sa paligid mo.

Nasanay ka nang magmahal ang gasolina,
at iba pang mga bilihin  
ngunit hindi ang magmahal ng totoo,  
dahil takot kang masaktan ulit,
ang iwanan, o umasa ulit,
sa isang relasyong pang-post lang
sa FB, IG o Twitter,
‘yong pang-“#relationshipgoals” lang,
nasanay ka na pero takot ka pa rin.  

Nasanay ka na sa mga surprise quiz.
Sa exams. Sa reporting. Sa thesis.
Sa Singko, INC, Withdraw o Drop.
Sa pag-jaywalking,
dahil late na naman sa 7:30 AM class.  
Sa paulit-ulit na sorry.  
Sa paulit-ulit ding pagpapatawad.
Sa paghahanap ng ka-red string.
Sa paghahanap ng ka-forever.
Sa mabagal na internet.
Sa job interview. Sa gobyerno.    

Masasanay ka ring matalo
dahil ganito ang konsepto ng mundo.
Patitikman ka muna ng pagkabigo,
bago ka ulit maging buo.      

Baka rin bukas-makalawa
maiisipan mo nang mag-aral ng mabuti  
at iwasang ang usapang mabote,
ang bumangon ng maaga
at hindi papatayin ang naka-set na alarm,
ang maging totoo
sa taong nagmamahal sa ‘yo,
o kaya subukang ipa-Photoshop
ang 2x2 picture mo sa resume
para sa paparating na job interview.  

Masasanay ka ring matalo,
masasanay ka rin sa mga peklat mo sa puso.
Dahil hindi ito matatapalan
ng pulga-pulgadang concealer ng Maybelline,
o kahit ubusin mo pa
ang stock sa AVON, sa Watson, sa HBC, o sa Lazada.  

Kaya tanggapin mo na lang  
na ang buhay ay puno ng pagkatalo,
dahil sa huli para sa atin din naman ang mundo,
kaya wala kang dahilan para sumuko,
dahil ang sumusuko lang ang natatalo,
at ang hindi takot sumubok ulit
ang tunay na panalo.
Paulo  May 2018
DATI
Paulo May 2018
Naalala mo pa ba ung mga araw na una tayong nagkita?
Mga oras na ako ay galak at tuwang tuwa,
Pagkat ika'y nakilala't natagpuan sa oras na aking inaasahan
Mga panahong tayo pa ay nagkakahiyaan

Andyan yung unang punas sa mukha **** pawisan
Unang usap, unang ngiti at biglang nagkatitigan
Unang pagbabago ng aking nararamdaman
Unang paghatid at sambit ng "ingat ka dyan"

Lumipas ang mga araw ugali mo'y aking nakita
Lakwatsa doon, inom dito yaan ang aking nahinuha
Ngunit ikaw ay aking naintindihan,
Ang aking nasa isip ay malamang dulot ng  nakaraang hindi malimutan

Kaya naman gumawa ako ng paraan upang ika'y mapasaya
Sa kalagitnaan ng gabi ako'y nag atubiling ika'y puntahan
Kabog ng dibdib, lakas ng hangin at ulan ay di inalintana
Makita ko lang ung mga ngiti **** mahiwaga

Salamat sa mga oras na dumaan at ika'y nakilala
Batid kong madaming nagmamahal sayo,
Kaya naman aking pagtingin ay lumayo
At aking naintindihan na mas mabuti maging magkaibigan na lang tayo

Gusto ko lang lagi **** tatandaan,
Na wala man ako sa tabi mo lagi naman akong nasa likod mo,
Handang tumulong sa abot ng aking makakaya
Lalo na sa pamilya, kaibigan, eskwelehan ay may problema

Sana ngayon nasa mabuti kang lagay, Inday
Sana'y mga pangarap mo'y iyong makamtan
Sana'y wag ka na ulit lumuha sa daan
Sana'y pintuan ng iyong puso ay muling mabuksan
Sana'y mahanap na nya ang tamang Adan

Sana'y mahalin mo pang lalo ang 'yong mga magulang
Sana'y maging maayos na kayo at wala ng magkulang
Sana sa iyong pagbabalik ay masaya ka sa bagong aral na iyong napulot
Sana wag kang magbabago't wag makakalimot

Di nako aasang liliit ulit ang espasyo
Magbubukas ulit ang entablado
At makaka tapak sa inyong teritoryo
Kaya't ang aking tanging magagawa ko na lang ay isama ka sa mga dasal ko.
alvin guanlao Jan 2011
sa gitna ng aking bangungot
ako ay biglang nagising
sabay tapon sa aking kumot
dahil ang teplepono ko ay nagriring

sinagot ang tawag sa ibang lingwahe
sumagot pabalik ang tinig ng babae
akoy nagulat at walang masabe
nang marinig ang pangalan nabuo sa isip ang imahe

imaheng kamakailan ko lang huling nakita
nung isang taon pa ako sa kanya huling nakabisita
ang kinalalagyan niya ngayon ay "not too far"
biglang pasok ang tanong na, "meron ba kayong C.R."?

tinanong ko kung bakit siya napatawag?
ako daw ay kanyang namimiss
pakipot na ako ay hindi na pumalag
gusto kong sanang itanong kung pwede bang pakiss?

nawala ang antok at gising na gising
kahit sa pagkakataong iyon siya ay lasing
walang humpay at nagkwentuhang parang praning
pero sayang naman itinapon niya yung sing-sing ^^

hindi maipaliwanag ang eksaktong nararamdaman
kagagaling lang sa sakit siguro ay alam mo naman?!
mahal kita at takot akong tayo'y magkasakitan
"i know Were cool" at sobrang close na magkaibigan

ayokong maging bitter ako sa tula
kaya kalimutan mo ung pang anim na stanza
sobrang mahal kita mula noong hanggang ngayon
at kung ikaw ang bumabasa nito ALAM KONG ALAM MO YON!

sa puntong ito, lagi kang nagkakape sa isip ko
nagpapaalala lang, baka abutin ka jan ng pasko?
sobrang init ng kape at hindi mo matapos ng mabilis
kanina ka pa jan wala ka bang balak umalis?

nilabas ko nang lahat ng nararamdaman ko dito sa tula
hindi ko alam kung ikaw ay maiinis o matutuwa
sa aspeto ng pagibig itanong mo kay Amora manghuhula
at ako naman ay sa Magic 8 ball na hugis bola

naiinis ako ngayon sa sarili ko
kung babasahin mo yung tula talagang nakakagago
PERO parang gusto ko ulit pumasok sa puso mo
dahil ako ang U.L.O.L mo! itaga mo yan sa bato!

sana gusto mo akong makita ulit
kahit na ako'y madaldal at makulit
sana magkatotoo ang "Muling Ibalik"
sana matikman ko ulit ang matabang na halik . . .
w  Dec 2016
26
w Dec 2016
26
Ilang oras na akong nagsusulat
Ilang tinta at papel na ang nasayang
Pero hindi ko alam kung bakit hindi ko malabas ang nais iparating ng puso
Wala akong magawa kung hindi titigan ang mga nasayang papel na nasa gilid ng aking mga kamay
Ilang ulit na akong nagpalit nang kulay ng tinta ng bolpen, nagbabakasaling kung kulay pula ang gamiting pangsulat, mawawala ang lungkot na nadarama na may mahal kang iba
Baka kung kulay dilaw ang bolpeng gagamitin mawawala ang sakit na nagpapaala-ala na hindi ako ang dahilan ng mga ngiti sa iyong labi
Baka kung kulay berde ang bolpeng gagamitin maglalaho ang mga luhang hindi maubos-ubos tuwing nakikita kitang kapiling siya
Ano pa ba ang dapat gawin?
Ilang papel pa ba ang masasayang para sayo?
Ilang kulay pa ba ng bolpen ang kailangan masayang para malaman ang nais sabihin
Hindi ko alam kung ano at paano
Ano ba ang dapat gawin para mawala ka sa isipan?
Paano ba kita bibitawan kung alam kong sa pagtawid sa kulay pula ramdam kong ako lang nakakapit?
Paano ko hihigpitan ang paghawak sa daming tumatawid sa dilaw na dahilan para bitawan ka kung alam kong malayo ka na para abutin pa
Paano kita hahanapin sa huling kulay berde kung alam kong wala na, tapos na
Wala ng dahilan para magpatuloy
Dahil alam kong hindi tamang ipagpatuloy itong bugso ng damdaming na kahit saang anggulo, hindi tama, hindi nararapat
Kaya hayaan mo kong sayangin ang mga papel, bahala na kung magalit ang kalikasan
Hayaan mo akong maubos ang lahat ng kulay ng ballpen dahil dito ko nalamang masasabi ang mga salitang dapat iparinig sayo
Wala na akong magagawa kung hindi hayaan ang panahon
Hayaan ang sariling humilom
Hindi ko alam kung gaano katagal
Pero hayaan mo, makakapagsulat ulit din ako gamit ang isang papel at kulay itim na bolpen balang araw para sa tunay na nakalaan nito
Pero sa ngayon hayaan mo lang muna akong titigan ka sa malayo habang nakatuon ang iyong mata sakanya
Hayaan mo lang muna akong iyakan ka habang hindi mo mapigilan ang ngiti sa iyong labi kasama siya
Hayaan mo lang akong masanay sa sakit, baka sakaling magsawa ako at hayaan ang sariling sumaya ulit...kapiling ang iba

— The End —