051022
At sumapit na nga araw ng paghuhusga
Kung saan hindi na pulso ng taumbayan
Ang ating sisiyasatin
Kundi ang puso ng bawat Pilipinong
Sumasambit ng “Mahal ko ang Pilipinas.”
Sabi ng iilan,
“Mahirap raw mahalin ang Pilipinas”
Iniisip ko nga paminsan,
Sapat na nga ba ang pagiging makabayan?
Sapat ba?
Ang panunumpa ng bawat Juan sa watawat
Na ayaw sana nating dungisan
Ngunit tayu-tayo rin ang nagwawasto
Sa paningin nating madayang pagpili
Ng lipunang ating ilang beses nang sinumpaan.
Kung hindi ako naniniwala sa Poong Maykapal,
Ay baka hindi ko rin maititikom ang talas ng aking dila
At walang himpil ding tatalak na walang pinipiling katauhan
Buhat sa makamandag na bugso ng aking damdamin.
At marahil ay sasabihin ko na lamang
Na ito ay isang paraan ng pagtindig para sa saking Bansa
Na may demokratikong pamamalakad.
Ngunit sa kabilang banda’y
Binabaling ko na lamang ang paghuhusga
Sa tunay ngang nasa tronong
Hindi na kailangang luklukin pa.
At naniniwala pa rin akong
Ang pag-asa ay hindi natin maaaring itaya
Sa sarili nating mga palad
Na kalauna’y mapupuno rin ng mga kalyo’t
Babalik din lamang sa alikabok.
Ano pa nga ba ang ating ipinaglalaban?
Sino nga ba ang tunay nating kalaban?
At para kanino nga ba tayo naninindigan?
Baka sa kasisigaw nati’y
Hindi lamang boses ang mawala sa atin,
Maaring nakawin din ang ating mga lakas at oras
Na sana’y ibinabaling natin
Sa pagpapalaganap ng natatanging katotohanang
Buhay ang ating Panginoong Hesus
At ang magandang balita’y
Nakadikit sa kanyang Ngalan.
Sinasabi kasi nating naghihinagpis ang ating mga kababayan
Kaya tayo na lamang ang magsisilbing mga boses para sa kanila.
Minsan nga'y nananatili na tayong hangal
Pagkat sa sariling dunong, doon lamang tayo nakaangkla.
Ngunit hanggang kailan ba matatapos
Ang sinasabi nating pakikibaka para sa mga nasa laylayan?
At ano nga ba ang dulo ng bawat hiningang napapagal na?
Sana hindi tayo tumigil sa paraang alam lamang natin,
Sana mahanap natin ang ating mga sariling
Nananatiling may pananampalataya
Sa Diyos na Syang may lalang sa sanlibutan.
Sana wag na tayong mag-alinlangan pang lumukso
Sa kung saan nga ba tayo pinasusuong ng Maykapal
At sana mahanap natin ang halaga natin
Sa presensya Nyang kayang pumuno ng bawat kakulangan.
At dito na rin ako pansamantalang magtatapos —
Pilipinas, gumising nang may pag-asa
Pagkat hindi natutulog ang ating Diyos!
Pilipinas, mahal kita at mas mamahalin pa
At patuloy kitang ipaglalaban
Hindi gamit ang mga armas
Na syang panukso't patibong ng mundo,
Titindig ako sa kadahilanang hindi lamang ako isang Pilipino —
Titindig ako para kay Hesus na aking pinaniniwalaan!
Salamat Ama, Sa'yo pa rin ang aming Bayan.