Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
010717

(Para sa mga may gustong simulan at gustong tapusin. Para sa mga may kahapon at naniniwalang sisirit ang bukas. Para sa mga may pangamba pagkat pakiramdam mo'y kapos ang oras at tila ika'y may gapos ng kagabi o noong isang araw, noong isang taon. Para sayo, nang mahimbing ka sa gabing may pagsuko. Pipikit ka rin, hihimbing ka rin. Didilat ka, may bukas pa.)

Narinig na ng bawat sulok ng kuwarto mo ang mga ibinubulong Ko sa iyo tuwing natutulog ka, habang yakap-yakap Kita, at nakabaon sa dibdib Ko ang mukha **** nasa malalim na pagkakahimbing.

Narinig na ng mga unan mo ang mga Salitang binitiwan Ko noong inamin kong hinding-hindi Kita bibitiwan habang sinusuyod mo ang gabi nang mag-isa, na tila ba ito na ang huling gabing ikaw na lamang ang bida sa istorya.

Narinig nila ang mga bulong Kong narito Ako at Ako pa rin ang kilala Mo noong unang beses Akong humimlay sayong mga bisig para punasan at saluhin ang mga butil ng mala-perlas **** mga luha, kumikinang at mahalaga   pagkat tangan nito ang taimtim **** mga panalangin -- mga panalanging hindi mo binitiwan at lubos **** pinagsindi ng kandila sa bawat gabi't alay ang tinig **** balisa't uhaw sa kasagutan.

Maigting ding nagmamasid ang iyong orasan noong ipinangako Ko sayong inilaan Ko na ang bawat patak ng segundo sa pag-aalaga sa iyo, na hinding-hindi Akong magsasawang pag-ingatan ka, tumigil man sa pagpihit ang lahat ng orasan sa mundong ibabaw -- kitilin man ang bawat bateryang nagbibigay-buhay sa bawat saglit, sa bawat pintig ng oras na hindi mabilang.

Higit sa lahat, narinig Ako ng mga pader ng kuwarto mo, noong unang gabing ginawa Kong umaga para masilayan mo ang lahat, noong una Kong sinabing mahal kita at kahapon, ngayon o bukas at magpakailanman -- ang mga parehong gabing paulit-ulit Kong sasabihin sayong higit ka sa kalawakan, na hindi Ako natutulog at ikaw at ikaw ang tanging tanawing tatanawin.

At habang parating na muli ang umaga at gigising na ang lahat, ay sana manahimik ang kuwarto mo. Ngunit sa katahimikan nito'y sana'y mabuksan ang lihim ng mga narinig niyang mga sinabi Ko.

Narinig na ng bawat sulok ng kuwarto mo ang mga Salitang laan lamang sayo at sa mga gabing ito at sa susunod pa'y haharanahin Kita ng parehas na himig at susuyuin ng parehas na timpla ng pag-ibig. At hindi Ako magbabago, mahimbing ka man ngayo'y asahan **** ang bukas mo'y kasama pa rin Ako.

Matulog ka na, Anak.

#010717 #SpokenWordsNiTatay
Katryna Nov 2018
sa buong buhay mo,
ano ang pinaka gustong gusto mo?

ako, simple lang.

ang sikatan ng araw ng ikaw ang matatanaw

at antayin ang paglubog ng buwan,

nanalangin na muling kong tatanawin
ang araw na ikaw ang kapiling.
it so easy to write poem when your inlove but i learned the hardest way. Thanks LIFE (my bff).
JOJO C PINCA Dec 2017
tuluyan ka nang naupos tulad sa kandila.
unti-unting natunaw ang buhay mo.
dahan-dahan itong kinain nang imbing kamatayan.
isang pahingalay sa tulad mo'ng nagtiis
ng malubhang karamdaman.
buto't balat ka na lang at laging dumadaing,
buhay na patay kung ika'y pinagmamasdan.
sa wakas hindi kana maghihirap.
wala na ang kirot na saksakan ng lupit.
wala na ang sugat na bumubulok sa'yong likuran.
hindi kana mapapagod sa paghabol ng iyong hininga.
hindi kana pagpipistahan ng mga lamgam.
wala na ang diaper na kailangan palitan.
alam namin na pagod kana,
kailangan mo nang magpahinga.
paalam na sa mga tusok ng karayom
na hindi makita ang tamang ugat saiyong katawan.
paalam sa mabaho at mainit na ospital.
hindi na lilipas ang maghapon na puno ng bagut.
wala na ang mapapait na daing 'twing madaling-araw.
dumating na ang mga sundo,
kukunin ka nila at di na muling ibabalik.
tinatawag ka na ng hangin papalayo sa amin,
inagaw ka ng liwanag sa kalaliman ng gabi.
sa huling hantungan mo ay tatanawin kita.
aalalahanin ko ang kabataan ko na kasama kita.
babalikan ko ang lumipas na may lungkot at saya.
may mga umaga na hindi na darating,
pero may mga kahapon na 'pwede pang balikan.
walumpot-limang taon sa mundong ibabaw,
at marami-rami ka na ring narating.
siguro nga wala ka nang hahanapin pa,
sapat na marahil ang layo ng iyong nalakbay.
kaming mga naiwan mo hindi maglalaon
ay tutugpa din na gaya mo.
ang hindi lang namin alam ay kung kailan, paano at saan.
paalam po at salamat sa mga ala-ala.
alas-dose medya kagabi Disyembre 3, 2017 namatay ang tiya ko panganay na kapatid ng nanay ko.
Kung mabibigyan ako ng pagpipilian
Sa araw o bituin at ano ang tatanawin
Sa bubong o himpapawid kahit saan
Ikaw parin ang aking pipiliin
President Snow Feb 2020
Hayaan mo pangako,
Ako na ang susuko
Tatanawin nalang kita
Papanoorin kang maging masaya

Hayaan mo pangako,
Pipigilan ko ang mga paa ko
Pahihintuin na rin ang puso
Mga luha'y hindi na tutulo

Hayaan mo pangako,
Hanggang dito nalang tayo,
Ikaw, kapiling sya
Ako, mag isa
Pangatlong tula para sayo
Crissel Famorcan Dec 2019
#82
Gusto kitang isayaw ng mabagal.
Gusto kitang isayaw.
Gusto kita.
Gus—
Gusto kong ibaling ang pagtingin ko sa iba,
Pero bakit kahit na pilitin kong okupahin ang malaking parte
ng oras para kalimutan ka,
Hindi ko mapanindigan?
Bakit patuloy ka pa ring bumabalik at nangungulit sa isipan;
Kung alam mo namang madalas akong umaaasang baka sakali,
May maganda tayong patutunguhan?
Paano ko magagawang makalayo sa lungkot,
Kung simpleng alaala mo,hindi ko magawang malimot?
Dumarating ka sa oras ng katahimikan—
Dumadalaw sa mga panahon ng pag-iisa,
Dinadamayan ang sakit ng luhaan kong mata;
Bumabalik-balik at sumisilip-silip,
para iparamdam ang presensiya ng pag-ibig na kailanma'y hindi masusuklian~
Gusto kitang isayaw ng mabagal,
Sa saliw ng paborito kong musika,
Sa tugtog na gigising sa'kin, magpapa-alala:
•Pagmamay-ari ka ng iba,
Gusto kitang isayaw ng mabagal—
Hanggang sa hindi matapos na tugtugin;
Hanggang sa magawa ko ng pilitin,
ang tadhana~
Na ibigay ka nalang sa akin,
Gusto kita ng isayaw ng mabagal.
Gusto kitang isayaw.
Gusto kita.
Gus—
Tama na.
Husto na.
Gustuhin ko man na mapasa'kin ka,
Wala akong magagawa.
Kaya sige.
Tatanawin nalang kita.
Hihiling na sana minsan, maisayaw kita—
Sa saliw ng paborito kong musika;
Sa tugtog na patuloy sa'king magpapa-alala,
Kaibigan lang dapat kita
At pagmamay-ari ka ng  iba.
Gusto kitang isayaw ng mabagal.
Gusto kitang isayaw.
Gusto kita.
Hindi magbabago kahit nakatadhana ka sa iba.
Gamaliel Jan 2021
I
Patuloy kong napapatunayan na mahal ko siya habang patuloy siyang nahuhulog sa kanya.

III
Maari nga. Hindi rin naman ito ang panahon para gisingin ang pag-ibig na maaring mamagitan sa aming dalawa. Nakuha ko na lang na maging masaya para sa kanya. Bagaman napakalungkot pag kausap ko siya. Lahat nag iba na. Di na rin ako nagtaka. Ganun naman talaga. Tanggap ko na. Kahit simula pa lang, inaantay ko na siya. Aaaaaaaaa.

V
Hindi para sakin. At hindi ko naman talaga pipilitin. Bagaman pusong mandaraya ay nabibitin. Lahat ng nararamdaman, lalabanan at kakagatin. Hahayaang malunod ang mga alaala at hindi na iisiping sagipin. Bibitaw at sa malayo na lang tatanawin. Sa dulo ng kahapon ko na lang siya aangkinin. Wala lang siguro akong kain.
II
Baka hindi mo na dapat pang patunayan sa kaniya yan. Baka hindi siya ang para sayo.

IV
Naiintindihan kita. Walang masama sa nararamdaman o intensyon mo. Nais mo lamang ang magmahal nang totoo. Pero kapag talaga hindi para sayo, hindi para sayo.
Kurtlopez Aug 2023
Dumadaan lang sa akin lahat. Lahat sila ay mga manlalakbay na hindi nagtatagal at umaalis din para muling tahakin ang daan patungo sa kanya-kanya nilang pinapangarap na destinasyon.

Nasanay na rin akong umupo sa tabi nila; makinig sa kanilang mga istorya, tumawa nang tumawa dahil posibleng hindi na ito maulit pa, gumamot ng mga sugat, at kasabay ng mga ito ay ihanda ang sarili sa salitang "paalam".

Nasanay na ako—pero nakakapagod din pala.

Nakakapagod palang maglaan ng oras sa isang taong alam **** anumang segundo ay maaaring magpaalam na.

Nakakapagod palang makinig sa mga kuwento niya habang hinahanap ang lugar mo sa kanyang kasaysayan, habang napapaisip kung babanggitin ka rin kaya niya pagkatapos ninyong maghiwalay ng landas.

Nakakapagod palang buksan ang buhay mo para sa isang tao kung sa simula pa lamang ay batid **** bubuksan mo rin ulit ang pinto, sasamahan siya palabas, ihahatid sa sa tarangkahan, at tatanawin hanggang mawala sa iyong paningin.

Iniisip ko palagi kung bakit hindi sila nagtatagal. Bakit palagi akong iniiwan? Bakit paulit-ulit lamang ang itinatakbo ng bawat kuwento? Iba't ibang tao, iisa lamang ang nagiging dulo. Sa katagalan ay nasanay na ako sa pagtatapos, iyong tipong nagsisimula pa lamang ay tinatanggap ko na ang pagwawakas nito.

Dahil dumadaan lang sa akin lahat. Lahat sila ay mga manlalakbay na hindi nagtatagal at umaalis din para muling tahakin ang daan patungo sa kanya-kanya nilang pinapangarap na destinasyon.

Kailan kaya ako magiging destinasyon?

— The End —