Sabi nila, kapag napapaginipan mo ang isang tao,
iniisip o naaalala ka nila o kaya sila ang naiisip at naaalala mo.
Pinili kong hindi maniwala sa mga sabi-sabi
kasi napapaginipan kita tuwing pinipilit na kitang kalimutan.
Tila bang pinapaalala ng mundo kung anong nawala sa'kin.
May mga gabing hindi sumasagi ang pangalan mo sa isipan ko bago matulog
Ngunit ipapaalala muli sa panaginip,
ipapaalala kung gaano ako kasaya tuwing makikita ka,
ipapaalala kung gaano tayo kasabik ikuwento ang araw ng isa't-isa,
ipapaalala ang mukhang natutunan kong mahalin.
At sa isang iglap, magigising ako, alas-kuwatro ng madaling araw,
kasabay ng pagmulat ng mata, ang mabilis na tibok ng puso at tumatagaktak na pawis na parang kakatakas lamang sa isang bangungot.
At kasunod nito ang malalim na buntong-hininga.
Ibang klaseng katahimikan ang sasalubong sa'yo kapag alas-kwatro ng madaling araw,
Rinig ang bawat segundo sa orasan,
ang bulong ng mahinang volume ng TV na iniwanan **** bukas.
Walang mga busina, walang humaharurot na motorsiklo,
at walang boses na magtatanong kung binangungot ka ba.
May mga katotohanan din na parang mas nagiging totoo,
Halimbawa, ang katotohanang hindi mo na ako napanaginipan simula noong gabing ako'y iyong nakalimutan.
Sa kabila ng dilim at katahimikan,
Naiwan akong nakatulala
Iniisip kung alin nga ba ang mas gugustuhin
ang panaginipan ka tuwing makakalimutan ka
o makalimutan ka hanggang sa panaginip.
Nalaman ko ang sagot
sa mga gabing sinusubukan kong kalimutan ka.
Dapat hindi ko talaga isusulat 'to.
shet