Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sirsison Feb 2017
Unang pagkikita natin sa ating pinasukan
Parang hangin lamang na dumaan
Tuloy tuloy pa rin sa paglalakad
Na parang may importanteng lakad.

Ako ay parang isang sirang mata
Na walang kakayahang makakita
Nang isang rosas na putuloy na bumubuka
Dahil sa taglay nitong glamorosa.

Subalit sa mga sumunod na araw at tayo’y nagkakilala
Para kang isang ilaw na hindi maalis sa aking mga mata
Na kahit saan magtungo ang aking mga mata
Ikaw pa rin ang nakikita.

Ako’y nagagalak
Sa tuwing tayo ay humahalakhak
Na parang ang puso’y pumapalakpak
Ang paglisan ay hindi ko minsang binalak.

Sa sandaling tayo’y magkausap
Pakiramdam ko ako’y nasa ulap
Na kung maaaring hindi na kumurap
Upang ang pag-uusap ay lalong sumarap.

Subalit ang oras ay napakabilis malagot
Kaya’t ako’y nakaramdam ng matinding takot
Na mangyari ang isang bangungot
Na baka sa susunod hindi ka na sumagot.

Nagpatuloy ang mga araw na dumaan
Ika’y patuloy kong pinagmamasdan
Na habang ako’y  umiisip ng daan
Upang ika’y malapitan.

Nagdaan ang araw at buwan
Habang ika’y aking pasekretong pinagmamasdan
Ako’y lubusang naguguluhan
Kung bakit laging ganyan.

Di nagtagal ako’y may naramdaman
Na pakiwari ko’y dahil ika’y nasilayan
At nakilalang lubusan
Na pilit kong inaalis sa aking isipan.

Subalit ako’y nabigo
Sa aking pagtatago
Nang nararamdamang nabuo
Sa palagiang pagtatagpo.

Isang araw ako’y humantong sa isang pagtatapat
Na isang daang pinag-isipan kung ito’y nararapat
Kahit na natatakot na ako sayo’y di pa sapat
Pero ito’y aking nilabanan dahil ang layunin ko sayo’y maging tapat.

Sa  aking pagtatapat lubha akong nalungkot
At natakot;
Na baka ako’y masangkot
Sa isang pangyayaring masalimuot.

Nang ika’y makilala mahal na kita
Ngunit ng tumagal-tagal, may mahal ka pa lang iba
Ako’y nasaktan at nalungkot sa nalaman
Hanggang kaibigan na lang pala ang ating turingan.

Ilang araw ang nakalipas ako’y di mo na pinapansin
Mga matatamis na ngiti na dulot natin
Unti unti nang nagiging asin
Na sa alat di na maatim.

Iniisip na lang na ika’y natatakot akong mahalin
Na baka saan pa tayo dalhin
Na sana’y aking dasal ay dinggin
Na ako’y iyong mahalin.

Nagdaan ang mga araw
Ako’y nahumaling makinig ng malulungkot na kanta
Na nagpapabalik ng masasaya nating alaala
Na sa isang iglap lamang nawala na--na parang bula.

Ito ang nagdulot sa akin ng pighati
Dahil simula pa noon ikaw na ang tanglaw sa aking mga gabi
Ikaw ang liwanag sa araw kong hinahabi
Na ikaw lamang ang makakapagbalik ng kulay sa pusong nagbigti.

Paano kung sabihin ko sa’yong ayoko na?
Hindi ko na kaya kung patatagalin pa
Sapagkat ga’no man kalalim akong nahulog
Natatapos din ang himig ng awit at tugtog.

Paano kung sabihin ko sa’yong napapanahon na
Na ako’y lalayo na
Dahil kahit gusto ko mang kumapit pa sa’yo
Pareho tayong mahihirapan kung ‘di lalayo.

Sa totoo lang, marami akong ayaw sa sarili ko,
Kaya’t malalim na takot ang nararamdaman ko
Kahit na sabihin ng iba noon na gusto nila ako
Dagli kong iisiping, “Sino niloloko mo?” .

Subalit puso ko’y ikaw ang pinili
Na kay tagal kong itinago sa aking sarili
Sa isang iglap at sandali
Ako’y napapili kung ikakasaya mo ba o ikasasaya ng aking sarili.

Labis man akong nasisiyahan pag ika'y nakikita
Labis man akong natutuwa na ika'y nakikita kong masaya
Kahit nasasaktan,
basta masaya ka Okay na!

Dahil ang pag-ibig ay walang hinihintay na kapalit
Pag ibig na handa siyang palayain
Pag ibig na nasayang at napuno ng kalungkutan  
Pag ibig na nauwi sa masakit na paalam.

Dahil sa’yo natutunan kong maging matatag
Natutunan ko ang tunay na pagmamahal
Pag ibig na minsan, nagsisimula sa katapusan
Na sanay pagmamahal ay mapalitan.

Kaya’t ngayon dahil sa ako’y lubusang nasaktan
Akin munang kakalimutan ang magmahal
Dahil sa luha kong mahal
Kinalimutan kong magmahal dahil baka ikaw at ako’y di magtagal.
Naka-tadhana bang masaktan o naka-tadhanang makahanap ng taong gagamot sa pusong nasaktan?
AnxiousOcean Mar 2018
Ngingiti ka na naman;
Lolokohin mo na naman ang buong mundo,
Paniniwalain ang lahat ng tao,
Uutuin maging ang sarili mo--
Na ayos ka lang,
Na wala kang problema,
Na patuloy kang lumalaban
Sa buhay kung sa’n
Ang sarili ang iyong kalaban.
“Ayos lang” ang iyong sagot sa tanong na “kamusta ka?”
At ngayon ko lamang napagtanto na palabiro ka pala.
Lahat nang ‘yan, iyong itatago sa iisang ngiti.
At sa iyong pagkukubli,
Lahat ay napaniwala.

Tatawa ka na naman;
Muling ipaparinig ang iyong halakhak.
‘Yung tipong mabibingi silang lahat
At masasabing ikaw ay masaya at tapat.
Pero ang bawat ritmo ay kumpas ng kasinungalingan
Na hindi namamalayan dahil sa lakas ng tawanan.
Itutuloy ang tawa hangga’t ang kasiyahan ay maisilang.
Pambihirang panlilinlang.
Daig mo pa ang hunyango pagdating sa pagtatago.
Lahat idaraan mo sa tawa, hindi dahil masaya ka,
Kundi dahil wala kang mukhang maihaharap.
At sa iyong pagpapanggap,
Lahat ay napaniwala.

Mananahimik ka na naman;
Mambibingi gamit ang saradong bibig.
Sasampalin ang buong mundo ng kantang walang ritmo,
Walang liriko, at walang nota.
Dahil hindi tengang handang makinig ang iyong kailangan,
Kundi pangunawa at ang maintindihan.
Mahirap bang gawing salita ang iyong nadarama?
Hirap ka bang magsabi ng kahit ano sa kanila?
Kaya’t mananahimik ka na lang
At paparoon sa isang sulok.
Aawit nang pabulong,
Rinig lamang ang iyong suntok.
At sa iyong pananahimik,
Lahat ay napaniwala.

Mangangamba ka na naman;
Matutulog na lang, sasaktan pa ang sarili mo.
Titingin sa paligid at magiisip nang kung anu-ano.
Kahit ano.
Kahit masakit.
Hanggang sa maaawa ka sa kalagayan mo ngayon
At Iiyakan ang sariling takot bumangon.
Malulungkot, magagalit
At mapapatanong kung bakit.
Bakit ganito? Bakit ganyan?
Bakit ang mata mo ngayo’y luhaan?
Minsan tulog na lamang iyong hiling,
Pero pagod ka pa rin maging sa paggising.
Mangangamba at iisipin ang lahat.
Lahat sila,
Lahat ng iyong napaniwala.

Pero hindi ako.
Ibahin mo ako,
Simula’t sapul, hindi mo ‘ko maloloko.
Hindi mo ‘ko mapapaniwala, hindi mauuto,
Dahil kilala kita,
At alam ko ang pinagdaraanan mo.
Alam kong hirap ka na sa pagsubok ng buhay.
Mistulang ang bawat araw ay pare-pareho na lamang,
Walang bago, puro tabang.
Maaaring tensionado ka, dulot ng paaralan.
O ‘di kaya’y dahil diyan sa mga tinatawag **** “kaibigan.”
Pwede ring dahil sa iyong tahanan.
Dahil sa sakit na dulot ng kung ano man.

Kilala kita.
Alam ko ang nararamdaman mo.
Alam kong gusto mo nang huminto,
Gusto mo nang itigil ang laro,
Pagod ka nang bumangon,
At takot nang umahon.
Tulad ng isang dahon na kahit kalian
Ay ‘di maibabalik sa punong pinanggalingan.
At iyo na lamang inaantay ang iyong paglanta.
Sa isang lugar, inirereklamo ang tagal ng pagkawala.
Dahil ikaw ay sawang-sawa.
Paulit-ulit na lamang.
May galit, may pait pagkatapos ng hagupit.
Babangon, sasaya, at muling babalik sa sakit.
Alam kong luha ang ‘yong nais ipabatid,
At hindi ang iyong mga tawa.
Dahil dama ko ang iyong lungkot sa tuwing ika’y masaya.
Alam kong hirap ka na.
Alam ko, alam ko.

Kilala kita.
Alam ko ang pagkatao mo.
Hirap ka nang kumapit, alam ko.
Dahil mahina ka,
At ‘di mo kailangang magpanggap;
Alam ko ang iyong hanap.
Ngunit nawa'y maintindihan mo,
Tanggap kitang buo at totoo.
Pwede ka nang umiyak,
Pwede mo nang bitiwan ang 'yong sandata,
Pwede mo nang ibaba ang iyong kalasag,
Pwede ka nang maging totoo.
‘Wag nang magpanggap na malakas ka,
Pwede kang maging mahina.
Pwede mo nang burahin ang iyong ngiti.
Pwede kang umiyak,
Hayaan **** dumaloy ang mga luha.
Sige, isumbong mo lahat,
Sabihin mo ang lahat sa akin,
Akala mo ba’y ‘di ko napapansin?
Sumuko man ang araw at nagdulot ng dilim,
‘Di kita susukuan at mananatiling taimtim.
Patuloy na kumakapit,
Inaantay ang 'yong paglapit.
Alam kong mapapatanong ka na naman kung bakit.
Bakit alam ko, at bakit ganito.
Pasensiya kung may pagkukulang man ako,
Ngunit hiling ko lamang na ikaw ay magkwento.
At sabay tayong ngingiti at tatawa,
Saba’y tayong iiyak sa drama.
Yayakapin kita,at patuloy na uunawain,
Dahil 'yun lang din naman ang gusto kong gawin.

Sabi ko nga sa’yo, kilalang-kilala kita.
At ‘di tulad ng iba,
Hindi mo 'ko mapapaniwala.
Dahil siyempre, ako ang 'yong ina.
lovestargirl May 2015
TAGUAN:
Sa ilalim ng nakakapasong init ng araw,
Tumatakbo tayong magkahawak ang kamay,
Nagbibilang hanggang isang daan,
papalayo sa tayang kalaro.

Sabi niya’y tagu-taguan,
at tayo nama’y nagbilang.
Ng isa, ng dalawa, hanggang tatlo.
At hangggang doo’y nanatili sa likod ng puno.

Ngumiti ka, at ako din. Tumawa ka, at ako din.
Saka napuno ng tawanan ang buong mundo ko.
Napuno ng ikaw at ako ang buong maghapon.
Hanggang sa bumaba na ang araw.

Rinig ko na ang tawag ni inay,
At naramdaman ang pagbitaw sa kapit ko.
Hindi mo man pansin ito,
pero para itong isang malagim na pagtatagpo.

Ngayo’y paalam muna,
Hanggang sa muling pagtatago, at pagtatagpo
Ng ating sabik na mga puso sa larong tayo’y tinago.
Sa mundong ating binuo, na tayong bumubuo.
Marge Redelicia Jun 2014
TNT
Ang mga bati mo
Ay laging may ngiti
At ang bawat bulaslas ng iyong labi
Ay may kasamang tawa
Na kay tamis sa pandinig
Pero
Nung tiningnan ko
Ang iyong mga kumikinang na mata
Aking napansin na ang mga ito'y sanay
Na pala sa luha at nung
Hinawakan ko
Ang iyong mga matipunong kamay
Naramdaman ko na ikaw pala'y
Nanginginig
Sa takot at galit

Ewan ko sa 'yo pero
Hindi ko na matiis ang iyong hinagpis.


Lumabas ka na sa iyong pagtatago.
Walang ikabubuti
Ang iyong makasariling pagsasarili
At
Higit sa lahat
Huwag na huwag
**** kakalimutan
Na ako ay para sa iyo at
Nandito lang ako palagi.
MM Oct 2018
Salamat sa hinanakit
Salamat sa sakit
Salamat sa pait
Natuto akong muling kumapit
Ang mga paa ko ay muling lumapit
At natutunan ko na sa tamang tao, ako ay sasapat

Hindi kailangang ipilit
O sa mabubulaklak na salita ang dila ay magkapili-pilipit
Iaaalay nang buo ang marami pang tula at awit
Sa tamang tao, ako ay sasapat

Hindi na hadlang ang agwat
Mas pinatunayan na walang mahirap basta’t tapat
Ngayon ay maiaalay na ang mga sulat
Sa tamang tao, ako ay sasapat

Hindi kami apat
Walang mga kaibigang sa pagtatago at panloloko’y kasabwat

Malilimot na ang hinanakit
Mapapawi na ang sakit
Mawawala na ang pait

Dahil sa tamang tao, ako ay sasapat
Kung kaya lang nating saluhin ang bawat hinagpis,
Ang bawat sentimong
Tinutunaw ng humahagulgol na kalangitan.
At kung kaya lang natin syang sabayan
Sa mga gabing tinutukso na sya ng antok,
Tinutuklaw papalayo sa nais nyang direksyon.

Ngunit hindi sya magpapaubaya’t
Mananatili syang gising
Na parang naghihintay ng panibagong panimula —
Ng bagong punlang ihahasik at ihahabilin sa kanya
Ng tinuturing nyang “mahiwaga.”

At balang araw ay darating ang kanyang gantimpala,
Pagkat walang ibang naging saksi
Sa bawat butil na isinisilang
Na sya mismo ang nakikiramay.

At sa bawat burol
Ay nauubusan na rin sya ng dahilan
Sa kanyang pagtatago at pakikipaghabulan.
Pagkat sya na rin mismo ang nagiging libingan
Ngunit sya’y tatahan at maghahanap ng tahanan.

Patuloy ang kanyang panlilimos,
Patuloy ang kanyang pagkauhaw,
Ngunit patuloy din syang umaahon —
Yayakapin ang sarili’t tatahan.

— The End —