Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Louie Clamor Mar 2016
Kaibigan

Isang salita.
Dalawang paraan ng pagbigkas.
Magkaibang kahulugan.
Madalas magkamali at mapagkamalan.

Kaibigan o Kaibigan?

Sinabi mo sa akin sa isang Liham
Malakas ko itong binasa,
"Salamat at ika'y aking kaibigan"
Mali.
Kaibigan pala.
Napaisip ako,
Mas magandang pakinggan
Ang salitang kaibigan
Kumpara sa salitang
Kaibigan.

Tayo

Isang salita.
Dalawang paraan ng pagbigkas.
Magkaibang kahulugan.
Madalas magkamali at mapagkamalan.

Tayo o Tayo?

Sa iyong mensahe, aking natanggap
"Tayo na."
Mali.
Tayo na.
Ako naman tong si tanga,
Padalos dalos sa emosyon
Naniniwala nanaman sa mga ilusyon.

Ngunit sa aking mga guni-guni
Minsan mas nakakatuwang pakinggan
Ang ibang salita
Na ang pinagkaiba lamang ang munting pagbigkas.
030317

Oo, totoo --
Hindi mo na kailangang ipagsigawang mahal mo ako,
Na aakyat pa sa tuktok ng bundok
Para isigaw ang pangalan ko,
At doo'y ihayag ang nilalaman
Ng damdaming nagsisidhi,
Sapat na sa akin ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan.

Mahal kita --
Sabi nila, lahat ng panimula ay may pangwakas
Pero hindi ko mahagilap sa anumang libro
Kung may katapusan nga ba ang mga salitang yan.

Sa bawat letrang namumutawi sa aking bibig,
Hindi ko alam kung matatapos ba
Ang pagkatha ng puso ng sarili nitong lenggwahe ng "mahal kita"
Pagkat hindi ito isang antigong alahas
Na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
Pagkatapos ay itatago sa kahon,
At kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon.

Sabi sa kanta,
"Walang sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga"
Pero ang sabi ko nama'y
Tirik man ang araw sa pagtawa
O kulimlim man ang gabi sa pag-iyak,
Hindi ako mauubusan ng dahilan
Para mas mahalin ka pa.
Mahal, kaya ka pala mahalaga
At kaya pala mahalaga --
Ngayon, ngayo'y alam mo na.

Kukunin ko ang mga agiw
Sayong mga lumang gunita,
Pilit kong wawasakin ang mga pader
Na hindi akmang pumagitna sa'ting dal'wa.

Sa paulit-ulit **** pagsambit,
Noo'y natakot akong maglaho ang halaga nito
Natakot akong bawiin ng bukas ang bawat sinasambit mo
Pero ngayon, mas pinili ko nang masanay --
Masanay sa bawat pagbigkas mo
Kahit pa sabi ko noo'y ayoko
Kahit pa gusto kong itanggi
Kahit pa gusto kong limutin.

Pero oo, sapat na sakin ang tiwala mo
Sapat na sakin ang pag-intindi mo
Minsa'y di ko maintindihan sa telepono,
Minsa'y di ko malinaw sa pandinig ko
Pero alam ng puso ko:
Narinig ko.

Sa mga kamaliang pilit nating binabayo,
Mga pagkukulang na pilit nating pinupunan,
At sa mga araw na kahit luha ang nalalasap,
Doon ko nakitang kaya pala --
Kaya pala nating magpatuloy
Sa paghawak sa kamay ng bawat isa
At kahit pa malayo sa isa't isa'y
Ikaw at ikaw pa rin ang pagsinta.

Minsan di'y nagtanong ako,
Ba't hindi ka na lang naunang masilayan ang mundo?
Bakit kailangang hintayin pa kita?
Bakit kailangang masaktan muna bago matugunan ang pagmamahal?
Ba't nga ba minamahal kita?

Mapupuno ako ng bakit
Pero itatapon ko ang mga ito,
Ayoko nang malunod sa pangambang
Paggising ko'y baka muli ka na namang maglaho
O baka malimot ng isa sa atin
Ang iniingatang "mahal kita"
Tatalon ako sa walang kasiguraduhan
Tatalon ako --
Oo, alam kong nahuhulog ako
Nahuhulog sa walang katapusang
"Mahal kita."

Hindi ko gamay ang misteryo nito
Hindi ko mabatid ang mga nakasulat,
Mga nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
Pero ililibot kita,
Sa aking nakaraan,
Sa aking ngayon
At sa aking bukas --
Pagkat hindi tayo nabigo
Ayokong biguin ka.

Kailanman hindi mabubura,
Hindi maglalaho
Para sa nag-iisang ikaw.
Sana magkusa ang araw sa pagbangon,
At bukas makalawa'y maririnig ko na
Ang hinihintay kong "Mahal kita."
derek May 2016
Napapagod na akong tumingin sa Facebook ko.
Sa dingding ng mga masasayang larawan ng mga kaibigan, katrabaho
Sa dingding ng mga opinyon na nagdudulot ng masalimuot na pagtatalo
Sa dingding ng mga tagumpay na nakamit mo sa pagsusumikap mo
Sa dingding ng mga narating **** lugar na sobra na ang layo
Sa dingding ng mga video ng pagbigkas mo ng tula sa harap ng maraming tao
Sa dingding ng mga sandaling iginapos mo para ipamukha sa akin na ang buhay ko ay pagkabaho.

Salamat sa mga larawan ng masasayang sandali kasama ng iyong kabiyak
ng inyong matamis na pagmamahalan, na sa sobrang tuwa gusto mo nang umiyak
Nang matuloy kayo sa simbahan, oo na, marami na ang nagagalak
Eto na ang puso ko, wag ka nang mahiya, tuhugin mo na ng itak.

Salamat sa mga opinyon mo tungkol sa paborito **** kandidato
Wala ka na atang ibang ginawa kung hindi halughugin ang Internet para sa bawat artikulo
Para isulat sa dingding mo kadikit ng mga opinyon **** walang humihingi, kahit na sino
Para kang teacher ko na may dalang nutri-bun na isinasaksak pilit sa akin kahit sukang-suka na ako.

Salamat sa mga salita ng pasasalamat na binibigkas mo
kung gaano kadaming biyaya ang ipinagkaloob ng Bathala sa iyo
Sa bawat tagumpay na nakamtan mo sa napili **** trabaho
Naitatanim ko tuloy sa aking isip, kung bakit ang layo mo gayong sabay lang tayo?

Pasensya na, malamang sa inyo ay may natatamaan ako
Wala akong planong durugin ang kahit na anong ugnayan ko sa inyo
Gusto ko lang banlawan, langgasin ang nalalasong utak at puso ko
na pinapatay ng Facebook sa tuwing titignan ko ang mga dingding ninyo.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na sa paninindigan ako ay wala
Na hindi ko kaya maglahad ng opinyon kasi walang papansin, walang maniniwala
Dahil maraming beses na akong naging tapat noong ako ay nasa highschool pa
Wala akong naging kaibigan. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na hindi na ako makakarating kahit saan pa.
Kasi pinili kong manatili, kahit mainit, kumpara sa ibang bansa
Dahil nanuot sa aking dila na hindi ko kayang makipag-usap sa kahit na sinong banyaga
Kasi palpak ang Ingles ko. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na mamamatay akong mag-isa
Na hindi ako magkakaroon ng pagkakataong lumigaya
Dahil sa pinalagpas kong sandali, ay hindi na mauulit pa
Dahil wala akong kwentang lalaki. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Sobrang baba na ng pagtingin ko sa sarili ko.
Ang tanikalang gamit sana para makipagugnayan sa mga kakilala ay tila naging isang angkla na humihila sa mga paa ko
pailalim sa karagatang puno ng mga pusong natalo
Nabigo sa pag-ibig, sa buhay, at sa kahit na ano.

Kaya lalayo na ako sa mga dingding ninyo.
Hindi na ako papayag na manatiling tumatanggap na lang ng kahit na anong ipapaskil mo.
Tatakas ako sa mga rehas na nilikha ng mga masasaya ninyong minuto
Magtatayo ako ng sarili kong dingding. Bubuuin ko ang aking pagkatao mula sa pagkakapira-piraso.
Kailanma'y hindi ako nagsawa
Hindi ako magsasawa
Na titigan ang masaya **** mga mata
Tingnan ang labi **** tumatawa
Pakinggan ang boses **** musika sa aking tainga
At tanawin ang nakabibighani **** mukha
Hindi ako magsasawa

Ilang araw man ang dumaan
Patuloy pa ring ikaw ang nasa aking isipan
Tila nga nalulusaw na ang kisame
Kakatitig ko, at ang mahahalagang bagay ay isinasantabi
Malaanan ka lamang ng oras
Kahit man lang sa isipan ko
At ang pananatili ng iyong mga bakas
Ay ang hindi mo paglisan sa puso ko
Dahil kung merong pagkasugat
Kasunod agad nito ang peklat
Na mananatiling sa aki'y nakatira
At hindi na ito mabubura

Pero mahal, hindi pa rin ako magsasawa
Hindi ako magsasawang kabisaduhin ang iyong bawat paglingon
Ang iyong mga di pagtugon

Kabisado ko na ang iyong mga galaw
Kagaya nang kung paano ko laging naaalala
Ang iyong pagtanaw
Pagtanaw mo sa akin kasabay ng iyong ngiti
Kabisado ko ang iyong mga "hindi"
Kabisado ko na kung saan kita makikita
Sa mga lugar na minsan sa aki'y naging mahalaga
Alam na alam ko kung kelan tumitibok ang aking puso
Tuwing nakikita ko ang sapatos mo
Itim at pula
Ang kulay kung saan lagi kitang naalala
Rinig ko na ang malakas na pagtibok
At agad akong nagtatago sa sulok

Hindi ako magsasawa
Magpapatuloy ako
At kahit nasasaktan ako sa mga pagbitiw mo
Oo, ramdam ko ang pagbitiw mo
Kahit pa hindi mo kailanman hinawakan ang mga kamay ko

Oo, masakit
Nasasaktan ako
Pero pasensya na, magpapatuloy pa rin ako

Lumipas ang mga buwan
Sa aking puso ka pa rin nanininirahan
Sa dami ng unos na aking naranasan
Nahihirapan akong tumahan

Hanggang sa napagtanto kong pagod na ako
Hindi ko alam kung paano nangyari ito
Biglaan nalang
Kagaya ng paglaho mo
Pagod na ako
Pagod na akong intindihin ang aking nadarama
Pagod na akong umasa
Pagod na akong maghintay sa wala
Ang umasa sa mga bagay na kailanma'y di mangyayari
Mga bagay na hindi ko mawari
Pagod na akong paniwalain ang sarili kong magugustuhan mo rin ako
Paniwalain ang sarili kong may dadalhin ka sa pagbalik mo
Pero nagkamali na naman ako
Dahil nakalimutan ko
Na hinding hindi pwedeng maging "tayo"
Dahil iba ang gusto mo
At hinding hindi mangyayaring magiging ako ang tipo mo
Dahil hindi tayo talo
Pagod na ako sa mga bagay na di pwedeng ipilit
Pagod na ako sa pagkapit ko na dati'y mahigpit
Pagod na akong kumapit
Pagod na ako sa sakit

Ngayon, gumagawa na naman ako ng tula
Para sa taong iba ang nilalaanan ng kanyang mga salita
Pero bago matapos ang tulang ito...

Pakinggan mo ako
Pakinggan mo ang bawat salitang aking sambit
Pakinggan mo ang liriko ng aking awit
Pakinggan mo ang tono ng aking tula
Damhin mo ang bawat pagbigkas ko ng mga talata
Dahil maaaring ito na ang magiging huli
Ito na ang bagay na hindi ako magsisisi
Sa huling pagkakataon, ramdamin mo ang aking pagkapit
Ramdamin mo sa huling pagkakataon ang aking bait
Dahil, sobra nang pait
Ayaw ko nang damhin
Ang mga sugat na dinulot nito
Dahil ngayon, nagdurugo ang puso ko
Habang tinitingnan ang mga sugat sa kamay ko nang dahil sa patuloy na pagkapit sa'yo
Ako lang pala ang kumakapit
Kaya tatapusin ko na
Ako'y bibitiw na
Nang sa gayo'y maging malaya ka na
Jeremiah Ramos Apr 2016
Sabayan mo ako sa pagbigkas nito,
Nakakapagpabagabag,
Pitumput-pitong puting pating,
Minikaniko ni Monico ang makina ni Monica,
Ang relo ni Leroy ay Rolex
Bumili ako ng bituka ng butiki sa butika.

Eto ang mga pampilipit dila na naalala at kinalakihan ko
Ang saya bigkasin,
Kasi alam ko na ang bawat pantig, ang tamang pagsambit
At tuwang-tuwa ako bigkasin sa harap ng mga kaibigan ko
Ipinagmamalaki kasi kaya kong sabihin ng diretso, at hindi nauutal
Siyempre, noong una, pumilipit ang aking dila
Ilang beses pinaulit-ulit, hanggang sa masabi nang tama
At ayun, kinaya kong sabihin

Pero sa lahat ng narinig at nabasa kong pampilipit dila
Tila bang 'di ko pa rin kayang sabihin sa sa'yo ang mga salitang
Mahal, kita. Gusto, kita.
Na para bang sila ang mga salitang pinakamahirap bigkasin,
Kahit siguro ilang beses ko ulit-ulitin hanggang sa masabi ko nang tama
Parang hindi ko pa din kakayanin.

Siguro mas kaya ko pang sabihin sa sa'yo ang mga pampilipit dila na naaalala ko,

Nakakapagpabagabag
Nakakapagpabagabag ka sa pagtulog ko
Kakaisip kung anong mangyayari kung sinabi ko sa'yong gusto kita.
Kung anong mangyayari, pag nanligaw ako o pag naging tayo na.
Handa akong protektahan ka sa pitumput-pitong puting pating.
Alam mo ba ang relo ni Leroy ay Rolex?
Sana alam din niya ang oras ng uwi mo, para maihatid kita,
Sana alam din niya na tumitigil ang oras tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata
Sana alam niya ang tamang oras kung kailan ko ba dapat sabihin sa'yo na mahal kita

Nauutal sa apat na pantig,
Na hindi ko naman alam kung gusto mo bang marinig

Mahal kita, mahal kita, mahal kita.
Ilang beses inulit-ulit bigkasin habang papunta sa'yo
Baka sakaling masabi ko pagdating ko sa harap mo
Pero nang nakita ka na,
Para bang nabura mo ang lahat ng bokabularyo na alam ko,
Nakalimutan ang tamang balarila,
Nakalimutan kung paano mag-salita
At nang lumampas ka,
Nanghinayang. Sayang.

Tatanggapin ko na lang na
Siguro hindi lahat ng pampilipit dila ay kaya kong bigkasin
Mas-mabuti na lang siguro na,
Hindi sumubok, hanggang sa makalimutan ko nang sabihin sa'yo
At mag-aantay na lang muli
ng isang taong
hindi pipilipit ang aking dila
Kapag sinabi kong,
Mahal na mahal kita.
derek Feb 2016
Naalala mo pa ba, noong magbukas ang Nagi?
Pagkahaba pa ng pila, umabot ng Yabu dati.
Kahit pa nga yata Yabu, ay kayhaba din ng pila
Araw-araw laging ganyan, kaya dapat maaga ka.

Sa katagalan pagdaka ay nagkaupuan na nga
Ang babae ay sisigaw, at susundan ng iba pa
Bigay todo ang pagbigkas, tila baga walang bukas
Rinig mo ang tinig nila kung ikaw ay nasa labas.

Sunud-sunod na araw pa, na kami ay nasa Nagi
Itanong mo pa kay amo, siya po ang aming saksi.
Kung paanong alas-onse'y, naghihintay na ng taxi
para sa pila'y mauna, at nang makakain kami.

Ilang buwan din siguro ang sa mundo ay dumaan
na ang pagdalaw sa Nagi ay biglang naging madalang
Na mula sa bawat araw, ito'y naging linggo-linggo
Kalaunan pa ay naging Enero, Pebrero, Marso.

Lumipas ang mga taon, at ngayo ay Pebrero na.
Ngayon na lang uli kami doon sa Nagi nagpunta.
Ang dating mahabang pila, ngayon ay tila wala na
Alas-dose na noon, tanghali na po partida.

Noong pumasok na kami'y sumisigaw pa rin sila
ngunit dinig mo sa boses na ang sigla ay wala na.
Kahit yung pitsel ng house tea na laging inihahanda
Ngayon baso-baso na lang, tapos manghihingi ka pa.

"Nakakain na po kami, puwede bang bukas na lang?"
"Mayroon na n'yan sa Mega, pati na sa Katipunan"
"Huwag ka nang magmadali, hindi na dapat agahan"
"Kahit anong araw pwede, kasi nandyan lang naman 'yan".

Tayo'y magaling lamang ba, kapag bago at simula
kapag bago sa paningin, kapag bago sa panlasa?
Na 'pag nilamon ng oras o kinasanayan mo na
ay tila pinagsawaan at pinagwalang bahala.

Kailan kaya darating, ang sa aki'y tinadhana
na sa aking pagtangkilik, hindi ako magsasawa?
Na kapag nakita ako'y ramdam ko ang galak niya
at ang puso ko'y lulukso marinig lang ang ngalan n'ya.

Malamang ay naglalaro ngayon sa iyong isipan
"Tungkol pa rin ba sa Nagi, ating pinag-uusapan?"
Huwag mo na itong isipin, sagutin mo na lang ako
may pila pa kaya ngayon, sa bagong tayong Ippudo?
It's been a while since I wrote a metered poem. This one has 16 syllables per line. Not really a big deal, but I hope you enjoy.

UPDATE:

When Ramen Nagi first opened in SM Aura (a mall in Manila), it was really popular. Imagine long lines of people waiting to get a seat and try their ramen (especially during lunch). I think they were really popular somewhere, that people were really that excited that a store opened up in Manila. We usually went earlier than your usual lunch time just so the line won’t be that long. We loved their ramen so much that we ate there as often as we could.

It’s been a while since we last ate there. I tried to contemplate in this poem how much has changed since it opened, how the long lines of people are no longer present, how the enthusiasm of its staff was not as great as when they first started serving ramen. Then I realised how similar the situation was with relationships — feels like sometimes we only show our “maximum effort” at first, which diminishes over time. I sure hope that at some point in my life I would find the one that I won’t get tired of loving.
psyche Mar 2016
Kapag yung ex mo nakipagbalikan sayo
tatangggapin mo pa ba?
Ako?
oo.
tanga lang eh noh?
oh tapos tatawa tawa ka?
Kung sabagay…
Hindi kita masisissi.
Hindi naman ikaw ang minsang lumigaya
Sa ibabaw ng alapaap
Sa yakap na mahigpit
Sa kamay na minsang nakatagpo ng
Palad
Palad na handang dumamay
Palad na handang umakay sa matarik na bundok
Binuo ng mga daliring handang takpan
Ang minsang mga matang walang humpay na lumuha sa pait na
Dulot ng mapanghusgag tingin ng mundo
hindi.. hindi kita masisisi
dahil hindi naman ikaw nag nakadama
ng matamis na lasa sa pagbigkas ng mga katagang
ikaw.. ikaw lang.. ang mahal ko.
Hindi. Hindi mo narinig ang bawat ngiting
Ipininta ng bawat tawang ibingay
Sa mga simpleng kantang inialay.
hindi.. hindi mo nasaksihan nung araw na ipinaglaban
nya ang pagmamahalang tanging mahalagang bagay na meron ako at sya noon.
Hindi.. hindi mo naramdaman ang lambot ng kasiguraduhang
Matutulog kang nakangiti dahil sya ang katabi mo
At gigising kang may ngiti pa rin dahil panatag ka
Panatag kang sa bisig nya parin nakahimlay.
Hindi.. hind kita masisisi
Dahil hindi mo ramdam
Ang kirot na humiwa dito..
Nung araw na sinabi nyang
“Ayokona”
Ayokona?
Walang eksplenasyon ni walang pasubali
Nabura lahat! Natabunan ng mga tanong hanggang sa naging panghihinayang at poot at
Sinabi kong tama na
Tama ka nga siguro
Ayaw mo na..
Lahat yan tinanggap ko, pilit ipinilit sa isipang
Wala na. tapos na. ending na.

Tapos
Isang araw
Bigla syang kumatok, sabi
“sorry”
Tanginamo. Para san pa?
Ako pa rin daw..
ako parin daw.

Kapag yung ex mo nakipagbalikan sayo
tatanggapin mo pa ba?
Ako?
oo.

pero di gaya ng dati
hindi
na
ako
tanga.
Hindi na...
Leslie Jade Dec 2017
sa bawat minutong lumilipas
tila may pagkakataong napakabilis
ngunit pasakit dibdib ang pagkabagal
Ang paligid ay nagmimistulang kawalan
Hindi napapansin sa kahihintay
paghintay sa oras na muli kang mangusap
paghintay sa pagasang magtatagal lahat
paghintay sa katagang "babalik" lahat
Lumilipas ang gabing puno ng katahimikan
tanging pagbigkas mo lamang
ang siyang gigising sa diwa
Subalit tila ang paghintay ay walang patutunguhan
Hanggang sa unti unting nang sumuko
pagasa'y nawala
paghihintay ay natigil
hiling ay naglaho


*itigil na ang ilusyong ito.
katrina paula May 2015
Paikot-ikot
Ang sayaw sa damuhan
Ng mga paang walang patutunguhan
Paulit-ulit
Ang pagbigkas sa musika
Ng tinig na sintonadong plaka
Patay-sindi-ay!
ang kalituhan sa katauhan
Ng tibukin ng taong makasalanan
Anna Feb 2018
Gusto kita, ilang ulit ko ng binigkas
ang mga salitang paulit ulit sa isipan ko
tuwing umaga sa pagdilat ng aking mga mata,
tuwing sasapit ang gabi kayakap ang unan habang iniisip ka

Pinipilit itali at ikulong itong pakiramdam
Na walang ulit ang pagsabog pero pahapyaw lang.
Dahan dahan lang sabi ng puso
pero pag hindi na ginamitan ng utak
ito’y bigla na lamang titibok ng walang humpay
at sa pagtibok nito kasabay ang pagbigkas ulit sayo - gusto kita. Sobra.

Ang dami kong tanong, araw araw ako nagtatanong,
nagiisip ng bakit, pano, ano?
Ano ba talagang tama ko sayo?
Pogi ka pero di naman ako mahilig sa pogi.
Pangit ba ko, anong mali sakin bakit hindi ko makuha
ang iyong pagibig?

Hindi ba may mga bagay naman na ayaw natin
nung una pero nagugustuhan din sa huli.
Ako kaya? Kelan yung oras na ako naman yung gustuhin mo.
Gusto ko na malaman, ibigay mo na sakin kasi nababaliw na ko.
w Nov 2020
101
Noon, ang tanging kinakatakutan ko lang ay ang hindi makatulog sa hapon
Ang mahuli ng magulang na tumatakas para makalabas at makipaglaro
Ang matakot sa mga kwentong multo na gumagala tuwing alas tres ng madaling araw
Ang manuod ng horror na pelikula at matulog na bukas ang bombilya pagkatapos
Ang dumilat at sumilip sa ilalim nang kama

Noon, natatakot lang akong makakita ng pulang marka sa aking papel
Ang hindi makasagot sa pagbigkas sa nakabusangot at nakakatakot kong titser
Ang mahuling nakikipag daldalan sa katabi kong kaklase
Ang hindi makauwi sa tamang oras na binigay ng magulang

Natatakot ako sa mga maraming bagay
Ngunit nagiba narin ang mga bagay na kinakatakutan ko sa mga taong lumipas
Mas lumaki na sila at mas naging matapang
Mas naging matulis ang mga pangil at humaba ang mga binyas, ang buhok, ang kuko
Mas bumilis, mas lumiksi
Mas mahirap nang labanan

Hindi na pwedeng basta idaan sa pagtulog at pagtakas
Hindi na basta basta napapatay ng liwanag na nanggagaling sa bukas na ilaw ang takot
Hindi na rin nawawala ang takot sa pag balot sa buong katawan ang malambot na kumot
Hindi na madadaan sa pagsiksik sa pader upang hindi mahila ang mga malamig na paa sa nagtatagong takot sa ilalim ng kama
Chwins Jun 2017
Matagal na panahong nilihim sa iyo
Isang sikretong pasan ng mga balikat ko.
Dinggin mo ako bagamat tila’y huli na,
Pagbigkas ng mga katagang marinig mo pa sana.

Halina’t sumilip sa kaibuturan ng aking puso
Nagkadurug durog at hindi man buong buo
Kailanma’y hindi naubusan ng dugo
Na tuloy pa ring dumadaloy dulot ng alaala mo.

Kailangan ko pa bang ipaliwanag ito
Isang pangungumpisal at pagsusumamo
Sa tinagal tagal ng ating pagsasama
Ni minsan ba’y dumapo sa’yo na mahal na pala kita?
G Dec 2020
Sa hindi inaasahang panahon,
Landas natin ay ipinagtagpo
Dating mo'y hindi mawari kung suplado ba o masyadong seryoso
Ngunit kahit ganoo'y ako'y nagpatuloy.

Sa hindi inaakalang pagkakataon,
Mga kwentong noo'y nagmumula sa pagtatype ng mga daliring mahilig sumulat
Ngayo'y nagsisimula na sa mga pagtawag at pagbigkas ng mga bibig na makata.

Sa hindi maintindihang sitwasyon,
Matagal-tagal na hindi napapaisip at napapasulat
Ngunit dahil sayo'y biglang nanumbalik
At heto ngayon, nagsisilbi kang inspirasyon.

Sa daldal **** taglay,
Makulit at maalagang pagkatao
Na nagsilbing kanlungan sa oras nang pagiging mapag-isa,
Salamat sa pagiging kung paano ka nagpakilala.

Dahil sa oras na magtugma ang mga nararamdaman,
Kahit hindi inaasahan,
Kahit hindi akalain,
Kahit hindi maintindihan,
Sayo, ako ay sigurado.

— The End —