Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia Jun 2015
ang pangalan niya ay jesus.
oo, ang pangalan mismo ng kaibigan ko ay jesus.
seryoso ako.

si jesus
ay siyang dalaga,
morena, kulot ang buhok.
ang lalim ng mga dimples at
may mga pisngi na kay sarap kurotin.

parang musika ang himig ng kanyang tawa
at hindi kumpleto ang kanyang mga bati
kung walang kasamang yakap na kay higpit.
hindi ko gets kung bakit
hindi siya kumakain ng tinapay ng walang asukal.
at nakakatawa lang kung paano
lagi siyang may baon na sachet ng bear brand
na pinapapak niya kapag siya ay naiinip.

si jesus
ay isang iskolar,
magna *** laude standing,
bise presidente ng kanilang organisasyon.
balak mag law school pero may tumanggap na
nakumpanya sa kanya sa bgc.
meron din siyang mayamang boyfriend na
hinhatid siya pauwi sa taytay, rizal gabi-gabi.

huwebes ng nakaraang linggo,
bandang alas dyis:
si jesus
ay natagpuan sa labas ng kanilang bahay
walang malay
nakahandusay sa kalye.
sinugod sa ospital para kalagayan ay masuri.
ano kaya ang nangyari kay kawawang jesus?
heat stroke, stress, fatigue, high blood, food poisoning?
kulang lang ba sa tulog o pagkain?
walang natagpuang hindi pangkaraniwan kay jesus.
normal lang daw ang kanyang kalagayan
maliban lang sa paghinga niya na
tila humihikbi pero walang luha.
ilang oras din ang nagdaan bago si jesus
ay tuluyang nagising.
ang sabi ng doktor tungkol sa kanya:
depresyon, malubhang pagkalungkot
ang tunay at nag-iisang sanhi.

dahil kay jesus,
napagtanto ko na
hindi porket nakangiti,
masaya.
hindi porket bakas ang ligaya sa kanyang labi,
wala nang lungkot at lumbay na namamayani sa kanyang mga mata.
hindi porket ang lakas humalakhak kapag nandyan ka,
hindi na siya humihikbi, humahagulgol kapag wala siyang kasama.
hindi porket parang musika ang kanyang tawa,
hindi na siya umiiiyak nang umiiyak nang paulit-ulit-ulit na parang sirang plaka.
kasi
hindi porket masigla,
hindi na napapagod.
hindi porket matapang at palaban,
hindi na nasasaktan.
hindi porket laging nagbibigay, nag-aalay,
wala nang mga sariling pangangailangan.
hindi porket matalino,
ay may alam.

dahil kay Jesus,
ako'y namulat
na ang dami palang mga walang hiyang tao sa paligid ko
na nagsusuot ng mga maskarang pantago
sa kanilang mga kahinaan, takot, at sakit.
sa kabila pala ng kanilang mga yaman, tagumpay, talino, at
kung ano-ano pa mang sukatan ng galing
kung saan kinukumpara natin ng ating sarili
may isa palang
nabubulok, naagnas
na kaluluwa.

dahil kay jesus,
ako'y nalulungkot.
mata ko ay naluluha,
puso ko ay kumikirot
na may mga tao palang katulad niyang
naglalakbay nang di alam kung saan pupunta.
nangangarap na huwag na lang magising sa umaga.
nakuntento na lang sa wala.

dahil kay jesus,
ako'y naiilang
na ang nagaganap sa aking harapan
sa loob ng paaralan, bahay, o opisina
ay hindi tama.
maling-mali na
ang mga tao sa aking paligid ay nakakulong
sa selda ng anino at lamig.
hindi ito ang kanilang nararapat na tadhana.
hindi ka ba naiinis?

dahil kay jesus,
may apoy na nagpapaalab sa aking galit
nagtutulak sa akin na tumakbo
hangga't hindi natatama ang mali.

at lahat 'yan ay
sapagkat alam ko sa aking isip at puso na
dahil kay Hesus
lahat ng kahinaan at takot ay hindi na kailangan ikubli.
ilalapag na lang sa harap Niya
ang anumang alinlangan o mabigat na karamdaman.
wala nang pagpapanggap.
buong tapang na ipagmamalaki na
ito ay ako.
kasi ano man ang mangyari at kung sino man ako maging
ang tunay na dilag, dangal, at tagumpay
ay tanging
sa Kanya nakasalalay.

dahil kay Hesus
may ligaya at kapayapaan na hindi kaya matalos ng isip.
banayad ang layag
anumang dumaan na bagyo.
matatag nakakatindig
kahit yumanig pa ang lupa at magunaw man ang buong mundo.
dito sa dagat na kay lawak at lalim
hindi lalangoy,
kundi maglalakad, tatakbo,
lilipad pa nga sa ibabaw ng mga alon.

kay Hesus
may liwanag na pinapanatiling dilat
ang aking mga mata.
ano mang karumaldumal na karahasan ang masilayan,
hindi ako napapagod o nawawalan ng pag-asa.
hindi makukuntento at matatahimik.
hindi tatablan ng antok.
araw-gabi,
ako ay gising.

dalangin ko na sana puso mo rin ay hindi magmamanhid
na kailanman hindi mo masisikmura at matatanggap
ang kanilang sakit.
tulad ng dalagang si jesus
gusto nila ng pampahid para maibsan ang hapdi.
pero ang mayroon tayo
ay ang lunas, ang gamot,
ang sagot mismo.
tagos sa balat, sa puso diretso.
ang gamot ay ang dugo
na dumaloy sa mga palad Niya.
ang pangalan Niya ay Hesus.
*Hesu Kristo.
a spoken word.
Marge Redelicia Jul 2015
naririnig mo ba?
ang bell ni manong na nagtitinda ng ice cream.
ang mga huni ng iba't ibang klase ng ibon.
ang mga harurot ng mga ikot jeep.
naririnig mo ba?
ang mga tawanan ng mga magkakaibigan
mga kuwentuhan, mga tanong at makabuluhang talakayan.
naririnig mo ba?
ang mga lapis at bolpen ng mga estudyante
na kumakayod sa mga papel:
husay
sa bawat ukit.
naririnig mo ba?
ang mga yapak ng mga iba't ibang klase ng Pilipino at talino
sa kalyeng binudburan ng mga dahong acacia
dangal
sa bawat apak at kumpas ng kamay,
sa bawat hinga.

naririnig mo ba?
ang mga salitang mapanlinlang, mapang-alipusta
ang mga sigaw sa sakit,
hiyaw sa hapdi, dahil sa
mga hampas at palo
ang mga tama ng mga kamao
naririnig mo ba?
ang mga iyak
ang mga hikbi ng mga kaibigan
para sa mga kapatid nilang nasaktan.
ang mga hagulgol ng mga magulang
na nawalan ng anak:
mga puso, mga pamilyang
hindi na buo.
wasak,
nasira na.

naririnig mo ba?
ang mga boses na nananawagan na
"tama na"
"utang na loob, itigil niyo na"
kasi
hanggang kailan pa
tutugtog ang ng paulit-ulit-ulit
ang sirang plaka ng karahasan
na patuloy na naririnig sa panahong ito
mula pa sa mga nagdaang dekada?

nakakalungkot, hindi, nakakasuklam
ang mga mapaminsalang kaganapan na nangyayari
sa ating mahal na pamantasan.
ang tawag sa atin ay mga
iskolar ng bayan,
para sa
bayan
pero paano tayo mabubuhay nang para sa iba
kung paminsan hindi nga makita ang
pagmamahal at respeto sa atin mismo,
mga kapwang magkaeskwela.

hahayaan na lang ba natin ang ating mga sarili
na magpadala sa indak ng
karumaldumal na kanta ng kalupitan?
hahayaan na lang ba ang mga isipan na matulog.
hahayaan na lang ba ang mga puso na magmanhid.
kailan pa?
tama na!
nabibingi na ang ating mga tenga.
nandiri. nagsasawa.
oras na para itigil ang pagtugtog ng mga nota.
oras na para tapusin ang karahasan.
oras na para talunin ang apatya at walang pagkabahala.
oras na para sa hustisya.
oras na para sa ating lahat,
estudyante man o hindi, may organisasyon man o wala
na tumayo, makilahok at umaksyon
para pahilumin ang sakit,
para itama ang mali.
oras na para sindihan ang liwanag dito sa diliman.
oras na para mabuhay ang pag-asa ng bayan.
a spoken word poem against fraternity-related violence
Tumibok ang puso ko
Hindi dahil sa may hinihinga pa
Ngunit bunsod sa kaba.

Tumayo ako't humakbang
Narating ko ang entablado;
Hindi ko lubos maisip
Na ito na ang pangalawang beses
Na tutuntong ako't haharap sa madla.

Isang pribilehiyo
Salamat sa grasya ng Panginoon.

Panimula ko'y winaksi na sa isipan
Bagkus ang bibig ay kusang niluluwalhati Siya
Maging ang pangwakas ay nakatuon lamang sa Kanya.

Ang buhay ko'y minsang naging sakal
Akala ko noon, kaya kong walang sinasandalan
Ngunit ako'y minsang naupo sa silya-elektrika
At tinawag na nasasakdal.

Isarado natin sa siyam na taon
Ako'y nasa rehas pa ng kadiliman
Na tanging sariling latay ang nasasaksihan
Kilala ko Siya na may lalang sa akin
Ang tingin nga lang ay ambulansya Siya:
Na 'pag kailanga'y, panay hikbi't nanlilimos ng grasya
Ngunit 'pag ayos ang lahat,
Iniiwan ang sarili't umiindayog sa dilim.

Sa siyam na taon
Ako'y binahiran ng itim na blusa
Akala ko'y hindi ko na matatakasan ang rehas;
Ang sekswal na kasalanang bumalot sa pagkatao
At naging mitsa nang paghinto ng nararapat na pagpapala.

Ngunit ang lahat pala'y kayang limutin ng Ama
At ang maling relasyo'y kinitil sa tamang panahon
Na ang pag-ibig ay magkaroon ng katuturan
At doon nalaman na 'pag para sa kapwa'y
Sunod lamang sa mas rurok
Ng saktong timpla ng pagmamahal.

Umaagos ang luha ko nang walang nakakakita
Ang puso'y hinihele ng Kanyang mga anghel
At ang Kanyang sakripisyo'y tagos sa kamoogan.

Hindi ko lubos na maintindihan noon ang pag-ibig Niya
Na kayang akayin ang buo kong pagkatao
At buburahin ang kamalian ng nakaraan
At maging ng ngayon at ng bukas.

Hindi ko alam kung saan paparoon
Kaya't pilit kong sinuot ang maling maskara noon
Ang puso'y mali rin ang naging direksyon
Maling galaw at mali ang naging layon.

Ibinaling ko ang lahat sa sariling persona
Nag-aral nang mabuti't hindi nalulong sa anumang droga
Maraming organisasyon ang kinabilangan
Sa pag-aakalang matatakpan ang bawat butas
At masisilayan lamang ang magandang antas ng sarili.

Sa madaling salita, binuo ko ang sarili kong pagkatao
At nalimot at nakaligtaan na may nag-iisa lamang na Manghuhulma
Ngunit salamat at naarok ko ang tamang landas
Na ang minsang batong sinantabi't itinapon
Ang siyang tutuwid sa baku-bako kong daan.

Hindi pala ako magiging masaya
Kung ang sentro ko'y ang aking sarili
At nang ako'y palayain Niya,
Masasabi kong ganap na ang aking pagkatao
Na nakilala ko ang sarili --
Kung sino ako't kung para kanino.

Wala na akong mahihiling pa
Mahirap man sa sansinukob na ito'y
Patuloy pa ring maghihitay sa Kanyang pagbabalik.

Hindi ko kinalilimutan ang mundo
Ang labindalawang disipolo na Kanyang regalo sa akin
Ang kanilang mga buhay na tangan ko hanggang sa huli
At hindi sapat na sumuko lamang
Hindi ko kaya, ngunit kaya Niya.

Ang pag-ibig ko sa pamilya ko'y hindi maaawat
May mga tanong sa isipan ngunit hindi ko ito ginising
Hindi ko abot ang Kanyang kaalaman
Kaya't inilapag at inihain na lamang sa Kanyang paanan.

Muli, hindi ko kayang mag-isa --
Mag-isang nag-aarok ng pansamantalang tagumpay
Ngunit ang paniniwalang may pag-asa pa
Ay patuloy ang pag-usbong gaya ng mga malalagong dahon;
Ang bawat kaluskos ay maririnig ng Ama
At ang pugad na kinatitirikan ko ngayo'y
Haplos ng Kanyang banal na mga kamay.

(6/28/14 @xirlleelang)
nathansolmeo Apr 2018
Isang karangalan ang pagiging *** laude para sa isang mag aaral. Karangalan na siyang hinahangad ng karamihan ngunit iilan lamang ang nagkakamit. Isa sa mga nagkamit nito ay si Hannah Isabelle D. Mendez. Ngunit sino nga ba si Hannah?Isang mag-aaral mula sa URSC na kumukuha ng kursong BSIT. Gusto mo bang mas kilalanin pa natin siya? Halina’t samahan mo ko.
Kanyang pinanggalingan...
Si Hannah ay ipinanganak noong Agosto 21, 1997. Bunsong anak sa dalawang magkakapatid nina Cristeo at Girlie Mendez. Simple lang ang naging buhay ni Hannah. Lumaking mabait, masipag at may takot sa Diyos kahit na mula siya sa isang 'broken family'. Naghiwalay ang kanyang mga magulang nang siya ay nasa ikatlong baitang. Masasabing hindi madali ito para sa kanya dahil nais niya ay buo at masayang pamilya ang makakasama niya ngunit sa pagsisikap at pagtitiyaga ng kanyang ina, naging matatag at matapang si Hannah.
Kanyang hilig…
Si Hannah ay mahilig magsulat, manuod ng mga pelikula at magbasa lalo na ang mga libro na akda ni Colleen Hoover. Ang pagbabasa ang naging pampalipas oras niya at nakakapagpasaya sa kanya. Maraming bagay ang kanyang natutunan bunga ng kanyang pagbabasa at isa ito sa naging dahilan ng kanyang mga kaalaman na nagdala sa kanya ngayon bilang *** laude.
Simula ng hamon bilang mag-aaral…
Noong bata pa si hannah, wala siyang interes sa pag-aaral. Tulad ng ibang kabataan, kasiyahan lang ang kanyang hinangad pero dahil sa kanyang naging **** noong elementarya, naging bukas ang kanyang isipan sa pag-aaral.
Nakapagtapos siya ng elementarya ng may medalya bilang ikalawang karangalang banggit, sumali sa iba't ibang kompetisyon tulad ng Nutri Quiz Bee - 4th place, Hekasi Quiz Bee -2nd place (Elementary, District level) at sa Highschool 15th place sa Sports Page (RSPC) 1st place Drama fest (School level) journalist at naging presidente ng isang organisasyon noong hayskul.
Sa pagtuntong ng kolehiyo, naipagpatuloy niya ang kanyang pagiging aktibo. Nahalal siya bilang kalihim (S.Y.2015-2016), pangalawang pangulo (S.Y. 2016-2017) at 4th year representative (S.Y. 2017-2018) ng BITS Organization. Naging miyembro din siya ng KASALI Organization taong 2014-2018.
Nang tanungin siya kung paano niya nagagawang pagsabayin school activities at academics, simple lang ang naging sagot niya, “Basta masaya ka sa ginagawa mo, magagawa mo lahat at naniniwala kase ako sa ibinigay sayo yung bagay na yun dahil kaya mo".
*** laude…
Hindi naging madali kay Hannah ang maabot kung anong mayroon siya ngayon. Dumating siya sa puntong hindi na niya alam kung ano ang uunahin. Nariyan ang school works, church duties, family problems at dagdag pa ang mga nagsasabing hindi niya kaya ang kursong IT pero kalaunan napamahal na siya dito. Goal na ni Hannah maging *** laude pero hindi niya ineexpect na makukuha niya ang karangalang ito.
“Sobrang saya dahil ipinagpanata ko ito sabi ko kung para po sa’ken ito, Kayo (Ama) na po ang bahala and then nung nalaman ko na isa ako sa *** laude, hindi ko alam gusto kong sumigaw sa galak, sobrang nakaka—overwhelm.”, wika niya.
Tanging inspirasyon niya ang kanyang pamilya para makapagtapos at maabot ang lahat ng kanyang pangarap.
"When the opportunity knocks on your door, always be willing to give it a chance, 'yan lagi nasa isip ko para wala akong pagsisisihan at always give your best shot sa lahat ng ginagawa mo", wika niya ng may halong ngiti sa kanyang labi.
Tunay ngang nakakagalak ang kanyang pagsusumikap upang makamit ang kanyang minimithi. Mula sa buong pamilya ng URSC, proud kami sa iyong pagdadala ng karangalan!
JOJO C PINCA Nov 2017
“Study everything, join nothing”
- The Maverick Philosopher

Hindi naman masamang siyasatin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa ating buhay-buhay. Ayos lang na basahin ang lahat ng aklat na gusto mo’ng basahin basta’t makakatulong ito para makamtan mo ang iyong mga hangarin. Ayos lang na sumabay sa hangin o kaya naman ay tumakbo sa buhangin siguraduhin mo lang na hindi ka mahuhulog sa bangin.

Minsan ka lang mabubuhay at hindi na muling babalik ang kabataan, karapatan mo na pag-aralan ang lahat ng gusto mo’ng mapag-aralan. Hindi mo kailangan na pumasok sa paaralan at magbayad ng pagkamahal-mahal na tuition fee, hindi mo kailangan maki-tropa sa mga bolakbol o kaya naman ay makipag-plastikan sa mga pantas na kung tawagin ay propesor.

Magbasa ka at huwag umasa, hawak mo ang iyong buhay kaya’t hindi mo ito dapat na iasa. Kumasa ka kung kinakailangan upang hindi maging alipin ng sinoman. ‘Hwag mo’ng antayin na turuan ka ng iba, turuan mo ang iyong sarili. Ok lang na maging makasarili basta’t kaya **** dalhin ang iyong sarili. Kumbaga wala naman masama na magsarili gamit ang iyong daliri.

Basta ito lang ang payo ko: ‘wag **** sayangin ang ngayon. Wala sa organisasyon ang tunay na pundasyon. Ang karunungan ay hindi isang donasyon, pinaghihirapan ito tsong. At wag mo’ng sabihin na masyado ka pang bata o di kaya naman ay matanda na’t huli na ang lahat. Walang malambot at walang makunat sa coconut na handang matuto.

Panghuli gusto ko tandaan mo ito. Ang buhay ay hindi isang magandang panaginip hindi rin ito isang masamang bangungot. Ang buhay ay buhay, ganon lang kasimple, ‘wag mo’ng gawing kumplikado. Kung may gusto ka gawin mo, kung ayaw mo naman edi ‘wag. Ika nga walang sapilitan kasi wala ka naman kapalitan ang importante ay matuto ka saiyong bawat ngayon.

— The End —