Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Tangan ang mga halik mo
Sa aking palad umaagos
Ang damdamin minsan ay umalab
Parang sigarilyong nauupos
Dahan-dahang nauubos
Kaya nga bang balikan ang kahapon
Binaon na natin sa kahon
Katulad ng mga dahon
Nalanta at di na makaahon
Kaya pa nga bang ibalik ang kahapon
Sa saliw ng mga puso natin
Ngayon ay uhaw sa pagsintang
Naudlot ng pagkakataon



-Tula III, Margaret Austin Go
Pabalik-balik ka
Hahakbang nang pakaliwa ,
Hahakbang nang pakanan.

Yapus-yapos ako ng aking kinahihimlayan
Balakid nati'y salaming
Bahagdan lamang ang kinalalagyan.

Puti ang daan patungo sa iyong tuntungan
Sumusulyap ka nga't
Mensahe'y kusang tanong
Tinipon at binahagi sa pagkatao.

Malabo ang salamin sa harap
Dito sa amin at sa kalye sa looban
Kung saan dinudumog ito
Ng mga kliyenteng
Buht sa iba't ibang pintuan.

Takipsilim na
Tangan-tangan ko ang susi palabas
Nang tumambad ka't
Ilang metro lamang ang distansya.

Nagtagpo ang pawang paningin
Bagkus kailangan na ring pigilan ng sandali
Nauna ka
Pagbaba ko'y hindi na muling nasilayan
Anumang aninag ng iyong *lihim na pagkatao.


Mayroong kumaway sa akin
Isang pamilyar na tauhan sa sarili kong kwento
Dati ko palang **** sa asignaturang Ekonomiks.

Tinugon ko ang pagtawag niya sa akin
Aba't ang oras ang huminto
Ninakaw ng kanyang katabi
Ang pagtingin buhat sa tumanggap ng pagtugon.

Naroon ka, hawak ang manibela
Ako'y nauupos na kandila
Ako'y hinahanging saranggola
Isang bulang hinihele ng musikang walang liriko.

Hindi ako naging epektibo sa kausap
Doon ang pasimula ng kwento
Hihintayin ko ang muling pagsirit
ng nanlilisik na araw
At ang lahat ay kapwa
Pausbong na ala ala na lamang.
Para sayo na sumisilip sa office ng firm namin.
Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan
Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot
Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid
At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan
Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag
Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka

May mga bulalakaw na nagpakita.

Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo
Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato
Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa
Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka
Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa
Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik

Sabay-sabay tayong pumikit.

At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa
Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!"
At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling
Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin
Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan
At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:

"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"

Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong
Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo
Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa
Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya
Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata
Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,

Tayo ay masaya.

Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang
Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito
—Hindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga,
Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay,
Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na ito—
Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan

Sa huling pagkakataon tumingala tayo.

Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan
Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin
Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo
Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit
Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga
At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata

Hanggang sa huling bulalakaw,

Kaibigan,

**humiling ka.
Read more of my works on: brixartanart.tumblr.com
032316 #TagkawayanBeachToPPC #HawlingDay

Madaya ang dagat na tumatabi,
Umiiwas sa lalim na walang lebel.
Kung susukatin ang dipa ng pising ibinigkis,
Milya ang distansya ng berde't kayumanggi.

Pahiwatig ng hampas ng mga dahon,
Kanila ang lupang may paghuhumaling sa nayon.
Gayundin pala ang kurot
Ng latigong pakpak ang armas.

Hininga ay buhay
Sa baku-bakong daang
Nagmimintis sa tahanan.
Ilang gulong na kaya ang nagpatalyer?
At nausugan ng ilan pang mga panlupang sasakyan.

Napapagod ang likido ng Langit
Na siyang minsang lampas-lupang nagpakumbaba.
Napapagod ang Ilaw
Sa pagsirit ng kandilang hindi nauupos.
O ang mga ibong pumapagaspas
Sa ereng walang tiyak kung saan papadyak.

May mga kasuotang gula-gulanit,
Sila'y may mantsya't may kalakip na basbas.
Hindi maititikom ang pagsampal ng paa,
Mga paang piniling lumaya
Kahit tadtad sila ng kalyo.

Ganoon pala ang pagpihit ng duyang sandali lamang,
Ihihile ka nang saglit,
Sabay makikibaka sa panahong gusto niya.

Simple ang buhay,
Namamahinga't umiiling kadalasan.
Ni ayaw ang gintong luha,
Kalasag pala ng kanyang pagkatanda.
Hindi ko alam kung bakit pa nagtataka,
Kung bakit pa nagtatanong kung may pag-asa pa,
Bakit pa nga ba aasa pa?
Kung ang pag-asa ay sa simula pa lang ay wala talaga.

Ilang taong  nagsikap para makita mo na ang pagmamahal ko ay hindi katulad ng kaniya,
Para kapag sinabing “nag-iibigan” ay tayo ang magiging kahulugan at hindi ang halimbawa,
Na hindi na mananatiling konsepto ang “magkasama tayong tatanda”,
At hindi na mananatiling pangako ang “hindi ka na mag-iisa”.

Pero ang tayo’y parang ningas na hindi man lang naglagablab ay namatay na,
Parang apoy na hindi pa man nagbaga ay agad inapula,
Na hanggang ngayon tinatanong kung bakit nagpipilit umalab para sa iba,
Kung kaya namang huwag upusin ang mga sarili sa piling ng isa’t isa.

Ako’y nakagapos sa iyong pagmamahal na hindi naman talaga naging akin,
Kinukulong sa hawla ng kahibangan na baka sakali mag-iba ang ihip ng hangin,
At sa wakas ay ako’y iyong pakakawalan sa kadena ng pag-iilusyon,
Baka sakaling ang tayo’y magiging bahagi ng kasaysayan at hindi na piksyon.

Pero ang kasaysayan nating hindi pa man nagsisimula ay nais nang isulat ng iba,
Isang taong nagsusumikap maging bayani sa bawat yugto, naghihintay na mabigyang halaga,
Na sa akin ay nagtatanong, “magiging tayo kaya?”
At bago siya masagot, ay kailangan pang magtanong sa’yo, “magiging tayo kaya?”

Kasi kung hindi, hindi ko na ipipilit ang sarili ko at tatanggapin ko na,
Na sa pagtupad ng pangarap kong pagpapalaya mo sa’kin sa kadena ay iba ang nakatakda,
At  sa piling niya, baka sakaling makuha kong maging lubusang masaya,
At ako naman, hindi na ikaw, hindi na ang damdamin mo ang nakataya.

Kasi kung hindi, hahayaan ko siyang apulahin ang aking apoy na nag-aalab para sa’yo,
At gisingin ako sa katotohanang nauupos na ako, nauubos na ako,
Na kaya ang tayo ay parang ningas na hindi lumalagablab kasi hindi pala ikaw ang baga,
Hindi pala dapat ako umasa.
Curious Owl Feb 2016
Para sa puso kong handang lumisan,
Para sa puso kong di na kaya pa ang masaktan.
Para sa tibok nitong unti-unting nauupos,
Para sa mga luhang unti-unting nauubos.
Para sa puso kong nagdurusa,
Para sa puso kong sumisigaw: “Tama na! Tama na”.
Para sa mga taong kinuha ang lahat ng iyo,
Para sa mga taong nakalimutan na ikaw din naman ay tao.
Para sa mga gabing wala kang ibang binigkas kung hindi siya,
Para sa mga araw na nagbabalatkayo kang masaya.

Ang lahat ay lilipas din,
Kapit lang, Dasal ng mariin.
Isang shot para sa puso ko na dinurog mo

Isang hithit para sa mga pangako **** napako

Isang pitsel para sa mga salitang di mo napanindigan

Isang kaha para sa mga alaala na bumabalik galing sa nakaraan

Isang case para sa halik at yakap **** di ko malimutan

Isang rim para sa taong ako'y iniwan


Nakakamatay na alak ang turing ko sayo

Nakakasama ngunit tuloy paring tinutungga ko

Para kang yosi na kailanma'y di nauubos

Unti-unting sumusunog sa pagkatao ko na tila ba'y nauupos

Lason ka man sa akin katawan

Pero putangina bakit di kita mabitawan

Kumakapit parin ako sa natitirang sana

Kahit magmukha akong dakilang martir sa iba

Mananatiling tanga na walang namang karapatan

Bayani na wala naman talagang konkretong ipinaglalaban

Alam ko na kung bakit ka nagkaganyan

Kasi pumakla na ang dating matamis na pagmamahalan

Kailan kaya ako magigising sa katotohanan

Sampalin na lang sana ako ng mundo nang ako ay matauhan

Sabi nga nila pag mahal mo ang isang tao dapat handa kang masaktan

Pero ayoko na, tama na, wala na kong gana makipaglokohan


//iana
Clara Mar 2022
Hayan nanaman sila,
Naglalayag muli ang mga mamamahayag,
Lagalag nanaman ang bandera ng pula, berde't asul
Sa gitna ng karagatan ng mga nauupos na katotohanan,
Ang hangin ng pagbabago ay muli nanamang umiihip,
Tulak-tulak ang bangkang ginawa mula sa diyaryo't mga pangarap,

At doon,
Sa islang pinanggalingan ng mga mamamahayag,
Kung saan ang mga tao'y kasali sa isang paligsahan ng mga bangkay,
Nakatayo sa sentro ang isang pulang bahay na nagmamatyag,
Sa kanyang pader nakaukit ang mga alituntunin ng larong maingay,

Mangyari lang daw na patayin ang nagsasayawang mga apoy na nagbibigay ilaw sa pagbabago,
Mangyari lang daw na patigilin ang pagkembot ng mga bewang sa kumpas ng isang ipinagbabawal na musika,
Mangyari lang daw na mangarap ngunit tumingala sa usok ng kanyang establisiyemento,
Mangyari lang daw na maglabas ng buntong hininga ngunit huwag sanang pagkamalang pamumulitika,

Sa nayong malapit sa dalampasigan ng isla,
Kung saan ang buhangin ay nananatili pang morena't hindi pula,
Matatanaw ang isang maliit na eskenita,
Kung saan naglalakad ang mga pudpod na paang naghahanap ng pag-asa,
Ang daang malubak ngunit binuo ng pinagtagpi-tagping mga proweba,
Ay mag tuturo sa daungan ng bangka ng mga sinabing peryodista,

Ngunit pagdating sa nasabing tagong lugar,
May mahabang pilang nag-aantay sa naturang bangka,
Wari'y lahat ng talampakan ng mga tao'y dumudugo ngunit hindi namumula,
Lahat ay may dalang maleta ngunit hindi naglalayas o nawawala,

Sila'y nakapila upang antayin ang bangka,
Hindi para sumama,
Kundi para maging kalasag ng isang malayang pagpapahayag,
Para maging tagapagtanggol ng isang katotohanang nararapat makita ng lahat ng mga nabigador,
Para mapatahimik, hindi lang ang lagim ng laro,
Kundi lahat ng mga bangkay na naiwan niyang nag iingay
The poem was written as an org entry during the ABS CBN shutdown in 2020.
zee Aug 2019
unti-unti na lang bang masasanay?
tila nalanta na at wala nang buhay
ang mundo na sabay nating binuo
natutuliro, nababalisa at hindi mapalagay
ang dating mga usapang hindi maubos-ubos
ngayon ay para na lang kandilang nauupos

hindi alam kung paano, bakit at ano ang nangyari
bigla na lang nagbago; wala man lang pasabi.
nawalan na nga ba ng gana ang tadhana sa'tin
o sadyang ito na ang huling hantungan natin?

maaari bang samahan mo akong lumaban at agapan ang ating nararamdamang tinatangay na ng hangin sa kawalan?
akala ko ba'y sabay pa nating pagmamasdan ang marahan na paglubog na araw ngunit bakit tila parang mauuna pa ang ating istoryang hindi pa nga nasisimulan?

— The End —