Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Brent Sep 2016
Halina kayong lahat at makinig!
Magdikit-dikit at magkapit-bisig!
At sabay pakiramdaman ang tahimik na unos
ng isang dakilang puting kandilang upos.

Dito sa ating liblib na barrio
Nakatago ang isang kandilang puti
Labis na mahaba;
ang pasensya
na tila kayang hintayin
ang walang hanggan.
Ngunit labis na manipis;
na kaybilis tablan at lapitan ng hinagpis.

Dumating ang araw na kinailangang sindihan
ang dakilang puting kandila
sapagkat nawala at napundi na
ang ilaw ng tahanan.

Nang idinikit ang posporo sa kanyang mitsa
ay hindi sadyang nakapaso ang kandila
subalit ang nagsindi
ay 'di napigilang magalit,
pilit na pinutol ang kandilang puti
sa gitna at ito'y nangalahati.

Walang nagawa ang kandilang mayumi
kundi iiyak ang mainit nitong pagkit
ngunit ang tanglaw nito ay kayliwanag
buong barrio'y mararamdaman ang kanyang sinag.

Ilang araw nangyaring muli
ang pagpasong hindi minimithi
ang kandilang puti'y
patuloy pa ring nangangalahati
ngunit ang liwanag sa barrio'y
sa kanya pa rin nanggagaling.

Dumating ang araw ng kandila
na hindi na maaring kalahatiin.
Unti-unting sumuko na rin
ang mahaba nitong mitsa.

Sa huling sandali,
ay hindi na nakapagpigil
ang mapanghimok na nagsindi.
Buong lakas na nag-ipon nang hangin
Buong pwersang sumigaw sa kandila.
Ang kandila'y 'di na nanlaban
at nagtuloy nang manghina.
At sa huling bulong ng nagsindi,
ang liwanag ng kandilang puti ay napundi.

Halina kayong lahat at makinig
Magdikit-dikit at magkapit-bisig
sabay pakiramdaman sa walang kibong katahimikan
ang umaalulong na hagulgol ng dakilang kandila.
trying out a literary style for a contest. 3rd work that's in Filipino. Kinda deep and shallow at the same time.
raquezha Jul 2018
Hindi ako takot umibig pero takot ako sa’yo.
Hindi dahil sa ayoko sa’yo kun’di sa tingin ko’y hindi malabong magkagusto ako sa’yo. Hindi malabong hanap-hanapin ko ang gabing ito at ang magagandang kwento mo.
Hindi malabong hanap-hanapin ko ang boses mo—ang mga titig mo… baka masanay ako.

Hindi ako takot umibig pero takot makong mahulog.
Sapagkat paano mo iibigin ang taong estranghero? Kung sa unang gabi palang ng iyong pagkikita ay nahulog ka na.
Nahulog sa kwentuhang matagal, sa kanyang boses na hindi pagal.
Sa mga ngiting nang-aakit,
sa mga matang nakakahumaling,
sa kanya na hindi pa kilala pero pakiramdam ko matagal na kaming nagkita.

Takot ako sa dilim,
pero mas takot ako sa liwanag. Takot akong makita ang sarili kong kasama ka.
Baka kasi pag nasanay na ako sa liwanag ay bigla na lang itong mamatay hanggang sa unti-unting dumilim ang paligid ko at baka masanay ulit ako.
Masanay ako na maglakad na para bang nakapikit. Maglakad patungo sa palaisipang lugar na paikot-ikot lang ang daan.
Baka bigla nalang akong yakapin ng dilim sabay bulong sakin ng "tumigil ka na tanga!"
Baka biglang lumabas ang mga kaibigan ko sa dilim at masanay sila sa liwanag.
Baka multohin nila ako habang tirik ang araw at habulin ako sa kung saan.
Baka habang tumatakbo ako palayo ay mabulag ako sa liwanag na dulot mo at baka mabangga ako at muling mabuhay ang mga alaga kong paru-paro.

Hindi ako takot sa patay, pero takot ako sa buhay.
Takot akong mabuhay ang mga daga sa aking dibdib na matagal nang nanginginig sa lamig.
Takot akong matunaw ang mga yelo na matagal nang nakapulopot sa puso ko.
Takot akong matunaw ang mga ito at lunurin ako sa pag aakalang tunay ang mga nararamdaman ko.
Takot ako sa majikang dulot ng pagibig na nag bibigay buhay sa mga patay na kandilang dala-dala ko.
Takot akong maging maliwanag ang paligid ko at makita ang katotohanan ng mundo.
Takot akong makita na ang mundo natin ay iisa pero mas takot akong malaman na iba pala ang gusto **** kasama.

Hindi ako takot mag-isa,
pero takot akong kasama ka.
Takot akong makasama ang mga dati **** kasama— baka kasi kung ano’ng sabihin nila.
O kaya pag kasama mo sila at kapag madami na sila maramdaman ko ulit kung pa’no ang mag-isa.

Hindi ako takot sa luma, pero takot ako sa bago.
Sana kahit may dumating na bago,
walang magbago. Sana kahit mag mukha na akong antigo, wag mo akong itago gaya ng mga nakalagay sa inyong aparador.
Hindi ako plato, kutsara o tinidor na gagamitin mo lang sa piling-piling okasyon dahil wala ka nang ibang opsyon.
Sa piling-piling araw na kung saan ipapagamit mo lang sa kung sino-sinong tao dahil yun lang ang silbi ko.
Takot ako
Takot ako
Natatakot akong mapalitan ng bago.
Takot ako
Takot ako
dahil lang meron bisitang darating kasabay ng pagtapon mo saakin.
Takot ako
Takot ako
Kasabay ng mga bago pang darating wag mo sana akong paglumain.

Hindi ako takot sa wakas pero takot ako sa simula.
Lahat kasi ng sinimulan ko parang laging may nakakapit na malas
lagi nalang gustong kumalas sa pagkakapit hanggang sa mag wakas.
Hindi kasi lahat ng wakas ay may kasunod na simula—
simula ng panibagong bukas.

Hindi ako takot sa sagot pero takot ako sa tanong.
Mahal mo na ba?
Mahal ka ba niya?
Takot akong masagot ang mga tanong ko ng "Oo" tapos sasabayan mo ng "pero" sa dulo;
ng "Oo" na may preno ang tono kaya takot sa tanong
pero mas takot ako sa sagot.
Mahal na kita mahal mo rin ba ako?

Madami man akong kinakatakutan kung anu-ano nalang gaya ng ikaw,
liwanag,
buhay,
simula,
bago
at makasama ka— lahat ng ito’y hindi mahalaga iibigin kita kahit anuman sabihin nila,
kahit hindi ako ang iyong mahal,
ang liwanag mo,
kahit iba na ang buhay mo,
kahit simula palang ng tulang ito ay takot na ako,
iibigin kita sa isip,
sa panaginip,
sa diwa,
sa mata,
sa tingin,
sa lambing,
matulog ka ng mahimbing
hanggang maubos ang kandilang minsang ikaw ang nagsindi kahit na lahat ng ito ay walang silbi.
Gagawan kita ng puntod na mag sisilbing paalala
na minsan akong nagpakatanga sa pagibig.
Gagawan kita ng puntod at doon ko ibabaon lahat ng ito sa limot.

Iibigin kita habang nililibing ang 'yong alaala. Ililibing kita habang iniibig ko ang iyong alaala.
renea lee Oct 2015
.,.
Hindi baga nakapagtataka
Ang mga salitang sinambit ni Eba
Nang kainin ni Adan
ang tanda ng kasalanan?

Hindi baga nakapagtataka
Ang mga salitang sinambit ni Adan
Nang una niyang nasilayan
ang ganda ni Eba
Na hinugot mula sa kanyang tadyang?

Hindi baga nakapagtataka
Sa kung paanong sa pag-ikot ng mundo
Ni minsan hindi nagtagpo ang araw at buwan?

Hindi baga nakapagtataka
Na sa dinami-dami ng tao sa mundo
Na sa paglipas ng dapit-hapon
At pagsikat ng araw

Natagpuan kita-

Sa isang araw na hindi inaasahan
Nakita
Nakilala
Nakasama

Hindi baga nakapagtataka
Sa kung papaanong ang bawat kaluluwa
Ay nagkakadaupang-palad
Ay nakakahanap
Ng mga kaluluwang mapagkakanlungan
Sa pag-ikot ng mundo
Sa paglipas ng panahon

Tulad ng atin-

Hindi ikaw yung ordinaryong babae
Sapagkat ang pagsabi sa babae ng ordinaryo
Ay parang pagmura sa isang santo

Sa iyong mga mata nakasillid
Ang isa pang babaeng
Nais kumawala
sa mundong kanyang kinagagalawan

Kimberly-

Pangalan mo’y hindi sayo lamang kumakanlong
Marami kang katulad
Pero ang pinagkaiba
Ikaw ay ikaw-
Sa kung paanong ang pangalan mo
Ay bumalot sa iyong katauhan
Sa kabutihan maging sa kasamaan

Isang babaeng naghahanap ng kasagutan
Sa mundo ng mga tanong
Na tila ba ang mga sagot ay hindi maapuhap
Na tila ba lahat ng ito’y
Nagtatago sa mata ng bawat isa
Na ang pagtitig sa mga ito’y hindi sapat upang matanto
Ang katotohanan na bumabalot sa atin

Sa iyong katauhan ay may nakabalot na sikreto
Isang misteryo na hindi ko kailan man malalaman
Ngunit kahit gaano man kadilim o kaliwanag
Hindi nito madadaig ang misteryo
Sa kung papaanong tayo’y nagkakilala
Sa isang panahon na pangkaraniwan lamang

Dalawang dekada-
Ang buhay mo sa mundo
Sa dalawampung taong paglipas
Maraming taong dumating
At marami ring umaalis
Binalot ng lungkot
Yinakap din ng saya
Ang iyong pagdating
Sa mundo ng kabagabagan

Pasalamat na lamang
Na sa paglipas ng lahat ng ito
Kaluluwa mo’y dagling naapuhap
Na parang liwananag sa kandilang papaupos

Maligayang Kaarawan, Mahal kong Kaibigan

R. L. Alcantara
*Enero 28, 2015
i made this free-verse poem for my friend’s birthday last january. intentionally, it's been 9 months now and i'm still not giving it to her. and as i think of it, i probably won't.
kingjay Dec 2018
Lupa't langit ay nakahanay
Tila'y magkarugtong parang itong buhay
Hindi tala sa ibabaw ang magpapailaw sa gabi o ang araw sa ibayo at silangan

Dagat ng dugo, ang luha'y umaagos
ang alon at ang simoy nito ay ang siphayo
Lahat ng ito ay mukha ng buhay na nakalutang

Ang buhangin ay hindi sa bulag
Sa mga mata ito ay puwing
Mga alikabok at abo
ng pangarap na durog at pira-piraso

Iikot ang mundo sa kandilang nakasindi
Kung pagmasdan parang alitaptap
Kahulugan nito'y munti
sinag niyang katiting

Sa tag -araw ay uulan
ng mga butil na panalangin
Marami gayunpaman hindi kasangguni sa panahong yaon

Babagyo't babaha rin ang mga daanan at tulay
Hinagpis ni Inang, hagupit ng kalikasan ay katuwang
Lunurin ang pagmamahal, ang sidhi niya'y damhin

Dadalhin sa sementeryo
at ang lagusan nito ay walang himig
Awitin sa ilalim ng kabaong nakahimlay na walang tinig
090316

Pambungad Mo'y matatamis na mga ngiti
Habang bitbit ko ang mga sandaling nilisan ang pagbati.
Batid ng panlasa ang mapait na takipsilim,
Ang kahapong yumurak sa Iyong kariktan.

May iilang sumisirit ng kandilang bilang
Mayroon ding mga nagwawaldas ng dila;
May nagwawalis ng kalat at siyang binabasura,
Mayroon ding naglalakad ng nakaluhod.

Naging tigang ang lupaing napuno ng banyaga
Sa haplos ng mga nanlilisik na mga mangungusig.
Naging batas ang ideolohiyang makasarili,
Itatakwil ang Perlas na sinisid pa't buhat sa bahaghari.

Tila mga kandadong walang susi
Ang pagsaboy ng mga dikdikang tutuligsa sa Bayan.
Dalamhati sa mga Anak ni Juan
Mga bayaning umani ng nagniningas na rebolusyon.

Ramdam ko ang pluma ni Rizal
Sa kamandag nito'y henerasyon ay aahon.
Bulag, pipi't bingi'y aakma't aaklas ng panalangin
Bangon Pilipinas! Ikaw ang natatangi naming Perlas!
Pare-parehas tayong Pilipino, lusubin natin ang Langit, bitbit ang mga panalangin. Hindi Siya bingi, Tayo ang Pilipinas at Siya ang tanging Batas!
0118

Hindi Ka lumipas —
Naalala ko noong nakaraang taon
Ilang araw buhat sa ngayong pagbibilang ko
Bago pa sumulyap ang mga pampakulay sa kalangitan
Para magtagisan sa pagbungad sa paunang ngayon.

Hindi Ka lumipas —
Halos itim na lamang ang kulay sa kalangitan
Na para bang ang pag-asa ay kinitil na ng sanlibutan
Na para bang ito’y nobelang pawang paghihintay na lamang
At nang subukang gapangin ng putik ang pangarap ngunit hindi —
Hindi Ka pa rin lumipas
At muli **** binigkas na Ikaw ang dahilan ng lahat
Na ang lahat ay walang kabuluhan
Kung ang Ikaw ay ibabaon sa limot at tatalikuran.

Hindi Ka lumipas —
Gaya ng mga butil ng luha sa aking mga mata
Na ang pagsusumamo ay tila araw-araw na pag-aakyat ng ligaw Sayo
Na maging ang umaga ay tila Simbang Gabi.

Hindi Ka lumipas —
Nang dungisan ng mundo ang mensaheng laan Mo
Ngunit sabi Mo’y tapos na ang lahat
Malambot pa sa bulak ang sumalo sa bawat pagkabagsak
Walang katulad ang Iyong mga yakap,
At heto ako — mas natutong sumandal sa nag-iisang Ikaw.

———

Hindi Ka lumipas —
Ilang beses **** hinayaang masaksihan ko ang pagsagwan nila sa agos
Ang paglipad sa ere na tanging Ikaw lamang  ang sumalo
Na para bang ito na ang huling mga katagang bibitiwan ko —
Ayoko na
Pero hindi —
Pagkat nagkakamali ang dilim sa paghasik ng kanyang sarili
Pagkat ang Liwanag ay panghabambuhay
At hindi tayo kakapusin sa oras
At hindi ito isang “sandali lang.”

Hindi Ka lumipas —
At ayokong palipasin ang kahit isang pintig ng sinasabi nilang “sandali lang naman”
Pagkat sa oras na ito’y hindi Ka lilipas —
At tanging ang pangalan Mo ang mangingibabaw
Sa susunod pang hihiranging mga araw
Kahit pa sabihin nilang nagbago na ang lahat.

Hindi Ka lilipas —
Kahit pa tabunan ng pangungutya ang Iyong kasulatan,
Tanging Ikaw ang magiging bukambibig.
Kahit pa hindi makakita ang mga bulag
Ay ipagdidiinan pa ring Ikaw ang magbubukas ng bawat paningin
At walang dilim na kayang sakupin ang Bayan Mo, Ama.

Hindi Ka lilipas —
At sa bawat pagtaas ng Bandila
Ay Ikaw ang mananatiling may tiyak na katuturan
Na ang mensahe Mo’y ipangangalandakan
Saanmang dako at sulok ng mga Islang hinati ngunit Iyong ipinag-isa.

Hindi Ka lilipas —
Tulad ng mga ulap tuwing ang ulan ay titila
Tulad ng tubig tuwing huhupa ang baha
Tulad ng ilaw at init ng kandilang inapula.

Hindi Ka lumilipas —
Gaya noon, hanggang sa huling hampas ng segundo sa huling pagyukod ng araw.
Maghari Ka —
Hanggang sa huling pagkurap na kasama Ka.
071316

Di tayo nagkamaling ipaglaban ang sa atin,
Pag-ibig sa Baya'y ipinag-igting,
Sa bawat kislap ng kandilang nanlilisik.

Minsa'y ang kampana ng puso'y nabibitin,
Ilang beses inanod sa nauudlot na pag-irog,
Bagkus ang lamat ay natapos
Ng kagimbal-gimbal na ulat ng ngayon --
Tayo'y nagwagi, nanalo ang pag-ibig!
032316 #TagkawayanBeachToPPC #HawlingDay

Madaya ang dagat na tumatabi,
Umiiwas sa lalim na walang lebel.
Kung susukatin ang dipa ng pising ibinigkis,
Milya ang distansya ng berde't kayumanggi.

Pahiwatig ng hampas ng mga dahon,
Kanila ang lupang may paghuhumaling sa nayon.
Gayundin pala ang kurot
Ng latigong pakpak ang armas.

Hininga ay buhay
Sa baku-bakong daang
Nagmimintis sa tahanan.
Ilang gulong na kaya ang nagpatalyer?
At nausugan ng ilan pang mga panlupang sasakyan.

Napapagod ang likido ng Langit
Na siyang minsang lampas-lupang nagpakumbaba.
Napapagod ang Ilaw
Sa pagsirit ng kandilang hindi nauupos.
O ang mga ibong pumapagaspas
Sa ereng walang tiyak kung saan papadyak.

May mga kasuotang gula-gulanit,
Sila'y may mantsya't may kalakip na basbas.
Hindi maititikom ang pagsampal ng paa,
Mga paang piniling lumaya
Kahit tadtad sila ng kalyo.

Ganoon pala ang pagpihit ng duyang sandali lamang,
Ihihile ka nang saglit,
Sabay makikibaka sa panahong gusto niya.

Simple ang buhay,
Namamahinga't umiiling kadalasan.
Ni ayaw ang gintong luha,
Kalasag pala ng kanyang pagkatanda.
mims Nov 2013
Di mawari
kung bakit
bukas pusong kumakapit
sa di kasiguraduhan
at di katiyakan.

Nagmamahal
sa kabila ng sakit,
sa likod ng kandilang
minsang naupos...
Ngunit ngayo'y
nag-aalab sa damdamin.

Kung kaya't
narito ako,
iniaalay ang buong puso
ititigil ang mundo
makasama ka lamang.

Ilang sandali na lamang, Anne... At mayayakap ka na. :)

Iyong iyo lamang,
Mims :)
japheth Jul 2019
sinabi mo sa akin mahal mo ako
naniwala ako.

sinabi mo sa akin ako lang
naniwala ako.

sinabi mo sa akin, habang hawak ang kamay ko,
na “nandito lang ako.”
humawak ako nang mahigpit
at naniwala ako.

sinabi mo sa akin habang ako’y yakap mo
na di ka bibitaw na kahit kailan
maasahan ko ang pagbalot ng iyong mga kamay sa aking katawan
yung tipong lahat ng lamig sa mundo
mga problemang di ko ginusto
mawawala na lang sa init ng katawan mo.
oo, naniwala ako.

sinabi mo sa akin na ako lang
na hinding hindi ka titingin sa iba
sa parehong paraan ng pagtingin mo sa akin
at naniwala ako.

at naniwala ako.

naniwala ako at ipinangako ko sa sarili ko
na simula nang sinabi mo na mahal mo ako
wala nang mas gaganda pa sa paningin ko kung hindi ang mukha mo.

ang mukha ****
sa ngiti palang na naniwala akong pwede palang maging masaya
sa mata palang na naniwala akong nakita na kita — nahanap ko na.
sa bawat pisngi **** naniwala akong may paglalagyan pala ng mga labi kong uhaw sa halik.

naniwala ako sa lahat.

naniwala ako sayo.

may mga oras din namang nagduda ako.
sa bawat away
sa mga masasamang salitang nabitawan
sa kada luhang pumapatak sa ating mga mata
sa mga di pagkakaintindihan
sa mga muntik nating pagbitaw.

naniwala pa rin ako.

naniwala ako sayo.

pero di ko inakala
na ang tiwala
ay dahan dahan din palang nawawala.

isang kandilang ilang minuto na lang
apoy nito mawawala.

kahit ilang beses kong sinabi sayo
na ako’y di mawawala.
na ako’y nandito lang wala ng iba.
na ako’y naniwala
sa iyong salita,
sa iyong ganda,
sa iyong lahat na.

kahit na tayo’y magkasama
ang puso mo nasa iba na.

naniwala ako mahal mo ako.
pero ako lang pala ang ganito.

sinabi mo sa akin
tapos na tayo
naniwala ako.
na wala ako.

wala na ako sa puso mo.
i’ve stopped writing because I was afraid i cant finish a piece worth reading. i had so many unfinished work in my head that I never put into writing. last night, before I slept, this idea came to me and i immediately had to write the first pew phrases down so i could get back to it the next mornjng.

today, on a train ride going to work. i finished it.
Hindi nakumpleto pag-aaral sa Tertiarya
Gayunpaman hinalal na Bise-Presidente mula pagka-aktor
Kilabot ng mga kriminal, kaibigan ng mga dukha
Subalit hinablang sa bayan nagtraydor.

-12/28/2014
(Dumarao)
*Pinuno Namin sa Panahong Pilak Collection
My Poem No. 298
zee Aug 2019
unti-unti na lang bang masasanay?
tila nalanta na at wala nang buhay
ang mundo na sabay nating binuo
natutuliro, nababalisa at hindi mapalagay
ang dating mga usapang hindi maubos-ubos
ngayon ay para na lang kandilang nauupos

hindi alam kung paano, bakit at ano ang nangyari
bigla na lang nagbago; wala man lang pasabi.
nawalan na nga ba ng gana ang tadhana sa'tin
o sadyang ito na ang huling hantungan natin?

maaari bang samahan mo akong lumaban at agapan ang ating nararamdamang tinatangay na ng hangin sa kawalan?
akala ko ba'y sabay pa nating pagmamasdan ang marahan na paglubog na araw ngunit bakit tila parang mauuna pa ang ating istoryang hindi pa nga nasisimulan?

— The End —