Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Arya  Jan 2019
sa isang silid
Arya Jan 2019
malamig sa isang silid
may kasamang pighati, saya at lungkot
sa bawat paghinga,
ramdam ang pagbagsak ng luha.

magkakahiwalay na tayo
sakit na tila kinukurot ang puso
sakit na walang ibang lunas,
kundi ang pagsasamahan nating nabuo.

sinulat ko ang tulang ito
para kahit ako'y lilisan na
maaari ko pang balikan lahat.
lahat ng alaala at samahan,

mga alaala na hindi ko makakalimutan,
katulad ng...
habang tayo'y naghihintay ng ticket
habang tayo'y nagbabasa ng email thread
habang tayo'y nakaupo sa isang silid

nagkukwentuhan,
nagtititigan,
nagmamasid,
naglalaro ng moba,
nanonood ng youtube,
nakahawak sa mga selpon.

na tila bigla bigla tayong natinag
sa mga boss na dumadaan
na kahit sa dami natin sa area
nagawa parin tayong turuan
at pag tiyagaan nila sir at ma'am.

napaka-lungkot lang isipin,
na ang ating samahan,
sa kathang-isip na lamang.

alam ko lahat naman tayo nakaramdam na ng lungkot
lungkot na hindi mo alam kung saan nagmula
lungkot na hindi mo alam kung ano ang dahilan
lungkot na hindi mo alam kung ano ang kinahihinatnan

pero ang pinaka-nakakalungkot sa lahat
yung puno ng tao sa isang silid.
puno ng tunog at salita 
puno ng biruan at tawanan
pero ramdam **** maiiyak ka
ramdam **** hindi ka nababagay sa lugar na naroon ka

sa pagkakataong ito, hindi mo alam kung bakit hindi mo kayang makisali at magkunwaring masaya nalang 
kung sa mga nakaraang araw kinaya mo naman
nakakapagod mag-isip.

pero alam naman natin
ito yung pagod na hindi kayang gamutin ng pahinga 
ito yung pagod na hindi kayang idaan sa alak o ng yosi man lang
ito yung pagod na hindi kayang idaan sa maghapong hilata sa kama

ito yung pagod na hindi kayang gamutin o kahit dampi ng matinding menthol ng salonpas sa nangangalay na kasu-kasuan
Ito yung pagod na hindi kayang gamutin ng efficascent oil na suki ng buong pamilya

ito yung pagod na dama ng kaibuturan at kaluluwa
ito yung pagod na mahirap punan ng lunas kasi hindi mo alam kung bakit ang bigat sa pakiramdam

iyong pag napabayaan o mali ang diagnosis mo e pwedeng lumikha ng sanga-sangangang maliit at mas komplikadong dahilan ng kapaguran
kung pwede lang mapawi ang lungkot sa bawat malalim na buntong hininga ang ngalay na dama ng kaluluwa

yung tuwang hatid damay lahat ng parte ng kabuuan
isama mo pa pati yung sangkatutak na split ends mas lalo na ang mga pimples na ayaw kang lubayan
alam ko, napapagod rin kayo
sadyang nakakapagod lang talagang gumising sa umagang walang kulay
sa mundong malawak.

pero nandyan ang ngiti na nakikita mo mula sa ibang tao,
na nakikita ko mula sa inyo.
ngiting kay gaan sa pakiramdam,
na tila nangangawit na ang pisngi dahil sa ayaw humupa ng ngiti.

Salamat sa mga binigay niyong mga ngiti.
Na nakakapawi ng pighati,
Salamat,
Salamat dahil naging parte kayo ng talata ng buhay ko.
#TSG #OJTdays
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Pusang Tahimik  Feb 2019
Silid
Pusang Tahimik Feb 2019
Nakahigang pilit na nagmamasid
Sa madilim na apat na sulok ng silid
Ang sakit ay hindi pa rin lingid
Kahit na tiyak ang luhang nangingilid

Binabalot ng malamig na kalungkutan
Ang puso'ng di alam kung nahihirapan
Humahanap ng kumot sa isipan
Mainit na yakap sana'y masumpungan

Heto na nga at nalulunod na ako
At hininga'y kinakapos sa isipan ko
Pakiusap sana'y panaginip na lang ito
Sapagkat sa paglangoy pagod na ako

Isipan ay lubos akong pinahihirapan
Tila laging mayroong digmaan
Sa silid ng nakabibinging katahimikan
Ang isip ay matinding naglalaban

Sumapit na ang umaga
Ako'y wagi sa pakikibaka
Sa kalabang sariling likha
Ng isipang puno ng katha
JGA
John AD Nov 2017
Nandito nanaman ako sa isang silid,
malungkot , nagiisip kung anong mangyayari sa paligid
Bukas ba ay payapa muli ang isip o bibilis nanaman ang tibok ng dibdib
Sa bawat nangyayaring karanasan sa buhay ko
may mga bagay akong naiisip na lumalait sa sarili kong pagkatao,
sa pagkatao kong , pagiging mahina , na puro salita walang gawa,
sa pagkatao kong kulang sa tiyaga umaasa sa kasiyahan na napupunta sa wala...At

Paglipas nang taon sa kolehiyo , nanatili parin akong talo
sa pag angat , pinili ang kurso na hindi naman kasing bigat ng abogado,
Oo inaamin ko naiwan ako sa larangan ng akademika ,
alam ko naman na ginawa ko tong landas na to para sumaya pero,

Dati yon iba na ang nasa isip ko ngayon,
sana pala pinagbutihan ko nung mga araw na nakakahabol pa ko
Pero ngayon ,ito natupad nga ang mga pangarap ko sa sarili ko ,
Pero di ko naman naisip ang kapalaran na darating sa kinabukasan ko

Ano nga ba ang magiging kinabukasan ko ?
Kung sariling kaligayan nalang palagi nag nasa isip ko
Palagi nalang bang ganto ang buhay ko o isang araw ,
babagsak ang katawan ko katulad ng pagbagsak ng utak ko
Tuwing naiisip ang mga malalagim na nakaraan sa buhay ko

Mula sa palangiting tao na nakikita nyo ,
Maganda lang tignan parang takip ng libro,
Pero ang totoo ay iba ang nilalaman nito,
Magulo ang takbo ng buhay ko ,
Pero salamat narin may mga tao na nagbibigay ng halaga at pagmamahal
Upang magpursigi pa akong mabuhay dito sa mundo...


Salamat Ina,Itay,Lolo,Lola, Kaibigan,Katunggali
Salamat sa walang hupay na pag intindi sakin sa lahat ng galit , panunukso
Pagmamahal , pakikisama at sa mga bagay na nakalagay dito sa memorya ko,
Isa kayong tagapagligtas dahil kung wala kayo
Wala rin saysay ang pagkatao ko...
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
Hindi na ikaw ang gusto ko
Yan ang lagi kong paalala sa sarili ko
Sa twing nakatingin ako sa sayo.
Ayaw ko na ng mga mata mo.
Ayaw ko na ng mga ngiti mo.
Ayaw ko na ng lahat sayo.
Pinili kong maging pusong bato
At hindi pansisinin ang nararamdaman ko.
Parang normal lang
Gaya nung wala pang ikaw.
Kaya ko nung wala pang ikaw
Nagkandaletche letche lang nman ako nung may ikaw
Kasi nung may ikaw
Para akong baliw na laging nakangiti
Nakatingin sa langit
Iniisip ka palagi
At
Ayaw ko na non.
Kaya araw araw akong magiging bato
Sasanayin ang sarili magmukha lang na malakas ako.  
Kahit nakatingin ako sayo ngayon.
Ngayon.
Ngayon parang kinakain ko ang lahat ng pinagsasabi ko
Bakit ikaw parin ang gusto ko
Sa pagising sa umaga
excited pa akong pumasok
kasi ikaw ang makikita ko
kuntento sa sandali
HINDI
kuntento sa isang oras na pasulyap sulyap sayo
“pasulyap sulyap”
Ibig sabihin Segundo
Pero sa bawat segundo ng isang oras na gunugugol ko
Ang gusto ay ang tumitig lang sayo  
Sa mga mata mo, sa ngiti mo
Kahit sa lahat ng kaabnormalan ng katawan at isip mo
Tanggap ko.
Kasi ikaw parin ang gusto ko
Ikaw ang gusto ko
Sabi pa nila tumingin na raw ako sa iba
Kaya sinunod ko sila
Pero sa twing ikaw ay makikita
Parang madilim na kwarto
na ikaw lang
Ang tanging ilaw na bukas
Sa sandaling yun
Walang ibang gamit
Kundi isang ilaw na naiiba sa lahat.
susubok akong magsalita pero lalayo kana
tinatawag ka ng kaibigan mo
kasi ang isang oras ay tapos na.
“SANDALI” sabi ng prof.
muling napinta ang ngiti sa labi
dahil sa huling sandali
sumulyap muli sayo.
   Patapos na ang sandali
At tinawag kana muli
ng mga kaibigan mo.
habang hinihiling ko,
Na sana ay muling magsalita ang prof ng kung ano,
Pero sa oras na yon unang lumabas
ng silid ang propesor.
dahil tapos na ang sandali
Tapos na.
Ang isang oras.
Eugene  Aug 2017
Kawangis
Eugene Aug 2017
Abalang-abala ka sa pagtitipa ng istoryang nais **** magawa. Hindi inalintana ang malamig na simoy ng hanging pumapasok mula sa bintana ng iyong silid.

Nasa kalagitnaan ka na ng iyong pagsusulat ng biglang namatay ang liwanag sa iyong silid. Napatigil ka at doon ay damang dama mo na ang lamig na nanunuot sa iyong balat.

Tinanggal mo ang iyong antipara at nagsimulang kumapa-kapa sa dingding upang matunton ang kinaroroonan iyong maliit na lampara.

Nagsimula ka nang magbilang mula sa sampu sa iyong isipan

Sampu.

Siyam.

Walo.

Pito.

Anim.

Lima.

Nasa panglima ka pa lamang nang may napansin kang liwanag na tumatagos sa iyong silid mula sa iyong bintana.

Apat.

Sinundan mo ang liwanag na iyon nang magbilang ka na ng...

Tatlo.

Dalawa.

Isa.

Sumigaw ka sa pagkagulat nang tumapat ka sa repleksiyon ng liwanag na iyon. Ang sigaw mo ay umabot sa buong silid mo hanggang sa inyong bahay. At doon ay narinig mo ang mga yabag na patakbo sa iyong silid.

Nang bumukas ang pintuan ng iyong kuwarto ay tumambad sa iyo ang liwanag. Tinanong ka ng iyong ina at kapatid.

"Akala naming kung ano na ang nangyari sa iyo e,"

"Repleksiyon mo lang pala ang nakita mo,"

"Natakot ka sa mukha mo?"

Pinigilan **** huwag tumawa nang mapalingon ka sa isang salaming kasing tangkad mo lamang at doon ay nakita mo ang iyong... Kawangis.
AUGUST Sep 2018
Para sa mga taong pinaasa ng mga paasa......

Ano bang pakiramdam ng nahulog ka?
Yung pakiramdam na sinalo ka nya pansamantala,
Yung pakiramdam na parang kayo na,
Yung pakiramdam na parang may pagasa, pakiramdam mo lang pala.

Masasabi mo bang di ka sa kanya mahalaga?
Kung ang kanyang ngiti sayo lang naging masaya,
Masasabi mo bang balewala ka sa kanya?
Kung ang pagtingin nya sayo di ka nagdududa, pagpapakita lang ba?

Napakahirap maghusga, kung lalo na medyo malabo
Kumbaga sa distansya, malapit na pero medyo malayo
Takot kang isugal, na parang isip moy matatalo siguro,
Takot kang magmahal, kung ipaglalaban mo di mananalo sigurado
Ngunit pano? Nakakalito,
Parang kang produkto, kapag tinaasan ng presyo, pagnagmahal, walang bibili sayo.

Kaya napagdesisyonan, na wag nalang ipaalam
Ang mga nangyayari ay hahayaan nalang
Ngunit meron paring inaabangan, Na sanay minsan,
Ganap nang manatili yung paminsan minsan

Dahil...
Pusoy ayaw masaktan, takot na baka mabasag
Natatapang tapangan, ngunit laging naduduwag
Papano kung walang sasalo, habang nalalaglag
Para sa  mimahal ko, na di nahahabag

Sanay lumayo nalang, nang katotohanan ay matanggap
Sanay aking nalalaman, kung ikaw bay mapagpanggap
Sana’y wala ka nang di nalulumbay,
Nang Sana’y di nalang ako nasanay,


Kasi hinahanap hanap pa kita,
Buti sana kung di kita madalas makita,
Dahil nasa loob lang tayo ng iisang silid
Andito ako sa gitna anjan ka lang sa gilid

Tulad parin ako nong una, Umaasa,
Mga iniwan **** alalala
Andito pa nagmamarka,
Papano ko mabubura

Sanay makalaya,
Sanay di nagkaakbay, Sanay di nalang humigpit ang kapit ng iyong mga kamay
Sanay di ako nasanay, Nang sanay di ako nalulumbay.
pang spoken poetry
cosmos  Feb 2016
Classroom Hugot
cosmos Feb 2016
"No more questions?
Let's move on to the next topic"

Mula nang mawala ka,
Sa bawat pagkakataong
Banggitin iyan ng aking mga ****,
Napapatanga ako at itinatanong sa sarili,
"Ganon lang ba kadali yun?"

Sana kasing dali
Ng paglipat ng pahina ng aking libro
Ang paglipat ng puso ko mula sayo, pabalik sakin

Sana kasing dali
Ng pagbura ng marka ng lapis sa kuwaderno
Ang pagbura ng alaala mo sa aking isipan

Sana kasing dali
Ng paglabas pasok ng mga **** sa silid
Ang paglabas pasok mo sa aking mundo

Sana pero hindi

Dahil tila nasa bawat pahina ka ng aking libro
Dahil tila marka ng bolpen ang pilit kong ibinubura
Dahil tila nakalabas ka na ngunit pilit kitang inaanyayahang bumalik
Kahit ilang pagsasanay, pagsusulit, at oral recitations pa
Sana bumalik ka
Pero hindi.

"No more questions?
Let's move on to the next topic"

Paano nga naman kasi ako makakausad
Kung isipan ko'y punong-puno pa rin ng katanungan
Bakit ka sumuko?
Bakit hindi na puwede?
Hindi mo na ba ako mahal?
-------------------------------------
Hindi ko naman ginawa 'to sa classroom nag-aaral ako 'no. Naisip ko lang HAHAHA.
Heto na naman ako
Nag iisa sa silid
Na binubuo ng apat na pader

Naisipan kong umakyat
Masdan ang alapaap na binubuo ng tala
Kasama ang dalawa kong matalik na kaibigan;
Isang bote ng alak,
At isang bote ng gamot na walang mabuting maidudulot

Ang kamay ko ay napuno ng marka
Hindi itim
O asul
Pero pula

Sunod sunod na linya at paulit ulit
Ang mga marka ay nagsimulang dumugo

Napatingin ako sa ibaba
Ang mga halaman at lupa ay naghihintay sa aking pagbagsak
Sa buong buhay ko
Ngayon lang nagmukang malambot ang aspalto
Pumikit
Lasapin ang bawat saglit na lumalangitngit ang pawis sa inyong balat na magkadikit.
Huwag niyong ipagkait sa apat na sulok ng silid ang kanilang karapatan masilayan ang inyong pagmamahalang saglit

Igapang mo ang iyong mga nananabik na daliri sa pambalot ng kanyang laman,
Sa bawat segundong inuudyok at kinikililiti ang iyong kasiping
isiping siya ay isang anghel na ipinadala ng diyos ng dilim ng silid

Manampalataya
Manalangin na ang sandaling maglapat ang iyong labi sa kanyang katawan ay pang-matagalan
Na ang pagsamba mo sa kanyang katawan ay magiging makatarungan

Iyong lubusin ang pag-halo ng laway at pawis
Tumingin sa pagkinang ng namumuong asing itinuturing **** bituin
dahil sa bawat paglamas ng inyong dila sa isa't-isa, dahil sa pagdurugo ng labi, dahil sa panggigil at kagutuman at libog ng katawan at isipan
Hangga't siya'y nagugutom at uhaw sa maling pagmamahalan–

Kumapit
Hayaan ang sarili maipit sa kanyang bisig sa tuwing pipilipitin niya ang iyong isip
gamit-gamit ang kanyang mga matang nanlilisik sa pagnanasa at tamis na kay pait

Ang kanyang mga mata na nagpapakita ng kaluluwa na umiiyak dahil hindi kayo para sa isa't-isa
Iyong nahihinuha na pareho lang kayong dalawa, parehong kumakapit sa ideya na ang pakikipagkantutan ay paraan para mahanap ang pag-ibig na bumabalot sa mundo't umaakap

Umakap
Panghawakan ang alapaap at huwag kang kukurap para masilayaan ang pamumuo ng mga ulap sa kanyang mga mata,
Ang pagbaha ng inyong mga kalooban dahil sa pagragasa ng inyong kahayukan

Ngunit wag kang magpahinga.
Hayaan mo siya ang mauna sa pagpapahinga,
Ito ay senyalis ng pagkapagod at pagsuko sa kasiyahan na inyong tinatamasa
Masasabi **** masalimuot ang karanasan na ito kahit nilubos mo ang pagkakataon na kayo ay nag-indakan sa bawat sulok ng silid na madilim
na sa pagtapos wala na kayong ibang magawa kung hindi–

Huminga
Huminga ng malalalim bago umalpas ang inyong kamunduang pangsandalian
At sa pagwaglit ng iyong hanging ibinuga, tanggapin sa sarili na libog lang ang inyong nadama
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Lance Cecilia Jan 2016
Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, wala na nga pala 'kong pera.
Mabilis akong naglakad patungo sa bughaw na sasakyan ko. 'Di ko ininda ang pabugso-bugsong ulan at bulong ng mahapding hangin. Bumubulwak ang tubig mula sa kanal at magiting na dinadaan ang palusong na kalsada papunta sa gusali.

Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, at natuklasang wala ang susi ng kotse.

Matagal-tagal na rin akong nag-aaral sa lumang gusali ng Biology sa UP. Pangatlong taon ko na. Sa wakas, magtatapos din ako.
At saka mag-aaral ng medisina.
Unang girlfriend ko si Kaye, at napakahaba ng aming kwento. Nagkakilala kami noong bakasyon sa pagitan ng aking ikalawa at ikatlong taon sa mataas na paaralan. Hindi siya ang una kong babaeng nagustuhan.
Pero siya ang una kong minahal.
Nagsimula ang lahat sa aming pagiging magkaibigan, at nang lumaon, nahulog ako para sa kanya.
Alam kong mali yun, kasi may gusto siyang iba at may napupusuan din ako noon.

Pero binago niya ang lahat. Naging matalik kaming magkaibigan, hanggang sa ayun, nagkaaminan.
Walang nag-akalang magiging kami.
Nilaliman kong muli ang hawak sa bulsa. At saka pumanhik sa gusali, papunta sa aking silid.
Natagpuan ang susi ng kotse, sira, putol, puro gasgas at tila nabagsakan ng mabigat na bagay.
Badtrip, sabi ko.
Magko-commute ba na naman ako?
'Di nagtagal, nakaisip ako ng paraan.
Pinapunta ko si Kaye, total, may kotse naman siya.
Dumating si Kaye sa silid nang may malaking ngiti, isang ngiting tagumpay sa volleyball.
Bakas pa sa kanyang mga braso ang bakat ng tama ng bola ng volleyball. Namumula, pagod na pagod.

'Yun ang huling alaala ko.

Sabi ng doktor, nag-shutdown daw ang utak ko buhat ng matinding pagod, at nagkaroon ako ng amnesia.
Ayon sa kalendaryong iniabot sa'kin, humigit-kumulang 30 taong gulang na ako.
Wala akong ibang maalala kundi ang alala sa gusali ng Biochemistry.

Nilaliman ko ang hawak sa bulsa. Hinimas ko nang todo ang lalagyan, hinipo ang bawat sulok ng aking bulsa. Nakapa ko ang isang pirasong papel.

Dear Lorry,
Mahal kita.
Pero may mahal na 'kong iba.

Yun lang? Yun lang ba? Tapos na?
May nagawa ba 'kong masama?
Tiningnan ko ang aking mga braso.
Bakas pa rito ang mga bakat ng kutsilyo, namumula, puro peklat.
Sabi ng doktor, may suicidal tendencies daw ako. Aba pakialam niya!

Pumasok si Kaye sa aking kuwarto sa ospital. Hawak niya ang braso ng isang lalaki.

Doon ko lang napansin ang kuwarto ng aking tinutuluyan.
Puno ng sulat ang mga pader. Puno rin ng mga nagsasanay na nars at doktor, at pilit na iniintindi ang reklamo ng mga pasyenteng nakadungaw sa nakaidlip nilang kalawakan.

Hindi ko na kaya.
Ganoon na lang ba ang halaga ko kay Kaye, na ganun niya ako papalitan?

Kinuha ko ang bolpeng nakatengga sa mesang malapit sakin. 'Di ko na pinansin ang kirot ng IV at mga kung anu-ano pang nakasuksok na gamot saking sumusubok na pagalingin ang mas lalong sumasakit, kumikirot na kalagayan.
Isang 'di magamot na sakit ng damdamin, isang kirot na bumubulwak mula sa kanal na pinagdadaluyan ng aking pagmamahal.

Pagmamahal para sa babaeng nakita kong hawak ang braso ng isang lalaking 'di man lang ipinakilala sakin para man lang mapawi ang uhaw ko para mapasaya si Kaye.

Tinutok ko ang bolpen sa aking sarili.
Pinagsasaksak ko ang sar-

— The End —