Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
073016

Alkansya ko'y panalangin --
Taimtim na pananampalatayang ikaw nga.
Hindi mo marahil masaklaw ang estado ng puso
O ang lalim ng determinasyon ko sa paghihintay.

Saludo ako sa katatagan mo.
Kahit na hindi natin nasisilayan ang bawat isa
Sa tuntungan ng saya at pighati.
Hindi ko mawari ang pag-ibig na laan ng Ama
Pagkat kahit hindi magtagpo sa ngayon,
Alam kong ang pagku-krus natin noo'y
Iba ang pahiwatig sa pusong malayang naghihintay.

Walang alaalang masakit,
Kahit pa may mga katanungang hindi nasagot.
Walang sakit na hindi mabubura
Nang pag-ibig Niyang walang kaltas.
Kaya't may galak ang paghihintay.

Araw-araw, mag-iipon ako ng mga panalangin,
Higit pa sa mga salitang laylayan ay tugma;
Higit pa sa mga talatang balot ay emosyon.

At sa aking pag-iipon,
Alam kong kahit tunog-lata ang iila'y,
Tutubo ang mga ito para sa'ting kinabukasan.
Pagkat alam ko kung kanino ako unang nagtanim --
Hindi sayo, hindi sa akin
Bagkus **sa Kanyang Siyang may pandilig.
Minsan, naiisip kong bitiwan nalag ang paghihintay; kasi baka wala naman. Pero hindi ko maintindihan kung paanong binalot ng pag-ibig Niya ang sarili patungo sayo. Alam kong ikaw. Basta, nagtitiwala ako sa Kanyang ikaw ang laan Niya.
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
080416

Ilang beses na akong sumusulat ng tula,
Nagbilang ng talatang puno ng metapora,
At naglaan ng kuwit sa humihingal na mga pangungusap.

Ilang beses na akong humukay ng alaala,
Mabigyang buhay lamang ang reporma ng katha,
Makaniig  lamang ng puso ang mga mambabasa.

Ilang beses na akong nagtapon ng papel,
Naubusan ng tinta't napurulan ng panulat.

Ilang beses ko nang sinabi saking sariling
"Hihinto na ako sa sa pagsusulat."
Bagkus sa bawat pintig ng puso'y
Tanging Ikaw ang pamagat.

At sa bawat pagsalin ng lenggwahe ng damdami'y
Ni hindi masilayan ang binagtas ng pusong marupok na.

Ilang beses na akong nagtula,
Pero paulit-ulit ang tugma,
Ikaw at Ikaw pa rin ang pamagat.
071816 #3:18PM #RobPalawan

Muling mauutal ang puso
Buhat sa naantalang pagtatapat.
Ninais ko noong lisanin ang paghihintay
At magbakasakaling
Panahon na ng pag-ani ng pag-iibigan.

Ni minsan,
Hindi ka nagpadaig sa pana ni Kupido,
pagkat marahil may lamat kanyang gintong palaso.

Patuloy akong magbibilang ng bawat dahong nalalagas,
Aaninag sa araw na siyang minsang pumipiglas,
At sisenyas sa hanging hinahawi ang kawalan --
Kawalang hindi tunay,
Pagkat pag-ibig, aking buhay.

Ilalaan ko sa kalawakan
Ang talatang tila walang saysay,
Makikipagbalagtasan sa pagkitil
Ng mga linyang nahihimbing.

Ako'y saksi sa malawak at malalim
Na mahikang di naglalaho,
Sa eksperimentong walang kemikal
Bagkus puro't siyang natural,
Sa paglalambitin ng mga bombilyang
Hindi papupundi,
At mga tuldok na hindi katapusan.

Yayariin ko ang klima ng pusong hindi kalmado,
Bituin ng pagtatapat ay aangkinin,
Pagkat halaga nito'y
Wagas na pag-ibig.
Hindi ako susuko,
Tatagpiin nang kusa
Ang liham ng sagrado kong pag-irog.
(Pagkat naiisip na naman kita. Marahil baliw ang pag-ibig, pero nasa tamang pag-iisip ang katauhan. Patuloy kitang ipagdarasal, maghintay lang tayo.)
Christien Ramos Jul 2020
Sinabi ko noon sa sarili ko na
kapag dumating ang gabing itutulak táyo ng hangin upang pagtagpuin --
kapag dumating ang araw na pagbanggaing muli ang ating mga damdamin,
silàng may kanya-kanyang hinanaing,

Huwag mo akong yayakapin.

Huwag mo akong hahalikan.
Huwag **** hahaplusin ang mga nanlalamig kong braso.
Huwag mo akong iiyakan.

Ayokong maalala ang kinabisa kong init mo.

Naniniwala ako na sapat na ang mga titig,
ang mga nangungusap na mata.
sapat na ang distansya,
ang espasyo sa pagitan nating dalawa.
sapat na ang iniyak natin noon.
sapat nang hindi táyo katukin ng mga ala-ala búkas.
sapat nang natuto táyo sa kahapon.
sapat nang kilala na natin ang lunas.
sapat nang napatawad kita't napatawad mo ako
at kung paanong napatawad natin ang ating mga sarili.
sapat nang káya mo nang matulog sa gabi
dahil sapat na ring káya ko nang gumising sa umaga.
sapat na ang mga naisulat na liham,
ang mga talatang humihingi ng kapatawaran.
sapat na ang mga musikang sabay nating inawit,
ang mga tonong hindi nagkakapanagpo.
sapat nang mga panyo na lámang ang nakasaksi ng mga hikbi ko sa gabi,
ng mga luhang nahihirapang matuyo,
ng mga pusong magkahiwalay na nagdurugo.
sapat na ang mga alak na nagmistulang kaibigan,
ang mga unan na yumuyupyop sa aking balat.
sapat na ang aking silid na itinuring kong simbahan
dahil sapat na ring paulit-ulit kong ipinagdarasal na maghilom na ang mga sugat.
sapat na ang magagandang gunita,
mga ala-alang ating ginawa.
sapat nang nagagawa mo na muling ngumiti
dahil sapat na ring nagagawa ko nang tumawa.
sapat nang naiintindihan ko na
at sapat nang hindi ka na magmakaawa.
sapat na ang mga regalong aking nagustuhan
dahil sapat na rin ang pagbitiw na hindi ko inayawan.
sapat na ang lakas ng loob na inipon ko dati
dahil sapat na rin ang tákot na naramdaman ko noong iyong sinabing,

"Hindi ka pa pala sapat."
Salamat.

Hindi mo ako masisisi kung minsan na akong naniwalang hindi ako ang nagkulang.

Pero ngayon.
Kapag dumating ang pagkakataon
na muling mag-krus ang ating mga nangungulilang landas,

Hahayaan kitang yakapin ako;
halikan ako;
Hahayaan kong haplusin mo ang nanlalamig kong mga braso at kahit sa huling pagkakataon,
Hahayaan din kitang umiyak

dahil ito na rin ang huling beses na kikilalanin ko ang init mo; at pagkatapos

kalilimutan ko na.

---
Jun Lit Oct 2017
Marahil di n’yo po tanto
Halaga ng leksyon ninyo
Bawa’t tula, gintong puro
Pag-ibig sa wikang Pino

Bawat talatang piniho
Nagbukas ng mata’t ulo,
Florante’y bayaning nobyo
Laura’y bayang Pilipino

Gurong minahal, idolo
Parang anak kami, oo
Kahit iba’y magugulo
Di malilimot, Mam Lojo . . .
Written in Dalit style (4x8) Philippine Poetry, this is dedicated to Mrs. Corazon Maralit Lojo, our teacher in Pilipino (Filipino Literature) way back 1974-1975, during our second year as high school students in The Mabini Academy, Lipa City, Philippines
012917

Ginising mo ako ng iyong mga salita -- mga salitang sabi mo'y di mo pa kayang ikatha.

Ako'y hinihele ng bawat malalambing na mga talata -- mga talatang bumuo sa kauna-unahan **** piyesa.

Sana'y hindi ka mapagod sa paghabi ng mga salita. Sana'y di ka mapagod sa paghihintay. Sana'y di ka mapagod hanggang sa masilayan kitang muli at oo, alam kong ang babalikan ko'y pag-ibig ang siyang pagbati.

Gigisingin kita gamit ang puso ko -- pusong itinaya ko para lamang sayo -- pusong makapaghihintay sayo. At hindi ko alam kung paano tatapusin to -- pagkat **pag tungkol sayo'y di alam ang pagsuyo.
Tugon sa piyesang "Alas Kwatro na Pala"
Ferllen Dungo Feb 2021
Igorot Lovers. (lifetime)

May mga letrang mahirap ilapat sa mga salita,
Mga pariralang mahirap ikabit sa pangungusap
Mga tugmang mahirap ipasok sa taludtod
At mga taludtod na mahirap buuin sa isang saknong.

Mga pangungusap na mahirap ilapat sa talata.
At mga talatang mahirap gawing kwento.
Mga awit wala sa tono at ritmo
Indak na wala sa tyempo
Parang mga tanong na walang saktong sagot.

Makakaramdam ka ng kung anong di mo maipaliwanag, mahiwaga.
Dahil ang totoong makabuluhang bagay sa mundo at hindi makikita
Hindi mailalarawan ng mga salita
Hindi maarok ng malalim na kahulugan ng tula
Hindi maipaliliwanag ng mahahabang talata.


Pagmamahal. ❤️
leeannejjang Feb 2020
ikaw ang istoryang ayoko matapos.
talatang ayaw ko tuldukan.
mga pangungusap na walang hanggan.

sa bawat taong nagsabi sa akin itigil na,
ay ang puso kong nagsusumigaw na laban pa.
lalaban pa ba? o bibitaw na?

araw araw ko tinatanung ang sarili ko,
sabay ang panalangin sa Diyos na bigyan ng sagot
ang magulo kong isip at puso.
.
ilang tula pa ang akin dapat isulat,
ilang salita pa kaya ang akin iaalay,
hanggang sa mapagod ang pusong ito
at tuluyan ka ng bitawan.

pero sa ngayon, lalaban pa ako.
lalaban pa ako habang ang puso ko'y ikaw pa ang sinisigaw
at sana bago ako'y mapagod ay mahawakan mo ang kamay ko
at sabihing ako din ay mahal mo.
Nightkeeper Oct 2018
mga sulat kalat
na aking ginawa
sa aking tala-arawan.

mga talatang isinusulat
gabi-gabi,
na pinupuno ng poot
at sikip sa dibdib,

na para bang
sinaksak sa salita—
at luhang pumapatak
na parang bagyo.

mga salitang binitawan ko
sumisigaw;
nang ako lang ang nakakadinig
umiiyak;
at nag mu-mukmok sa sahig.

tinatanong sa sarili
bakit?
habang naka-tingin sa aking libro
at pumapatak ang mga luha
bakit?
Yours truly, BokxDoc.
Jun Lit Oct 2021
Malambot ang kalimbahin,
talulot ng bulaklak na rosas,
tamang-tama sa pagpapagaan
ng masakit na pakiramdam
ng puro pasâ at bugbog-saradong lila
ng sugatang puso ng isang bansa -
sinugatan ng mga taon ng panggagahasa
ng mga pulitiko, at panghahalay
sa ekonomiya at lipunan.
Nagpapagaling ang kalimbahin.

Tamang timpla ang kalimbahin
ng matingkad na pulang dugo,
inialay ng mga bayani, nag-aalab sa banal
na pag-ibig, pagnanasang lumaban
para sa kalayaang tila napakailap
sa lahing puno ng kasawian
at ng dalisay na puting diwa
ng mga duminig sa tawag ng sambayanan
di alintana ang sarili, busilak tulad ng papel
na walang sulat, na sa ibabaw n’ya
ay mahihiyang maglapat ang isang makata
ng mga talatang sambay-bakod kumbaga.
Masaklaw ang kalimbahin.

Maliwanag ang kalimbahin
litaw na litaw sa tila itim
ng gabing pinakamadilim
sa ating sinalantang kapuluan,
at sa malabo, lalong kumukupas
na pangungunyapit ng bughaw-lilang kalangitan
subalit may sumisilip na’t nagpapalakas-loob
na sinag ng dilaw na araw muli, nababanaag
ang bagong Pag-asa ay binabasag
ang nakabalot na karimlan,
nagbabadya, ibinabaybay
ang ating kaligtasan
bilang isang bayan –
At kalimbahin ang kulay
ng bukang-liwayway.
This is the Tagalog translation of the previous poem "Pink."

— The End —