Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Aug 2018
Para sa Pusong Iniwan
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Umuulan na naman pala
Basa na naman ang kalsada
Malamig na naman ang dampi ng hanging nagmumula sa bukas na bintana
Gabi na rin pala, nalipasan na nang gutom,
Nakapatay ang ilaw sa kwarto, pero maya’t mayang binibisita ng liwanag ng kidlat
ang malungkot na gabi
Ang hirap pala ngumiti kung may luhang dumadampi sa mga pisngi
Nakakatawa kasi eh. Buti pa ang kidlat bumibisita
Buti pa ang kidlat, may hatid na liwanag, tapos yayakapin ka ng kakaibang lamig ng haplos ng hanging dala nito
Mabuti pa ang ulan, bumubuhos na parang malayang-malaya
Bumubuhos kasama ng mga luha
Bumubuhos kasama ng mga sakit na iniwan
Bumubuhos kasabay ng pagluha ng pusong iniwan.

Umaga na naman pala
Buti nalang nagising ng maaga
Haharap sa mesa, at kagaya ng nakasanayan, magtitimpla ng mainit na kape
Tatangkaing gisingin ang diwa, susubukang palitan ng init ang hatid na lamig ng gabi
Iba talaga ‘pag hinahatid ka ng sariling paghikbi sa kapayapaan ng mundo ng mga panaginip
Doon kung saan walang sakit, yung bang walang imposible
Heto na naman, panibagong araw
Araw-araw kong nasisilayan ang sigla ng sikat ng araw pero bakit dama pa rin yung dilim kinagabihan
Hindi pa rin matanaw ang liwanag
Tinangay mo kasi
Sinama mo sa pag-alis
Bakit naman kasi ang bilis? Hindi man lang ako nakapagpaalam

Tanghali na pala
Oras na ng kain.
At tulad ng dati, inaaya pa rin nila ko kumain
At tulad ng dati, tumatanggi pa rin
Kasi alam ko pupuntahan mo ko tapos sabay tayong kakain
Dun sa dati, sa paborito natin
Tanghalian na pala
Pero imbis na sa pagkain ay sa telepono ako nakatingin
Hindi man aminin pero sa loob loob ko’y naghihintay pa rin
Para sa iyong “kumain ka na ba?” o “Puntahan kita, kain tayo”
Hingang malalim, yung may kasamang matinding damdamin

Ilang tanghalian pa at malilimutan rin kita

Malilimutan ko rin yung ningning sa’yong mga mata kapag kausap kita
Yung mga biro **** corny pero tatawanan ko pa rin kasi habang binabanggit mo yun, natutuwa  ako
Natutuwa ako na kasama kita
Natutuwa ako na kausap kita
Natutuwa ako kasi akin ka
Natutuwa ako kasi ang cute mo, para kang batang masayahin
Natutuwa ako kasi magkasama tayo
Natutuwa ako kasi solo natin ang bawat sandali
Natutuwa ako kasi ikaw yan at mahal kita

Yun. Tumpak! Mahal pa rin kita.


Matagal na rin pala.
At hindi na tulad ng dati
Memoryado ko na lahat ng pasikot-sikot ng pagkatao mo
Ginawa kasi kitang mundo ko
Mahirap.
Masakit.
At para lang malaman mo, hindi kita kinabisado na tila mga salita sa paborito nating kanta para lang limutin
Mahirap.
Masakit.
Hindi naman kasi kita ginawang mundo para lang lisanin
Pero hindi naman talaga kita nilisan, mahal.
Ikaw yung nang-iwan
Ikaw yung sumuko
Ikaw yung bumitaw
At matagal na rin pala
Nung sinabi mo sakin na “Malaya ka na” alalang-ala ko pa. Yun yung panahon kung kalian ayaw kong lumaya. Ayaw kong lumaya sa pag-ibig mo. Gusto ko masintensyahan ng habang-buhay na pagkakulong dyan sa puso mo, sa buhay mo.

Pinilit ko kumapit pero kinalagan mo ako, pangako, pinilit ko pero pinalaya mo ako

Matagal na rin pala
Mahirap pa rin.
Masakit pa rin.
Ako nalang ang hinihintay. Siguro’y panahon na.
Para sarili ko naman yung palayain ko
Hindi naman siguro kailangang pilitin
Hindi naman kasi ganoon kadaling kalimutan ang isang taong naging parte na rin ng pagkatao ko
Pero para sa ikalalaya ng pusong iniwan
Para sa ikagagaling ng pusong lubos na nasaktan
Sisimulan ko na…..                makalimot.

Pero teka…


Umuulan na naman pala.
Wag naman sana pero ayan na, papatak na naman pala


Maaalala na naman kita.
I just have every pain and smiles enough to write this piece, not necessarily the experiences. Perhaps, with all my heart
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
AL Marasigan Apr 2017
Una, napakaganda ng mga simula, ng mga umagang puno ng kaba, hinahanda ang sarili sa mga posibleng pagpapakilala. Hinahasa ang mga ngiti, ang mga galaw, ang mga paglakad sa harapan ng iyong mga kaklase. Tinatanggap ang mga matatalim na tingin habang naghihintay sa bawat salitang lalabas sa kaluluwa **** malapit nang sumabog, mga taingang naghihintay, naghahandang makinig…

Pangalawa, magiging kampante’t komportable ka, iisipin na ang buhay ay ganun lang kadali, na ang bawat simula’y pagpapakilala lang ng sarili na pagkatapos **** magpakilala ay makikinig ka nalang. Iniisip na ang kaginhawaan, galak at takot sa simula ay mananatiling sa’yo.

Pangatlo, mapapagod ka. Na ikaw ay gigising ng mas maaga, papalitan ang dugo ng iba’t-ibang uri ng likido, sa pagbabasakaling ang simula ay mananatili hanggang sa dulo. Ikaw ay unti-unting susuko.

Pero pang-apat, ang daan tungo sa tagumpay ay di dapat kalimutan at sukuan di’ba?

Subalit panglima, ang tagumpay ay di palaging may sementadong daanan, na ang lahat ng bagay ay di perpekto. Na ang langit na narasanan mo nung simula ay di mananatiling ganoon hanggang sa dulo na ito’y posibleng maging blankong espasyo na lamang. Matatakot kang punuin ito ulit.

Pang-anim, maghanda ka sa paglipad. Unti-unting buuin ang mga pakpak gamit ang mga balahibong parte ng iyong mga simula.

Pangpito, lisanin ang lumbay, ang galit, gamutin ang mga sugat sa’yong mga pakpak. Unti-unting abutin ang araw kahit na ito’y iiwanan kang abo, susubukang pabagsakin.

Ito ang pangwalo, maghanda kang bumagsak, mahulog, masaktan.

Pangsiyam, masakit ang mahulog, bumagsak, umasa. Ngunit gawin mo itong lakas, lagyan mo ng pwersa ang bawat pagaspas ng mga pakpak ng iyong simula. Oo, di tayo handa na mahulog, bumagsak, umasa, at walang kahandaan sa mga ganitong bagay.

Pero pangsampu, huwag kang susuko, magaling na ang iyong mga pakpak, tapos na ang paghahanda. Subukan mo nang lumipad muli sa langit na dati’y pinuno mo ng mga unang beses at mga unang bagay bumuo sa’yong pagkatao. Liparin mo ulit ang blankong espasyo, lagyan ng mga bagong simula, buksan ang mga nakakandong daanan, abutin ulit ang tagumpay, subukan muling lumipad, at pag ika’y muling nahulog, abutin ulit ang langit, lipad lang.
Inspired by Juan Miguel Severo's  "Sampung Bagay na Natutunan ko sa mga Umiibig"
Lianne Jan 2020
Saya, yan lang naman ung gusto kong maramdaman ngayong 2020 na kasama ka
Bakit parang hindi ko ito dama gayung kakasimula palang ng taon
Pait, sakit, hirap ilan lamang yang nadama ko simula ng pagpasok ng bagong taon
Ang hirap, ang hirap isipin kung ikaw pa ba ung minahal ko?
Bakit parang pagpasok na pagpasok palang ng taon ika’y nagbago?
Pait kasi hindi ko na maramdaman ung tamis at kilig sa bawat yakap at halik mo.
Sakit, ang sakit sakit isipin na ako pa ba ung babaeng laman ng puso mo?

Hindi ko alam kung paano ito sabihin sayo
Dahil napakasensitibo **** tao
Mahal,mahal na mahal kita ng buong buo,
Ayaw kitang saktan sa mga salitang gusto kong ibahagi sayo
Kaya sa tula ko idadaan ang mga to
Susubukang maghinay hinay sa mga salitang bibitiwan

Mahal ikaw pabayan? Bakit parang hindi?
Kung magbiro eh hindi ko alam kung akoy sisimangot o ngingiti
Pero sige na nga akong ngingiti nalamang ng Makita **** ayos lang saakin
Habang nakangiting naisingpang sa iba nalang tumingin
upang hindi mo Makita ang mga lungkot saaking mga mata
tatawa para di mahalatang akoy nasasaktan na
baka kase pagsumimangot ako ay iyong sabayan
mga sumpong na aking nararamdaman eh tatakpan nalamang ng mga tawa.

Sige patuloy akong magpapanggap na maging masaya
kahit ang aking nararamdaman eh sobrang sakit na
kaya ko lamang ito ginagawa upang hindi ka mawala,
mahal, sana pag ito’y iyong nabasa wag ka sanang mawalan ng gana
o di kaya ay sisihin ang iyong sarili sa kadahilanang ako’y iyong nasasaktan na.
ayos lang ako wag kang magalala
patuloy na kumakapit upang ang relasyon natin ay hindi masira
mahal na mahal kita sana iyong tandaan
ngunit ako’y makikiusap lang sana
wag ka sanang panghinaan ng loob sa aking mga nasabi at patuloy na lumaban
dahil hindi ko na alam ang gagawin pag ika’y nawala pa

alalahanin ang saya, tuwa, kulitan na ating nagawa
at patuloy na kumapit at subukang ayusin itong problema wag ka lang mawala.
Madami pang oras, araw, lingo, buwan,taon o kahit dekada.
Wag ka lang bumitaw saaking kamay mahal.

Mahal na mahal kita. Tandaan mo yan
Mahal na mahal kita kahit ika’y ganyan
Madaan yan sa lambing
Wag natin ulit sayangin etong pagkakataon
Dahil mahal ako na ang nagsasabi na tayo hanggang dulo
Away, problema, ilan lamang yan sa mga pagsubok na ating dadaanan
Dahil pagtapos ng mga iyan
Maganda ang surpresang naghihintay satin.
Mahal kapit lang, laban pa. malalagpasan din natin yan.
Hindi man naisin
Ikaw ay nasa isip pa rin
Sinubukang limutin
Damdamin para sayo ay di kayang tiisin

Lahat ng lungkot na sa aking puso'y, iyong iniukit
Nakasulat sa papel, sa dingding doon nakadikit
Mga saloobing puno ng hinanakit
Itatago at kikimkimin, isasabay na lamang sa aking pagpikit

Sabi mo "hindi mo ako iiwan"
Tugon ko "ikaw lang magpakailaman"
Subalit ngayon ako'y nangungulila
Hindi malaman kung bakit laging nakatulala

Sinta, ano ba ang aking nagawa?
Hindi ko sukat akalain, na ang pag ibig natin ay biglang mawawala
Sa aking pag-iisa, susubukang isagawa
Ang paglimot sa ating masasayang ala-ala

icm
Abby Elbambo Jul 2016
Ang unang pahina:

Para sa kauna-unahang nilalang na mabubuo sa aking sinapupunan
Sinasabi ko na sayo ngayon pa lang na ika’y aking papangalanang “tao”
Dahil alam kong dadating ang panahon na iyong susubukang alamin ang kahulugan ng itinatawag sa iyo
At nais ko na sa iyong paghahanap ay iyong maungkat ang balde-baldeng mga salitang nakalimutan na ng ating lipunan
Sabay nating tutuklasin kung sino ka nga ba sa isang mundong mapangdikta
Na sa bawat pagsabi ng “Magpakalalaki ka nga!”
Alam mo na upang maging isa ay kailangan **** maging tao muna
At sa unang araw na ika’y magpapaiyak ng sinuman sa ngalan ng “pagiging lalaki”,
Ay sisimulan ko ang pag-uukit ng mga linya sa iyong mga palad
Upang sa tuwing padadapuin ang kamay sa sinuman sa ngalan ng karahasan ay una kang masasaktan

Anak,
Gusto kong malaman mo na kahit di ko pa alam kung ano ang iyong paboritong kulay
Alam ko na ang nasa kaibuturan mo
Dahil tulad ko, ika’y isa rin lamang nilalang

Pupunuin ko ang kwarto mo ng libu-libong salamin
Dahil alam kong darating ang panahon na bubulungan ka ng kung anu-anong mga korporasyon na nagsasabing ika’y kulang pa
Kinukutsya ang bawat aspeto ng katawan **** di sakto sa kanilang imahe sayo
At nais ko na sa iyong pagising at pag-uwi ay di matatakasan ang tignan ang sarili sa salamin
Umaasang maaalala ang ipinangalan sa iyo ng nanay **** nakatayo rito ngayon

Tao,
Isang araw ay itatapon kita sa mundo
Hindi iiwan pero hahayaang mamili para sa sarili
Tandaan ang pangalan mo at unawain na hindi lahat ng likha ng tao ay tama

Balikan mo ako sa iyong unang galos.
This is a piece I wrote for my Theology class that tackled the distorted view of men in alcohol advertisments. It's also in Filipino--which is my native language.
Pusang Tahimik Jan 2023
Isa marahil sa libu-libong isda sa karagatan
Ang maigting na pumipili ng pain sa kawalan
Sa takot na baka ibalik lamang sa karamihan
Sapagkat ang nais ay di na pakawalan

Ang uri ay hindi maihahambing kaninoman
Tila nagiisang premyo sa makahuli na sinoman
At isang beses nya lamang matitikman
Ang tunay na tagumpay ng hamon ng karagatan

Sumisisid nga ng husto pailalim
Hinahanap kung may butas pang susuungin
Takot na takot na baka mapain
Ang isdang nasanay nang nasa ilalim

Kailan kaya susubukang umangat
At matutong sa pain ay kumagat?
Makatagpo nang mangingisdang tapat
At kung mahuli sa kanya ikaw na ay sapat.
-JGA
ESP Nov 2020
Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Sa gitna ng hatinggabi at umaga

Mga aninong dumaraan
Hihigupin ang kamalayan

Maiiwan ka sa dilim
Malulunod sa kawalan

Susubukang tumayo, iiwas sa demonyo ng kahapon,
ng ngayon,
at kung darating man;
ng bukas

Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Sa gitna ng hatinggabi at umaga

Basang basa sa hinagpis at pag-iiyak
sa lahat ng mga bagay na hindi tiyak

Tatakbo palayo't susubukang lumisan sa kaibuturan,
sa kalungkutan,
at sana dumating pa:
ang kaliwanagan

Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Palagi nang inu-umaga
May pait na dulot
ang lubos na pag-iisa
From a prompt, "may pait na dulot ang lubos na pag-iisa".
George Andres Jun 2017
titingnan ko kung may natira pa rin ba sa latak ng tinta ng 'yong alaala o ipinipilit ko lang na palabasin ang iyong anino sa lahat ng aking nakikita o nadarama.

sana makalimutan na kita, kahit pa mahal kita. sa totoo lang nagtapos ang lahat sa isang pagkakamali: ang iwan ka matapos makahanap ng iba. akala ko masyado na kitang mahal at pagkakataon namang ilaan ko ang pagal kong puso para sa iba, pero hindi 'yon nangyari. bumabalik lamang ako sa'yo sa tuwing nakikita ko ang ngiti nila mula sa'yo, o ang mahahaba **** pilikmata kung nakapikit ang mga mata at tangan ang iyong ulo sa balikat ko.

nagniningning ka kahit madaling araw. ang pagkaway ng buwan sa tuwing titingala ako ang nagkakanlong sa ating mga gunita. ikaw ang nakikita ko sa lahat ng aking mga inibig at susubukang ibigin.  ikaw lang ang kaya kong balikan matapos layuan. ikaw lang.

ikaw lang ang hindi ko kayang hagkan o halikan kahit gusto ko man. nais kong hawakan ang 'yong kamay o hawiin ang mga buhok sa mukha at tuluyan nang halikan
sa noo.
ikaw lang ang kaya kong lubusang mahalin na hindi ko puwedeng gawin, dahil
takot ako.
lumipas na ang maraming taon ngunit nasasakin pa rin ang takot kong 'to. ang sabi nila matatakutin daw ako, oo pero hindi sa multo o engkanto, kung hindi sa pagmamahal na hindi totoo at mabilis maglaho. hindi ganoon ang pag-ibig ko, marahil ang pag-ibig mo, pero natakot din ako sa'yo. dahil gusto mo pang maglaro at malaki na ako para diyan.

ayaw kong maglaro pa ng habulan o mataya-taya.
hindi na ako bata.
tanggalin mo na ang piring sa mata dahil sa hanapan daga, ako lang ang tanging sasalubong sa'yo at magsasabing, "simula't simula pa lang, ako na ang talo, ako na ang taya."
121816

— The End —