Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
It'smeAlona Jun 2018
Sa aking lupang tinubuan
Na sinakop ng mga dayuhan noon pa man
Ang una'y mga espanyol na mananakop
Dala daw nila'y kristiyanismo
Upang ipakilala sa ating mga katutubo
Ngunit ang tanging hangarin pala'y manakop at gawing kolonyanismo
Kaya ilang daan taon tayong hawak ng mga ito
Ating mga katutubo walang nagawa kundi ang sumunod at magsawalang-kibo
May ilan ding nagsisipag aklas upang makalaya
Ngunit sa kalauna'y sila'y bigo sapagkat pawang malalakas at makapangyarihan silang mga nilalang
Nariyang si Gat. Jose Rizal na kinulong at binaril sa bagong-bayan
Na tinatawag na natin ngayong (LUNETA/RIZAL PARK)
At si Gat. Andres Bonifacio na hanggang ngayo'y hindi alam kung sino ang pumatay
Ang tanging alam natin sa kanya'y siya ang "Ang Ama ng himagsikan"
Sa kabilang banda'y hindi nagpatinag ang ating mga katutubo
Nagbuo ng mga samahan upang mapag-aralan kung kailan ang tamang panahon para lumaban
Kaya nung dumating na ang tamang panahon upang sila'y magsipag-aklas
Marami ang sa kanila'y naghimaksik upang ang kalayaa'y makamtan
Kaya noong taong Hunyo labing dalawa, isang libo't walong daan, siyam na pu't walo
Nakamtan ng ating mga katutubo ang kalayaan na kanilang pinaglalaban
Sa bahay ni Hen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Kabite
Kanyang iwinagayway ang ating watawat
Sagisag ito ng ating kalayaan sa kamay ng mga mananakop na espanyol
Sa mga nakalipas na taon, tayo'y naging malaya na
Ngunit, ano ba ang kahulugan ng isang malaya?
''Ito ay ang pag-gawa sa isang partikular na bagay ng walang humahadlang o kumokontra sayo at may kakayahan kang kumilos batay sa kung ano ang iyong gusto o nais''
Oo nga't malaya kang gawin ang iyong gusto
Subalit, labag naman ito sa karapatang pantao
At nakapapanakit ka na ng kapwa mo
Marami ang sa ati'y nakakalimot na sa mga paglapastangang ginawa sa ating mga katutubo
Marapat nating pagkatandaan na ang ating kalayaa'y utang natin sa ating mga bayaning nakipaglaban
At ang kalayaa'y dapat igawad sa lahat
Magkaroon ng pantay-pantay na karapatan ang bawat nilalang
Mapa mayaman o mahirap man
Mapa babae o lalaki man
Mapa bata o matanda man
Maging tunay sanang malaya tayong mga pilipino
Hindi lamang sa salita, kundi sa isip at sa ating mga gawa.
Jun Lit Oct 2018
Nilisan kong hubad ang pinaglunuhan,
Enero, Pebrero, Marso ng kabataan
Lubi-lubi ang awit sa tiyang kumakalam
balatkayong pinasikip ng mga agam-agam
mga ala-alang pilit naglulungga, inipit na liham
sa yungib ng pipíng isipan.

Sa pagtalikód ko’y hiniwa
ng balaraw ng panghihinayang
ang banig na naidlip saglit
sa magdamag na paglalamay
banig na nilala ng mga dekada
mula sa mga hibla ng pagsusumikap.

Paalam,
kaibigang nabingi sa tawag ng luho
Walang alinlangang maririnig mo rin
ang tibok at bulong ng puso
Ninais ko sanang samahan mo ako
at ating anihin
ang mga uhay na mula
sa binhing ipinunla
sa mga alapaap.
Ninais kong lasapin
ang matamis na bunga,
pinahinog ng tiyaga
at patuloy na pag-asa.

Subalit
dagtang makapit,
luhang mapait,
kumikirot ang lupa
sa patak ng namuong dugo
ng bayaning nagbuwis
ng sariling pagsuyo.

Kikitlin ng Nobyembre
ang bawat naiwang himaymay
sa lamig ng yakap ng amihan
- akala’y dakila ang dayuhang niyebe.
Mamamaluktot muli sa maigsing kumot
hanggang sa magising
sa aguinaldo ng Disyembre
at pagpasok na naman ng Bagong Taon
walang kamatayang panahon
aasa na naman sa ****
na iba ang pangako at iba ang tugon
sa dalangin at maraming tanong

Ah sanga pala, Abril, Mayo, Hunyo noon.
Oktubre - Filipino word for October; for several years now, sometime within my birth month, I unconsciously start to reflect on events in my life and the places I call home.
Lae Jul 2019
Papalubog na ang araw. Nakatutok ang mga bata sa harap ng gadget nila. Mga chismosang naninira ng kapwa nila. Lahat ay masaya sa kalayaang nadadama nila.

Lingid sa kaalaman nila ay may isang babaeng nakamasid lamang sa isang sulok.. Dala-dala nito ang alaala ng masakit na kahapon.



ISANG madugong nakaraan- mga bayaning dumanak ng dugo para sa lupang sinilangan. Mga iyak- sigaw at kapighatian ng mga pilipinong inapi nang mga dayuhan. Mga sakripisyong tiniis at inalay nila para sa kalayaan ng bayan.

Nasasaktan ang babaeng iyon. Nasasaktan ang ating Inang Bayan.
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
It'smeAlona Aug 2018
Ang hindi magmahal sa sariling wika
Ay higit sa hayop at malansang isda
Ayon sa isang taludtod na isinulat ng ating pambansang bayaning si Gat. Jose Rizal

Sa Luzon, Visayas at sa Mindanao
Wikang Filipino ang katutubong wika ko
Iba-iba man ang mga dayalekto
May ilakano, waray, bikolano at tausug
Wikang Filipino ang siyang gamit ko

Ngunit tila ba nalilimutan na ng mga milenyal
Na ang ating wika'y nararapat na pagyabungin
At bigyang halaga sa pakikipagtalastasan
Hindi ang hayaan at tuluyang iwaglit

Sa sulating pormal nga at mga sanaysay
Hindi nababanaag kung ano ang nais ipahiwatig
Kulang na nga sa mga titik
Mali pa ang baybay
Akala nila sila'y tila mahusay na

Sa mundo natin ngayon
Na makabago at teknolohiya
Tila ang Wikang Filipino'y naisasawalang bahala na
Na dapat sana'y isinasaulo't binibigyang halaga
Upang Wikang katutubo'y maipakilala sa madla
090316

Pambungad Mo'y matatamis na mga ngiti
Habang bitbit ko ang mga sandaling nilisan ang pagbati.
Batid ng panlasa ang mapait na takipsilim,
Ang kahapong yumurak sa Iyong kariktan.

May iilang sumisirit ng kandilang bilang
Mayroon ding mga nagwawaldas ng dila;
May nagwawalis ng kalat at siyang binabasura,
Mayroon ding naglalakad ng nakaluhod.

Naging tigang ang lupaing napuno ng banyaga
Sa haplos ng mga nanlilisik na mga mangungusig.
Naging batas ang ideolohiyang makasarili,
Itatakwil ang Perlas na sinisid pa't buhat sa bahaghari.

Tila mga kandadong walang susi
Ang pagsaboy ng mga dikdikang tutuligsa sa Bayan.
Dalamhati sa mga Anak ni Juan
Mga bayaning umani ng nagniningas na rebolusyon.

Ramdam ko ang pluma ni Rizal
Sa kamandag nito'y henerasyon ay aahon.
Bulag, pipi't bingi'y aakma't aaklas ng panalangin
Bangon Pilipinas! Ikaw ang natatangi naming Perlas!
Pare-parehas tayong Pilipino, lusubin natin ang Langit, bitbit ang mga panalangin. Hindi Siya bingi, Tayo ang Pilipinas at Siya ang tanging Batas!
JOJO C PINCA Nov 2017
“Uncle **” utang sa’yo ng Vietnam ang kanyang kalayaan,
Ikaw ang amang mapagpalaya na sa kanila ay gumabay.
Ikaw ang dakilang liwanag na sa kanila’y pumatnubay,
Kahit sa gitna ng laksang lumbay hindi mo sila pinabayaan.
Wala kang katulad sa buong Vietnam, ikaw ang bayaning tunay.

Sa ilalim ng iyong pamumuno walong taon ninyong nilabanan
Ang mga Pranses sa mga palayan, bundok at lansangan. At
Matapos ang walong taon ng nakakapagod na pakikibaka sa
Wakas ay napasuko ninyo ang mga kaaway.

Subalit di-naglaon lumitaw ang isang bagong kaaway,
Ang Estados Unidos na s’yang bagong halimaw na gustong
Humalili sa mga kolonyalistang Pranses. Lahat ng kalupitan
Sa inyo ay ipinadanas subalit sa udyok at impluwensya mo
Hindi kayo sumuko. Matapos ang labing-anim na taon ng
Madugong pakikipag-tuos natalo din ang dambuhalang kaaway.
Isa kang tunay na rebolusyunaryo na karapat-dapat na mamuno.

Subalit isa rin palang makata na sumusulat ng mga tula,
Mga tulang gumigising sa puso’t kaluluwa ng bayan.
Sumusulat ka ng mga tula habang nakahimpil sa gubat,
Habang pinapanood ang pag-aani ng palay at nung ikaw ay
Nabilanggo dun sa Tsina sa loob ng labing-apat na buwan.
Wala kang ibang kapiling kundi ang iyong mga tula.

Binasa ko kahapon ang mga tula mo, ramdam ko ang
Bawat mensahe nito. Alam ko na sa bawat paghalik ng pluma
Sa papel ay kasama nito ang kaluluwa mo at ang sigaw ng puso
Mo. Mga tulang rebolusyunaryo ang tema at dating.

Ang dahon at bulaklak ay tiyak na malalanta pero hindi ang iyong mga tula; mananatili itong buhay at naka-kintal sa puso ng Vietnam. Wala kana nga Uncle ** pero lalagi kang buhay sa puso ng mga kababayan mo at sa bawat puso ng makatang rebolusyunaryo na tulad mo.
David Vlaim Dec 2020
Sa paraang iyan nila kami pinatatahimik, pinapatay, at tinatapos.
Baril ang kanilang sagot sa aming sigaw,
Sigaw para sa karapatan at bayan,
Bayang aming pinaglilingkuran.

Hindi pa ba kayo naalarma?
Na mismong makabagong bayani na ang pinapatay nila,
Mga bayaning halos walang pahinga,
Mapagaling lang nila tayo mula sa pandemya.

Pandemyang naglabas ng baho nilang mga nasa itaas,
At kanilang mga hindi pagiging patas,
Mga taong lantarang lumalabag sa batas,
Malaya pa rin at nakikinabang sa ating kaban.

Kaban na pinagnanakawan,
Bilyong utang,
Na tayong simpleng mamamayan ang magbabayad,
Magbabayad sa inutang na hindi naman natin napakinabangan.

Ilang inosenteng buhay pa ba ang mawawala,
Bago ka tumigil sa pagsuporta sa tuta ng Tsina,
Sa mga tangang namamahala,
Sa mga taong walang hiya.

Gising mga bulag!
112815 #3:50PM #ISIS

“Kami’y may balitang
Banta ng kaimbihan
Lipon nami’y
Ni hindi ninyo matitiktikan!”

“Humihikbi kami’t di titikim sa pauso.
Lisan ninyo ang bayang hindi pag-aari!
Baya’y pangako, kayo’y hindi kasapi!”

“Nakatalaga ang bala
Para sa hindi patitikom-bibig,
Walang bantulot buhat sa grasya
Kaya’t kami’y gawaran!”

“Langit ang uukil sa inyong pagtataksil!
Hukom ay dalisay at may patas na tingin.
Kung dugo ang kapalit,
Kami’y hindi patitikom,
Ni hindi yuyuko
Sa nabinat nyong kariktan.”

“Patiyad kayo’t magmakaawa,
Humiling na sa Hari nyong may dunong!”

Naghihilakbot sila bagkus di paaayon,
Sa yungib ng kaluluwa’y
Ginagagap ang pangako.
Sila’y bayaning tigmak sa pakikibaka’t
Bilang ang mga martir na Maharlika.

Naulinigan ang mga sumirit na armas,
Kanilang patibong
Na may nanlilisik na batas.
Bagkus ang atungal ng lupon ng Liwanag,
Espada’y tatangayin
Hanggang sa huling paghinga.
Jun Lit Oct 2017
Marahil di n’yo po tanto
Halaga ng leksyon ninyo
Bawa’t tula, gintong puro
Pag-ibig sa wikang Pino

Bawat talatang piniho
Nagbukas ng mata’t ulo,
Florante’y bayaning nobyo
Laura’y bayang Pilipino

Gurong minahal, idolo
Parang anak kami, oo
Kahit iba’y magugulo
Di malilimot, Mam Lojo . . .
Written in Dalit style (4x8) Philippine Poetry, this is dedicated to Mrs. Corazon Maralit Lojo, our teacher in Pilipino (Filipino Literature) way back 1974-1975, during our second year as high school students in The Mabini Academy, Lipa City, Philippines
Jun Lit Mar 2018
Naghihintay ang tasa
malinis, walang laman
sa tagpuang mesa
kahapo’y may kabatuhan
ng "¿Hola? at ¡Puñeta!"
at kanina’y may kapalitan
ng "Hello Sir! Wanna? Wanna?"
nasingitan pa saglit
ng malupit, galit sa langit
na si "Arigatou Nakamura"
At nakipag-rigodon
ang mga payaso’t pirata
at mga magnanakaw – mas ganid pa
sa apatnapu ni Alibaba

Nasaan ba si Ina?
Wala na po dito,
nandun na s’ya’t kahalikan
si "Xie xie, Duō shǎo? Ni hao ma?"

Pagkatapos kumulo
ng tubig sa kaldero ng lipunan
inilagay ko ang isang kutsarang
balawbaw ng galapong
nanggaling sa inipong
butil ng kagitingan
mula sa paanan
ng Malarayat na kabundukan
- kaagad-agad ay bumulwak,
nagngangalit na umawas

Kumakalat ang halimuyak
ng kapeng bagong luto
Naiinip na ang tasa
sa tagpuang mesa
ng bayang talisuyo
Kailan kaya may uupo,
yaong hindi bugaw na pinuno
na pagpuputahin ka
kung kani-kanino,
kundi bayaning lingkod
na hindi ka ipagkakanulo?

Kapatid, kahit isang lagok lang,
Malayo ang lakbayin, dapat nang simulan
Ang mahalaga’y kumikilos, humahakbang
Sulong tayo mga Kabayan . . .
To be translated - Brewed Coffee VI
Jun Lit Sep 2017
Makulimlim ang kalangitan
habang pilit kong inaaninag
kung ikaw ay nasaan
Mga palad natin kapatid
kung hindi man nagkadaupan
Tukoy kong iisa
ang ating pinagmulan

Mapula, kulay-dugo,
ang agaw-buhay na liwanag
sa likod ng mga ulap
Alam kong lumubog na
ang araw sa kanluran

Hinihintay ng katuwang sa buhay
ngunit ang sagot mo sa mga panaghoy
ay hindi marinig ng naulilang pandinig.
Hinahanap ng mga magulang
ang anak na inaasahang
sa takdang panahon
sa kanila’y maghahatid sa himlayan.

Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Liku-likong landas tungo sa mithiin
ng Sambayanang hindi palaring
pamunuan ng mga bayaning magigiting
sa halip na mga kawatan at mga salarin

Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Ngunit hindi ka natakot na ito’y tahakin
Hindi ka umurong at di mo pinansin
ang mga pasakit, ang mga pasanin.

Dakila ka, kapatid
At ang ‘yong paglisan, may hatid mang lungkot
na ang punglong malupit, takbo mo’y tinapos,
hininga mo’y nalagot
At sa huling bugso,
tatabunan ng lupang kalayaan ang dulot
mula doo’y sisibol, sanlibong punlang aabot
hanggang sa dulo, hanggang sa tugatog
Aalalahanin ka sa araw ng tagumpay at pagtutuos
Para sa Sambayanan, bawat puso’y sasabog!
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
LaraOcal Nov 2017
Sa di inaasahang pangyayari
Ang nagpabago sa bayan ng Marawi
Pagbabagong susukat ng katatagan
Makamit lang ang kapayapaan

Mahirap man umalis sa tirihan
Ngunit mahirap mawalan ng masisilungan
Hindi bagyo at hindi rin baha
Ang dahilan ng pagkasira

Hindi makubli ang takot at pangamba
Mga batang mulat sa ingay ng mga bala
Mga tanong sa sarili bakit, ito nangyari?
Nawa'y makapagsimula muli

Mga bayaning sundalo
Taas noong tatayo
Hindi matitinag ang lahing Pilipino
Handang mamatay para sa kapwa Pilipino

Taimtim na dalangin
Lahat ay kakayanin
Tungo sa pag-asa
Mamulat,magmulat at makiisa

Aking ilalarawan
Lugar ng puno ng kasiyahan
Pagbubuklod at pagtutulungan
Yan ang tunay na katapangan.
57 Unti-unting si Agus ng tubig lamunin
Dahan-dahang lumayo bangka ng mga salarin

58 Ang prinsipe’y gupung-gupo
Wala nang pag-asa sa saklolo

59 Pilit mang kumawala sa pagkabuhol
Hindi makapalag sa himulmol

60 Anong klaseng hilahil?
Pagkalunod hindi pigil!

61 Subalit bago pa man malagutan ng hininga
May umagap na isang himala

62 Sa prinsipeng nalulunod, may nilalang na yumapos
Kaagad siyang pinaalpas sa pagkakagapos

63 Binuhayan mga luoy na bisig
Nitong bayaning Diwata ng Tubig.

-06/26/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 150
Jun Lit Dec 2019
Hayaan n’yong lumuha ang aking puso.
Malungkot na tanawin ang ganitong tagpo:
          Hinihiwa mo ang balat ng iyong kinabukasan
          at duguan na ang angking kasalukuyan
          gayong hindi pa nga naghihilom man lang
          ang mga sugat ng mapait nating nakaraan.

Subalit masahol ka pa sa putang bayaran
na katawan ang puhunan, kapalit ng panghapunan
at pagkain sa kinabukasan.
Ikaw - dalawa, tatlo, limang daan,
kapalit di lang ng iyong karangalan.
Idinamay mo pa ang kapakanan ng bayan.

Hindi na maaasahan ang dati’y sagradong balota.
Karaniwang papel na lamang ito na may mga nakalista
At tila tiyan **** nag-alboroto ang diniktahang makina,
na kung ano’ng isinubo, siya ring isusuka.
Pagkatapos kukulapulan ang daliri ng panandang tinta.
Nang humiga ka sa tae, nagmamalaki ka pa:
          Sapagkat ang makinang tila kumpisalan,
          may kapirasong tari ng makabagong sabungan
          na kahit na alin pang mga tandang ang maglaban,
          tukoy na ng kristo ang panalo sa pustahan.

Tapos na ang kwento’t hindi na totoo
ang sinabi ng bayaning ang Pilipino
ay karapat-dapat sa buhay na nasasakripisyo.
Hindi na. Hindi sa salinlahing ito.
Sa darating pang mga kabataan, siguro,
sa kanila, magbabaka-sakali ako.
One hundred forty years ago Dr. Jose Rizal wrote that "youth is the hope of the Filipino nation." This year (2019), the Philippines celebrates the 123rd anniversary of his martyrdom. Whereas I agree with him on vesting his hope on the youth, I have doubts on the truth of such hope in the present generation of Filipinos. Here's a rough translation:
Not In This Generation

Let my heart weep
This is such a sad scene:
You're slashing the skin of your tomorrow
and the present that you claim is bloodied
and yet the wounds of painful yesterday
has not even started to heal

But you're worse than a *******
who lets her body for rent, to pay for dinner
and food for the next day.
You - two, three, five hundred bucks
in exchange for your honor and dignity
and the welfare of your nation as well, unfortunately.

The once-sacred ballot is not one savior we can rely upon
It has turned into an ordinary paper with roster of names listed on
And just like your troubled tummy goes the vote-counting machine
what you made it swallow, it will gag it whole just the same
After the indelible ink stains your finger and nail
You're lying down on ****, and yet you can brag of your shame
For that machine that's like a confessional
has a little piece of scythe of fighting ***** these modern times
whichever roosters fight on the line
the referee in the arena already knows the winners to proclaim.

The story's done and it has ceased to be true
as one hero said that the Filipino
is worth dying for
Not anymore. Not in this generation. No.
Among the young ones, maybe, my bets I'll throw,
on them, I'll try again, I'll have a go.
Jun Lit Jan 2022
Jose Rizal ating paksa
Naturalista nga kaya?
Sagot nati’y “Tunay! Sadya!”
Dangal ng Lahing Dakila

Mga aral na pamana
Ng bayaning ating bida
Kalikasa’t Baya’y t’wina
Mahalin at Laging Una
Translation:
Jose Rizal - today's talk list
Was he really naturalist?
Our conclusion Of course! Indeed!
The Great Honor of a Proud Race.

The lessons learned, the legacies
of this hero that here we praise
Nature and People - for always
Love them and push their welfare first

Note: Dalit Poem presented as conclusion of a talk on Jose Rizal as Naturalist
Jun Lit Nov 2020
Bumalikwas ang madaling araw
Mapula ang sinag ng malamlam na ilaw
Mula sa pagkagupiling ng iniwang gabi
Isang paos na tilaok pinilit magsabi
Tila inutil na tuod ang unan at papag
Walang tugon ni tikhim man lang
para sa likod at ulong lumapat

Mapagkunwari ang kulambo
Lamok pala’y kalaguyo
Akala ng balana’y karamay
Sa magdamag na paglalamay
Batang ipinaglihi sa Sto Niño
Ibebenta pala sa demonyo

Naglaga ng kape ang among kapre
Butil daw ay hinirang ng musang na tumae
Galapong pala’y napanis na sapal
Nilagyan ng dagta ng nilinlang na bangkal
Bang-aw na ang panatikong tagasunod
Lublob na sa pusali, puwit pa rin ang hinihimod:

          Sayang ang kita, mamaya’y bayaran na!
          Copy-paste-post - sige pa!
          Ang perang kikitain ay mas mahalaga
          May paburger pa sina konsi at mayora
          O e 'no kung nasa poso ***** tanang kaluluwa?

Bayaning tangan ay tabak, tila nakanganga
Kinain na ng anay ang papel at pluma.
Brewed Coffee - 12; 12th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.

— The End —