Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
G A Lopez Apr 2021
May mga pagkakataong ako'y nanghihina dahil sa sunod-sunod na problema
Mga pagkakataong akala ko hindi ko na makakaya
Ngunit pinatatag ako ng Panginoon
Kung hindi dahil sa Kaniya ay hindi ako makararating sa kung nasaan man ako ngayon.

Hamunin man ako ng mga pagsubok at problema
Panalangin ang aking sandata.
Hahayaan ko lang muna ang aking sarili na lumuha sandali
Pagkatapos ay lalaban muli.

Kapag ako'y nalulungkot, sinasarado ko bawat bintana at pintuan ng aking mundo
Nagninilay-nilay tungkol sa nararamdaman ko
Hindi ako nag-iisa, kasama ko ang Ama
Pinaparamdam Niya sa akin ang kaniyang pagmamahal at awa.

Pangako Ama
Paglilingkuran Kita
Itong kaloob **** lakas at buhay
Hinding hindi ko gagamitin sa pagsuway.

Patatagin Mo nawa
Iyong hinirang ay bigyan mo ng pag-asa
Gawin Mo akong malakas Ama
Sa mga panahong ako ay nanghihina.
๐Ÿ‡ฎ๐Ÿ‡น
Nix Brook Jan 2021
sa hindi sadyang pagkikita
mga matang aligagang nagtugma
bagkus pinagsawalang bahala
ba't paglalaanan ang 'di kilala

mga hindi tukoy na adhikain
ultimo interes iyong hahagilapin
bakit sayo'ng presensya pa-aalipin?
kung dusa't pighati ang siyang babaunin

mga kalakip ng hiram
hantungan ay paalam
wala kung sino ang may alam
mga damdaming kumakalam
unang paksa
Nix Brook Dec 2020
karagdagang saya
ay 'di nangunguhulugang
kabawasan ng lumbay
biglaang daloy sa isipan
Nix Brook Dec 2020
Lungkot at bugnot sa kawalan
Mga suwestiyon sa kapaligiran
Sa kung paano nila pinangangatawanan
Lahat sabik sa kasarinlan

Sa bawat paling ng labi
Matang may tagong hikbi
Lumbay ang tanging katabi
Paano uusad sa bawat gabi?

Hahayo't mag papatuloy
Minsang naging sabik sa daloy
Subalit bunga'y nalunod sa kumonoy
Nais matamasa biyayang sinaboy
AgerMCab Aug 2020
Gabi-gabi kitang pinapangarap aking mahal
Sanhi marahil ng pusong kung umibig ay hangal

Regalo ka ng tadhana, hindi naman pwedeng buksan
Maamo **** muka sa diwa lang maaaring masdan

Rehas ang katumbas ng ating pagibig, hindi pa malayang ipagsigawan
Ako'y nananalig laya nati'y ibibigay sa panahong wala ng alinlangan
G A Lopez Jul 2020
Halika't dumako tayo โ€”
Uunahan na kita โ€” hindi ito isang paraiso
Ito ay lugar kung saan maraming hindi natupad na pangako
Lugar kung saan maraming iniwan, sinaktan at pinangakuan โ€”

Ngunit sa huli, hindi rin pala kayang panagutan.
Natanaw ko mula sa labas ang malakas na pagbuhos ng ulan
Narito ako sa loob ng isang silid na hindi ko maipaliwanag kung papaanong ako'y napunta dito
Napatingin ako sa paligid at mga taong narito

Lahat sila'y nakaitim katulad ng suot kong bestida
Marami sa kanila'y nakatingin mula sa bintana
Nakatayo lamang ako sa gitna
May isang babaeng nasa harap ng pintuan na animo'y may sasalubunging bisita.

Lumapit ako ng kaunti at tama nga!
Abot tenga ang kaniyang ngiti habang sinasalubong ang taong hinihintay niya
Kitang kita sa mga mata ng dalawang taong ito na mahal nila ang isa't isa
Siguro'y naghintay ng kay tagal na panahon ang dalaga upang masilayan muli ang mahal niya โ€” tuluyan na silang
umalis bitbit ang kanilang ala-ala.

Napansin ko kanina ang pag-iba ng kaniyang suot na damit
Na dati ay kulay itim ngayo'y kulay puti.
Mabuti pa sila'y parehong nakapaghintay
Iyong ibang naririto ay magpahanggang ngayon ay wala pa ring mahintayโ€”

May naghahanda na para sa panibago, may sumuko na at nawalan ng pag-asa,  may tanggap na at handa ng magparaya, at syempre mayroon pa ring mga taong umaasa at naniniwala.


Kanina'y nagtataka ako kung bakit ako nandito,
hindi ko alam na kabilang pala ako sa mga taong pinangakuan ngunit hindi kayang panagutan
Kabilang pala ako sa mga taong umaasa at naniniwala
kahit napakaimposible at sobrang labo na

Lumapit sa akin ang isang lalake na tantya ko'y kaedad ko lamang
Isa rin pala siya sa mga taong "tanggap na at handa ng magparaya"
Tinanong niya kung pwede daw ba siyang makipagkaibigan
Mabilis lamang niyang nakuha ang aking atensyon at mula no'n โ€”

sinabi ko sa aking sarili, handa na akong maniwala at magmahal muli

Ngayong kami'y handa na upang magpalaam sa aming mga nakasama
Malapit na kami mula sa pintuan habang magkahawak kamay at nakangiti sa isa't isa
Sabay ang paghakbang ng aming mga paa
Sabay din naming naririnig ang malakas na pagtibok ng aming puso dulot ng kaba

Sa malayo, natanaw ko ang isang lalakeng may hawak na bulaklak at panyo
Biglang tumigil ng saglit ang pagtibok ng aking puso,
at tumigil ang paggalaw ng aking relo.
Napahigpit ang hawak niya sa akin habang ako'y naguguluhan sa aking damdamin.

Narito ngayon sa harap ko
โ€” ang lalakeng hinintay ko ng taon
Iniabot niya sa akin ang bulaklak at panyo
Aalis na sana siya ngunit mabilis kong binitawan ang kamay na hawak ko
at hinigit ko ang kaniyang suot na polo

Humarap siya at inalis niya ng dahan dahan ang kamay ko sabay sabing,
"Patawarin mo sana ako dahil pinaghintay kita ng mas matagal kaysa sa ipinangako ko. Dumating pa rin ako kahit na alam kong maaaring nakatagpo ka na ng ibang magmamahal sa iyo. Ayos lang ako 'wag kang mag-alala maging masaya sana kayong dalawa."

Akala ko'y handa na ako para sa "panibago" ngunit heto ako,
Ako naman ngayon ang hindi tutupad sa pangako
Ako naman ngayon ang bibitiw sa mga hawak ng taong akala ko'y mahal ko
Ako naman ngayon ang mananakit ngunit hindi ito ang intensyon ko

Babalik na muli siya sa lugar na minsan kaming nagkasama
Sana'y sinigurado muna ang nararamdaman kung tunay ba
Lumipat ako sa ibang lugar suot ang aking itim na bestida
Ngunit hindi na siya ang kasama

Lugar kung saan may nangako ngunit hindi tinotoo
Lugar kung saan maraming walang kwentang tao na nagbitiw ng walang kwentang pangako.
wala akong jowa nagffeeling lang ๐Ÿ˜‚โœŒ
Para 'to sa mga taong mahilig magbitiw ng pangako pero hindi naman marunong tumupad at mga taong pinangakuan pero hindi naman marunong maghintay.
G A Lopez Mar 2020
Dama ko na ang pagdampi ng sikat ni haring araw
At sa araw na ito kakalimutan na ang ikaw
Sa bintana'y 'di na muling dudungaw
Wala na ang pag-ibig na dating umaapaw.

Kung sa umaga'y suot suot ang maskara,
Sa gabi'y, naghahanap ng makakalinga.
Yakap yakap ang unan
Bagay na saksi sa lahat ng aking kasawian.

Tumatangis sa gabing maulan
Humihingi ng tulong mula sa kalawakan
Hanggang kailan matatapos ang aking pakikipaglaban?
Sa kalungkutang dala ng nakaraan.
AgerMCab Jun 2020
Naranasang maghintay
Nang walang inaantay
Sa mailap na pag-asa
Natuto paring umasa

Tadhana ko'y pinigilan
At nalagay sa pagitan
Ng saya at ng lungkot
Ng tuwid at baluktot

Ng mali at ng tama
Ng buwan at ng tala
Ng gabi at ng araw
Ng ligaya at panglaw

Ng laya at ng kulong
Ng sigaw at ng bulong
Ng bitaw na o kapit pa
Ng laban lang o suko na

Magkabilang mundo
Pagitan sana'y maglaho
Magtagpo na nawa
Bago pa magsawa
Next page