Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
G A Lopez May 2021
"Sino ang bayani ng buhay mo?"
Minsan itong naging paksa ng aming aralin sa filipino
Madalas din itong itanong sa akin ng madla
Ngunit wala akong ibang sambit kundi ang iyong ngalan ina.

Bagama't wala siyang hari na katuwang,
Para sa akin siya ay reyna magmula pa noong ako'y walang muwang.
Magkaiba man ang daang ating nilalakaran,
Alam kong pareho tayo ng langit na tinitingnan.

Dito ay umaga, diyan ay gabi
Sa pagtulog mo ina nais kitang katabi
Iniibig kita kahit sa personal man ay 'di ko ito masabi
At kung maayos na ang mundo, dadampian ko ng pagmamahal ang iyong pisngi't labi.

Hindi sapat na ika'y pasalamatan
Pangakong pagod mo'y aking papalitan
Ng pag-ibig na walang hanggan
At ibabahagi ko lahat ng kabutihan mo hanggang sa aking kaapo-apohan

Kung tuluyan ka nang manghina
At kunin ka na sa akin ng May Likha,
Ako ang makakasama mo hanggang sa iyong huling hininga
Kukumutan kita ng pag-ibig, mahal kong ina.
Random Guy Mar 2021
bibilis at babagal

ang oras at ang tempo
ang paghinga at ang paggalaw
ang tibok ng aking puso

bibilis at babagal

maging ang mga salita
maging ang mga hakbang

papalapit ng papalapit
ang ating mga tadhana
ang ating mga landas

dalawang bagyong magtatagpo
upang bumuo ng isang kalmadong relasyon
mapanuya
na hindi kailanman nila makuha

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng busina ng sasakyan
ilang metro ang layo

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng nagkukwentuhang lasing
ilang hakbang lang ang layo

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng sipol ng hangin
nagbabanta ng paparating na ulan

sasayaw sa kabila
ng mapanirang tadhana
na posibleng isa sa ating ang mapilay
o mapahiya
dahil hindi na makasabay
sa ritmo at giling
sa musikang dala ng tadhana

patayin ang musika
kagaya ng pagpatay sa nararamdaman
hindi na ulit ako sasayaw
kung hindi ikaw ang kasama
Jed Roen Roncal Jan 2021
Meron akong nakilalang babae
Kung saan ay hindi ko na ipagsasabi
Siya ay hindi maipagkailang kakaiba
Walang ibang pwedeng ihalintulad sa kanya

Kung sino ka man sa likod ng ipinapakita **** imahe
Yan sa ngayon ay hindi na importante
Marinig ko lang ang boses mo na kay tining
Na nagpapaganda nang tulog ko hanggang sa muling paggising

Kung dumating man ang araw na ikaw na ay magpapakilala
Sinisigurado kong ika'y bibigyang halaga
Sa pagtingin ko ay walang magbabago
Kasi pagkatao mo naman ang aking ginusto

Kaya ikaw ay huwag matakot
Ako'y hindi gagawa ng dahilan para ikaw ay maging malungkot
Kasi ang tanging gusto ay lumigaya ka
Lalo na kapag ako ang may likha
Jed Roen Roncal Jan 2021
Nadatnan kita sa isang tabi
Umiiyak at walang pake
Sa mga dumaraan na akala mo'y nanunuod ng sine
Ang mga mata mo'y namamaga na sa sobrang paghikbi

Ako'y naglakas ng loob na lumapit
Inabutan ka ng pamunas, ngunit sa'king kamay ika'y kumapit
Nagkausap at nagkakilala tayo hanggang sa hapon at sumapit
Naglakad tayo papunta sainyo, hinatid kita kahit ako'y pagod na at nangangawit

Naging sobrang lapit natin sa isa't isa
Halos araw-araw tayo'y lumalabas magkasama
At isang araw 'di ko namalayan at nahulog na pala ako sayo sinta
Sinabi ko sayo't iyon rin pala ang iyong nadarama

Araw-araw tayo ay masaya
Pinaramdam sayo ang pag-ibig at sa puso ika'y nag-iisa
Ngunit isang araw ay nagbago ka
Tinanong kita kung anong problema

Ang sabi mo'y nagbabalik siya
Na siya pa rin at walang iba
Binuo kita noong winasak ka niya
At winasak mo ako nang bumalik siya.
demn Oct 2020
Katawang sa gapos ay nais kumawala,
Sa kasing talas ng patalim na mga salita,
Mga matang nagmumugto sa hapdi na nadarama,
Iyak na hindi maisigaw sapagkat takot ang nauuna.

Nais sumigaw, nais lumaban,
Nais ilahad ang sakit na nararamdaman,
Ngunit sariling laman at dugo ang kalaban,
Kaya bang mag wagi kung ganito ang kinalalagyan?

Gustong sumigaw, gustong kumawala,
Gustong umiyak, gustong magpakaawa,
Gustong sumabog,  gustong magmura,
Gustong ilahad ang sakit na nadarama.

Balang araw sana'y makalaya,
Araw ng paglisan aking nais matamasa.
Hindi natin minsan napapansin, kung tayo na nga ba ang may probelma?
Random Guy Sep 2020
wala na rin namang bago
kung isasara mo
kahit ang nagiisang bukas na libro
upang mabasa ko ang mga nasa isipan mo
ginagawa mo
saloobin mo
dahil wala na rin namang bago
matagal na naman ding sarado
ang pinto, ang libro
at kung ano pa mang representasyon
na meron tayo
Random Guy Sep 2020
baha
bagyo
ulan
init

noong walang naniwala sayo
nandoon ako
sa tabi mo
at ngayon
na ramdam ang pait ng mundo
wag mo sanang kalimutan
ang mga paalalang binanggit noon sayo
at ako lamang ang naniwala sayo
G A Lopez Aug 2020
Kailan ko kaya muling makikita ang aking dating sarili?
'Yung mga ngiting hindi pilit
Kailan ko kaya muling mararamdaman ang tunay na kaligayahan?
'Yung hindi na nagpapanggap ng nararamdaman
G A Lopez Jul 2020
Palagi ka na lamang nagdududa sa t'wing iyong nakikitang ako'y may kasama
Mahal ko, hindi mo kailangang mag-alala
Sapagkat ang pag-ibig ko sa iyo ay sing init ng naglalagablab na apoy
Titiyakin kong hindi ka na muling mananaghoy

Madalas **** itanong sa akin kung nagsasawa na ba ako
Mahal ko, tanggalin mo ang "nagsa" sapagkat ikaw ang gusto kong maging "asawa"
Madalas mo ring itanong sa akin ; "sa aming dalawa ng nakaraan mo at ako sino'ng mas nagustuhan mo?"
Mahal ko, 'wag mo akong papipiliin sa dalawa dahil sa huli kahit sino pa sila ikaw at ikaw lang ang nag-iisa.


At kung pilit pa tayong paglayuin ng mga tao,
tandaan mo ang nag-iisang pangako ko
Tumingin ka sa itaas at bilangin mo muna kung ilan ang mga kumikinang na tala sa madilim na kalangitan
Pagkatapos ay maging dalawa muna ang buwan
saka kita iiwanan.
Sana all mahal 😂 nabored lang dahil sa quarantine
Next page