Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
062721

Doon sa parteng may tubig sa aming bakuran
Ay natagpuan ko ang hiwaga ng bawat nilalang
Na araw-araw na sumasalubong sa'kin
Buhat sa paggayak sa umaga’t hapon.

Silang mga nakabihis ng puti
Ay sabay-sabay na sisigaw ng aking ngalan
At bagamat hindi ko rin wari
Ang lenggwahe na kanilang taglay,
Ay para bang kampante akong
Sila’y akayin at alalayang maitawid
Sa bawat araw nang may galak sa puso.

Tila ba sa bawat araw
Na itiunuro sa akin ni Tatay noon,
Ay natututo na rin akong
Makiramdam at makialam.
Ito yung tipong kaya ko na rin palang
Arugain ang hindi akin
Ngunit ang bawat binhi
Ay ngayo’y itinuturing ko ng kayamanan.

T'wing nakatirik ang araw
Ay agaran kong kukumbinsihin ang aking sariling
Gumayak na't lisanin ang aking higaan
At kamustahin ang mga ito.

Tangan ko ang kahoy na gawad ni Tatay sa akin,
At balewala ang putikang aking sasadyain.
Bilin nya nga sa aki’y wag ko raw hahayaang
Lubugan na ako ng araw
Bago ko pa yakapin ang responsibilidad
Na iniatang nya sa akin.

Sa yaman ng kalikasan
Ay wala na akong magiging dahilan pa
Upang kalimutan ang aking pagkatawag
At sila’y pabayaan
Sa matatalim na ngipin ng ibang mga nilalang.
Silang sa pagsapit ng dilim
Ay nakabantay lamang at handang sunggabin
Ang bawat naliligaw ng landas.

Sa tubig, sa batis at ilog
Ay akin naman silang aalalayan
Ang galak ko habang sila'y hinahayaang
Busugin ang kanilang mga sarili
Sa berdeng kalupaa’y walang katumbas.
Pagkat dito ko sila nasisilayan
At napagtatantong totoo nga ang sabi sa akin ni Tatay.

Ni hindi ko na kailangang maglakbay
Patungo sa kung saan mang siyudad
Matamasa lamang ang tunay na kaligayahan
Pagkat sa akin ay sapat na
Ang sundin ko ang bilin ni Tatay.

Malayo pa ang umagang
Kami’y maghahawak kamay.
Ang yapos niya’t pagkalinga sa akin
Ay araw-araw ko ring hinahanap-hanap.

At naniniwala akong
Darating ang umagang iyon.
Maghihintay lamang ako
Habang ang kanyang pamana’y
Lubos kong aarugain ng pag-ibig at pag-aalalay.
06302021

Saan nga ba tutungo ang mga salita?
Mga salitang mitsa ng mga ngiting abot-langit.
Mga salitang noon pa sana'y nabitawan
Mga salitang matagal na hinintay at ipinagdasal.

May mga alaalang akala ko'y nanatiling abo na.
At sa aking pagbabakasali noo'y
Baka nga kaya pang mag-krus ang mga landas
Sa daang ilang mga ekstranghero na ang nagdaan.

Sa bawat sandalyas na hindi tiyak ang pinagmulan,
Nangusap ang pusong wag muna't maghintay.
At habang nagbibilang ng mga rosas na pula'y
Mayroong nag-iisang puting isinaboy buhat sa kalangitan.

Sambit ko nga'y sana'y sapat na ang mga panahong binilang
Ngunit ang mga pahina sa kalendaryo'y tila ba naglagasan --
Naglagasan nang walang pasabi't
Nag-iwan ng mga luhang nag-uumapaw.

Natuklasan kong sa buhay na minsang ma'y lumilisan,
Minsan di'y may ilang babalik nang kusa.
Gaya ng tagsibol, ay magsisimulang mamulaklak muli
Ang mga rosas na akala kong nahimlay na sa libingan.
Ngayon ang araw na ang tagsibol ay naging taglagas
Nagmistulang mga banderitas na may kani-kaniyang pahiwatig
Ang mga balitang may madalamhating panimula.
At kung ito nga ang katapusan ng isang mandirigma
Sa kahon at sa lilim ng Malacanang,
Ay dito ko rin nais magsimula ng aking pagtaya.

Ginuguhit ko sa aking isipan
Ang paulit-ulit na malalaking tuldok
At ang kani-kanilang dugtugngan
Na tila ba hindi lamang sila kabahagi ng kabuuan
Ngunit ang kanilang kabuuan ay sya ring kabahagi
Sa pinagtagpi-tagping mga kalahok ng kasaysayan.

Natatandaan ko pa noong elementarya,
At sa tuwing bubuksan ang aklat ng nakaraan
Ay tila magiging mga itak na matutulis ang mga pahina nito
At sabay-sabay na susugod at lulusob
Na para bang mga manlalayag sa panibagong misyon nito.

At kahit pa, kahit pa gustuhin ko mang manatili
Ang mga imahe sa realidad
Ay wala naman akong kakayahan
Para pigilan ang tadhana sa pagkitil
Ng kanilang mga pinaglumaang orasan.

Ngunit sigurado akong ang mga mukhang nililok ng panahon
Ay magiging katulad din ilang pahinang ipinapangkalakal
At doon sila'y magpapatuloy ng panibagong yugto
Ng mga kwentong hindi man maiukit sa kasaysayan
Ay magsisilbi namang pamana
Sa henerasyong may iba nang ipinaglalaban.

Hindi man ito ang sinasambit kong katapusan
Ngunit sa pagitan ng magkaibang panig at paniniwala
Ay balang araw itong maisasara na may iisa ng pamagat.
At marahil bukas o sa makalawa'y
Sabay-sabay din tayong magbunyi
Sa umagang hindi na lulubog pa magpakailanman.
The clouds whispered,
“You’re the Name above all Names.”
The oceans shouted the last words
He has always bear in his mind,
With no second thoughts,
But just a glimpse of the future.
The zeal of his being
And the beginning of everything that sprouts.
He declares, “You are worthy of it all.”

The words that once shattered for the fallen,
Those words that lingered in the mighty sleepers,
The words that have been longing to be found
To be kept and to be lived more than anything else.
And it became more than itself,
More than the splashing bequeathing eternal scent,
More than the salty waters
Caught in every beholder of light,
In the brimming goblet of healing and revival.

The man walked and no one has seen his shadow yet.
The spell of the dearest with a glorious crown
Is as irrefutable as his ethereal beauty.
Oh, the waiting shall be over soon..
The soldiers have been holding their fire for a long time.
They whose chariots have fiery horses in the sky.
In the pages of time, here comes the unveiling of truth
Every day he whispers; clinging and longing to be restored
Like sunbeams on the dying nights with mellow feelings.

Oh the joyous submerge in the arms of the Splendor —
The grandeur of hope, far beyond each hitting arrow.
The outpouring of the bows from heaven
In the form of lightning and thunder,
The resemblance of mercy in the resurrection of a throne.
Calling the united, He who strolls in the beginning
Shall be heard and be laud with praises and anthems.
Let every voice form one speech, one tongue, one language.
And the scattered shall be whole once again.
Napuno ng tsokolate ang kanilang mga pisnging walang pakiramdam,
At ang awit sa tabing estero’y maingay pa sa pag-iri ng mga metal na may susi.
Unti-unti na rin silang naglabasan
Na tila mga gagambang handa nang pagpiyestahan
Ang mga bihag sa kahon ng posporo.

Narinig ko ang malulutong na mga papel
Na sabay-sabay ang pagpaubaya sa hanging umiihip ngunit mahiyain.
Ang mga palad na kanina’y nakatikom sa mga tela’y
Agarang nagsilikas at humalik sa mga lukot-lukot na papel.

Narinig ko rin ang mga latang may mukha
Buhat sa kani-kanilang sisidlan na kanina’y may makukunat na goma.
Ngayo’y isa-isa silang ipinatumba
Na para bang sa mga napapanood kong pelikula ni FPJ.

Hindi ko matantya kung ano ba ang ibig sabihin
Ng kakaibang sining sa mga mata nilang tila ba santelmo.
Maghuhulaan ba kami sa kanilang mga bolang kristal
O huhubarin na rin nang paisa-isa
Ang mga alagad nito’t maibubunyag ang aking pamato.
Malalim na ang gabi
Habang sumisimangot ang alaala.
Ngunit magka ganoon ma’y
Kaya itong patahimikin
Ng pabulong na paghikbi
Ng ulang isinalin sa garapon.

Ang alat ng karagata’y
Syang sumalo sa mga binhing magagaspang.
At nagmistulang mga pamaypay ang mga alitaptap
Sa kanilang pagsalubong
Sa pira-pirasong bangkang nilamon ng dagat.

Ang kumot na walang hangganan
Ay nagsilbing maskara
Upang pansamantalang hilumin
Ang tinaboy at isinuka ng naglalagablab
Na hindi nakasusunog.

At ang apoy na taglay nito’y
Sya ring naging panghilamos
Ng pininta ng kidlat at kalangitan
Na syang sumuklob sa kanyang pamumuno.

Walang numerong mailimbag
Buhat sa sapilitang pagnanakaw
At pataksil na paglisan
Ng mga abong naging multo.

At doon naging pamatid-uhaw
Ang mga halik na ipinagtagpi-tagpi
Ng mga luhang maalat at walang direksyon.

Tila ito na ang pagmartsa
Ng kani-kanilang mga multo
Patungo sa libingang walang mga pangalan.
Silang mga walang mukha
At tanging abong ipinag-isa sa karagatan.
06092021

Ang damdamin ng poot at lambing
Ay mga mekanismong humahalo sa saya
Ng pusong gustong kumawala
Sa diktador na sumara ng lagusan patungo sa liwanag.

Hindi maipinta ang mga sandaling naging hayag
Sa kung papaanong paraan ba hinabi ang sarili
Sa banig ng karamdamang tumupok sa pangarap --
Sa pangarap na masilayan ang araw
At madampian ng liwanag ang buo nyang pagkatao.

Sa mga nanlilisik na matang mapanghusga,
Tila ba ang pagkutya ay naging agahan sa malamig na umaga,
At ang kapeng mainit ay binuhusan ng malamig na tubig
Sa gabing walang pasabi kung lumisan na ba ang araw
O nanatili itong nakatirik sa tanghaling tapat ngunit mapag-usig.

Ang bawat pagtulog nang patagilid
At paulit-ulit na pagbangon ay sadyang nakakasawa.
Samantalang sa kanyang pagpihit sa debateryang may impormasyon,
Ay naghalo ang sining ng iba't ibang kwentong
Sana nga'y kanyang hayag na natatamasa.

Ang mga butil buhat sa sisidlan ng kanyang liwanag
Ay tila ba wala nang lalagyan pang sasalo
Sa mga binasag na oras ng mapanghinang delubyo.
Tila ba nagbibilang na lamang sya
Ng mga yapak na walang mukha,
At mga katok na nanatiling multo sa apat na sulok ng kanyang paghinga.

Maging ang bawat larawan ay nagsilbing alaala na lamang
Na hindi na mauulit pa kung bumukas man ang liwanag
At mag-alok ito ng pagsakay
Sa hamong hindi nya na maaabutan pa.

Tila ba nahuli na ang pintig ng bawat kalabit sa kanyang damdamin,
Tila ba ang nakikinig ay nawalan na rin ng boses sa paligid.
At ang kahon na kanyang tirahan
Ay pansamantalang naging palamuting
Binudburan ng mga nagsasayawang bulaklak
At naglalagasang mga dahong walang nagwawalis.
Next page