Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AUGUST Sep 2018
Sino ba ang modernong vincentiano?
Ano ba ang kanyang pagkatao?
Nagtatanong sa sarili ko
Habang pinagmamasdan ang mahinanang kamay
Kung anong magawa ko
Dito ba sa munting palad nakahimlay
Ang lahat ng kakayahan ko?

Anong meron ako, anong meron tayo? kundi kaalaman.

Kaalaman na di galing sa sabi sabi nilang “hugot”
Kundi sa piraso ng mga aral na ating pinulot
Dahil sa disiplina tayo y nililok
Ang kabutihang asal sa diwa ay pumasok

Mula sa Mga **** nating tinuturing na magulang,
Mga mababang tao na ating ginagalang,
Mga taong nakilala mula ng tayo’y musmos pa lang
Ipinamana sa atin ang pananampalataya, pagpapakumbaba, at kabutihan

Ang tanggapin ang katotohanan,
At hangganan ng kakayahan
Ang malaman ang kahinaan, kahit may kasimplehan
Pilit inaabot ang makatulong ng buong kalooban

Ng walang hinihintay na kapalit
Tulad ng modelo nating si San Bisente (st. Vincent)
Na sa pagtulong ay di napagod
Kaya sa mata ng Diyos naging kalugod lugod

Salamat sa  Amang nasa itaas
Na nagbibigay ng lakas
Ang lakas na di nauubos
Para sa aming misyon na di pa rito natatapos

Sandata ay ang panalangin
Lakas ng loob at damdamin
Dahil sa Diyos na mahabagin
Walang pagsubok sa buhay ang hindi kakayanin

Ating misyon, ang tumulong sa mga kapus palad at nawawalan
Hindi lang sa taong nawawalan ng materyal na kayamanan
Kundi para sa mga taong naliligaw, nalilito at nagugulumihan
Pagkat ating ramdam ang bawat hirap
Ang bigat na tinitiis ng bawat taong may pinapasan

Handang makiramay at ibigay ang anuman
Para lamang ang paghihirap sa pighati ay maibsan
Pagkat sa bawat taong ating natutulongan
gantimpalang pangkaluluwa ang dapat ipagyaman

Sino ang gumagawa nito?
Sino ba ang modernong vincentiano?
Isa ba ako sa mga ito?
Ang modernong vincentiano ay di lang ako kundi tayo
Ang modernong vincentaino ay nagsasakripisyo at mapagpakumbabang nagseserbisyo
Ang modernong vincentiano ang magpapatuloy ng ating kwento.
Ang tula kong ipinanalo ng first runner up sa isang slam poetry competition ng event na may temang "Ang Modernong Vincentiano" noong September 26, 2018.
Lyka Adlawan May 2018
Tagu-taguan,
Maliwanag ang buwan
Munti kong tula,
Inyong pakinggan

Ito'y patungkol
Sa kabataan
Na inaakalang
Pag-asa ng bayan

Wala sa likod,
Wala sa harap
Ano ang kabataan
Sa hinaharap?

Handa na ba kayong
Malaman ang totoo?
Pagbilang ng sampu,
Malalaman na ninyo

Isa, dalawa, tatlo
"Tara, pre! Dota tayo!"
Isa, dalawa, tatlo
"Kyah, pa-like ng DP ko"

Isa, dalawa, tatlo
"Naka-hithit na ako"
Isa, dalawa, tatlo
"Tara, shot na tayo"

Mga kabataang nakikiuso
Mga kabataang lulong sa bisyo
Kabataang imbis na ang dala'y libro
Ang palaging hawak ay sigarilyo

Apat, lima, anim
Wala nang ibang alam gawin
Apat, lima, anim
Kung hindi gadgets ay pindutin

Apat, lima, anim
"Babe, walang tao sa'min"
Apat, lima, anim
"Babe, pwede na nating gawin"

Mga kabataang napapariwara
Mga kabataang sa tukso'y nadadala
Kabataang tinuturing na Maria Clara
Na ngayo'y mas kilala na sa Maria Ozawa

Pito, walo, siyam
Nasirang kinabukasan
Pito, walo, siyam
"Aking pinagsisisihan"

Pito, walo, siyam
"Ako'y nanghihinayang"
Pito, walo, siyam
"Ibalik niyo 'ko sa nakaraan"

Totoo nga ang kasabihan
Ang pag-sisisi'y nasa hulihan
Ang ating nakaraan
Ang siyang madidikta ng kinabukasan

Ngunit hindi ko naman nilalahat
Ang nais ko lang, kabataa'y mamulat
Ang buhay natin ay parang aklat
Tayo ang gumagawa ng sarili nating kwento at pamagat

Hindi ko tatapusin ang bilang sa sampu
Dahil hindi ako ang magdidikta ng kinabukasan niyo
Ngunit sa pagtatapos ng munting tula ko
Sana'y makapagsimula kayo ng panibagong kwento

Kwento na kung saan kayo ang bida
Kwento na kung saan kayo ang pag-asa
Salamat sa pakikinig mula umpisa
Ngayon ang tulang ito'y tinatapos ko na
Pluma Apr 2015
Kling Klang....  Kling.. Klang..

Tunog ng kampana'y sumisigaw ng kagalakan,
Amihan hanging sumisimbolo ng isang Banal na kaarawan.

Saanman pumaroo't-pumarito'y puno ng kasiglahan;
Mga hapag-kaina'y dinadagsa ng iba't-ibang kasaganaan,
Mumunting kislap sa bawat bahay ay pawang madadaanan,
At mga magigiliw na parol sa bawat poste'y isa-isang nagtitingkaran.

Habang ang lahat ay masiglang nagkakantahan,
Isang lalaki ang naglalakad sa makipot na eskinitang daanan,
Maruming damit, gusgusing katawan,
Balbasing mukhang mistulang mga puno sa isang mayabong na kabukiran.

Pasuray-suray n'yang tinahak ang kadiliman,
Dala ang isang boteng alak na kanyang nag-iisang kasamahan.
Mga lasing na hakbang ay pilit binibitawan,
Mumunting yapak patungong bahay na kubli sa kasayahan.

Pagdating sa bukana, bote'y itinapon sa pintuan.
Nagsusumigaw at pilit humihiyaw na siya'y agad na pagbuksan.
Isang babaeng puno ng pasa't sugat ang kanyang naalinagan;
Mayuming mukhang naging busangot ng dahil sa kahirapan.

Ilang minuto pa'ng nakakaraan,
Isang nakakakilabot na sigaw ang pumagitna sa masasayahang kantahan,
Iyak na pilit tinatago, pinipigilan ngunit sa huli'y sumuko't mabilis na nagsilabasan.

Ang katanungan, ano nga ba ang dahilan ng kasuklam-suklam na sigaw na nasaksihan?

Mistulang iyak ng pagkahabag ng kalangitan
Ang unti-unting nagsipatakan.
Ulang nakisabay sa nakakakilabot na kalagayan -
Binubugbog ng lalaki ang asawa; ang kanyang pinangakuan ng pag-iibigan,
Isang taon pa lamang ang nakakaraan!

Dugo'y nag-unahan sa pagpatak,
Nagsimula sa kanyang kaibuturan binaybay hanggang sa kanyang talampakan.
Babae'y nanghina't nagsumamo
Na tigilan na ng kabiyak ang pambababoy dito at sa *anghel
sa tiyan nito.

Ngunit ang tainga niya'y nagmistulang sungay;
Walang bahid ng pag-aalinlangang pinagpatuloy ang maling labanan.
Tengang-kawali't pinag-igihan pa'ng pagsipa't pagsuntok sa tinuturing n'yang kalaban.

Dala ng matinding droga, ang haligi ng kabahayan ay naging sundalo't kaaway sa sarili niyang tahanan.
Mistulang militar na naging ispeya't traydor sa dapat sana niyang pinagsisilbihang kaharian.

Ilang araw pa'ng nakalipas, isang nakakabangungot na kaganapan,
Ang naging usap-usapan sa pamayanan.
Isang inang nilapastangan ang nakitang walang malay, duguan at butas ang sinapupunan.

Sa gitna ng pighati't panlulumo,
Ang kampana'y muling umiyak ng pakikiramay.
Tunog ng madamdaming dalamhati.
Musikang malumanay,
.......dahan-dahang naghahatid sa inosenteng sumakabilang buhay.


*
Kling Klang... Kling.. Klang..
Bells and their ironies.
Nauubos na ang katas ng mga bulaklak sa hardin,
Gayundin ang mga dahong tila nagsasayawan sa bawat pagsipol ng hangin.
Unti-unting ring nanamlay ang mga iwinawagayway sa bawat pulong ipinagbigkis.
At maging ang bahaghari'y waring sanggol na nahihiyang magpakita't piniling magtitiis.

Sa pagtikom ng bibig ng tinuturing na demokrasya
Ay nasaan nga ba ang tunay na pagkalinga?
Na sa tuwing gumagayak ang mga nakapilang ekstranghero
Ay magsusulputan ang mga buwayang masahol pa sa nakawala sa hawla.

Sinisipat ang mga bulsang walang laman,
Para bang mga santo silang naghihintay sa alay na hindi naman nila pinaghirapan.
May iilan pa ngang susukli ng lason buhat sa kanilang mga bibig.
Matindi pa sa hagupit ng kidlat, kung sila ay magmalupit.

Doon sa kasuluk-sulukan ng kurtina sa entablado'y
Nagsitikom ang mga buwelta ng mga may puting kapa.
Sila sana ang pinakamakapangyarihan
Na hindi kung anong elemento ang pinagmumulan.
Sila sana ang pinapalakpakan,
Ngunit ang suporta'y wala naman palagi sa laylayan.

Taas-noo sila para sa bandilang pinilay ng sistema.
Bayani kung ituring ngunit sila'y napapagod din.
Nakakaawa, pagkat sila'y pinamahayan na rin ng mga gagamba
At kung anu-ano pang mga insektong noo'y itinataboy naman sa kanila.

Tangay nila ang armas na posibleng lunas sa kamandag,
Sila na rin mismo ang dedepensa't aawat
Sa paparating na mga kalabang hindi naman nila nakikita.
Ano nga ba ang laban nila?
Ano nga ba ang tagumpay na maituturing
Sa labang tanong din ang katapusan?

Samu't saring lahi na may iisang kalaban
Ngunit ang tanong ko'y, may iisa rin bang patutunguhan?
May iisang sigaw ngunit ang tinig ay wasak sa kalawakan.
May iisang mithiin ngunit ito'y panandalian lamang.
Pagkat sa oras na ang giyera'y mawaksian na rin,
Ang medalya't parangal ay tila isasaboy pa rin sa hangin.
Kung kaya lang nating saluhin ang bawat hinagpis,
Ang bawat sentimong
Tinutunaw ng humahagulgol na kalangitan.
At kung kaya lang natin syang sabayan
Sa mga gabing tinutukso na sya ng antok,
Tinutuklaw papalayo sa nais nyang direksyon.

Ngunit hindi sya magpapaubaya’t
Mananatili syang gising
Na parang naghihintay ng panibagong panimula —
Ng bagong punlang ihahasik at ihahabilin sa kanya
Ng tinuturing nyang “mahiwaga.”

At balang araw ay darating ang kanyang gantimpala,
Pagkat walang ibang naging saksi
Sa bawat butil na isinisilang
Na sya mismo ang nakikiramay.

At sa bawat burol
Ay nauubusan na rin sya ng dahilan
Sa kanyang pagtatago at pakikipaghabulan.
Pagkat sya na rin mismo ang nagiging libingan
Ngunit sya’y tatahan at maghahanap ng tahanan.

Patuloy ang kanyang panlilimos,
Patuloy ang kanyang pagkauhaw,
Ngunit patuloy din syang umaahon —
Yayakapin ang sarili’t tatahan.

— The End —