Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Omniest Wanderer Oct 2018
Nakakakilig, matatamis ang iyong mga ngiti
Nakakatunaw ang kinang sayong mga labi

Kakaiba ka sa pakiramdam, napakaganda mo sa loob
Napakaganda tignan ng mala alon mo na buhok

Sabi nila'y, ang mga taong may liwanag ay meron ding lalim
Ano nga bang nasa likod ng 'yong magagandang tanawin

Nais ko'y lumapit, ngunit papano ako bubwelo
Tunay ngang ang langit ay binabantayan ni san pedro

Ako'y manlalawig, at tumatawag si Laguna
Mukha atang mahirap na'kong pigilan animo'y pumapatak na luha

Nananaginip binibigyan ka ng kwentas ba o singsing
Bagamat ikaw ay isang bituin, sayo'y wala akong hinihiling

Sapat na saking nakatingala, kahit tingin sa sarili ay kawawa
Sapat na saking malaman ang presensya ng isang tala

Ang nais ko lang naman ay magpamalas ng paghanga
At sana, sana ay paglapitin din tayo ng tadhana
Jor Jun 2015
I.
Naalala ko pa dati nung tayo'y musmos pa lamang
Naglalaro tayo sa labasan ng habulan at tayaan.
Hindi ka tumitigil hangga’t tayo'y mapagod,
Pareho tayong hapong-hapo at basa ating likod.

II.
Hanggang sa eskwelahan tayo'y magkasama pa rin.
Magkaklase, nagkokopyahan sa mga takdang-aralin.
Nakikinig kunyari sa ****, at nagsusulat na rin.
Sabay kumakain sa tanghalian, hatian pa sa ulam.

III.
Hanggang sa tayo ay nangako sa isa’t-isa,
Nangako tayo na walang iwanan, hindi ba?
Tinupad mo ‘yun at ganun din ako sayo.
Ako'y nagbigay ng singsing sabay sa pangako natin.

IV.
Tumagal ang panahon, tila pakikitungo mo'y nag-iba/
Ang kaibigan kong kilala, sa akin ay nanlamig na.
Hindi ko alam kung anong problema kaya kinausap kita.
Tinanong ko kung anong nangyari, tugon mo'y malamig na; “Wala.”

V.
At nalaman ko nalang na may ibang kaibigan ka na pala,
Parati kong tinatanong sarili ko kung ako ba'y may nagawa
May nagawa ba akong hindi tama? Bakit ganun?
Paano? Paano na lamang ang pangako natin noon?

VI.
Hanggang ngayon, hindi pa rin ako naliliwanagan,
Sinubukan kitang kausapin, ngunit ako'y tinatalikuran.
Ganito pala kasakit ang maiwan ng isang kaibigan.
Ganito pala kasakit ang mawalan ng matalik na kaibigan.
solEmn oaSis Jun 2017
Tatlong Bituin at Isang Araw
Isang Bandila, Apat na Kulay
Dilaw Pula't Bughaw, Puting Dalisay
muling nagugunita sa aking balintataw!
Nasaan ka na nga ba?
tanong namin minsan ni kuya
habang sa amin si Bunso
iniaabot ang papel na piraso.
Nakatupi iyon at aking binuklat
nang masilayan ko...katotohana'y sumiwalat.
Damdamin ko'y halos gustong sumambulat
sumandaling napapikit, sa aking pagmulat
agad ko siyang hinagka't niyakap
tumulo ang luha, sarili'y hinagilap
hanggang matanto sa aking hinagap
Bunso kong Anak... Ina'y INAAPUHAP
Ang kanyang mga mata'y nangungusap
huwag malungkot! ibig kong ipakiusap
unti-unti ring matutupad mga pangarap
waring singsing...hinugis ng alapaap

Kahit walang ulan, posibleng magkabahag-hari
Hangga't may pag-asa, lumbay mapapawi
balang-araw mommy ninyo siguradong babawi
makakapiling din na parang buhawi
kasi di tayo gaya dati
dapat Apat tulad nitong  Talumpati
Kaso ang nailapat ay Labis
pagkat panulat ko di Lapis
Limang salita sa Bawat Taludturan
sa mga saknong sana'y matutunan

Kulang man kayo sa Pagmamahal
tayo'y Family Three na Literal
ako man ay naging Hangal
Mga Anak Kayo'y Aking Dangal
MAHAL KO KAYO! inyong tandaan
pagkat ako'y Haligi ng Tahanan
magmula pa sa inyong kamusmosan
hanggang Mahalin ang INANG BAYAN !!!

Philippines Independence Day June 12, 1898 - 2017
Ang Pamilya ang matibay na Pundasyon ng Lipunan.
Lipunan na may Pagkakaisa upang bumuo ng Malayang Gobyerno
Gobyernong magpa-HANGGANG NGAYON hangad at Ipinagbubunyi ang Araw ng Kasarinlan!
Na siya rin namang Araw ng Kalayaan!
" i Love You Daddy " that was what is written on a piece of paper my daughter Mimi gave to me!!!
and i am so touch!

Some people believe that the families generally like a beautiful box full of things they want: love, joy, companionship and other beautiful things;
But other times the word " family "
-can compare more likely into an empty box!!!
we must first put something inside it before we could get anything unto it.
Being a single Parent i realized that if we want love and joy...
we must raise affection, service and encouragement within to fulfill whatever emptiness ! and the release of more than we put in the box can make it  vacant!
cleo Oct 2015
Akoy naglalakad sa pulang tela,
May naka palibot na bulakalak,
Sa gilid ay may kandila,
May mga upuan  na kulay pula,
May mga batanng naglalakad na sa akiy nangunguna,

Isang batang lalaki ang aking nakita,
May dalang singsing ang aking hinala,
Akoy maraming kasama at silay nakaayos na,
May lalaking nakabarong na tila may hinihintay pa.

Teka ako ata'y nahuli na sa byahe nila "bakit ako nalang magisa?",
Akoy namangha silay nakatitig na,
Mga mata'y   nanghihila ,
Kayat paa ko'y humakbang na.

Tila nakaramdam ako na di makahinga,
Ako'y nakaputi at may mahabang tela,
May hawak na bulaklak,
May nakatabon sa mukha.

Ayan na ako'y malapit na sa altar na aking pinipilit makuha,
Natigil ang mundo ko ng may magsalita "You may now kiss the bride" daw ang aking hinala.
Akoy nagulat pagkat ako'y may kaharap,
Papalapit ang mga labi na sa aki'y nangungusap,

Ngunit may biglang tumawag "Cleo, ika'y gumising na't mag almusal,
Buti nalang at ako'y nagising at natigil ang KASAL.
#kasal(wedding)#panaginip (dream)
1.
Noong unang panahon, doon sa lupain ng Mindanao
Puro katubigan ang nangingibabaw
Binabalot nito mga kapatagan
Kaya mga tao’y nakatira sa kabundukan
(Once upon a time, in the land of Mindanao yonder
Rising almost was water
Covering the plains
So people reside on the mountains)

2.
Sa loob ng mahabang panahon
Mapayapa’t masagana doon
(For a time lengthy
There’s peace & prosperity)

3.
Hanggang sa dumating halimaw na apat
Salot at kasawian ang sumambulat
(Until arrive four monsters
Pestilence & death disperse)

4.
Si Kurita na maraming kamay
Kayrami ring sinaktan at pinatay
(Kurita with many arms
Also many it kills and harms)

5.
Nananatili ito sa bundok na tinutubuan ng rattan
Sa bundok na ang ngalan ay Kabalan
(It stays on the mountain where grew rattan
On the mountain named Kabalan)

6.
Mabangis na higante naman ang pangalawang halimaw
Kung tawagin siya ay Tarabusaw
(The second monster is a giant not tame
He is Tarabusaw by name)

7.
Sa Bundok Matutum ito ay nakatira
Panghampas na kahoy sandata niya
(On Mount Matutum it lives on
A tree club is its weapon)

8.
Ang pangatlo kung turingan ay Pah
O kaylaking ibon ng Bundok Bita
(Pah is the epithet of the third one
Oh bird of Mt. Bita so gargantuan)

9.
Kapag mga pakpak niya’y ibinukadkad
Kadiliman sa lupa’y lumaladlad
(When its wings are opened wide
Darkness on land do not hide)

10.
Sa Bundok Kurayan ang halimaw na panghuli
Isang dambuhalang ibon iri
(The last monster on Mt. Kurayan
Also a bird gigantic one)

11.
May pitong ulong lahat ng direksiyon ay tanaw
Grabeng maminsala ang nasabing halimaw
(With seven heads that can see on all directions
This monster brought so great devastations)

12.
Lubos na mapaminsala itong halimaw na apat
Kaya sa kanila takot ang lahat
(So destructive are these four monsters
That’s why them everyone fears)

13.
Maliban sa isang prinsipeng mula Mantapuli
Si Sulayman itong kaytapang na lalaki
(Except for one prince from Mantapuli
Sulayman is this man of bravery)

14.
Si Haring Indarapatra nagpabaon
Isang singsing sa kapatid niyang yaon
(Given by Indarapatra King
To that his brother a ring)

15.
Isa ring pananaim inilagay niya
Sa tabi ng kanyang bintana
(A plant he placed also
Beside his window)

16.
Kapag daw nalanta ang halaman
Kapatid niya’y inabot ng kasawian
(If that plant withers
Death to his brother enters)

17.
At si Sulayman nagtungo sa Kabalan
Tinalo si Kurita na kalaban
(And Sulayman to Kabalan went ahead
The foe Kurita he defeated)

18.
Pagkatapos ay sa Matutum dumalaw
Pinuksa naman si Tarabusaw
(After which to Matutum visited
Tarabusaw too was exterminated)

19.
Sunod na pinuntahan ay Bita
Napatay niya doon si Pah
(Next destination was Bita
There he was able to **** Pah)

20.
Pero dambuhalang pakpak sa kanya’y dumagan
Inabot si Sulayman ng kamatayan
(But he was crushed by the enormous wing
Death to Sulayman was reaching)

21.
Sa oras na iyon ay nalanta ang pananim
Kasawian ng kapatid batid ng hari’t nanimdim
(At that moment the plant shriveled
Brother’s death perceived by king and lamented)

22.
Labi ni Sulayman tinunton niya
Binuhay ang lalaki gamit ang tubig na mahiwaga
(Traced he the corpse of Sulayman
Using magical water resurrected the man)

23.
Si Sulayman ay nagdesisyong umuwi
Si Indarapatra’y haharapin ang kalabang panghuli
(Sulayman to home decided to go
Indarapatra will face the final foe)

24.
Sa wakas ay napuksa rin ang ibong may pitong ulo
Sa pag-uwi ng hari may nakilalang dilag ito
(At last slain was the bird with heads that are seven
Upon the king’s return he met a maiden)

25.
‘Di nagtagal nag-isang dibdib ang dalawa
At muling nagbalik katiwasayan sa lupa
(Not later the two wedded
And in the land serenity reverted).

-08/25-26/2013
(Dumarao)
*for Epic Day 2013
My Poem No. 223
solEmn oaSis Nov 2015
pahiwatig* _=
hayaan **** ang sumpong ng katahimikan ko
ang siyang maging gawi sa pag-sigaw ng puso ko
habang dumarampi sa iyo ang tatlong ihip ng hangin
sa tuwing ikaw ay nakaharap man o hindi sa salamin

bagamat ikaw nga at ako
magkabila man ang mundo
pinag-adya ng di sinasadyang destino
kagaya ng singsing na walang puno't dulo

dahil sa kahabaan ng lansangan
sa aking mga paglalakbay
lakbay-diwa kong tinatahak
kaibuturan ng hanap kong landas

kaakibat ng paalala **** may gabay
wag naman sanang maliligaw
itong puso kong pigil-hininga
**habang pinapakinggan-inaawit sa kanta.......
=_ himig
""" Di ko alam hanggang kailan tayo
Di ko mabago ang ikot ng mundo
Pero sama ka sa aking biyahe
Atin lamang ang araw na ito
Ang buhay ay sinasakyan lang yan
Di ko alam ang tungo kung saan
Pag sumama ka sa aking biyahe
iaalay ko ang puso ko ohhhh...""" (by Josh Santana)
astrid Feb 2018
ang huling pagkikita ay hindi mo man lang napansin.
minsan kang nasilayan sa ilalim ng mga bituin.
ilang buwan naghangad na ika'y makapiling;
kailan ka kaya mapapasaakin?

ang nais ko lang naman ay magkakilanlan -
magkita, magka-usap, maging magkaibigan.
limutin mo na ang iyong nakaraan,
gawing ako ang iyong kanlungan.

sa bawat gabi na ika'y pinapakinggan,
pagsidhi ng damdamin ay 'di maungusan;
sakit at pagod ay maiibsan
kung hanggang sa pagtulog ay ikaw ang pinagmamasdan.

pagmamasdan ang mga matang hapo,
ang mga gitarang sira ang capo,
ang amoy ng kape mula sa hininga mo,
pati ang paghilik **** nasa tono.

ang iyong damit na babad sa pawis,
at ang iyong sapatos na kumikinang sa kinis;
kung sa umaga'y bubungad ang ngiti **** kay tamis
ay hindi ko kailanman gugustuhing umalis.

at sa lahat-lahat ng kaya kong ilista,
habang ang lapis sa papel ay nabubura na;
sisimulan ko sa pangalan **** may pitong letra
hanggang sa kung paano ka tumatawa.

isusunod ko ang mga singsing sa iyong daliri,
habang ang buhok mo'y hindi na mahawi.
sa bawat galaw **** aking tinatangi,
at ang ala-ala mo'y patuloy na mananatili

pagkarupok ng puso ay lalong sumisidhi.
kapag ika'y nakikita, kulang nalang ay tumili,
maraming nagtataka kung bakit ikaw ang napili,
ngunit mahal, alam kong hindi ako nagkamali.

ang pagmamahal kong lubus-lubusan,
tila apoy na sinilaban;
sa'yo inialay ang bawat laban,
ngunit umuuwi akong laging luhaan.

kung gaano ko man gawing mahaba ang tulang ito,
mayroong ibang nagsusulat para sa'yo.
kahit ipilit ko pang gandahan ito -
hindi ko matutumbasan ang gawa ng nanalo.

at kahit magbilang pa ako ng bawat patak ng ulan,
na maaari namang bilangin nalang kung ilang beses akong luhaan;
dahil sa katotohanang hindi ako ang lulan
ng puso **** kay sarap sanang gawing tahanan.

oo, alam ko. hindi ako nagkamali.
dahil patuloy akong magmamahal kahit sa iba pa ako maitali;
patuloy kitang sisintahin sa bawat gabi
na ika'y natatanaw mula sa aking mga hikbi.

aking sinta, ikaw ang aking mundo,
mabura man ng hangin itong monologo,
mabaliktad man ito ay hindi magbabago,
at kung mangyari'y sana'y ako na ang iyo.
Robyn Mar 2016
nadala ako sa talang , may hawak ng buwan at bituin
na di hamak walang sinabi ang mga mamahaling bagay gaya ng singsing
nadala ako sa karagatan
punong puno ng bagay na di pa natutklasan
na kung san gusto kong sisirin
mga kayamanan, mga kasaysayan, mga inpormasyong dapat pang alamin

kaya ipagumanhin mo sana
kung ako'y hirap tumingin ng diretsuhan
sayong mga matang puno ng kabubuluhan
dahil takot lang akong mawala
sa mga titig **** kung san san akong puedeng idala

sa mga nakalipas na araw,
alam kong napansin mo
na sa lahat ng mga sinalihan ko
ay lagi lang akong talo
kaya sa ika-28 ng Marso
aking napagtanto
na gusto kong maligaw sa mga titig mo
sinasabi ko sayo,
makamit lang ang iyong oo,
katumbas na ito ng isang milyong **pagkapanalo
solEmn oaSis Jan 2022
sa paglikha ng tuwina kong katha
madama mo din sana ang kakatwa
ngunit nakasanayan ko nang pagtatwa
hinggil sa himpilan ng tagong lubha

naririnig kahit di man pakinggan
nahihilig saglit kundi man tanggihan
inaaliw pilit ang sarili sa kundiman
bumibitiw singkit kong ngiti panandalian

dahil sa dingding lang ang pagitan
hilahil ng singsing dagliang pasakitan
walang pasakalye kang papanigan
humarang pa sa kalye silang marasigan

sapagkat ang magtengang-kawali
sa pangkat ay sadyang balewala rin
kapit sa patalim talagang tatanggapin
kahit pa maitim pawang palipad-hangin

wala kasing malaking nakapupuwing
ika nga nitong napipintong
pagsalubong
niyong yaong paimbulog na daluyong
tila halinghing, pakiwaring
may naduduling

dagundong ng kulog kung maihahambing
ang gulat na sumilay sa mga mata mo
sa halip ang kalakip yaring halukipkip
namulaga't humimlay di nais matamo

yun bang sa kabila ng pagka tulog-mantika
nakuha pang magbuhat ng silya-elektrika
tagos sa buto ang hiwa ng pahiwatig
halos tanto ang tugatog na matigatig

may tainga ang lupa, may pakpak ang balita
ganyan ko maikukumpara Ang Mala - Palara
na sistema ng isang walang muwang na puwang
pag sa sandaling mag-pasaring ang ingay ng kulay

mala-abokado ang sapak' na mau-uLinigan
mansanas sa pagkapula sa kabalintunaan!
mga paksa na may pasak natutunghayan,
tuwing ang kapas ay sawing masasaksihan

" Ang dapat ay isang Wika sa Magandang ibubunga "
pambihira naman ang mga dalahira ,
wari bagang mapupunong inuugatan !
Martes pakatapos ng Lunes ! Linggo lang ba ang pahinga ?
I was suppose to say that
precious or not
misuse or important
I always neglect the fact
of those direct track
coming from the back
of my splitting spit of my pen
symbolically every now and then
solEmn oaSis Dec 2015
gaano man daw ang tatag
at tibay ng isang bagay,,
wag na wag **** hihingiin,
kasi tiyak bibigay !**
Sa aking paggising,
tangi ko lang hiling
di ko man marating
hiwaga ng singsing
maarok ko na rin sana
ang mensahe mo at tanikala
pagkat puso't diwa ko'y pinupukaw
makulay **** imahe--napakalinaw




[9 of 12 marked voices of a dozen clusters of letters
© copyright 2015 - All Rights Reserved
4 DAYS until Christmas
kaba ~~~ beat
4-letter word
" Light of a thousand stars
     do not make bright Night "
" Nothing beats natural high "
get high with Jesus,He is
the Light, the Life
and the Way!
He who ever follows Him
will have the light of life!
22 Mula takipsilim ng kabayanihan
Sila Alyna’t Birio’y nagkagustuhan

23 Lumipas ang mga araw at nagkakilala pa
Nang lubusan ang dalawa

24 Loob mas lalong napalapit
Tulad ng mga tinginang malagkit

25 Ang dalaga na ang naghatid mismo
Nang mga uling sa bahay nina Birio

26 Binigyan si Alyna ng pulseras
Gawang hikaw, singsing at kwintas

27 Pag-ibig naglulubos umapaw
Kasalan na ang tinatanaw

28 Ng mga kaanak ng magkasintahan
Madali ring nasang-ayunan.

-07/16/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 172

— The End —